Chapter Kabanata 42

Pagkatapos masiguro ni Akihiro ang seguridad ng pamilya, muling lumuwas ng Maynila ang lalaki para magtungo sa pier kung saan ayon sa Intelligence, ay muling may nagaganap na kahina-hinalang pagkakarga ng shipments sa pangunguna ni Alejandro Montenegro.

Alas-onse na iyon ng gabi kaya naman wala nang masyadong tao ang naroroon sa pier. May pailan-ilan man, ito ay iyong mga nagkakarga ng shirpmee na kailangang ibiyahe ng cargo vessel.

Bitbit ang Calibre 45 na may silencer at spy camera na gamit niya para kuhanan ng footage ang nangyayaring operasyon, maingat na tinahak ni Aki ang isang container truck at doon kumubli. At tama nga ang nakuhang niyang report sa Intelligence na may nagaganap na operasyon doon.

Katulad no'ng una, nakita ni Aki si Alejandro Montenegro na minamandohan ang mga tauhan sa pagkakarga ng mga malalaking kargamento. May sampu o higit pang kahon ng shipments ang nakikita ni Akihiro na isinasakay sa cargo vessel na nakahimpil sa daungan.

At dahil bahagya siyang malayo sa kinaroroonan ng mga ito, nag-isip ang lalaki ng paraan kung paano makalalapit pa nang husto upang marinig ang sinasabi ni Alejandro Montenegro sa mga tauhan nito.

Eksakto namang may namataan siyang owner-type jeep na nakahimpil ilang metro mula sa lugar. Marahil ay isa ito sa mga sasakyang gamit ng tauhan ni Alejandro. Naisip niyang kung makakapunta siya roon ay tiyak na maririnig niya ang pinag-uusapan ng mga ito.

Mabilis siyang naglakad-takbo patungo sa kinapaparadahan ng sasakyan, at dahil nga bahagyang nakatalikod sa gawi niya ang mga armadong tauhan nito ay walang nakapansin sa kan'ya. Isa pa, suot niya ang itim na overall suit na ginagamit niya sa t'wing siya ay may misyon.

Nang marating ang jeep, padapang dumausdos si Aki sa semento at umilalim sa naturang sasakyan. At doon, bahagya niyang inginuso ang maliit na spy camera at kinuhanan ang nangyayaring operasyon. Malinaw na rin niyang naririnig ang pinag-uusapan ni Alejandro Montenegro at ng isang lalaki na sa tingin niya ay kanang-kamay nito.

Parehas na nakasuot ng black suit ang dalawang lalaki. Ang mga tauhan naman nito ay mga nakasuot din ng itim na jacket at pawang kargado ng malalakas na kalibre ng baril.

"Attorney, sigurado ka na bang naayos mo na ang papeles ng mga shipments sa Bureau of Customs? Sabes, no quiero que mi negocio fracase, (Alam mo naman na ayaw kong sumabit ang negosyo ko,)" ani Alejandro Montenegro sa katabi nitong lalaki.

Kahit may kasamang wikang Espanyol, bahagya niyang naunawaan ang sinabi nito dahil inaral nila ang wikang iyon noong nasa college pa lang siya. Kung gan'on, may kasabwat ang mga ulupong na ito sa Customs?

"Claro, Señor Montenegro. Todo esta en orden, (Syempre, Mr. Montenegro. Lahat ay nasa maayos,)" anang Attorney.

"Very good! Hinihintay na ni Mr. Wei ang shipments na 'yan. Kailangang makarating sa pier ng Cebu ang mga baril na 'yan sa tamang oras," saad pa ni Alejandro Montenegro sa kausap na abogado.

Kung gan'on, mga baril ang laman ng shipment! Ang mga hayop!

Nagkuyom ang mga kamao ni Aki habang pinakikinggan ang usapan ng dalawang lalaki. Talagang napakasama ni Alejandro Montenegro. Hindi pa nga tapos ang paglilitis sa kaso ng animal ay heto na naman at gumagawa ng labag sa batas.

"Anyway Attorney, si Mr. Go ang next na kliyente natin. Ayusin mo na ang papeles para makalusot sa Customs ang mga baril. Entiendes? (Naiintindihan mo?)"

"Si, Señor! (Yes, Sir!)"

Pagkatapos mag-usap ng dalawang lalaki ay sumakay na ang mga ito sa black limousine na nakaparada sa hindi kalayuan. Maging ang pagsasakay ng shipments sa barko ay tapos na rin.

Mabilis na pinatay ni Akihiro ang camera at saka nanatili sa ilalim ng jeep. Mayamaya pa nga, narinig na niyang nagsakayan na ang mga tauhan ni Alejandro sa sasakyang iyon.

Hindi muna siya umalis sa ilalim ng jeep dahil malaki ang posibilidad na makita siya ng mga ito. Kung kaya't inilapat muna niya nang maayos ang sarili na ilalim niyon upang huwag madaanan ng gulong ng sasakyan habang hinintay na umandar iyon.

Ilang sandali pa nga, bumuhay na ang makina ng sasakyan at agad na umandar kasama ng iba pang sasakyan na naroroon. At bago pa siya makita nang mga ito, gumulong na siya patungo sa isa pang van na nakaparada malapit sa kinaroroonam at saka nagtago.

Kailangan kong malaman kung kailan ang next operation, at doon ko sila susurpresahin! ani Aki habang sinusundan ng tingin ang papalayong sasakyan ng mga ito.

Ngunit ang hindi alam ni Akihiro, may nagbabantang panganib na paparating sa kanilang mag-anak.

❇ ❇ ❇

Masama man ang pakiramdam ni Kiah nang umagang iyon, ngunit nagpilit siyang pumasok. Ayaw kasi niyang palaging lumiliban sa klase dahil ayaw niyang nahuhuli sa kanilang mga aralin. Hindi na rin niya sinabi pa kay Gavin ang kanyang nararamdaman dahil natitiyak niyang hindi ito papayag na pumasok siya.

Halos isang buwan na siyang ganoon. Masama ang pakiramdam sa umaga, masakit ang ulo, at matamlay. Napapansin din niyang nagiging pihikan siya sa mga kinakain na lubusan niyang ipinagtataka. Hindi naman kasi siya ganoon dati. Ngunit ipinagsawalang bahala na lamang niya ang nararamdaman at inisip na baka dala lamang iyon ng stress niya sa pag-aaral.

Talaga kasing nahihirapan siyang makasabay sa mga aralin nila. Mabuti na nga lamang at lagi siyang nagbabalik-aral pag-uwi niya sa bahay. Laking pasalamat din niya kay Gavin na lagi itong handa na turuan siya sa kanyang mga aralin kahit alam niyang abala rin ito sa sariling pag-aaral.

Napapansin din ni Kiah na simula nang umamin ang lalaki ng damdamin nito sa kan'ya, ay mas lalo itong naging malambing at maasikaso. Lantaran na rin nitong ipinapakita sa kaniya ang tunay nitong nararamdaman.

Wala namang magawa si Kiah para roon kung kaya't hinahayaan na lamang niya ito. Ngunit minsan, nakararamdam din siya ng pagkaasiwa kapag naglalambing ito sa harap ng mga magulang nito.

Minsan tuloy, ay nagkukulong na lamang siya sa kanyang silid sa t'wing tapos na ang kanyang gawaing-bahay nang sa gayon ay maiwasan niya ang lalaki. Hindi kasi talaga siya komportable sa mga ginagawa nito para sa kan'ya.

Pagdating sa unibersidad, nagprisinta pa si Gavin na ihatid siya sa kanyang classroom na pinaunlakan naman niya. Masama kasi talaga ang pakiramdam niya kaya't minabuti na lamang niyang samahan siya nito paakyat sa ikalawang palapag ng Education building.

"Maraming salamat sa paghatid, Gavin," ani Kiah sa lalaki saka bahagyang ngumiti rito. Pilit rin niyang itinago ang pagsama ng mukha dahil sa naramdamang kirot ng ulo.

Matamis naman na ngumiti si Gavin sa dalaga. "Wala iyon, Kiah," anang lalaki saka iniabot ang dalawang libro niya na hawak nito. "O siya, mauna na 'ko. Sunduin na lang kita mamaya. 'Bye!"

Sinundan na lamang niya ng tingin ang binata hanggang sa mawala na ito sa kanyang paningin. Matapos ay tuluyan na siyang pumasok sa silid. Nagtaka pa siya nang halos sabay-sabay na tukso ang bumungad sa kan'ya mula sa kanyang mga kaklaseng babae.

"Oh my gosh, Hezekiah! Mag-asawa na ba kayo ni Gav? Sabay kasi kayo laging pumapasok at umuuwi e!" bulalas ng kamag-aral at kaibigan niyang si Celine pagkaupo niya.

"Oo nga, girl! Ang sweet-sweet pa ni Papa Gav sa'yo!" segunda naman ni Ellie, isa rin sa kanyang kaibigan.

"You're so lucky, Kiah, girl! Napaka-suplado kaya ni Gavin! Walang kinakausap 'yan sa school. Puro aral lang ang inaatupag, palibhasa scholar. Wala nga kong nabalitaan na may naging girlfriend siya e," nakanguso namang sabat ni Haley sa kan'ya.

Ang tatlong iyon ang itinuturing ni Kiah bilang mga kaibigan. Kahit kasi galing ang mga ito sa mayamang pamilya, hindi siya nilayuan ng mga ito. Kahit pa nga sinabi niyang namamasukan lamang siyang katulong sa pamilya ni Gavin.

Hinilot muna ni Kiah ang sentido dahil pakiramdam niya ay lalong tumindi ang sakit ng kanyang ulo ng mga sandaling iyon. Idagdag pang bahagya rin siyang nakaramdam ng pagkahilo nang mga oras na iyon.

"Ano ba naman kayo. Sinabi ko naman sa inyong magkaibigan lang kami ni Gavin. At hindi kami mag-asawa, ano? Anak siya ng amo ko," nakangiwi niyang turan sa mga ito.

"Sus! Alam naman naming kinikilig ka d'yan. 'Di ba, girls?" tudyo pa ni Celine sa kan'ya.

Muli niyang hinilot ang kanyang sentido bago sumagot sa kaibigan. "Kayo talaga, kung anu-ano ang iniisip ninyo," aniya habang panay ang hilot sa noo. Pakiramdam niya ay lalo yatang nanakit ang kanyang ulo sa mga sinasabi ng mga ito.

"Are you okay, girl? Namumutla ka yata?" nag-aalalang tanong ni Ellie sa kan'ya. Marahil ay napansin nito na may dinaramdam siya.

"God! Oo nga, Ellie's right. You look pale, Kiah! Are you okay? May sakit ka ba?" segunda ni Haley sabay salat sa kanyang noo. "Hindi ka naman mainit."

Nang mga sandaling iyon, pakiramdam ni Kiah ay umiikot ang kanyang paningin kasabay ng matinding pananakit ng ulo. Hindi rin niya alam kung bakit tila siya kinakapos ng hininga.

Napayuko na lamang tuloy siya sa kanyang desk dahil doon at hindi na pinasin pa ang mga kaibigan. Pero agad rin siyang nag-angat ng ulo nang makaramdam na tila babaliktad ang kanyang sikmura.

Dali-dali siyang tumayo upang sana ay lumabas at magtungo ng banyo ngunit hindi pa siya nakalalayo nang muling umikot ang kanyang paningin at nagdilim na sa kan'ya ang lahat.

❇ ❇ ❇

Nagmulat si Kiah ng kanyang mga mata nang maramdaman na may humawak sa kanyang kamay. At kahit bahagya pang nanlalabo ang kanyang mga mata, naaninag niya si Gavin na nakatunghay sa kan'ya.

"Kiah. . ." masuyong pagtawag ni Gavin sa pangalan niya. Bakas rin sa mukha nito ang pag-aalala habang nakatunghay sa kaniya.

"Anong nangyari, Gavin?" tanong niyang bahagya pang namamaos ang kanyang boses.

Masuyong ngumiti muna ang lalaki kay Hezekiah at saka humigpit ang pagkakahawak nito sa kanyang palad. "Nasa clinic ka, Kiah. Ang sabi ng mga classmates mo, hinimatay ka kaya pinuntahan agad nila ako," salaysay nito.

"Kung ganoon, nawalan pala ako ng malay," ani Kiah saka tumingin ng mataman sa nakatunghay na binata. "Nakausap mo na ba ang doktor? Bakit daw ako hinimatay? Dahil ba sa ulcer ko?" usisa pa niya sa kaharap.

Sandali muna siyang pinagmasdan ni Gavin na tila nag-iisip. Hindi rin nakaligtas sa paningin ng dalaga na lumamlam ang mga mata ng binata habang nakatingin sa kan'ya. Ano kaya ang sabi ng doktor? Malubha kaya ang sakit ko? pipi niyang tanong sa kanyang sarili.

Humugot muna ng malalim na hininga si Gavin bago magsalita. "Ang sabi ni Doc, stress ka raw at overfatigue. At delikado raw para sa inyo ng. . ." Nahinto na ni Gavin ang sana'y sasabihin saka malungkot siyang pinagmasdan.

"B-Bakit hindi mo ituloy, Gavin? Ano ba talaga ang sakit ko?" kinakabahang tanong ni Kiah sa lalaki. Nagtataka kasi siya sa inaasal ng binata ng mga sandaling iyon.

"M-Makakasama raw sa magiging baby mo..."

Kunit-noong pinukol ng tingin ni Kiah ang lalaki nang marinig niya ang sinabi nito. Hindi rin niya alam kung bakit bigla siyang binundol ng matinding kaba ng mga sandaling iyon.

"A-Anong baby ang sinasabi mo, Gavin?" nauutal niyang tanong. Nakaramdam din siya ng panlalamig ng kamay habang nakatingin sa kaharap.

Bumuntong-hininga muna si Gavin saka malungkot na sinalubong ang naguguluhan niyang anyo. "You're six weeks pregnant, Kiah."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.