Chapter IOL 40

“Anak, mabubuhay ka ba? Babalik ka pa ba sa amin?”

Hindi alam ni Toni kung matatawa siya o maiiyak sa dialogue ng nanay na si Aling Pinky. ilang oras na lang bago ang brain surgery niya. Natitipon na sila sa suite niya sa ospital kasama ang pamilya niya, si Mommy Jho at si Rushmore. Ayaw sana niyang matakot o maging emosyonal man lang. Gusto niya ay payapa ang isip niya kapag idinala siya sa operating room. Alam naman niya na nag-aalala ang mga tao sa paligid subalit pilit na itinatago ng mga ito para palakasin ang loob niya. Iba lang pagdating sa nanay niya. Di nito kayang kontrolin ang damdamin nito.

“Nay, nagsimba na po tayo kanina. Nagdasal na tayo na bibigyan ako ng lakas para maging successful po ang operasyon ko. Siyempre po babalik ako sa inyo,” sabi niya at pinahid ang luha nito.

“N-Naaalala ko lang ang operasyon ng tatay mo dati. B-Baka mawala ka din sa amin. Hindi ko kaya iyon, anak. Gusto ko pang bumawi sa iyo at alagaan ka,” anito at ginagap ang kamay niya. Naiintindihan niya ang takot nito. Minsan na itong mawalan ng mahal sa buhay at baka mangyayari na naman iyon.

“Twelve hours lang po ang operasyon ko, Nay. Babalik po ako,” aniya sa magaang boses.

“Hindi siya pwedeng mawala. May mga endorsements pa ‘yan, TV shows, movie at may major concert pa,” sabi ni Mama Jho. Tumikhim si Rushmore bilang pagsaway dito. “Siyempre magpapagaling muna siya at aayusin ko ang schedule niya para naman may oras siya sa pamilya niya at sa love life niya.”

Bagamat mukha pa ring salapi, masaya naman siyang naniniwala si Mommy Jho na malalagpasan niya ang surgery at magagawa pa rin niyang bumalik sa trabaho. Isa iyon sa kailangan niya- ang maniwala sa kanya ang manager niya.

“Ate, huwag kang masyadong ma-pressure. Nag-aaral na kami ng sign language para kung mahirapan kang makarinig, magkakaintindihan tayo,” sabi ni Aya at hinawakan ang balikat ng nanay niya. “Kahit ang baby ko paglabas tuturuan ko agad ng sign language.”

“Hihintayin din namin ang paggaling mo para sa kasal namin. Siyempre maid of honor ka,” sabi ni Phil na hindi na naiilang sa kanya di tulad noong una. At sa palagay niya ay mas malapit na ang loob niya ngayong ikakasal na ito sa kapatid niya kaysa noong nobyo pa niya ito.

Lahat ay nag-a-adjust para sa kanya and she appreciates it. Dati ay nag-a-adjust ang mga tao sa kanya dahil isa siyang star. Ngayon ay nag-a-adjust ang mga tao sa kanya dahil mahal siya ng mga ito.

Matapos ang press conference niya ay hindi pa rin humupa ang balita tungkol sa kanya. Kahit ang pamilya niya ay naglabas ng sariling statement ng mga ito – kasama doon ang pagkakasundo-sundo nila. Maraming bumati at nagpaabot ng pagnanais na sana ay gumaling siya mula sa mga katrabaho at fans. Sabi nga ni Mommy Jho ay gusto pang pumunta ng iba sa ospital para makita siya. Hindi lang pinapasok ng security ang mga ito.

Subalit hindi kaila sa kanya ang pangamba ng marami na maaring di na siya makakanta pa ulit kapag nabingi siya. Hindi na niya iyon iniisip sa ngayon. Ang focus niya sa ngayon ay ang maka-recover mula sa operasyon. Nakaka-comfort na malamang kahit na anong mangyari ay naroon ang pamilya niya.

“Sasabunutan ko kapag may mga babaeng nagfi-flirt kay Kuya Rushmore,” paniniyak ni Aya. “Dudukutin ko pa ang mata.”

“Aya, kahit naman may pagpa-cute sa akin, hindi ko naman sila pinapansin. Alam ‘yan ng ate mo. Siya lang ang nakikita ng puso ko,” sabi ni Rushmore at kumindat sa kanya.

“Talaga? Ako pa rin ang makikita ng puso mo kahit na pumangit ako pagkatapos ng operasyon ko?” nakataas ang kilay niyang tanong. “Sabi ng doktor pwede daw magka-problema ang facial muscles ko.”

“Na makukuha naman sa therapy. Saka kahit ano pang itsura mo, maganda ka pa rin sa paningin ko. But if it gives you any comfort, kung kailangan kong maging ngiwi para sa iyo, gagawin ko,” paniniyak nito. “Baka naman ako na ang hindi mo mahalin kapag ganoon.”

Ginagap niya ang kamay nito. “Ngayon pa ba kita hindi mamahalin? Rushmore, pwede mo ba akong kantahan? Kung pagkatapos ng operasyon at mawala man ang pandinig ko, gusto ko boses mo ang huli kong narinig.”

“Akala ko ba naniniwala kang kakayanin mo?”

“Basta! Gusto kong marinig ang kanta mo. Please?” Sa huling pagkakataon.

“Ikaw ang siyang pangarap ko. Nagbibigay sigla sa puso ko. O, giliw ko, pakinggan mo ang nais sabihin ng aking puso. Mahal, mahal na mahal kita. Hindi ako magbabago asahan mo ito. Ang puso ko’y iyong-iyo. Asahan mong maghihintay sa ‘yo.” Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Bumalik ka sa amin. Sa akin.”

Di na nito naitago ang takot at pangingilid ng luha sa mga mata. Natatakot din itong mawala siya dito. “Hindi ako mawawala sa iyo ng ganoon-ganoon na lang. I am a fighter, remember? At handa akong labanan ang lahat pati ang kamatayan para makasama ka.”

“Maghihintay ako. At pagdilat mo, nandito lang ako. I love you,” sabi nito at inangkin ang labi niya.

“I love you, too.”

Nang dalhin siya ng operating room ay hindi mawala sa isip niya ang halik nito at naririnig pa rin niya ang kanta nito. Alam niyang hindi siya nito iiwan.

LUMULUTANG ang pakiramdam ni Toni nang idilat ang mga mata. Sa nanlalabong paningin ay puti agad ang bumungad sa kanya. May nauulinigan din siyang tunog pero mahina lang. Nagmumula ang tunog mula sa gitara at may malamyos na boses ng isang lalaki na kumakanta. Animo’y boses ng isang anghel iyon.

Muli niyang ipinikit ang mga mata. Baka naman nasa langit na siya. She was not supposed to hear anything after the operation. At baka isang anghel ang kumakanta sa kanya. Parang katipo pa ni Rushmore ang boses ng anghel.

Rushmore. She would miss him. Pero kundi man niya ito makakasama, kahit man lang marinig niya ang boses nito.

Tumigil ang pagkanta at ang tunog ng gitara. Sumunod niyang narinig ay ang boses ng isang lalaki. Naramdaman niya ang mainit na kamay na humawak sa kamay niya at malambot na labing dumampi sa likod ng palad niya. “Toni, si Rushmore ‘to. Gumising ka na, please? Ayoko talagang umalis sa tabi mo. Gusto ko ako ang makita mo paggising mo. Gusto pa kitang kantahan.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.