"PAKIUSAP Gavin, huwag mo sanang sasabihin kay Akihiro at maging kay Mr. at Mrs. Tetsuya ang kalagayan ko," nakikiusap na turan ni Kiah sa lalaki.
"But why, Kiah? Bakit ayaw mong ipaalam kay Kuya Akihiro?" kunot-noong tanong ni Gavin. "May karapatan si Kuya dahil niya ang dinadala mo," dagdag pa ng binata na bakas ang pagtutol sa tinig.
Yumuko si Kiah dahil sa sinabing iyon ng lalaki. Ni hindi niya magawang tingnan si Gavin sa mga mata nito dahil natatakot siyang bigla siyang bumuhos ng iyak. Kaya naman, tumungo na lamang siya at pinagsalikop ang nanginginig na mga kamay.
"Kung ayaw mong ipaalam kay Kuya, fine. Naiintindihan ko, Kiah," ani Gavin mayamaya. Sa sinabi nito ay hindi mapigilang lumuha ni Kiah.
"Maraming salamat, Gavin. Utang ko ito sa iyo," lumuluhang usal niya.
"But in one condition. . ."
Maang na pinagmasdan ni Kiah ang lalaki habang hilam ng luha ang kanyang mga mata. "Anong kundisyon?"
Ikinabigla ni Kiah nang gagapin ng binata ang dalawang palad niya saka nito dinala iyon sa mga labi at walang sabi-sabing hinagkan. Gusto sanang bawiin ng dalaga ang sariling palad ngunit mahigpit ang pagkakahawak niyon ng binata.
"Hayaan mo akong panagutan ka, Kiah," saad nito na ikinagitla ni Kiah. Nanlaki ang mga mata niya habang nakatunghay dito. "Tanggap ko ang magiging anak n'yo ni Kuya Akihiro. And doesn't matter kung sino at ano ka pa. Mahal na mahal kita, Kiah. Handa akong gawin ang lahat para sa'yo," puno ng emosyon na saad ni Gavin habang masuyo ang ngiting ibinibigay sa kaniya; nangungumbinsi.
Sa labis na pagkabigla ay nahigit ni Kiah ang kamay na hawak ng lalaki dahilan upang ito naman ang magulat. "H-hindi mo alam ang sinasabi mo, Gavin. Ayaw kong madamay ka pa sa problema kong ito," mariin niyang tanggi saka ibinaling ang tingin sa ibang direksyon.
"Alam ko ang sinasabi ko, Kiah, at hindi rin ako tanga. Alam kong si Kuya ang mahal mo," ani Gavin saka hinawakan siya sa kanyang baba at pilit na iniharap dito.
At nang salubungin niya ang tingin ng binata at lihim siyang napalunok dahil sa kaba. Kitang-kita kasi niya sa mga mata ni Gavin ang matinding pagnanais na pagbigyan niya ang kahilingan nito.
"Hindi ka mahal ni Kuya at nakatakda na siyang ikasal, Kiah! Please, kalimutan mo na siya. Nandito naman ako. Ako na lang ang mahalin mo, Kiah. Ako na lang. . ." pagsusumamo pa ng lalaki habang nangingilid ang mga luha.
Sinikap ni Kiah na huwag muling maiyak dahil sa mapait na katotohanang iyon. Ayaw niyang lalong maawa si Gavin sa kan'ya dahil sa kalagayan niya.
Napakasakit sa kaniyang marinig ang katotohanan pero wala siyang magawa kung hindi tanggapin iyon. Hindi siya mahal ng lalaking minahal niya nang lubos. At ang masakit pa, ikakasal na sa iba ang Tatay ng magiging anak niya.
Ganito yata talaga ang kapalaran ko. Napakasakit lamang na sa ganito pala hahantong ang lahat sa atin, Akihiro. . .
Sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawa hanggang sa dumating ang school doktor sa loob ng clinic. Nagpanggap naman ang dalawa na parang walang nangyari sa pagitan nila.
"Kumusta ang pakiramdam mo, Ms. Delgado?" nakangiting usisa ng babaeng doktor.
"M-maayos na po ako, dok," ani Kiah sa doktora at saka kiming ngumiti rito.
"Very good. Next time, Ms. Delgado, ingatan mo ang iyong sarili. Maselan ang pagbubuntis mo. Hindi ka dapat nai-stress, okay?" bilin nito habang sinusuri siya gamit ang stethoscope.
"At ikaw naman Mr. Buenavista, alagaan mo ang iyong misis, huh? Huwag mo siyang hayaang napapagod, okay? Your wife needs you," saad naman nito kay Gavin na noon ay nanonood lamang sa kanila.
Napayuko na lamang si Kiah sa sinabi ng doktor. Samantalang si Gavin naman ay bakas ang kasiyahan sa gwapong mukha dahil sa pag-aakala ng doctor na siya ang ama ng ipinagbubuntis nito.
"Yes, doc."
"Good," sagot ng doktor saka itinabi na ang stethoscope at kumuha ng maliit na papel sa dala-dalang mga gamit. "Anyway, maaari mo nang inuwi si Ms. Delgado kapag napapirmahan mo na ang excuse letter kay Dean Eva. May pirma ko na rin 'yon," dagdag pa nito pagkatapos ay may iniabot na papel na sinulatan nito kay Gavin. "Iyan ang gamot na kailangang inumin ng wife mo. Don't forget to buy, okay? Importante iyan upang bumuti ang pakiramdam n'ya."
"Thank you very much, doc," ani Gavin saka ngumiti ng matamis sa kausap. Tango na lamang ang isinagot ng doktor bago tumalikod at iwan sila.
Nang makalabas ang doktor ay muling binalingan ni Gavin si Kiah na noon ay nakatungo lamang at walang kibo. "Hintayin mo 'ko, Kiah. Papipirmahan ko lang 'yong excuse letter kay Dean para maihatid kita pauwi. Magpahinga ka muna, okay?" baling naman ng lalaki kay Kiah. Masuyo pa siyang hinagkan ng binata sa kanyang noo.
"S-sige."
Iyon na lamang ang naisagot ni Kiah sa lalaki. Pero sa loob-loob niya, ayaw niyang madamay pa si Gavin sa kinahaharap niyang problema.
Kinagabihan, hindi na naman dalawin ng antok si Kiah. Hindi siya makatulog kaiisip kung ano ang mangyayari sa kan'ya ngayong nagdadalang-tao na siya. Natitiyak din niyang kakailangan niyang huminto sa pag-aaral dahil ayon sa doktor na sumuri sa kan'ya, ay maselan ang kanyang pagbubuntis.
Ngunit paano niya ipapaliwanag kay Mr. at Mrs. Tetsuya ang kanyang kalagayan? Paano niya sasabihin na nagdadalang-tao siya at ang anak ng mga ito ang ama?
Paano niya haharapin si Akihiro gayong ipinagbubuntis niya ang anak nito? Dapat pa ba niyang ipaalam sa lalaki? Pero para saan pa?
Alam din naman niyang hindi siya pananagutan nito dahil nakatakda na itong ikasal. Natitiyak niyang lubos lamang siyang masasaktan kapag nasaksikan niyang ikinasal ang ama ng kanyang magiging anak sa iba.
Hindi rin naman niya kayang papanagutan kay Gavin ang kanyang dinadala. Ayaw niyang madamay ang lalaki sa kanyang problema. Mabait na tao si Gavin at alam niyang may mas nararapat pang babae para rito at hindi siya iyon.
Namimiss ko na sina Inay, isip-isip ni Kiah habang nakatingin sa puting kisame ng kanyang silid. Iniisip niyang kung sana ay naroon ang kanyang pamilya, hindi siya hahayaan ng mga ito na makaramdam ng pag-iisa.
Sa halo-halong emosyon na lumulukob kay Kiah nang mga sandaling iyon, ay hindi niya mapigilang bumulalas ng iyak. Hindi niya kasi alam kung ano ang gagawin.
Nahihirapan siya sa kanyang kalagayan. Natatakot siya sa maaaring mangyari. Higit sa lahat, lubos siyang nasasaktan sa kadahilanang hindi pa man lumalabas ang kanyang supling ay wala na itong kikilalaning ama.
O, Diyos ko! Tulungan mo po ako. . .
❇ ❇ ❇
Kinabukasan, sinadya ni Gavin na maagang magising para i-check si Hezekiah sa kwarto nito. Alam kasi niyang mahihirapan itong bumangon dahil sa morning sickness. Balak rin niyang kausapin ang kanyang mga magulang at magdadahilan sa kalagayan nito.
Wala siyang balak na sabihin sa kanyang parents ang tungkol sa pagbubuntis nito, lalong-lalo na sa kanyang Kuya Akihiro. Nangako siya kay Kiah at hindi niya sisirain iyon.
Magaan ang pakiramdam ni Gavin habang tinutungo ang silid ng babae. Pakiramdam niya ang siya talaga ang ama ng ipinagbubuntis nito. Hindi niya alam na ganoon pala ang pakiramdam ng magiging isang ama, kahit pa nga sabihin na hindi niya totoong anak ang dinadala nito. Mahal na mahal niya si Kiah at tanggap niya ito pati ang magiging baby nito.
Pero nang marating niya ang silid nito ay nagtaka siyang bahagyang nakabukas ang pinto niyon. Kalimitan kasi, nag-lo-lock ng pinto ang babae.
Siguro gising na siya, aniya sa isipan saka basta na lang pumasok sa loob ng kwarto.
Subalit kumunot ang kanyang noo nang hindi makita si Kiah. Hindi rin maipaliwanag ni Gavin pero bigla siyang binundol ng kaba habang inililibot ng tingin ang abandonadong silid.
Baka naman nasa banyo lang, Gavin, kumbinsi pa niya sa sarili at saka humakbang upang i-check kung nasa comfort room nga ito.
Pero agad siyang kinutuban ng hindi maganda nang mapansin ang puting sobre na nakapatong sa ibabaw ng corner table malapit sa kama.
Shit! Goddammit! 'Wag naman sana, mariin niyang usal saka mabilis na lumapit sa mesa at kinuha iyon. At tama nga ang kanyang hinala nang mabuksan iyon at mabasa ang nakasulat.
Bakit, Kiah? Bakit mo 'to ginawa? sunod-sunod niyang tanong sa isipan.
Ramdam ni Gavin ang pamimigat ng kanyang dibdib nang mga sandaling iyon kasabay nang pag-ahon ng matinding galit para sa nakatatandang kapatid.
"It's all your fault, Kuya Akihiro!" hindi mapigilang bulalas niya saka mabilis na lumabas sa silid ni Kiah at pinuntahan ng kwarto ng kanyang Kuya Akihiro.
Malalakas at sunod-sunod na katok ang ginawa niya sa pinto ng kwarto nito para magising. "Kuya, open the fucking door!" hiyaw niya. Alam ni Gavin na maaaring pati ang kanilang parents ay magigising dahil sa kanyang ginagawa pero wala siyang pakialam.
"What do you need? Bakit ka nagwawala, huh?" agad na bungad sa kan'ya ng kanyang Kuya Akihiro na bakas sa mukha ang matinding iritasyon.
"What happen, Akihiro?" maang na tanong naman ni Ysabelle na noon ay kasama pala nitong matulog sa kwarto nito.
Tuloy ay lalong nagpuyos sa galit ang kalooban ni Gavin dahil sa nasaksihan at walang anu-ano'y inundayan niya ng malakas na suntok si Akihiro sa panga dahilan upang mapaatras ito at dumugo ang bibig.
"Oh my god! Please stop it!" sigaw naman ni Ysabelle nang makitang gaganti naman ng suntok si Akihiro sa nakababatang kapatid.
"What's your fucking problem?!" sigaw ni Akihiro sa kapatid sabay ganti rin ng suntok dito. Nasapul naman nito si Gavin sa ilong na agad ring nagdugo.
"Ikaw ang problema ko! Wala kang kwenta! Sarili mo lang ang iniisip mo!" galit naman na hiyaw ni Gavin saka umakmang susugod muli sa nakatatandang kapatid.
Subalit hindi na niya iyon natuloy nang humarang si Mrs. Tetsuya sa dalawang anak. Naroon din si Mr. Tetsuya na inaalalayan ang ginang habang bakas sa mukha ang galit at pagtatanong.
"Ano ba ang problema ninyong magkapatid? Bakit kayo nagpapatayan?!" bulalas ni Mrs. Tetsuya sa mga ito habang sapu-sapo ang dibdib.
Walang umimik sa dalawang lalaki at nanatili lamang na nagsusukatan ng matatalim na tingin. Hanggang si Gavin na ang unang nagbawi ng tingin at binalingan ang kanyang parents.
"I'm sorry, Mom, Dad." Iyon lamang ang sinabi niya sa mga ito bago tumalikod at iwan ang mga ito.
Naiwan namang naguguluhan si Mrs. Tetsuya habang sinusundan ang bunsong anak. Pero hindi rin nakaligtas sa kan'ya nang makita ang isang tila sulat na nalaglag mula rito. Kaagad niyang nilapitan at pinulot. At gayon na lamang ang pagkagitla niya nang mabasa ang nilalaman ng sulat.