Chapter IOL 42

“We love you, Miss Toni!” anang grupo ng mga kabataang babae na bumati sa kanya habang nagsa-sign language.

Nangilid ang luha niya sa tuwa habang pinapanood ang mga in-upload na video ng mga fans niya na nagpapaabot ng pagbati sa kanya. Dahil istrikto ang malalapit sa kanya pagdating sa mga dumadalaw sa kanya, hindi makadalaw ang mga fans niya kahit na nag-vigil ang mga ito sa harap ng ospital. Hindi rin siya ma-interview at mas gusto ni Mommy Jho na ito na ang magsalita para sa kanya. Iniiwas din siya sa Internet at sa pagbabasa ng diyaryo o panonood ng balita man lang. Kaya malaking bagay sa kanya nang dumalaw ang dating assistant na si Dianne at ipinagamit sa kanya ang PC tablet nito para manood ng mga video.

“It’s touching! Nagsa-sign language pa sila para maintindihan ko.”

“May mga nag-interpret pa nga ng kanta mo through sign language. Na-inspire sila sa performance mo sa deaf school.” May nag-upload ng video niya sa internet nang mag-perform siya kasama si Ruan pati na rin ang solo performance niya. “Nag-aral daw talaga sila ng sign language nang malaman nila ang tungkol sa sakit mo. Gusto daw nila na maramdaman mo na nandito lang sila para sa iyo.”

“Nakakatuwa naman. Pakiramdam ko maraming nagmamahal sa akin. Akala ko iniwan na nila ako nang magkasakit ako.”

“Ate, marami kayong fans. Handa silang makipag-away para sa inyo, alam ninyo iyan. Ito pa lang kuwarto ninyo puno na ng regalo at bulaklak. At sa palagay ko nadagdagan pa po kayo ng mga fans. Ibang klase kasi ang pagka-survivor ninyo. Kahit na mawalan kayo ng pandinig, lalaban kayo. Kahit na putulan pa siguro kayo ng paa at kamay, gagawin pa rin ninyo ang lahat para maka-survive.”

Inipit niya ang buhok sa likod ng tainga. “Siguro kailangan ko ring maghanda ng sarili kong video para sa kanila.”

Inalis na ang tube sa ilong niya na daanan ng pagkain niya at nakakakain na siya ng normal kaya presentable na siyang tingnan. Mukha na siyang normal at unti-unti na ring bumabalik ang pakiramdam niya sa normal. Matagal-tagal na rin naman siyang hindi nagsasalita sa publiko. Di naman siguro masama kung bawasan niya ang pag-aalala ng mga sumusuporta sa kanya.

“Kahit ako na ang mag-upload para sa inyo,” sabi ni Dianne. “Pero mabuti na lang nakakarinig kayo kahit konti. Wala kasi akong oras na mag-aral ng sign language. Sobrang dami ng trabaho.” Sa isang TV host ito nagtatrabaho sa ngayon.

“I can lip read. Kahit na di nagsa-sign language ang kausap ko, pwede ko namang mabasa ang sinasabi niya. Hindi ko nga lang maiintindihan siyempre kung nakatalikod na ako.”

Nakahinga ito ng maluwag. “Mabuti naman may mga ganyan. Mahirap yata kung walang marinig at hindi mo alam ang pinag-uusapan sa paligid mo.”

Nagpapasalamat talaga siya sa lahat ng paghahandang ginawa niya bago ang operasyon niya –ang sign language, ang lip reading pati ang music lesson niya. Hindi miserable ang pakiramdam niya sa kabila ng kakulangan niya.

Ginagap niya ang kamay ni Dianne at ngumiti dito. “Salamat talaga dahil nandito ka para bantayan ako.”

“Ate, parang others ka kung magsalita. Ang tagal kaya nating magkasama. Saka dati ko naman kayong inaalagaan.”

“Di naman ako naging mabuting boss sa iyo. Halos alipinin nga kita. Matiyaga ka lang at di mo ako iniwan tulad ng iba kong PA. Napaka-perfectionist ko at kapag di mo ako nasunod, may nasasabi akong hindi maganda sa iyo. Akala ko nga hindi ka na dadalaw pa sa akin. Na mas gusto mo na lang kalimutan ako.”

“Nang mawala ako sa inyo, saka ko na-appreciate ang panahong nagtrabaho ako sa inyo. Marami akong natutunan. Napaka-professional ninyo at competitive kaya natural lang na iyon din ang hingin ninyo sa mga tauhan ninyo. Considerate kayo sa mga problema ko sa pamilya. May konsiderasyon kayo. Pero siyempre mas gusto ko kayo ngayon dahil lagi kayong nakangiti at hindi na kayo magagalitin. Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig.”

Humagikgik siya at pinisil ang braso nito. “Ikaw talaga!”

“Kinikilig ako sa inyo ni Sir Rushmore. Kung ibang lalaki iyon, baka iniwan na kayo sa oras na kailangan ninyo. Siya naman minahal pa kayo sa kabila ng pinagdadaanan ninyo. At di lang siya kung sinu-sinong lalaki. Si Rushmore Huntelar pa! Iba ka, Ate! Ibang level ang pagkadiyosa mo.”

“I know. Di ko alam kung bakit ako minahal noon samantalang siya ang pinakaunang taong nagpapamukha sa akin kapag may mali ako.”

“Ibig sabihin mahal niya kayo talaga, flaws and all. Mamatay na lang sa inggit ang mga detractors ninyo. Pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan ninyo, deserve naman ninyong maging masaya.”

Di nagtagal ay dumating si Rushmore na may itinutulak na tray ng prutas. “May padala si Mama sa iyo,” sabi agad nito. “Kainin mo daw lahat para gumaling ka agad.”

“Ang sweet naman ni Tita Mildred,” sabi niya at dumampot ng guapple. “Dianne, kain ka rin. Di ko naman ‘yan kayang ubusin.”

“Ano ‘yan?” tanong ni Rushmore sa kanya habang nakatingin sa PC tablet.

“Tingnan mo. Mga videos na in-upload ng mga fans ko.”

Matamang nanood si Rushmore at kumislap ang mga mata mo. Kinintalan nito ng halik ang ibabaw ng ulo niya. “They really love you.”

“Marami pa dito.”

“Okay. Panonoorin ko mamaya. Aside sa guapple, ano pang gusto mo?” tanong nito at pumunta sa mesa para mamili ng prutas.

“Gusto ko ng suha at mangoosteen! Dianne, mamili ka rin dito.”

“Wala bang durian?” tanong ni Dianne at natatakam na tiningnan ang talaksan ng mga prutas.

Akmang pipindutin ang isang video suggestion nang makita ang title ng isang video. Ina ni Rushmore Huntelar, hindi boto kay Toni.

Parang may sumipa sa dibdib niya. Kumunot ang noo niya at lumipat ang daliri niya sa thumbnail ng video na iyon. Bumulaga sa kanya ang mukha ng isang showbiz reporter na in-interview mismo si Mildred sa isang coffee shop sa Davao. “Ano pong masasabi ninyo sa estado ng relasyon ng anak ninyo kay Toni?”

“Mas gusto ko ng tahimik na buhay para sa kanya.”

“Ibig pong sabihin hindi ninyo gusto si Toni para sa anak ninyo.”

“Toni is a nice girl. Pero kung ako ang tatanungin, hindi siya ang gusto ko para sa anak ko. Kailangan ng anak ko ng isang babaeng simple lang at mag-aalaga sa kanya. At hindi iyon si Toni.”

Biglang hinatak ni Rushmore ang PC tablet mula sa kanya. “Huwag mong panoorin iyan!” galit nitong wika at inabot ang PC tablet kay Dianne.

“Alam mo ang tungkol diyan at hindi mo sinabi sa akin?”

“S-Sa labas po muna ako,” sabi ni Dianne at dali-daling tumalilis palabas ng kuwarto. Alam nitong may kasalanan din ito sa nangyari dahil ipinuslit nito ang PC tablet at napanood niya ang naturang balita nang di sinasadya.

Kinuyom niya ang kumot sa kandungan niya. “Hindi totoo na tanggap na ako ng Mama mo. Hindi rin totoo ang mga regalo at pag-aalala niya.”

Lumapit si Rushmore sa kanya. “Toni, h-hindi naman sa ganoon… matatanggap ka rin niya sa tamang panahon.”

“Hindi niya ako matatanggap hangga’t nakakulong ako dito sa ospital. Hangga’t hindi ako bumabalik sa normal kong buhay. Hangga’t di ako alagain. G-Gusto ko nang lumabas dito. Gusto ko na ako naman ang mag-alaga sa iyo.”

“Huwag mong i-torture ang sarili mo. Ilang araw pa lang mula ang operasyon mo. Huwag mong intindihin si Mama. Wala siyang magagawa kung mas gusto kong makasama ka. Ako ang magdedesisyon sa relasyon natin. Naiintindihan mo?”

Subalit hindi pa rin siya matahimik. Gusto niyang bumangon at magawa ang mga dati niyang ginagawa. Iyon ang pangako niya sa nanay ni Rushmore. At kailangan niyang tuparin ang usapan bago pa ito makaisip ng paraan para tuluyang ilayo si Rushmore sa kanya.

SERYOSONG-SERYOSO si Toni habang nagwa-warm up sa saliw ng We Found Loved ni Rihanna. Nasa dance studio siya sa sariling bahay niya kung saan mas makakapag-focus siya sa pag-eensayo niya. Matagal-tagal na rin siyang hindi nagsasayaw. At dahil may problema pa siya sa balanse niya ay nakahawak siya sa barre para di agad-agad tumumba. Kaya naman niyang maglakad subalit may problema pa rin siya sa balanse paminsan-minsan. Natural lang sa taong inoperahan sa utak tulad niya ang magkaroon ng vertigo o problema sa balanse. Nakukuha naman iyon sa therapy. At sa araw na iyon ay hindi naman siya nakadama ng hilo kaya handa na siya para magsayaw.

May imbitasyon na ang Awit Awards para mag-perform siya sa awards night sa susunod na buwan. Nagsabi siya kay Mommy Jho na gusto niyang mag-perform. May hamon daw sa kanya si Amber na isa sa namayagpag na artist nang mawala siya. Isang sing and dance showdown daw ang nais nito. Amber was a good dancer. Hindi naman siya magpapatalo sa parteng iyon.

Bumitaw siya sa barre at sinubukan ang isang dance routine. Nagkaroon siya ng kompiyansa nang hindi naman naging mabuway ang tayo niya at di siya nahilo. Sumilay ang ngiti sa labi niya at hinayaan ang sarili na tangayin ng musika.

Isang one-footed turn ang ginawa niya nang marinig niya ang sigaw ni Rushmore. “What the hell are you doing?”

Nagulat siya sa biglang pagsulpot nito. Tumili siya at bumagsak sa sahig. Dali-dali siyang dinaluhan. “Are you okay? May masakit ba sa iyo?”

Hinilot niya ang nasaktang pigi. “Nanggugulat ka kasi.”

“Hindi ka dapat nagsasayaw,” madilim ang mukha nitong sabi at kinapa siya para tingnan kung may iba pang nasaktan sa kanya. “Tingnan mo ang nangyari. Dapat nagpapahinga ka muna. Sabi sa akin ni Tita Pinky katatapos lang ng therapy mo. Hindi mo dapat pinapagod ang sarili mo.”

“Kaya ko nang sumayaw. Di naman ako matutumba kundi mo ako ginulat,” giit niya.

“May permiso ka na ba sa therapist mo para magsayaw?”

Yumuko siya. “H-Hindi ko naitanong pero hindi naman ako nahilo kanina.”

Pumalatak ito. “Toni, sigurado ako na kapag tinanong ko ang therapist mo sasabihin niyang hindi ka pa handa. At hindi simpleng dance routine ang ginawa mo kanina.”

“Gusto ko lang bumalik agad sa dati.”

“I know. Ginagawa naman natin ang lahat para mangyari iyon. And you are making quite a progress. Pero hindi mo kailangang madaliin.”

Umiling siya. “I don’t have much time. Sabi ni Mommy Jho naghahamon si Amber ng sing and dance showdown para sa Awit Awards. Sa isang buwan na iyon. Ito na ang chance ko para ipakita sa lahat na kaya ko pa rin.”

Pakiramdam niya ay may apoy na nagbabaga sa puso niya na gustong lumagablab. Gusto niyang ipakita sa lahat na kaya pa rin niyang lumaban. Walang maaring mangmaliit sa kanya. Wala siyang hanging uurungan.

“You are not fit for a dance showdown,” he protested.

Matalim niya itong tiningnan. “Sinasabi mo bang hindi ko kaya? Akala ko ba naniniwala ka sa akin. Na may tiwala ka na kaya ko ang lahat,” naghihinanakit niyang tanong.

“Oo. Naniniwala ako sa iyo pero hindi pa ngayon. Let’s face facts. Nagte-therapy ka pa rin. Baka kung anong damage ang mangyari sa iyo kapag ipinilit mo ang gusto mo. Gagawin mo iyon sa tamang panahon at kapag handa na ang katawan mo. Hindi natin pwedeng isakripisyo ang kalusugan mo para sa pride.”

Hindi pa rin siya basta-basta matatahimik lalo na’t nakatango na siya na na magpe-perform siya. “Paano ang production number ko? Wala akong gagawin?”

A happy glint danced in his eyes. “Napag-usapan na namin iyan ni Mommy Jho. We’ll do something more explosive than that sing and dance showdown. We will show the world what you are really made of. Can you trust me on this one?”

“Ano muna ‘yon?” tanong niya at pinanlakihan ito ng mata.

“Magpahinga ka muna at magpalakas. Dahil kapag nagsimula na ang rehearsal mo, alam kong hindi ka na magpapaawat.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.