"MASAYA kami ng Itay Luciano mo, anak at nadalaw mo kami. Talagang nami-miss ka na rin namin," nagagalak na ani Nanay Erlinda kay Hezekiah.
Naisip kasi niyang dalawin ang mga biyenan at kumustahin ang mga ito. Matagal-tagal na rin kasi noong huli niyang nabisita ang mga ito. Iyong huli ay noong buhay pa si Carlos.
"Na-miss ko rin po kayo, Inay, Itay," nakangiti namang saad ni Hezekiah sa dalawang matanda. "Kumusta po naman kayo?" usisa pa niya sa mga biyenan.
"Medyo nagkakasakit na rin, anak dahil may edad na kami ng Inay Erlinda mo. Ngunit kayang-kaya pa naman," si Tatay Luciano niya ang sumagot noon na may kalakip na ngiti sa labi.
"Ako nga'y madalas na inaatake ng altapresyon," sabat ni Erlinda sa manugang. "Ito namang Itay mo, madalas na rin sumpungin ng hika," dagdag pa nito.
Bagaman malapad ang pagkakangiti, ramdam ni Kiah ang lungkot sa tinig ng dalawang matanda. Hindi tuloy niya maiwasang makaramdam din ng lungkot dahil sa sitwasyon ng mga ito. Ang Itay Luciano niya ay pitumpu't anim na. Ang Inay Erlinda naman niya ay pitumpu't tatlo na. Pareho pang sakitin ang mga ito at ang mas nakakalungkot, wala pang kasama ang mga ito sa bahay kung hindi mga katiwala.
"Ikaw ba, anak, kumusta ang buhay mo sa Maynila? Ang sabi ng Inay Rebecca mo, nag-aaral ka raw ng pagka-maestra at balita ko'y iskolar ka pa?"
Natigilan si Hezekiah sa sinabing iyon ng kanyang Itay Luciano, ngunit hindi niya ipinahalata. Hanggang ngayon kasi ay pinag-iisipan pa niya kung paano sasabihin sa mga biyenan ang kanyang sitwasyon. Na nagdadalang-tao siya sa ibang lalaki. Alam kasi niyang maaaring masaktan niya ang mga ito, dahil halos hindi pa nakakapag-babang luksa sa pagkamatay ni Carlos ay heto na siya at may sanggol na sa sinapupunan.
"May nais ka bang sabihin, anak?" untag ng kanyang Inay Erlinda. Marahil ay nahalata ng biyenang babae ang pananahimik niya.
Naglipat-lipat naman ang tingin ni Hezekiah sa dalawang matanda na halatang naghihintay ng kanyang isasagot. Maganda pa ang pagkakangiti ng mga ito habang pinagmamasdan siya. Kaya ko bang sabihin ito? Pero paano? turan ni Kiah sa isip.
"Nakahanap ka na ba ng lalaking mamahalin mo, anak?" nakangiti pa ring tanong ng biyenan niyang babae. Tuloy, pakiramdam ni Kiah ay kakapusin siya ng hininga dahil sa matinding kaba.
"Sige na, anak. Sabihin mo na sa amin. Huwag kang mag-atubili," pamimilit naman ni Luciano sa mabait na manugang.
Sandali pa munang pinagmasdan niya ang dalawang matanda at nag-iisip. Hanggang sa ipinasya niyang umamin na sa mga ito. Tutal ay kalaunan, malalaman rin ng mga ito ang pagdadalang-tao niya sa oras na lumaki na ang kanyang tiyan. Isa pa'y ayaw rin niyang magsinungaling sa mga ito dahil pangalawang magulang na rin ang turing n'ya rito.
Humugot pa muna ng malalim na hininga si Kiah bago matamang pinagmasdan ang mga kaharap. "Inay, Itay, patawarin po ninyo ako pero nagdadalang-tao po ako," lakas-loob niyang siwalat matapos ay yumuko sa mga palad niyang magkadaop sa kandungan.
"Ganoon ba, anak? Ngunit bakit hindi ka masaya?" tanong ng kanyang Inay Erlinda na lubos niyang ipinagtaka. "Hindi ba, ang magiging isang ina ay dapat walang pagsidlan ang saya? Subalit bakit ikaw ay hindi, anak?"
"Iniisip mo bang magagalit kami ng Inay Erlinda mo, anak?" ani Itay Luciano sa manugang.
Maang naman na nag-angat ng tingin si Kiah sa mga ito. "K-kung ganoon, hindi po kayo galit?"
Sa sinabi niya ay magkasabay na umiling ang mga biyenan at saka ginawaran siya ng matamis na ngiti. "Bakit naman kami magagalit? Noon pa man, ay alam na naming darating ang araw na makakahanap ka ng lalaking mamahalin, anak," turan ni Itay Luciano sa manugang.
"Totoo iyon, anak," segunda ni Erlinda. "Ayaw ka naming matali sa alaala ni Carlos. Nais naming mahanap mo ang taong makapagpapasaya sa'yo na hindi nagawa ng aming anak, Hezekiah," ani Inay Erlinda na bahagyang lumamlam ang mga mata dahil naalala ang yumaong anak.
Hindi mapigilang mapaiyak ni Hezekiah dahil sa tinuran ng mga kaharap. Hindi niya akalain ma sa kabila ng lahat, nagawa pa rin siyang intindihin ng mga ito. Talagang napakabuti ng kanyang mga biyenan at nakapaswerte niya dahil nagkaroon siya ng gaya ng mga ito.
Hinagod-hagod naman ni Erlinda ang likod ng manugang na noon ay nakatabi niya sa sofa. Maging ito ang naiiyak na rin dahil sa wakas, nakahanap na ang manugang ng lalaking mamahalin nito, katulad ng nais na mangyari ng kanilang anak na si Carlos.
"May nais rin sana kaming aminin sa iyo, Hezekiah, anak. . ." mayamaya ani Luciano sa manugang.
Pinukol naman nang nagtatanong na tingin ni Hezekiah ang biyenang lalaki habang pinupunasan ng palad ang mga luha. Maging si Erlinda ay ganoon din. Agad rin niyang pinunasan ang luha sa pisngi at saka matamang tumingin sa kabiyak.
"Ano po 'yon, Itay?"
Ibinaling ni Luciano ang paningin sa asawa at saka marahang tumango rito, senyales na ito na ang magsabi sa manugang. Gumanti naman ng tango ang matandang babae at saka bumaling kay Hezekiah na noon ay bakas sa mukha ang pagtatanong.
"Kami talaga ng Itay Luciano mo ang nagplano na ikasal kayo ni Carlos, anak. Alam rin namin ang naging sakit niya bago mo pa malaman. Kami ang nagnais na ikasal kayo ni Carlos dahil alam naming noong una pa ay may pagtingin na ang aming anak sa iyo. Ginawa namin iyon dahil nais naming maging maligaya ang aming kaisa-isang anak bago man lamang siya yumao," ani Inay Erlinda na noon ay nagsimula na muling bumalong ang luha sa mga mata.
"P-po?"
Hindi alam ni Kiah kung ano ang magiging reaksyon sa rebelasyong narinig sa biyenang babae. Bigla ay nakaramdam siya ng panginginig ng palad habang nakatingin sa dalawang matanda. Nilulukob siya ng sari-saring emosyon nang mga sandaling iyon at hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin.
"Hindi rin kayo opisyal na mag-asawa, Hezekiah. Ang marriage contract na pinirmahan ninyo ni Carlos ay hindi namin ipinarehistro sa munsipyo. Kaya't invalid ang inyong kasal, at iyon ay dahil sa kagustuhan na rin mismo ng aming anak. Patawarin mo kami, anak," lumuluha pa ring wika ni Inay Erlinda sa kan'ya.
"Ang sabi ni Carlos, ayaw daw niyang matali ka sa kan'ya dahil alam niyang hindi na siya magtatagal. Nais raw niyang makahanap ka ng mamahalin mo balang araw. At ayaw niyang alisin ang pagkakataon na iyon sa iyo dahil lamang kasal kayo. Sapat na raw iyong sa huling sandali ng buhay niya ay nakasama ka niya at naipadama niya sa iyo kung gaano ka niya kamahal," lumuluha na ring saad ni Luciano sa manugang.
❇ ❇ ❇
"FUCK! Goddammit! Shit!"
Sunod-sunod na sipa at suntok ang pinakawalan ni Akihiro sa sementadong pader nang maabutan na wala na ang kanyang magulang sa kanilang tahanan. Maging ang mga tauhan na kinuha niya para bantayan ang parents ay pawang wala ng buhay.
Nagkasira-sira rin ang ilang parte ng kabahayan, partikular sa sala. Nagkabasag-basag ang bintana at pader dahil sa tama ng baril. Nagkalat rin ang napakaraming basyo ng bala at dugo sa sahig. Maging ang sofa at ilang display ay nagkasira-sira rin senyales na may nangyaring komosyon doon.
"Bro, huminahon ka! I understand you, okay? Pero hindi mo kailangang pairalin ang galit mo sa ngayon. We need to plan!" awat naman ni Heinz sa nagwawalang kaibigan.
Sa tindi ng galit at pag-aalalang nararamdaman ni Akihiro para sa kalagayan ng magulang at kapatid ay napaupo na lamang siya sa sahig habang sapu-sapo ang ulo at umiiyak. "Kasalanan ko 'to! Kung sana hindi ko sila iniwan kanina, hindi sila maki-kidnapped ng demonyong 'yon!" lumuluhang ani Akihiro habang sinusuntok ang sahig. Ramdam niya ang hapdi sa kamao dahil nagkasugat-sugat na iyon pero nagmistulan siyang manhid.
Bumuntong-hininga naman si Heinz saka naupo sa tapat ng kaibigan. Maging siya ay nag-aalala rin sa magulang ng matalik niyang kaibigan. Malapit kasi siya sa mga ito at parang pangalawang magulang na nga ang turing niya rito.
"It's not your fault, bro. Wala ring magagawa kung sisisihin mo ang sarili mo. Tumayo ka d'yan! Your family needs you. Kailangan nating kumilos sa lalong madaling panahon!" kumbinsi pa ni Heinz sa lalaki na noon ay nakatungo lang at patuloy na lumuluha.
Nagdaan ang ilang saglit ay nag-angat ng tingin si Akihiro, na noon ay poot na ang mababasa sa mga mata. Tumayo na rin ito pagkakasalampak sa sahig at saka binalingan ang matalik na kaibigan. "Your right, bro! Kailangan ako ng pamilya ko! Kaya ipapangako kong hindi ako titigil hangga't hindi sila nakikita! Magbabayad ang mga hayop na 'yon!" turan niya habang nakakuyom nang mahigpit ang kamao.
Mayamaya pa'y lumapit sa kanila sina Agent Raiko at Agent Claud na pawang kasamahan nila ni Heinz sa DISG. "Sir, sira ang lahat ng CCTV cameras. Wala ring nai-record ang monitor nang ch-in-eck namin. Burado na lahat," anang Agent Raiko kay Akihiro.
"Kasalukuyan na ring nag-i-investigate ang forensic unit sa crime scene, Sir," segunda naman ni Agent Claude.
"Okay, get ready. We have---"
Naputol ang sana'y sasabihin ni Akihiro nang tumunog ang cellphone niya sa bulsa. Mabilis niya itong kinuha at isang unregistered number ang nasa caller ID. "Hello! Sino 'to?" tanong niya sa kabilang linya.
Kaagad rin niyang sinenyasan si Heinz na i-tap ang number ng tumatawag para malaman ang location ng caller. Mabilis namang inilabas ni Heinz ang minicomputer at saka ikinonekta ang tawag doon.
"Anak! Tulungan mo kami!"
Humigpit ang pagkakahawak ni Aki sa cellphone nang maulinigan ang boses ng kanyang ina sa kabilang linya. "Mom! Nasaan kayo?! Si Daddy?!" sunod-sunod na tanong niy rito.
"Nagustuhan mo ba ang surprise ko, Agent Akihiro Tetsuya?" sa halip ay sagot ng tinig lalaki sa linya. "Pauna pa lang 'yan! May kasunod pa!" anitong humalakhak pa.
Agad naulinigan ni Akihiro na may pagka-slang ang pagsasalita ng Tagalog ng kausap niya, kaya naman hula niya'y isa ito sa mga dayuhang naipakulong niyang nais gumanti. Sa pagkakatanda niya, ito rin ang lalaking nakausap ni Heinz kanina. Hindi rin siya sigurado pero parang narinig na niya ang boses na iyon sa personal.
"Fuck you! Sino ka?! Ano'ng kailangan mo?!" sigaw niya rito habang nanginginig ang laman sa matinding galit.
"Kung gusto mo akong makilala, makinig ka sa instructions na sasabihin ko sa'yo! Alam ko ring hacked ang linya na 'to kaya pakisabi sa mga kasama mo, patayin na 'yan. Kung hindi, mawawala ang isa sa mahal mo sa buhay!"
Sa pangamba na baka malagay sa peligro ang buhay ng magulang niya, kaagad na sumenyas si Akihiro sa mga kasamahan upang patayin ang computer, na mabilis namang sinunod ng mga ito. "What do you need?! Bakit mo 'to ginagawa?!" sunod-sunod pang sigaw niya sa hindi nakikitang kausap.
"I'll give you time to make a decision, Tetsuya! I'll give you 12 hours para mamili kung sino sa kapatid mo, magulang mo o sarili mo ang gusto mong iligtas!"