“SO, the witch did came back!”
Napalingon si Helios sa nagsalitang si Lori. Pero hindi na siya nagsalita pa. Mas nakapokus siya sa sariling pagngingitngit habang pinapanood si Fleure na pumasok na ulit sa loob ng bar kasama ang lalaking iyon. The nerve of that man to touch her!
Nah! Anong pakialam niya? Ano at nagngingitngit siya? Hindi ba dapat ay wala na siyang pakialam? Oo, kitang-kita niya nang mag-suicide si Fleure, twenty years ago. Dinig niya ang paghingi nito ng tawad sa kanya at ang umaapaw na guilt nito sa nagawa sa kanya. Nagagalit siya rito at walang duda doon dahil ng mga panahong iyon, hindi pa niya alam ang lahat-lahat. Nagbase lang siya sa mga narinig na nagpasiklab ng kanyang galit.
Pero noong nasa bingit ito ng kamatayan, ginawa pa din niya ang makakaya para maisalba ito. Nagkataong mahina siya ng mga sandaling iyon kaya hindi niya naabutan. Pero hindi din naman ibigsabihin na tinangka niya itong iligtas ay pinatawad na niya ito. Hindi niya lang gustong mamatay si Fleure nang dahil sa guilt. Kung guilty ito, dapat buong buhay nitong pinagbayadan ang guilt na iyon. Dapat nabuhay itong punong-puno ng pagsisisi. Iyon ang pinakamabisang pagbabayad sa kasalanan nito sa kanya. Akala ba ng babaeng iyon, porke nagpakamatay ito ay bayad na sa lahat ng pagtatraydor sa kanya?
Hah!
Isa siyang malaking tanga. Oo, siya. Siya ang tanga. Dahil ang hina ng tiwalang mayroon siya para sa mortal. Narinig niya mula sa isip ni Denise, minsang naglalakad ito sa kadiliman ng gabi na sobra-sobra ang guilt nito. Nawala ang isa sa mga itinuturing nitong kaibigan dahil sa pagkagahaman nito. Kinopya nito ang research ni Fleure patungkol sa balat niya at inunahan ang dalaga sa pagdiscover sa kondisyon niya. Naunahan kasi ito ng insecurity dahil malakas ang paniniwala nito na kapag nabigyan ni Fleure ng sagot ang misteryo ng balat niya, magiging sikat si Fleure. Mauunahan ito ng dalaga na makarating sa itaas ng tagumpay. Kaya dinaya nito ang dalaga. Inunahan na bago pa makagawa ng hakbang si Fleure. Tutal ay marami itong kontak sa ibang bansa. Walang alam si Fleure sa mga nangyayari sa kanya ng mga panahon na iyon. But Denise point of view also means that Fleure had her own plan of using him as well. May plano din si Fleure sa kanya pero inunahan lang ni Denise.
Kaya lang, may isa siyang napakalaking tanong. Kung nagpakamatay si Fleure dahil nilamon ito ng guilt nang malaman na sinunog siya ng mga kasamahan ni Denise. Then… bakit nandito na ulit ito matapos ang dalawampung taon? Ano ang pakay nito? At bakit hindi siya naaalala? Bakit iba ang pangalan at katauhan nito? O nagpapanggap lang ang babae?
Tama! Doon naman ito mahusay. Sa pagpapanggap. Kaya nga naloko siya nito at napaniwalang maski paano ay may halaga siya sa dalaga. Dahil magaling itong magpanggap. Idagdag pang hindi niya nababasa ang iniisip nito.
Bwisit!
“Kaya din pala nagsimula na ding umaligid si Zeke Avergou.”
Noon tuluyang nakuha ni Lori ang atensyon niya. “What do you mean?”
“Hindi ba at nababaliw din ang soul sucker na iyon sa kaluluwa ng mortal? Gusto niyang makuha ang babaeng iyon kasama ang katawan at isama sa mundo niya. In short, type niya ang traydor na babaeng iyon.”
It’s been twenty years. Masaya na si Lori sa bagong buhay nito kasama si Theron. Tapos na din ang issue nito sa buhay at sa pamilya nila, pero hindi ang galit kay Fleure. Kaya nga ipinamana na nito sa kanya ang anulum commode. Oo, naalis na nito ang singsing dahil tuluyan nang napalaya ni Lori ang sarili sa kapangyarihan ng anulum commode. Nagawa na nitong i-give up ang kapangyarihang kayang ibigay noon at sa kanya naman ipinasa. Para din daw hindi na maulit ang nangyari noon. At hindi niya alam kung para saan na tinanggap niya ang kapangyarihan ng singsing. Wala na namang dahilan para gustuhin niyang makalakad sa ilalim ng araw na hindi nasusunog. But then, hindi niya itatanggi na binabalik-balikan niya ang mga lugar na pinupuntahan nila ni Fleure noon. For twenty years, gusto niyang sapakin ang sarili dahil palagi pa din niyang dinadalaw ang bahay ng babae maski alam niyang patay na ito. Palagi niyang sinisilip ang museleo ng mga Garnett kung nasaan nakatago ang abo nito. Nandoon ang galit niya kay Fleure sa katotohanang may plano din ito laban sa kanya noon na hindi lang naisakatuparan dahil naunahan ng kaibigan. Pero hindi niya kayang lokohin ang sarili dahil alam niyang nananabik siyang makasama ito ulit.
“Mukhang nagpahinga lang si Zeke no’ng mga panahong tahimik kayong nagkakasama ni Fleure. Alam ko ding ganoon nalang ang tuwa niya nang makuha ka ng walanghiyang mga doktor na iyon. Nakikita ko siyang palaging nakaaligid kay Fleure noon. Mukhang kumukuha lang ng bwelo o baka hinihintay na tuluyan kang maglaho sa mundo para masolo niya ang mortal. Alam ko din ang matinding galit ni Zeke nang mamatay na si Fleure. Nabanggit iyon ni Ganaiah nang makaharap ko siya.”
Si Ganaiah ay ang kakambal ng eldest son ng mga Avergou at isa sa mga may malaking galit sa pamilya nila dahil napatay niya ang kakambal nitong si Lach Avergou. Iyon ay nang iligtas niya si Scylla, ang mortal na minamahal ng kapatid na si Lathan.
“Bakit sinasabi mo sa akin ang lahat ng iyan?” Nagtataka at kunot-noong tanong niya sa kapatid.
Sumilay ang isang tipid na ngiti sa mga labi ni Lori. “Dahil alam kong balak mo na namang protektahan ang babaeng iyon. And I’m warning you, don’t you ever try to do that. Minsan ka na niyang ipinahamak, posibleng mangyari ulit iyon sa ‘yo.” Madiin ang babala nito sa kanya.
Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang trust issue ni Lori pero alam niyang concern lang ito sa kanya. Masyadong sakim ang mga tao. Makuha lang ang gusto, walang pakialam sa buhay ng iba. Minsan na nila ‘yong napatunayan at hindi niya masisisi si Lori kung ganoon man ang naging mind set nito. Sa totoo lang, alam niyang sa lahat ng mortal, si Theron lang ang pinagkakatiwalaan nito.
Bakit? Well, dahil napatunayan nila ang loyalty ng lalaki sa pamilya nila. Hindi iisang beses na tinulungan ng mortal ang mga Monfort. Maski pa nga umabot sa punto na maski ito ay napapahamak na.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Helios.
“I have to go. May mga kailangan pa akong gawin.” Ani Lori. “And I know you are wise enough, Helios. Hindi mo gagawin ang ginawa mo na dati.” Makahulugang sabi nito.
Sasagot na siya nang mula sa ibaba ng kinaroroonan niya, nakita niya si Zeke na nakaabang sa labas ng bar. Matalim ang mga mata nito na nakatingala sa kanya. Napunit ang isang nakakalokong ngisi. Nagngalit naman ang mga bagang niya. Paano niya magagawang makapangako sa kapatid kung ganitong nakikita niyang may nag-aabang na panganib kay Fleure. At ano ba talagang pakay ni Fleure at bumalik pa ito sa mundo ng mga mortal? Bakit hindi nalang ito manahimik sa kabilang buhay? Para naman…
Para naman tahimik nalang din siyang mangulila rito. Iindahin niya iyon kahit habampanahon, masigurado lang tahimik na ito sa kabilang mundo.