Chapter Kabanata 40

PAG-UWI galing sa flower farm ay binilhan pa ni Gavin si Kiah ng isang bouquet ng white roses. Matapos niyon ay nagdesisyon na ang dalawang umuwi na. Pagdating ng mga ito sa bahay, naabutan nilang nasa sala si Mrs. Tetsuya at Akihiro na tila seryoso ang pinag-uusapan.

Nagulat pa nga si Kiah nang malamang naroon pa pala ang binata. Ang buong akala kasi ng dalaga ay nakauwi na ito kanina pang umaga.

"Oh, hijo? Ang aga naman yata ninyong umuwi ni Hezekiah?" agad na salubong ni Mrs. Tetsuya sa pangalawang anak. Bakas ang pagtataka sa mukha nito habang nakatingin sa mga bagong dating.

Nahihiya namang napayuko na si Kiah. Lalo pa nga't nakita niyang matamang nakatingin si Aki sa kan'ya. Hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin sa ginang kaya hinayaan niyang si Gavin na lamang ang sumagot niyon.

"Mom, I'm sorry, hindi kami tumuloy sa pagpasok dahil masama ang pakiramdam ni Kiah. Dumaan rin kami sa flower farm para ma-refresh 'yong isip ni Kiah. Stress kasi siya sa school e," pagdadahilan ni Gavin sa kanyang mommy pagkatapos ay naupo sila ng dalaga sa sofa.

"Hey, kuya! Akala ko umuwi ka na?" bati pa ni Gavin sa kanyang Kuya Akihiro.

Kumunot ang noo ni Gavin nang hindi sumagot ang Kuya Akihiro niya. Diretso lang ang tingin nito kay Kiah na noon ay nakatungo sa mga palad. Hindi rin niya alam kung maniniwala siya sa nakikita, pero galit ang nababasa niya sa mga mata ng kanyang kuya.

Nagseselos ba siya? Akala ko, wala siyang gusto kay Kiah? isip-isip ni Gavin habang masusing pinagmamasdan ang elder brother.

Bumukas ang pag-aalala sa mukha ng ginang nang mapatingin kay Kiah. "Are you okay, hija? Are you sick?" sunod-sunod pang tanong nito saka tumayo at tumabi sa dalaga. Sinalat pa ni Mrs. Tetsuya ang noo ng dalaga upang alamin kung may lagnat ito.

"W-wala po akong lagnat. Medyo masama lang po talaga ang pakiramdam ko, Mrs. Tetsuya," nahihiya namang sagot ni Kiah sa mabait na ginang saka muling tumungo sa kanyang mga palad.

"Ano ka ba naman, hija. Ang sabi ko sa'yo, Tita Eliza na lang ang itawag mo sa'kin, e. Anyway, are you sure, you're okay?" paniniguro pa nito sa dalaga.

Mabilis namang tumango si Kiah sa ginang at saka kiming ngumiti rito. "O-Opo, ayos lang po ako. Masakit lang po ang ulo ko."

"O siya, sige," anang Mrs. Tetsuya saka bumaling kay Gavin na noon ay nakatingin lang sa mga ito. "Gavin hijo, pakihatid mo na si Hezekiah sa room niya at may importante tayong pag-uusapan. Dumiretso ka na lang ng library," bilin pa ng ginang sa pangalawang anak saka tumayo na.

"Yes, Mom," agad na sagot ni Gavin saka tumayo at lumapit kay Kiah. "Let's go, Kiah. Hatid na kita sa room mo."

"S-Sige," ani Kiah saka tumayo at kiming ngumiti kay Gavin.

"Ako na ang maghahatid sa kan'ya, Gavin. May sasabihin rin ako kay Kiah," biglang sabat ni Akihiro na ikinamaang ng lahat lalong-lalo na si Hezekiah.

Pero mukhang hindi iyon pansin ng binata dahil seryoso lamang ang anyo nito at walang emosyong mababasa sa mukha.

Hindi alam ni Kiah kung ano ang magiging reaksyon sa nangyayari. Pakiramdam pa nga niya ay lalong sumakit ang kanyang ulo dahil sa halo-halong emosyon na nararamdaman nang mga sandaling iyon.

"Are you sure, Kuya Akihiro?" naniniguro pang tanong ni Gavin sa kanyang kuya.

Gusto sana niyang tumutol sa gustong mangyari nito dahil ayaw niyang magkaroon na naman ng false hope si Kiah sa kanyang kuya. Pero naisip rin niyang baka may importante lang talaga itong sasabihin rito.

"Yeah," saad nito sa kapatid na hindi man lang tumitingin at saka lumapit kay Kiah at hinawakan ang dalaga sa pulsuhan. "Let's go, Kiah."

Maang namang tumango na lamang si Kiah sa lalaki. Ramdam niya ang matinding kaba habang hawak ng binata, dahilan upang mabitiwan niya ang bouquet ng rosas na ibinigay ni Gavin sa kan'ya. Mabilis namang pinulot iyon ni Gavin sa sahig at muling inabot sa dalaga.

"Kiah," anang Gavin sabay abot ng bulaklak na nabitiwan ng dalaga.

"S-salamat, Gavin."

"Anak, please hurry, okay? Kanina pa ang Dad mo sa library at hinihintay tayo," ani Mrs. Tetsuya sa panganay na anak.

"Yes, Mom."

Tumalikod na ang dalawa sa mga ito. Samantalang naiwan naman si Gavin at si Mrs. Tetsuya na noon ay nakasunod lamang ng tingin sa mga ito. Balot ng pagtataka ang ginang lalo pa't kitang-kita niya na kung paano nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng magkapatid.

• • •

"Totoo bang masama ang pakiramdam mo kaya 'di kayo pumasok ng kapatid ko? O baka naman nag-date lang kayo?"

Napamaang si Kiah sa tanong na iyon ni Aki. Naroon na sila sa labas ng kanyang silid at akma na sanang papasok nang magsalita ito. Hindi rin niya gusto ang paraan nito ng pagtatanong.

Tila ba nais nitong sabihin na nagdahilan lamang sila ni Gavin kung bakit sila lumiban sa klase. Hindi rin niya mawari kung galit ba ang nababasa niya sa mga mata ng lalaki habang nakatingin sa kan'ya.

"A-ano bang sinasabi mo? H-hindi kita maintindihan," kalmado pa ring sagot ni Kiah sa lalaki kahit pakiramdam niya ay dumoble pa yata ang sakit ng ulo niya.

Nagulat si Kiah nang bigla siyang kabigin ng lalaki at isandal sa dahon ng pinto. Napangiwi pa siya nang makaramdam ng sakit sanhi ng pagkakatama ng kanyang likod sa matigas na kahoy na pinto.

"May relasyon ba kayo ni Gavin, Kiah, ha?" mariing tanong ni Aki sa kan'ya.

Inilapit pa nito nang husto ang mukha sa kaniya habang matalim ang tinging ipinupukol. Naramdaman rin niyang humigpit ang pagkakahawak nito sa pulsuhan niya kaya naman lihim siyang napadaing sa sakit.

"A-ano ba? Nasasaktan ako sa ginagawa mo. . ." daing ni Kiah habang nakatingin sa galit na anyo nito.

Ni hindi matagalan ng dalaga na tumingin sa mga mata ng binata dahil natatakot siya sa galit na nababasa niya roon. Nag-umpisa na rin siyang makaramdam ng panginginig ng katawan.

"'Di kita bibitiwan hangga't hindi mo sinasabi ang totoo, Kiah," anang Aki na may kalakip na pagbabanta sa tinig habang pinagmamasdan siya ng matalim. "May relasyon ba kayo ng kapatid ko?"

Kahit balot ng takot at matinding kaba dahil sa ipinapakitang galit ni Aki ay nagawa ng dalaga na salubungin ang masamang tingin nito. Wala siyang ideya kung bakit nagagalit ang lalaki sa kan'ya. Ni hindi niya alam kung may nasabi o nasabing masama upang magkaganoon ito.

Hindi rin niya maunawaan kung bakit kailangan pa nitong itanong kung may namamagitan sa kanila ni Gavin. Oo nga't umamin ng tunay na nararamdaman ang binata sa kan'ya pero alam ni Kiah na hindi niya kayang suklian ang damdamin nito. Tanging kaibigan lamang ang tingin niya kay Gavin at bukod doon ay wala na.

Lumunok muna si Kiah upang alisin ang bara sa kanyang lalamunan saka buong tapang na sinalubong ang nang-uusig na tingin ni Aki sa kan'ya. "Ano naman sa'yo kung mayroon nga kaming relasyon ng kapatid mo? Hindi mo na dapat iyon pinakikialaman," lakas-loob na tugon ni Kiah sa lalaki. Siguro, mas mainam nang isipin nitong may relasyon sila ng kapatid nito para pareho na silang matahimik.

Mahal niya si Akihiro, ang lalaking nagturo sa kan'ya ng lahat. Ang lalaking laging nariyan sa t'wing kailangan niya. Ang lalaking bumago ng kanyang buhay. Mahal niya ito, mahal na mahal. Kahit pa nga alam niyang walang pag-asang mahalin siya nito pabalik.

Hindi rin niya pinagsisisihan na ibinigay niya rito ang lahat dahil masasabi niyang isa iyon sa magagandang nangyari sa kanyang buhay.

Mahal niya si Akihiro kahit nakatakda na itong ikasal na iba. Subalit simula sa araw na iyon, nagdesisyon na ang dalaga na tuluyang ilihim ang tunay na nararamdaman para na rin sa ikabubuti ng lahat.

Naramdaman ni Kiah na lumuwang ang pagkakahawak ng lalaki sa braso niya matapos iyong marinig. Lumambot na rin ang ekspresyon ng mukha nito habang nakatingin sa kan'ya.

"Yeah, you're right. Ano bang pakialam ko?" natatawa pang sagot ni Aki at saka umiling-iling. "Sige na, pumasok ka na at magpahinga," anito pagkatapos ay lumayo na sa dalaga.

Parang gusto namang bawiin ni Kiah ang sinabi nang makita ang lungkot sa mga mata ng lalaki. Ngunit bago pa niya gawin iyon, tumalikod na ito at naglakad palayo. . . palayo sa puso niya. . .

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.