Chapter Kabanata 39

"KIAH, are you okay? May sakit ka ba? Para kasing namumutla ka."

Mula sa labas ng bintana ay nilingon ni Kiah si Gavin nang sabihin nito iyon. Katabi niya ang lalaki sa backseat ng sasakyan na naghahatid sa kanila sa pagpasok at pag-uwi mula sa unibersidad. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala habang nakatingin sa kaniya.

"W-Wala ito, Gavin. Hindi lang siguro ako nakatulog nang maayos kagabi," pagsisinungaling niya rito.

Pero nagawa man niyang magsinungaling sa lalaking kaharap, alam ni Kiah na hindi niya kayang magsinungaling sa kanyang sarili.

Alam niyang kaya siya matamlay at walang kagana-gana ay dahil ramdam pa rin niya ang sakit sa kanyang puso. Hanggang sa mga sandaling iyon, hindi pa rin lubos-maisip ni Kiah kung bakit kailangan niyang masaktan.

Nagmahal lang naman siya. Walang nagsabing ibigay niya ang lahat para sa lalaking mahal niya, pero bakit kailangang ganoon kasaklap ang maging kabayaran?

Ikakasal na ang lalaking mahal ko sa babaeng karapat-dapat sa kaniya. Sila talaga ang nababagay sa isa't isa. . . Hindi na dapat ako umasa pa.

Ang mga katagang iyon ang paulit-ulit na naglalaro sa isip ni Kiah, at sa tuwing naiisip niya iyon ay bumibigat nang husto ang kanyang dibdib. Nahihirapan rin siyang huminga na tila ba may mabigat na kamay ang sumasakal sa kanyang leeg. Nasasaktan siya at kulang ang mga salita para ipaliwanag kung gaano iyon kasakit.

Hanggang sa namalayan na lamang ni Kiah na may daliring humahaplos sa kanyang pisngi. Agad siyang napalingon kay Gavin dahil doon.

"Don't cry, Kiah. . ."

Napamaang siya sa sinabi ng kaharap at saka dali-dali niyang kinapa ang kanyang pisngi. At ganoon na lamang ang gulat niya nang masalat na basa na pala iyon ng mga luha. Sa lalim ng kanyang iniisip, hindi niya napansin na umiiyak na pala siya.

"P-Pasensya na," hinging-paumanhin niya kay Gavin at saka tumungo.

Hindi kasi makayanang tingnan ng dalaga ang nang-uusig na mga tingin ng lalaki. Marahil ay nagtataka ito kung bakit siya nagkakaganoon.

Narinig niyang bumuntong-hininga si Gavin. Sa sulok ng kanyang mga mata, nakita niyang bumaling ang binata sa driver ng sasakyan kung saan sila nakalulan.

"Mang Simeon, 'wag mo muna kaming idiretso sa school. Hindi kasi maganda ang pakiramdam ni Kiah, e. Ako na lang ang bahalang magpaalam sa school at saka kina Mom and Dad," anang lalaki sa driver.

Nagulat si Kiah sa narinig dahilan upang bumaling siya kay Gavin. "O-Okay lang ako, Gavin. Kaya kong pumasok," pigil niya rito. Hinawakan pa niya ito sa kanang braso upang awatin.

"You're not okay, Kiah. 'Wag matigas ang ulo mo," singhal nitong biglang sumeryoso ang anyo. Matapos niyon ay muli itong bumaling sa kanilang driver. "Mang Simeon, alam mo ba 'yong flower farm malapit sa school?"

"Iyon bang The Happy Sanctum ang pangalan, Sir?" sagot naman ni Mang Simeon.

"Iyon nga po. Pakidala n'yo nga po kami d'on, Mang Simeon. Don't worry, hindi po ito makararating kina Mom and Dad," pangungumbinsi pa ni Gavin sa may edad ng driver.

"Okay, Sir."

"P-Pero Gavin, baka malaman ito ng mga magulang mo. Baka makarating sa kanilang lumiban tayo sa klase," tutol naman ni Kiah sa binata. Subalit marahan lamang itong ngumiti sa kaniya matapos ay umiling.

"'Wag mo muna 'yong isipin, Kiah. Ang importante, maging okay ka. At saka, minsan lang naman 'to. Sulitin na natin."

Matamis pang ngumiti ang binata kay Kiah dahilan upang muli niyang maalala ang lalaking minamahal sa katauhan nito.

Magkamukha kasi ang magkapatid. Iyon nga lamang, mas lalaking-lalaki ang dating ni Aki kaysa kay Gavin. Ngunit kahit ganoon, may angkin rin namang kakisigan si Gavin. Patunay lamang niyon ay ang pagiging kilala nito sa unibersidad na kanilang pinapasukan.

Sikat ang binata partikular sa mga kababaihan. Ang ilan pa nga sa mga kamag-aral ni Kiah ay may paghanga sa binata. Kaya't nang malaman ng mga ito na sa iisang bahay lamang sila umuuwi ni Gavin, halos araw-araw siyang tinutukso sa lalaki.

Subalit hindi na lamang pinapansin ni Kiah ang tukso ng mga ito. Isa pa, ayaw niyang isipin ni Gavin na may gusto siya rito. Isang mabuting kaibigan kasi ang tingin niya sa binata.

• • •

"WOW! Ang ganda-ganda naman dito!" bulalas ni Kiah nang marating nila ang flower farm na tinutukoy ni Gavin.

Napakagandang tingnan ng flower farm para kay Kiah. Kahit saan siya tumingin, puro bulaklak ang nakikita niya. Mayroong rose, tulips, dahlia, lavender, sunflower, chrysanthemum, orchids at iba pa na hindi niya mawari kung ano ang mga pangalan.

Nakaramdam siya ng pag-gaan ng dibdib habang nakatingin sa makukulay na bulaklak sa kanyang paligid. Ang presko rin ng tanawin na iyon sa kanyang mga mata. Pansamantala, nakalimutan ni Kiah ang lungkot na dinaramdam sanhi ng pagkabigo.

"Nagustuhan mo ba?" nakangiting tanong ni Gavin sa dalaga nang makaupo sila sa bench na yari sa kahoy.

Mula sa kinaroroonan nila, kitang-kita ang napakalaking ektarya ng flower farm. Mayroon ring punong namumunga sa hindi kalayuan, may maliit na fish pond at mini fountain rin. Ang farm na iyon ay bukas para sa mga nais bumisita. Mura lang ang entrance fee roon. At kung gusto naman ng mga bisita na bumili ng sariwang bulaklak at gawing bouquet ay pwede rin.

Marahang tumango si Kiah sa lalaki habang hindi inaalis ang tingin sa magagandang bulaklak sa kanyang harapan. "Oo, nagustuhan ko. Maraming salamat, Gavin."

"Ang sabi nila, isa ang bulaklak sa mga nagpapasaya sa isang babae, kaya kita dinala rito. Sana gumaan ang kung ano mang nararamdaman mo, Kiah."

Ginawaran ni Kiah ng isang kiming ngiti ang binata. "Nakatulong nga ito. Maraming salamat ulit, Gavin," sinsero niyang wika saka muling ibinalik ang paningin sa magagandang bulaklak.

"So. . . pwede mo na bang sabihin kung bakit ka umiiyak kanina?" tanong pa ng lalaki na ikinatigil naman ni Kiah. "Tungkol ba kay Kuya Akihiro?"

Sa pagkakataong iyon ay nilingon ni Kiah ang binata at nakaramdam siya ng pagkailang nang makitang kakaiba ang paraan ng pagtingin nito. Parang may kasamang galit at lungkot.

Mabilis na iniiwas ni Kiah ang paningin sa kausap at saka muling ibinaling sa makukulay na bulaklak sa kanyang harapan. "A-ano naman ang tungkol sa kuya mo? B-bakit siya nasama sa tanong mo?" balik-tanong niya sa binata. Sinikap rin ni Kiah na huwag mautal sa harapan nito.

"Kagabi ko pa napapansin na weird ang ikinikilos mo simula no'ng dumating si Kuya Akihiro, Kiah," anang Gavin na nakapagdulot ng matinding kaba kay Kiah. Ramdam rin niya ang panlalamig ng mga palad kahit mainit-init naman ang panahon ng mga sandaling iyon. "Please tell me, do you love my brother, Kiah?"

"A-ano bang sinasabi mo, Gavin? Hindi kita maintindihan," aniyang tila tinatambol ng matindi ang kanyang dibdib.

"Hindi ako bulag, Kiah. Alam kong mahal mo si kuya," wika pa ng lalaki na nakapagpasinghap kay Kiah. "Noon pa, parati kitang nahuhuling nakatingin kay Kuya Akihiro. At every time na tinitingnan kita, kakaiba ang ngiti mo, Kiah."

Nanatiling hindi kumikibo ang dalaga. Ni hindi niya kayang tingnan si Gavin dahil ayaw niyang makita nito ang nagbabadyang luha sa kanyang mga mata. Napakasakit ng kanyang dibdib. Sa pakiwari niya, tila may punyal na nakatarak sa kanyang puso dahil doon.

"Com'on, 'wag ka nang maglihim, Kiah. 'Di mo maitatago 'yong feelings mo towards kuya. Hindi ka gan'on kahirap basahin," dagdag pa ng binata.

Sa pagkakataong iyon, hindi na napigilan pa ni Kiah ang sariling maiyak. Isa pa, alam niyang kahit anong pagtanggi ang gawin niya kay Gavin, hindi pa rin ito maniniwala. Lalo pa nga't nanggaling na mismo sa lalaki na hindi niya maitatago ang nararamdaman.

Tahimik na umiyak si Kiah habang ang binata naman ay panay ang paghagod sa kanyang likod. Ngunit kahit ganoon, ni katiting ay hindi nabawasan ang sakit na nararamdaman ng dalaga sa kanyang dibdib. Pero sa isang banda, nagpapasalamat siyang kasama niya si Gavin nang mga sandaling iyon. Kahit papaano, nararamdaman niyang hindi siya nag-iisa.

"Alam mo ba kung bakit pumayag si Kuya Akihiro na sumama ka sa'kin pag-uwi kina Mom and Dad?" mayamaya ay saad ni Gavin. Nahinto si Kiah sa pag-iyak at mabilis na pinunasan ang kanyang luha, matapos ay bumaling sa lalaki.

"B-bakit?" tanong niya rito. Nais rin kasi niyang malaman ang totoong dahilan kung bakit basta na lang siyang ipinasama ni Aki sa nakababatang kapatid pag-uwi sa mga magulang nito.

"Dahil sinabi ko."

"Sinabi mo?" maang na tanong ni Kiah. Hindi niya lubos maunawaan ang sinasabi ng lalaki.

"Oo, ako ang nagsabi na gusto kitang isama," pag-amin ng lalaki na ikinagulat niya.

"P-pero bakit?"

Nagulat si Kiah nang biglang gagapin ng binata ang palad niya na nasa kandungan niya. Dahilan upang pukulin niya ng nagtatanong na tingin ang kaharap. Nakita naman niyang bumuga muna ito ng hangin bago nagsalita.

"Dalawang rason, Kiah. First is because I like you. . . Second, dahil alam kong walang feelings para sa'yo si kuya. Ayaw kong umasa ka sa kan'ya, Hezekiah. . ."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.