Chapter IOL 55

KUSANG tumulo ang luha ni Toni habang pinapanood ang block screening ng Someone Like You, ang pinakabagong box-office hit kung saan siya ang kumanta ng soundtrack. Parang pinipiga ang puso niya habang magkayakap ang mga bida na nagkatuluyan din matapos ang santambak na pagsubok na pinagdaanan ng mga ito.

Kung tutuusin ay hindi naman magagaling umarte ang mga bida at sa palagay niya ay puro pa-cute lang ang mga ito pati na rin ang istorya. Pero sa huli ay di rin niya maiwasang mainggit ang maalala ang pinagsamahan nila ni Rushmore.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Mommy Jho sa tabi niya. “Nakakainggit naman si Marianita Aguilar. Sana ako na lang ang leading lady ni Edmund Galvez,” kinikilig na sabi nito. “Nakakakilig, hindi ba?”

Tumikhim siya. “Pupunta po muna ako sa restroom.”

“Sabay na tayo. Patapos na rin naman ito.”

Tumayo siya sa upuan. “Magkita na lang po tayo mamaya.”

Sa halip na pumunta ng restroom ay isinuot niya ng shades niya at tumuloy sa isang café. Nagpadala na lang siya ng text message kung nasaan siya. Hindi na niya kayang bumalik pa sa sinehan at panoorin ang pelikula na iyon. Tanggap naman niya na wala na sila ni Rushmore pero masakit pa rin na tanggapin na magpapatuloy siya sa buhay nang wala ito.

Maya maya ay hangos na pumasok ng café si Mommy Jho. “Bakit basta ka na lang umalis? Hinahanap ka sa akin ng mga reporters. Pati si Dianne iniwanan mo.”

“Masyado pong malamig sa sinehan. Sumakit na po ang ulo. Milk tea?” alok niya at hinalo ang tsaa niya.

“Café americano,” sabi nito sa waiter at seryoso siyang pinagmasdan hanggang bumalik ang order nila. Nakatutok pa rin ang paningin niya sa hinahalong tsaa. “Ano ba talagang nangyari sa inyo ni Rushmore?” untag nito.

Napapitlag siya at naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha niya. “Wala. Wala pong nangyari sa amin ni Rushmore.” At bigla siyang napainom ng milk tea.

Madaling-araw pa lang ay nagpa-set na agad siya ng biyahe pabalik ng Davao at iniwan na natutulog si Rushmore. Sinabi niyang emergency iyon. She decided to leave right away. Ayaw na niyang abutan pa siya ni Rushmore paggising nito dahil baka magbago ang isip niya na tuparin ang pangako dito na tuluyang lalayo dito at hahayaan ito sa piling ni Lorna.

She wanted life to be easier for him. Alam niyang mahirap para dito ang mamili sa nararamdaman nito sa kanya at sa pangako nito kay Lorna. Siya na lang ang magsasakripisyo. The memories of his touch, kiss and making love with him was enough. She hoped it was enough.

“Nag-aalala lang ako sa iyo. Bigla ka na lang umuwi galing sa bakasyon ninyo. Mas nauna pang umuwi si Dianne dito sa Manila.”

Pilit siyang ngumiti at ginagap ang kamay nito. “Mommy Jho, tapos na po ang kahibangan ko kay Rushmore. Tanggap ko nang di niya ako mahal at si Lorna talaga ang pinili niya. Hindi na po ako manggugulo sa kanila.”

“Pero ano ba talaga ang nangyari sa Davao?”

“You don’t have to know. Ang mahalaga po magmo-move on na ako. Kaya pwede na po ba tayong mag-move on?”

Pagod na siya pagdating ng bahay. Gusto na lang niyang matulog at huwag makipag-usap kahit na kanino. Mabibigat ang hakbang niya nang pumasok sa villa nang salubungin siya ni Phil bitbit ang pamangkin niyang si Maggie na apat na buwan na. “Say hello to Tita!” nakangiti nitong sabi.

Pinahiran niya ng bib ang basang pisngi ni Maggie. “Hello, baby? Hindi mo ba pinahirapan ang daddy mo na mag-alaga sa iyo?” Inaasikaso ni Aling Pinky at ni Aya ang restaurant. Nagsasalitan ito at si Aya sa pag-aalaga kay Maggie.

“Behave naman ‘yan pero may kasungitan. Mukhang may pinagmanahan.”

Tumaas ang kilay niya. “Anong sabi mo?”

“Ngumiti ka na. May bisitang naghihintay sa iyo kanina pa.”

Kumunot ang noo niya. “Sino?” tanong niya at nagtuloy-tuloy sa sala. Nakaupo doon si Rushmore habang nanonood ng TV.

Tumayo ito at ngumiti nang makita siya. “Good afternoon, Toni.”

Sumimangot siya at bumaling kay Phil kuntodo ngiti at na nasisiyahan pa sa ginawa nito. “Anong ginagawa niya dito? Bakit mo siya pinapasok?”

“Natural para matuwa ka. Hindi ba gusto mo naman talagang makita si Rushmore? Akala ko pa mandin magpapasalamat ka sa akin.” Phil sensed danger right away. “Doon muna kami ni Maggie sa nursery,” sabi nito at umakyat papunta sa nursery.

“You may go now, Rushmore,” she said in a frigid voice.

“No. Kailangan muna nating mag-usap.” Hinawakan nito ang kamay niya na parang may karapatan pa ito. “Bakit basta ka na lang umalis sa resort? Hindi ganoon kasimple iyon.”

Ngumisi siya. “Hindi ba dapat nga matuwa ka pa? Tinupad ko ang pangako na hindi kayo guguluhin ni Lorna. Hindi ko na kailangang isiksik ang sarili ko.”

“Nagbago na ang lahat matapos may mangyari sa atin,” mariin nitong wika. “Paano kung magkaanak tayo?”

Umakyat ang dugo sa ulo niya at naniningkit ang mata itong tiningnan. “What’s this? Nandito ka dahil sa responsibilidad?” Hindi niya ito kailangan sa buhay niya kung responsibilidad lang pala ang tingin nito sa kanya. She deserved more than that. “Rushmore, hindi ko na gustong dumagdag sa responsibilidad mo at sa konsensiya mo. Paano kung may mangyari na namang hindi maganda kay Lorna? Iiwan mo na naman kami? No. I’d rather walk away now. At least this time, ako ang nagdesisyon. Hindi na ako magtatanong kung bakit mo ako iniwan.”

Subalit nakita niya ang katatagan sa anyo nito. “I will make things right. Hindi kita pinipili dahil sa responsibilidad. Hindi rin dahil baka magkaroon tayo ng anak. Pinipili kita dahil mahal kita. I love you. Kung ginusto kong mabuhay ka noon, iyon ay dahil mahal kita. Totoo ang lahat ng sinabi ko sa iyo noon na mahal kita. Nang magising ako na wala ka sa tabi ko, nakaramdam ako ng takot. Hindi ko pala kayang dayain ang sarili ko. Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka.”

Niyakap siya nito subalit nakadama siya ng panlulumo. It should be the happiest moment in her life. Iyon ang tipo ng deklarasyon kung saan makakakita siya ng fireworks sa paligid at pakiramdam niya ay siya ang pinakamasayang babae sa mundo. Sa loob ng ilang buwan, hinintay niyang kumpirmahin nito na mahal siya nito.

Parang winawasak ang puso niya at napaiyak na lang siya. Kumawala siya sa pagkakayakap nito. “Ipinaglaban kita, Rushmore. Alam mo ‘yan. Pero hindi mawawala sa isip ko na may buhay na nakasalalay sa mga kamay ko. Kaya kong mabuhay nang wala ka.”

Nagimbal ito at umiling. “No! Don’t say that.”

Nakagat niya ang labi niya lalo na nang makita niya ang pangingilid ng luha nito. “Hindi ito tama. May buhay sa kamay natin. Hindi rin ako magiging masaya na nagmamahalan tayo pero may buhay na masisira. Mas matapang ako kaysa kay Lorna. Masakit pero kakayanin ko. You keep your promise and I will keep mine. Goodbye, Rushmore.”

Inipon niya ang lahat ng lakas ng loob niya at patakbong pumasok sa kuwarto niya. Iyon ang pinakamasakit na pagtalikod na ginawa niya. She finally surrendered a great love. At alam niyang di na siya magmamahal pa gaya ng pagmamahal niya dito. Wala na siyang magagawa ngayon kundi lumuha na lang dahil alam niyang ginawa niya ang tama.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.