Chapter IOL 41

Pumitlag ang puso niya. Buhay pa siya. Nasa ICU lang siya marahil at wala lang siyang masyadong maramdaman dahil heavily sedated siya dahil sa operasyon. Wala pa siya sa langit at si Rushmore mismo ang nagbabantay sa kanya at kumakanta kanina para sa kanya. Naririnig niya ito!

“Pero kundi ka pa gigising, palalabasin na nila ako dito. I just charmed the nurses and your doctor that’s why they allowed me to stay longer.”

Umungol siya at dahan-dahang idinilat ang mga mata. “I-Iyan ang ginagawa mo habang tulog ako?” marahan niyang tanong dahil parang nangangapal ang dila niya.

Nanlaki ang mata nito. “G-Gising ka na?”

Tumango siya. May suwero lang siya sa isang kamay at may tubo sa ilong kung saan pinadadaan ang pagkain niya. Isa iyon sa rason kaya hirap siyang magsalita. Parang lumulutang din siya dahil sa naoperahan niyang ulo.

“N-Naririnig mo ako? Or you are just lip-reading? No. You can’t lip-read. Tulog ka kanina. Naririnig mo nga ako! That’s a miracle! Sandali lang. I will alert your doctor.” Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “I love you. I am glad that you are back.”

Masaya din siya na hindi siya dumiretso sa langit. Mabuti na lang at naroon pa rin ang anghel niyang si Rushmore para alalayan siya.

Nakabantay lang ito habang ine-examine siya ng mga doktor at nurse. May mga tubong nakakabit sa katawan niya. Maging ang daanan ng pagkain niya ay sa tubo din dahil hirap pa siyang lumulon. She had a problem with her balance at di pa niya kayang tumayo at maglakad na mag-isa. Namamanhid din ang kaliwa niyang braso at namamanhid din ang kaliwang mukha niya. Nahihirapan din siyang magsalita.

“That is natural. Sa kaliwang tainga mo tinanggal ang tumor. At dahil diyan, maaring may mga naapektuhang nerves sa iyo. Mag-o-observe tayo ng ilang araw. Kung hindi makukuha sa therapy ang braso mo, we have to do a damaged nerve replacement.”

“A-Ang mukha ko po?” tanong niya. Nag-aalala siya dahil parang hirap siya na ipikit ang kaliwang mata niya.

“Sa una lang iyan dahil katatapos pa lang ng operasyon. May mga nakahanda na kaming procedures kung hindi iyan kusang babalik sa normal. You will also regain your balance at the right time. We don’t have to rush things. Nalusutan mo na ang pinakamatinding pagsubok. Your tumor is out. And it’s a good thing that you can hear.”

“Pero mahina lang po,” usal niya.

Lalong natuwa ang doktor. “It’s a blessing that we saved your hearing. Nandito kaming lahat para sa tuloy-tuloy mong paggaling. You are lucky. You have a boyfriend who is willing to do anything just to be with you. And a gorgeous one, I might add.”

“Thank you, Doc.”

“We might transfer you to the recovery room of the neuro section if things are better after twenty-four hours.”

Inalalayan siyang humiga ni Rushmore nang umalis ang doktor at nurse niya. “Sasabihin mo sa akin kapag may masakit sa iyo lalo na kung may lagnat ka. We have to watch out for meningitis. Natural daw iyon sa mga inooperahan sa utak o kaya ay sa spine.”

“Binantayan mo lang talaga ako?” tanong niya at ngumiti kahit pakiramdam niya ay hindi normal ang mukha niya.

“Yes. Pinauwi ko muna sila Tita Pinky. Sabi ko ako muna ang bahala sa iyo.”

“Rushmore, gusto kong makita ang tahi ko,” pakiusap niya. Ikinuha siya nito ng salamin at napangiwi siya. “Parang Frankeinstein ako. Baka mandiri ang mga tao sa akin.”

“Don’t mind them. Maganda ka pa rin sa paningin ko. And that stitch is a mark of courage. You are a survivor. You defied death.” Kinuha nito ang gitara. “Mabuti pa kakantahan na lang kita.”

Nagsimula itong mag-strum ng gitara at mataman siyang nakinig. “After all the rain and after all the pain a brand new day is here for me to start. Your light feeds my soul, its shining in my heart. A brand new day is here for us to start. You and me together, it’s gonna be a harmony. You and me forever, it’s gonna be a symphony.”

Parang natunaw ang puso niya nang matapos nito ang chorus ng kanta. Tungkol iyon sa isang tao na maraming sakit na pinagdaanan at maraming beses na nabigo hanggang matagpuan nito ang taong matagal na nitong hinihintay ng mahabang panahon at nagtama ng lahat ng mali sa buhay nito.

Tumikhim ito nang mapansing nakatitig lang siya dito at hindi nagsasalita. “Nagustuhan mo ba ang kanta mo?”

“Yes.” Tagos na tagos sa puso niya ang kanta. Kung malakas-lakas lang siya ay baka ulanin niya ito ng halik. Lalo siyang na-in love dito. At dahil sa kantang iyon, nagpapasalamat siya na nakakarinig pa siya kahit kaunti. “Parang hindi iyon pamilyar sa akin.”

“Kino-compose ko. Iyon lang ang paraan ko para mawala ang takot ko na baka hindi ka gumising. Alam mo bang twenty hours ka sa operating room?”

“Akala ko twelve hours lang,” usal niya.

“Malaki ang tumor mo kaya nahirapan silang tanggalin. Kinabahan din ako dahil mahigit one day ka na dito sa ICU pero hindi ka pa rin gumigising.”

Para sa kanya ay isang himala na buhay pa siya matapos ang operasyon niya at naririnig pa niya ang magandang boses ni Rushmore ngayon. “Your voice brought me back to life.”

“Iniisip ko na lang na gagawan kita ng kanta para sa album mo paggaling mo. Patutunayan natin sa lahat na kaya mo pa ring kumanta kahit na hindi ka nakakarinig.” Napansin niya na kahit nagsasalita ito ay nagsa-sign language ito.

“Gumaling kang mag-sign language,” wika niya.

“Sinanay ko na ang sarili ko,” anitong may bahid ng takot sa mga mata.

“Gusto ko pa ring mag-sign language kahit di ako nakakarinig.” Pakiramdam niya ay naging parte na iyon ng pagkatao niya. Naging bahagi na siya ng mundo ng mga disabled. Ang mga ito ng isa sa inspirasyon niya kaya siya lumaban.

“And I love you more now,” anito at kinintalan ng halik ang noo niya.

Mas mahal niya rin ang sarili niya ngayon. At nagpapasalamat siya kay Rushmore sa mga pagbabago sa buhay niya. Marami pa siyang labang haharapin ngunit hindi siya natatakot. Si Rushmore ang sandigan niya. Hindi siya nito pinabayaan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.