“STAY with me and be my star.”
Paloma strummed her guitar one last time. Matapos iyon ay napuno ng katahimikan ang silid niya. Nakanganga lang si Bernado sa kanya na nakaupo sa dulo ng kama niya.
“Hoy, Bernardo! Maganda ba ‘yung kanta?” tanong niya sa pinsan at tinapik ang binti nito.
Natutop nito ang bibig at parang mangiyak-ngiyak pa. “Ang ganda, ate. Parang gusto ko tuloy mag-stargazing kasama si crush.”
“’Yun bang muse ninyo?”
Tumaas hanggang hairline ang kilay nito. “Hindi. ‘Yung escort. Imbyerna ka, ate. Saan mo nadampot ang kantang iyan? Sino ang singer? Bagong kanta ba ni Yeng Constantino?”
“Ako. Ako ang nag-compose.”
Lumabi ito. “Hindi nga?”
“Sinimulan ko ito noong nasa Kadaclan ako. Ang ganda kasi ng bituin doon. Tinulungan ako ni Jeyrick.”
Isang malisyosang tingin ang ibinigay nito sa kanya. “Oh! Inspired. Kaya naman pala.”
“Inspiring kasi ang lugar. Matapos ang isang linggo ko sa Kadaclan, marami akong bagong natutunan na nagpabago ng pananaw ko. Napapaisip ako kung ano ba talaga ang pangarap ko. Naiintindihan mo ba ako?” Fifteen ba pa lang ang pinsan. Baka mamaya ay masyado itong nalalaliman sa sinasabi niya.
“Gets na gets kita, ate. Crush mo si Jeyrick kaya nakabuo ka ng kanta.”
“Shhh! Baka may makarinig sa iyo. Pilit ka nang pilit diyan na crush ko si Jeyrick,” saway niya dito at tumingin sa pinto.
Baka mamaya ay marinig ng bago nilang kasambahay na si Diday ang usapan nila. Parang may sonic ears pa mandin ito. Nagawa nga nitong I-report sa nanay niya ang usapan ng driver at maid ng kapitbahay na magde-date samantalang sa labas ng gate nag-usap ang mga ito at nasa garden si Diday.
“O sige. Hindi mo siya crush pero nagshi-shimmer ang mata mo kapag binabanggit mo ang pangalan niya. Wag kang mag-deny. Alam ko sign of kilig iyan.”
“Kakantahin ko sa kanya mamaya sa birthday niya. Sa iyo ko pa lang pinaparinig nang buo. Sorpresa ko sa kanya,” aniya at pinagkiskis ang palad.
Pinagpuyatan niya na buuin ang kantang iyon para mai-present niya kay Jeyrick. Maliit na salo-salo ang ihinanda ng ilang kaibigan at kamag-anak dito. First time niyang pupunta sa bahay ng kamag-anak ni Jeyrick kung saan ito tumutuloy.
“Alam ko na kung sino ang star,” tukso ulit ni Bernardo at kiniliti ang tagiliran niya. “May gusto na iyan!”
“Star is about our dreams. About our goals in life. Wala na talagang tumakbo sa kukote mo kundi love life. Kaya ka laging tulala sa klase.”
“Para ka namang di dumaan sa pagiging dalaginding like me.” Pinapungay ng pinsan ang mga mata. “Ngayon ka lang nag-effort para sa isang lalaki, ate girl. Dati mga lalaki pa ang nagmamakaawa para mapansin mo pero deadma ang ganda mo. Ako ang bestfriend mo, ate. Ako nga di naglilihim sa mga crush ko.”
Pasimpleng ipinatong ni Paloma ang palad sa ibabaw ng didbib. Malakas ang kaba niyon. Ganito siya kapag pinag-uusapan si Jeyrick. “I like him. He is a very good person. Alam mo iyon, siya ‘yung tao na di basta-basta mawawala. Di ka niya iiwan. Sa dami ng pinagdaanan niya sa buhay, loyal pa rin siya sa pamilya niya at mga taong malalapit sa kanya.”
“At gusto mong maging parte ng mga taong importante sa kanya?”
Kinalabit ni Paloma ang gitara. “Pagod na kasi ako na laging iniiwan. Di ko alam kung sino ang tatay ko dahil umalis siya malamang buntis si Nanay sa akin. Kahit nanay ko hindi ako natagalan. Iniwan din ako at di na binalikan. Kayo na lang ang nag-stay sa akin ni Tita. Buti nga di pa ninyo ako itinatapon.”
“Alam ko naman na may kulang pa sa buhay mo. Kahit na nandito kami ni Mama at lagi mong sinusunod ang lahat ng gusto niya, di ka pa rin masaya.”
“Siguro may hinahanap lang ako na koneksyon. “Gusto ko lang ng taong makakaintindi sa akin.” Alam niyang mahal siya ng tiyahin pero parang may lubid na nakatali sa leeg niya na sumasakal sa kanya tuwing may mga utos at restrictions iyon. At si Jeyrick ay hindi isang tali na sumasakal sa kanya. “Gusto ko ng tao na pinakikisamahan ko dahil gusto ko siya at di pinili ni Tita dahil siya ang makakatulong sa atin para di bumagsak. Kay Jeyrick di ko iisipin kung mayaman ba siya o mahirap basta magkasundo kami. Naging mas mabuti akong tao dahil na-inspire ako at hindi dahil may magandang koneksyon siya. Kay Jeyrick sapat na ang pagsisikap niya para ma-inspire din ako.”
Nagpapadyak ang pinsan. “Ah! Kinikilig ako. Gusto ko rin ma-inspire. Na magkaroon ng kaibigan na mag-aangat sa akin at hindi ako hihilahin pababa. ‘Yung mga pinili ni Mama na kaibigan ko backstabber naman. Palibhasa mas fab ako sa kanila kaya sinisiraan ako sa iba.”
Masaya siya dahil nauunawaan siya ng tiyahin. Pero pareho naman silang nasasakal na ni Bernardo minsan pero ano naman ang magagawa nila? Para sa tiyahin niya ay ito lang ang tama. Wala silang karapatan na magprotesta. Mga bata pa nga sila pero mahirap dayain ang nararamdaman.
Pinisil niya ang balikat ng pinsan. “Makakahanap ka rin ng taong maa-appreciate ka kung sino ka talaga.” Isang tao na gugustuhin nitong ipaglaban kahit na kanino gaya kay Jeyrick.
“Ate, paano ka pala makakaalis para pumunta sa birthday ni Jeyrick? Alam niyang wala kang pasok ngayon at hindi ka pwedeng gabihin.”
“Magpapaalam ako. Sasabihin ko na may group project ako,” sabi niya. “Basta ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko ng sekretong ito.”
Tumango ang pinsan niya. “Mapagkakatiwalaan mo ako, Ate. Di naman ako katulad ni Diday na tsismosa. Ikaw lang din naman ang kakampi ko kapag sinasabi sa akin ni Mama na subukan ko daw munang maging tunay na lalaki at ligawan ko ang anak ng amiga niya na may crush sa akin. Gustong-gusto daw kasi ako ng amiga niya. Di ko kaya, ate.” At nagkunwari itong naduduwal.
Hinaplos niya ang likod ng pinsan. Isa sa dahilan kung bakit sunod siya nang sunod sa tiyahin dahil ayaw niyang mapagbuntunan nito ang pinsan. Nakakaranas pa rin ng diskriminasyon ang mga miyembro ng LGBT community ngayon. Pero mas mahirap para hingin sa kinse anyos niyang pinsan na itago ang pagkatao para lang sa koneksyon at kayamanan. Hindi na tama.
“Basta galingan natin na mag-aral. Ipakita natin kay Tita na kaya nating magsikap sa buhay. Na di natin kailangang umangat dahil lang kung sino ang kaibigan nating mayaman o maimpluwensiya.”
Hinawakan ng pinsan niya ang kamay niya. “Pagbubutihan ko talaga para hindi na kumontra si Mama sa love story ninyo ni Kuya Jeyrick. Iyon man lang mairegalo ko sa birthday niya. At aayusan din kita para maganda ka sa paningin niya.”
“Huhulas din iyan kapag tumulong akong magluto at mag-decorate. Saka okay lang naman kay Jeyrick na wala akong make up. Maganda pa rin ako.”
“E di ikaw na ang pinagpala, Ate. Ako na ang bahala kay Mama. Sasabihin ko na may group project kayo.”
Niyakap niya ang pinsan. Hindi madali ang pinagdadaanan nila para sa murang edad. Kailangan nilang ipaglaban ang kalayaan nila at pagkakakilanlan. At mas mahirap iyon kung ang mismong magulang o tumatayong magulang ang sumasalungat sa kalayaan na iyon. Pero kailangan nilang manindigan. Gusto niyang I-enjoy ang kaligayahan at kalayaan na nararamdaman niya ngayon. Animo’y isang ibon na malaya sa hawla niya.