Chapter IRTB, CM 31

“I just feel better when I am with them. ‘Yung hindi ka huhusgahan at hindi kung anu-ano ang ikakalat sa iyo,” sabi niya at tumingin kay Lauraida.

“Is this about me?” Itinuro ng babae ang sarili. “Gahd! Tapos na iyon. Big deal lahat sa iyo?”

“No big deal sa iyo kasi di naman ikaw ang napahiya,” aniya sa kalmadong boses pero pinipigilan ang ngitngit.

Lauraida rolled her eyes. “Anong gusto mo? Magmakaawa ako habang nakaluhod sa harap mo at umiiyak. Oh, please! As if you are special.”

“Simpleng sorry lang hinihingi ko sa iyo. Na di mo nagawa,” aniya sa malamig na boses.

“Sorry,” hingi nito ng paumanhin at niyakap siya. Hindi niya naramdaman ang sinseridad nito. “Pwede ka na bang sumama sa resort? Huwag mo na sana akong pasamain sa paningin ng iba. I apologized enough.”

“Di naman ako mapagtanim ng sama ng loob. Pero pwede bang sa susunod na lang ako sasama sa inyo?” tanong niya. “I am not in the mood right now.”

Nag-iba na ang tingin niya sa mga kaibigan. Magkakaiba sila ng interes. They were not into music. They can’t inspire her. Hindi na niya kayang makipagsabayan sa mga mamahaling bagay na gusto ng ga ito.

“Wala ka sa mood pero aalis ka kasama nila,” sabi ni Gordon at ngumuso kina Jeyrick at Rjan. “Nakulam ka ba nila kaya mas gusto mo silang kasama kaysa sa amin? Maipapasok ka ba nila sa magagandang resort o makakasama mo ba sila na manood ng sine na gusto mo? Baka nga ilibre mo pa ang mga iyan.”

“Oy, grabe ka naman! May pambayad naman kami,” depensa ni Rjan.

“Wala silang ipinakitang masama sa akin. Noong nasa Mountain Province kami maayos nila akong tinanggap at inalagaan. Kahit tanungin mo pa si Jimarah. Wala siyang masasabing masama sa mga taga-Kadaclan,” aniya at tumango sa kaibigan.

“Well, they are really nice people,” ‘anang si Jimarah at napilitang tumango.

“Pwede ba huwag na nating pilitin si Paloma na sumama kung ayaw niya?” tanong ni Lauraida. “After all, she’s happy with her new crappy friends. Mula nang bumalik siya sa Mountain Province, nag-iba na siya sa atin. Noong una iniintindi ko siya dahil kailangan niyang tapusin ang project niya. Those outcasts can help her.”

“Outcasts? Are we in freakin’ Hindu society now, Lauraida? Ang pagkakatanda ko, walang caste system sa Pilipinas,” di ngumingiti niyang sabi sa kaibigan. “They are not outcasts. Pare-pareho tayong estudyante dito. Pantay-pantay.”

“Nakikipantay ka sa kanila. Di ka na namin nakakasamang kumain sa cafe dahil mas gusto mo nang magbaon ng lunch. That is so cheap, Paloma,” anang si Lauraida at nagtawanan naman ang iba. “Ano bang nangyayari sa iyo? Pinapababa mo ang market value mo.”

“Market value? Paninda ba ako na kailangan mong presyuhan?” Nakuyom ni Paloma ang palad. “Kakain ako kung saan ko gusto at kung sino ang gusto kong kasama. Hindi iyon kabawasan sa pagkatao ko. It doesn’t make you better than us just because you have money.”

Lauraida scoffed. “Para namang di ka sumasama sa grupo namin para magmukha kang sosyal. Huwag kang magmalinis, Paloma. Isinama lang naman nila sa grupo dahil maganda ka at may-ari ng trendy bar ang tita mo. Ginagamit mo lang naman ang koneksyon namin, di ba? To also make you look good?”

Napipilan si Paloma. Aminado naman siya na pinili ng mga tiyahin niya ang maari niyang maging kaibigan. Kung saan mas gaganda ang image niya at magkakaroon siya ng koneksiyon, ang mga iyon ang dapat niyang samahan. Not anymore. She already had a change of heart.

“Dapat matuwa ka na ngayon. Hindi ko na kailangang gamitin ang koneksyon ninyo para mapaganda ang image ko, tama ba?” tanong niya sa babae.

“Huwag na nating sayangin ang oras natin kay Paloma. Hindi naman siya kakulangan sa atin,” sabi ni Lauraida at tumalikod. Hinatak nito si Gordon.”Let’s go. I want to try out that new swimsuit. I have you in mind.”

“Sandali lang, guys. I will talk to Paloma.” Hinila siya ni Jimarah palayo sa grupo para magkaroon sila ng privacy. “What are you doing? Talaga bang iiwan mo na ang grupo natin para lang makapag-pack lunch ka kasama nila Jeyrick?”

“Oportunista naman ang tingin sa akin ng grupo. Okay na ako na ganito. Mas nakakahinga ako nang maluwag.”

“Na-misinterpret mo lang sila,” her friend said with a tight smile. “Ayokong maging outcast ka. You are wasting your chance.”

Pagak siyang tumawa. Outcast sa isang grupo na kung umasta akala mo ay malaki na ang kontribusyon sa lipunan. Walang kaso sa kanya kung may mga batang ipinanganak na mayaman. Pero para maliitin ang mga kapwa na mas mahirap ang kabuhayan sa mga ito, ibang usapan na iyon.

Hinawakan niya ang braso ng kaibigan. “Jimarah, okay na ako kahit di ako makasama sa grupo. Makaka-survive ako ng college kahit na hindi kasama sa mga pa-cool. Doon na ako sa mga kaibigan ko na walang ie-expect sa akin at di manghuhusga kung di man designer clothes ang suot ko o di ko napanood ang pinakabagong palabas sa sinehan o di ako nakatambay sa pinaka-hip na cafe dito sa Baguio. Naiintindihan mo ba ako?”

Iba na ang buhay na gusto niya. Natagpuan na niya ang totoong nagpapasaya sa kanya. Iyon ay ang pagiging simple kasama ang mga taong simple din ang pamumuhay pero mataas ang pangarap. Dahil ang pangarap ng mga ito ay nakabase dahil sa sariling pagsisikap at di dahil sa kayamanan ng mga magulang ng mga ito. Mas gusto niyang magtagumpay nang di nang-aapak ng ibang tao.

Marahang umiling ang kaibigan. “I don’t understand you anymore. You don’t have to pretend to like Jeyrick or consider RJan as your friend. Wala na tayo sa Kadaclan. Naipasa mo na ang project mo.”

“That’s the point. Di ko na kailangang magpanggap. Dahil masaya talaga ako kapag kasama ko sila Jeyrick. Hindi ko kailangan na magpanggap na cool ako at makipagsabayan sa inyo kapag may bago kayong damit o mamahaling sapatos. Hindi na iyon ang mahalaga sa akin.”

Masaya na siya kapag nagkakantahan sila ni Jeyrick gamit ang gitara nito. Na may kasama siyang nag-aaral. Na may tao siyang kasamang nagsisikap. Hindi kagaya sa grupo ni Gordon na walang pakialam kung may maipasang assignment o wala dahil hindi desperado ang mga ito. May pera pamilya ng mga ito at pwedeng maglustay ng pera kung gugustuhin ng mga ito.

“Mas gusto mo na talagang kasama sila Jeyrick kaysa sa akin?” may halong tampo na sabi ni Jimarah.

“I can breathe better with them.” Hinawakan niya ang kamay ng kaibigan. “Arah, ikaw ang kasama ko sa Kadaclan. Naranasan mo ang naranasan ko. Hindi ko alam kung ano ang naramdaman mo pagkagaling doon pero maraming nagbago sa akin. Masaya ako kahit simple lang ang buhay. Kaibigan ko pa rin naman kayo kung tatanggapin ninyo ang mga pagbabago sa akin. Baka isa sa mga araw na ito makita na lang ninyo akong bumibili sa ukay-ukay pero matatanggap ba ninyo ako?”

Nanlaki ang mga mata nito. “You won’t dare do that.”

“Bakit naman hindi? Iba na ang priority ko ngayon.” Pinisil nito ang kamay niya. “Ikaw ang alam ko na makakaintindi sa akin.”

Atubili ito na kumawala sa pagkakahawak niya. “You can always come back, you know? Lilipas din ito. Magbabago rin ang isip mo.”

Tipid na ngumiti si Paloma. “Salamat.” Pero sa palagay niya ay mahihirapan na siyang bumalik sa dati. Mas gusto niyang maging simple ang buhay. Na walang kahit anong image na kailangang I-maintain. “Mag-enjoy ka sa resort.”

Pinagmasdan na lang niya na papalayo ang mga kaibigan. She felt heaviness in her heart. Sa palagay niya ay itinuring naman siyang kaibigan ng mga ito. Pero di na siya babagay sa grupo ng mga ito dahil nahanap na niya ang sarili niya.

“Hindi ka talaga sasama sa kanila?” tanong ni Rjan.

“Mas gusto ko na mag-Goodtime,” sabi ni Paloma. “Sasama ba kayo?”

“Paloma, baka may masabi pa ang mga kaibigan mo sa amin,” anang si Jeyrick at umiling. “Kaya ayokong ikaw ang manlilibre sa akin.”

“Jeyrick, wala naman akong pakialam sa sasabihin nila. Basta kaibigan ko kayo. Isang beses ko lang kayong iti-treat bilang pasasalamat sa pagtulong ninyo sa akin. Kung gusto mong bumawi, e di bilhan mo ako ng carrot juice kapag may extra pera ka. Iyon na lang ang kapalit. Okay na?” tanong ni Paloma.

“Isang beses lang ha?” paniniyak ni Jeyrick.

“Isang beses lang. Ngayon lang,” ulit ni Paloma.

Inakbayan ito ni RJan. “Tama na ‘yang pride mo. Gutom na ako.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.