Tinakbo ko ang hallway ng Imperial's Hospital nasa likod ko lang si Taxon. Malayo pa lang ay nakita ko na si Alexa, masama ang tingin sa akin. Sinalubong niya ako ng sapak dahilan para mapahawak ako sa pisngi ko. Kinuha ako ni Taxon at inilagay sa likod niya.
"Don't you dare!" Madiin at may pagbabanta ang pagkakasabi no'n ni Taxon.
"Kaya pala iniwan mo si Brekley dahil totoong may lalaki ka! Bakit ka pa bumalik?! Ako ang nandito para sa kaniya palagi ikaw pa rin ang hinahanap!" Galit na galit na sabi niya.
Humagulgol na ako sa likuran ni Taxon.
"You don't know anything!" Si Taxon ang sumagot.
"What?! Malandi ang babaeng 'yan para iwan ang fiance at sumama sa ibang lalaki!" Akmang lalapit nanaman si Alexa pero tinulak siya ni Taxon.
"Last warning," masama na ang tingin niya rito at nakikita kong anumang oras ay papatulan niya na Alexa.
Hinila na ako ni Taxon papasok ng kwarto. Hinanap ko agad si Brekley pero ang mga magulang niya at ang kapatid ang humarang agad sa akin.
"Kapal ng mukha mong magpakita rito!" Galit na galit na sigaw ni Mrs. Fuentes.
Tinago lang ako ni Taxon sa likod niya.
"Ate," mahinang sabi ni Breley.
"Matapos mong ipahiya ang buong pamilya namin may lakas ka pa ng loob na magpakita rito!" Sigaw naman ni Mr. Fuentes.
"Why are you shouting at her?! You don't know how asshole your son is!" Sigaw pabalik sa kanila ni Taxon.
"Attorney.. Taxon Ken Baider?" Ngayon lang siguro nakita ni Mrs. Fuentes ang mukha ni Taxon kaya napamaang siya ng labi at masamang tiningnan ako. "Kaya naman pala ang bilis mong ipagpalit ang anak ko dahil isang mataas na tao ang nilandi mo!"
"Hindi siya malandi at isa pang salita ng ganyan. I'll file a case against you and your son!" Pagbabanta ni Taxon.
"Bakit kami pa ang masama?! Hindi ba iniwan ng babaeng 'yan ang anak ko! Hinarap namin ang kahihiyan!" Sigaw nanaman ni Mrs. Fuentes.
Ito ang unang beses na sinigawan niya ako dahil mabuti siya sa akin kahit noon pa. Siguro ay talagang galit siya sa akin sa ginawa ko.
"Tingnan mo nangyari sa anak ko, Vinea! Nakaratay riyan at ayaw magpa-opera!" Asik ni Mr. Fuentes. "Sabihin mo sa amin paano ka namin tatanggapin ulit dito?!" Galit na galit na siya. Kitang-kita sa nanlilisik niyang mata.
Lumabas na ako sa likod ni Taxon.
"Puro pamilya niyo ang iniisip mo. Tao rin naman ako! Inihaharap niyo ako sa ibang tao bilang palamuti samantalang noon kung magalit ka sa akin dahil mababa akong tao!" Madamdamin kong sabi at pinalis ang luha at tiningnan sila nang masama. "Hindi mo alam kung anong hirap ang pinagdaanan ko sa anak niyo!"
"Oo! Alam namin na tarantado ang anak namin pero pinili mong manatili sa tabi niya!" Sigaw nanaman ni Mr. Fuentes.
"Pero hindi lisensya 'yon para saktan niya ako at laging muntik-muntikang gahasain!" Prangka kong sabi.
Nanlaki ang mga mata nila at napamaang ang labi. Hindi sila makapaniwala na ginagawa 'yon ng anak nila sa akin.
"Ate.." Umiiyak na si Breley. Nakita niya na minsang sinapak ako ni Brekley pero tikom ang bibig niya.
"See, how brutal your son is? Tingin niyo magpapakasal ako sa kaniya?" Humagulgol na ako nang todo.
"Just get out," mahinang sabi ni Mr. Fuentes.
Akmang lalabas na ako pero nagsalita si Brekley. "Babe."
Hindi ko tuloy alam kung didiretso ako sa labas o pupuntahan ko siya.
"Babe.. don't leave me, please."
Umagos lang nang umagos ang luha ko. Sa huli ay nilapitan ko siya. Pitong taon ko siyang kasama at hindi ko naman kayang maatim na pabayaan siya. Hindi ako masama para tiisin na lang siya habang naghihirap.
Umupo ako sa tabi niya, nakasunod lang si Taxon. Tumulo ang luha niya at pilit na inaabot ang pisngi ko.
Hinila palabas ni Breley ang mga magulang kaya wala silang nagawa kung hindi siringan ako nang masamang tingin.
Hindi ko siya magawang tingnan. Galit ako sa kaniya, halos awa na lang ang nararamdaman ko.
"Sabi ko na nga ba at babalikan mo ako kasi, 'di ba? Ako naman ang mahal mo," Tumutulo ang luhang sabi niya.
Si Taxon ay umupo lang sa sofa, wala siyang emosyon habang pinapanood kami.
"Yakapin mo naman ako. Miss na miss na kita," sa tindi ng emosyong pinapakita ni Brekley wala akong masabi. Umiiyak lang ako.
Tiningnan ko si Taxon upang humingi ng permisong yakapin ko si Brekley tango lang ang tugon niya.
Lumapit ako at niyakap siya. Hindi ko inaasahang papaliguan niya ng halik ang noo ko. Gusto kong lumayo pero hindi ko na ginawa.
"I'm sorry," patuloy kaming dalawa sa iyakan. "I'm sorry for being asshole.. Babe."
Hindi pa rin ako sumagot sa kaniya. Akmang hahalikan niya ako sa labi pero iniwas ko ang mukha. Hindi ko lubos maisip kung gaano kasakit ang nararamdaman ngayon ni Taxon. Ang panoorin kami sa ganitong sitwasyon ay nasisiguro kong pinapatay siya pero nagagawa niyang tingnan kami at tiisin ang masakit na pakiramdam na iyon.
"Vinea.. I love you," bulong ni Brekley. Hindi ko iyon sinagot. "Kaibigan mo lang siya, 'di ba? Iyon ang palagi mong sinasabi sa akin."
Bigla ay gumapang ang guilt sa buong sistema ko. Hindi ko masabing boyfriend ko na si Taxon.
Mahal na mahal ko si Taxon Ken Baider.
Hindi ko kayang bumalik kay Brekley at magpakatanga nanaman.
"Di ba? Babe?"
"Magpa-opera ka na. Makabubuti iyon saiyo," pag-iiba ko ng topic.
"Vinea, I can't."
"Bakit?"
"Hindi ako magpapa-opera hangga't hindi mo sinasabi sa aking ako ang mahal mo," pinakatitigan niya ako sa mata. "At itutuloy natin ang kasal."
Natigilan ako at tumitig sa kaniya.
Ayaw ko.
Nagbago na ang nararamdaman ko. Hindi na sapat ang awa para gawin kong impyerno ang buhay ko. Si Taxon ang mahal ko at hindi ko kayang magpakasal sa lalaking hindi ko na mahal.
"Magpapakasal ka pa rin sa akin, 'di ba?"
Nag-iwas ako ng tingin at yumuko na lang.
"Sabihin mo sa akin, please," naaawa ako sa pagmamakaawa ni Brekley pero wala na akong magagawa.
Si Taxon ang mahal ko.
Gusto kong isatinig iyon pero hindi ko masabi. Masasaktan lang siya at baka lalong hindi magpaopera.
"Babe?"
Napabalik lang ang tingin ko nang tawagin ulit ako ni Brekley.
"Brekley kasi.." Gusto kong sabihing boyfriend ko na si Taxon pero nahihirapan ako dahil sa kondisyon niya. Umaasa siya sa wala, iyon ang totoo.
"What?" Sumilay ang ngiti niya naghihintay ng sasabihin ko.
"Hindi ako pwe--"
"She'll marry you," nagulat ako sa biglaang pagtayo ni Taxon at lumapit.
Umiling-iling ako na parang sinasabing ayaw ko pero tiningnan lang ako ni Taxon.
"Magpa-opera ka, magpapakasal siya saiyo dahil.." nahirapang sabihin ni Taxon ang huling linya. "M-magkaibigan lang kami."
Gumuho ang buong mundo ko nang sabihin niya iyon. Sunod-sunod na tumulo ang luha ko.
Ano bang sinasabi niya?
Gusto ko siyang sigawan dahil sobrang sakit sa akin ng sinabi niya. Napakabait niya naman para isipin ang ibang tao at ano ang ibig niyang sabihing magpapakasal ako kay Brekley?
Nakikipaghiwalay ba siya sa akin?
Pinasakit noon ang dibdib ko at humagulgol na lang ng iyak.
Hinila ako ni Brekley at muling niyakap.
"Thank you," bulong niya. "Kiss me, Babe."
Natigilan ako sa sinabi niya.
Sa harap ni Taxon? No.. ayaw ko.
"Kiss him Vinea Clee," utos ni Taxon.
No!
"I said," inis na sabi ni Taxon. "I hate repeating lines."
Umiiyak akong inilapit ang mukha kay Brekley. Napipilitan nanaman ako sa isang bagay na hindi ko gusto. Humagulgol ako nang tuluyan nang magdampi ang labi namin.
Tiningnan ko si Taxon walang emosyon ang mukha niya. Akala mo'y hindi man lang nasasaktan sa nakikita.
"Magpapa-opera na ako," ngumiti siya nang malapad.
Hindi ko alam kung tanga ba siya o ano.
Hindi niya ba nakikitang napipilitan ako sa mga ginagawa ko?
Mahigpit na pinagsalikop ni Brekley ang kamay namin. Hindi na ako nagsalita pa.
I hate you, Taxon Ken.
Dumating na ang mga doctor at nurse. Kukunin na nila si Brekley upang dalahin sa operating room.
"I love you, Babe," malapad ang pagkakangiti ni Brekley habang tinatahak namin ang daan papunta sa operating room.
Pinanood ko lang siyang makapasok doon. Hindi ko kinausap si Taxon. Nagagalit ako sa ginawa niya.
"Don't tell me okay na kayo ni Brekley?" Inangat ko ang tingin at nakita ko si Alexa sa harap ko.
Hindi ako nagsalita wala ako sa wisyo para makipagtalo o magsalita man lang.
"I don't know why Brekley is crazy in love with you! Samantalang noon wala siyang pakialam sa iyo!"
"Can you please shut up?" Asik ni Taxon sa kaniya.
Hindi nagpapigil si Alexa at akmang sasapakin nanaman ako pero tumayo na ako at tiningnan siya nang masama.
"Tumigil ka na nga! Naiirita na ako saiyo! Wala akong ginagawang masama pero kapag nasapak kita meron na!"
"Ang tapang mo porke nandito 'yang attorney mo! Kung hindi naman dahil sa kanya hindi mo iiwan si Brekley! At kung namatay ka na lang sana ako pa rin ang mahal ngayon ni Brekley!"
"Ewan ko saiyo! Ang dami mong sinasabi kahit kaunting impormasyon wala ka namang alam!"
"Sinasaktan ka rin ba niya? Alam ko 'yon pero ako lang ang babaeng nakatagal sa pananakit niya!" Tumulo na ang luha ni Alexa.
"Edi saiyo na! Iyong-iyo na! Hindi ako makikipagtalo." Padarag akong umupo. Inis na inis na ako sa kaniya. Napatingin ako sa puting sapatos na huminto.
Mel Zen.
"Kuya!" Bigla ay tinakbo ko siya at niyakap. Sa kaniya ako humagulgol ng iyak.
"Shhh," hinaplos niya ang buhok ko.
Kung pinagtaka man nila ay wala akong pakialam. Si Mel Zen ang kailangan ko ngayon. Kailangan ko ng kuya kahit pa hindi siya ang totoong kapatid ko.
Sana nga kapatid ko siya.
Nanatili ako sa ganoong sitwasyon. Hanggang sa isama niya ako pababa. Ipinagpaalam niya ako kay Taxon.
"Dito ka nagtratrabaho, Kuya?" Tanong ko sa kaniya nang makaupo kami sa kainan ng hospital.
"Oo, heto uminom ka muna ng tubig. Bakit ka ba umiiyak?"
Kwenento ko sa kaniya ang lahat ng nangyari. Bigla ay nakahanap ako ng kakampi at taong mapagsasabihan ng mga hinanakit ko.
"Piliin mo ang nilalaman ng puso mo." Iyon ang sinabi niya na nagpatigil sa akin. Pinakatitigan ko ang mukha niya. Iyon ang bagay na nakapagpalakas ng loob ko.
"Siya ang mahal mo siya ang dapat mong pakasalan," ngumiti siya sa akin at binuksan ang sandwich ko.
"Don't force yourself to marry a guy you don't love."