CHAPTER 21

PAPASOK sa elevator lobby ng kanyang condo si Fleure nang maramdamang may pumigil sa kanyang braso. Sa paglingon niya, isang hindi pamilyar na lalaki ang bumati ng isang matamis na ngiti. Gwapo ito, walang duda. Pero ang unang-unang napansin niya ay ang parang pulang mga mata. O baka dahil sa reflection ng ilaw. Hindi niya sigurado. Still, ano ang kailangan nito?

“Fleure…” mahinang anas nito.

Sandali siyang nawalan ng lakas sa timbre ng pagkalalim nitong boses. Parang galing sa hukay.

“Do I know you?” Naitanong niya. Pangalawa na ito sa mga taong na tumawag sa kanya sa ganoong pangalan. At hindi niya din kasi maintindihan kung bakit nakakaramdam siya ng kilabot… ng panganib. Pakiramdam niya, may mangyayaring masama.

Sinipat ng dalaga ang brasong hawak pa din ng estranghero pero sa halip pakawalan ay mas kinabig pa siya nito palapit. Nagpilit siyang kumawala.

“From the very beginning, I know you are really something, Fleure. See? Even after two decades, you didn’t changed. Ni katiting ay hindi ka tumanda katulad ng ibang mortal.” Biglang tumalim ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya.

Tuluyang sinalakay ng kaba ang dibdib ng dalaga. Anong sinasabi nito? Sino ba ito? Isa din ba itong baliw katulad no’ng gwapong lalaki na naka-gothic attire kanina? At bakit ba siya tinatawag na Fleure ng mga ito? Sa isip ay napapitik si Fleure, mukhang biktima siya ng mistaken identity. Nagpumiglas siyang muli at nagbalak na magpaliwanag pero sa pagkagimbal niya, hinaklit lang siya nito sa baywang saka mariing hinawakan ang kanyang baba. Halos lumubog ang mga daliri nito sa kanyang pisngi sa diin ng pagkakahawak nito sa kanya. Nararamdaman niya ding tila mababali ang kanyang mga buto sa higpit ng pagkakahawak nito.

Bakit hindi siya makakawala? Binitbit na din naman siya ni Magi sa mortal world, bakit hindi pa siya binigyan ng superpowers para naman magagawa niyang ipagtanggol ang sarili sa mga mapanganib na sitwasyong gaya nito.

“Sasama ka sa akin o kukunin ko ang kaluluwa mo?” mapanganib na banta nito.

“Teka, sino ka ba? Anong kailangan mo sa akin?!” Gusto na yata niyang maghurumentado dahil talagang kinikilabutan siya sa mapanganib na aurae feels na hatid ng lalaki sa kanya. Pero pinilit niyang manlaban. Kailangan niyang manlaban. Hindi niya matutulungan ang sarili kung magpapakain siya sa panic.

Biglang napunit ang tila sarkastikong ngiti sa mga labi ng lalaki. “Twenty-years lang ang dumaan at nakalimutan mo na ako?” Nakakalokong umismid ito. “O nagpapanggap ka lang na hindi mo ako nakikilala?” Hindi napigilan ni Dara ang mapakunot-noo. Pero wala na siyang panahon para magtanong at mag-usisa. Mabilis na gumana ang isip niya. Kahit malakas ang pwersa nito, alam niyang may kahinaan ang lalaki. At isa lang ang naiisip niyang madaling paraan para makakawala sa satsat ng satsat na estranghero.

“Do you think na maisasalba ka ng pagmamaang-maangan mo? Then, think again, sweety.”

Umigkas ang isang paa ni Fleure at ubod lakas na pinatama iyon sa gitnang bahagi ng katawan nito. Pero bago pa man niya magawa ang plano, agad na nakakilos ang lalaki at sinalo ng isang kamao nito ang paa niya. Sa sobrang lakas ng pwersa ng lalaki, bumalya siya sa isang bahagi ng parking area. Lalong nahintakutan si Fleure nang makitang nagbabagong anyo ang lalaki. Lumalaki ang katawan nito at tuluyang nagiging kulay pula ang balat. Pati ang mga mata nito ay tila nagbabagang kulay pula. Nagpilit siyang tumayo at sinipat ang layo niya mula sa elevator lobby. Kailangan niyang makasakay sa elevator bago pa siya malapitan ng mala-demonyong lalaki na umaatake sa kanya. Masakit ang paa niya at nabali yata ang buto sa may binti. Pero hindi siya dapat na magpatalo sa kirot. Ang kailangan niya ay presence of mind para makaligtas sa mapanganib na sitwasyon.

“Gusto mong makipaglaro, ha? Sige, pagbibigyan kita.” Gumalaw-galaw ang ulo nito sa paraang tila nagwa-warm up sa isang matinding match.

Hindi siya nagsalita, sa halip, nang makatayo na ay ginamit ang natitirang lakas para takbuhin ang elevator lobby. Pero nasa bungad pa lang siya ng lobby, nadaklot naman agad ng lalaki ang buhok niya. Sabay salya sa kanya sa kung saan nalang. Bumalandra siya sa tabi ng isang itim na sasakyan. Lalong tumindi ang sakit ng kanyang katawan nang mapahampas ang likod sa matigas na bagay sa gilid ng kotse. Sa isang iglap, nasa harapan na niya ang lalaki at mariing hinawakan sa leeg. Kanda-singhap si Dara sa paghahabol ng hininga.

“Kung sumasama ka nalang ba sa akin ng maayos? Hindi ka na masasaktan ng ganito.” Magkahalong pagkayamot at pang-aasar na sambit nito. “As much as possible, I don’t want to hurt you, Fleure. Pero pinipilit mo akong saktan ka. Kung tutuusin, pwede na kitang patayin ngayon. Pero hindi ko pa magagawa. Una, kailangan pa kita para makapaghiganti ako sa mga kaaway namin. Pangalawa, anong malay ko kung may abilidad ka pala at mapapakinabangan namin iyon?”

Lumuwag ang pagkakasakal nito sa kanya pero hindi pa din siya pinapakawalan. Nagawa na niyang makahinga at makapagsalita maski paano.

“Fleure ka ng Fleure! Hindi ako si Fleure!” paangil na sikmat niya rito. “At wala akong alam sa mga sinasabi mo! Pakawalan mo na ako dahil wala ka namang mapapala sa akin!”

Ngumisi ito ng nakakaloko. Para bang mas sigurado ito sa sarili kaysa sa paniwalaan sinasabi niya. Ano bang problema ng halimaw na ito? Bakit ito ganito? At may kasalanan ba siya rito noong past life niya? Bakit hindi man lang siya ini-inform ni Magi kung sino ang mga dapat niyang iwasan at kung sino-sino ang mga pwedeng magtangka sa kanya??

Muling dumiin ang pagkakasakal ng lalaki sa kanya. “Meron. Malaki ang magiging pakinabang ko sa ‘yo.” Sabi nitong hindi inintindi ang nauna niyang sinabi. “Kung hindi kita mapakinabangan noon, ngayon ko gagawin.”

Pinagsusuntok ni Dara ang braso at balikat ng lalaking sumasakal sa kanya pero sa malas ay wala siyang magawa sa lakas nito. At aksidente lang ba pero parang nakita niya ang isa pang lalaki na kanina ay dumaklot din sa kanya at nagdala sa rooftop? Nasa isang bahagi lang ito ng parking area. Maski madilim, naaaninag niyang nakalutang ito sa ere at parang may kakaiba. Parang kumikinang in silvery color ang buong katawan nito. Parang kaluluwa pero parang hindi din. Masama ang tingin nito sa kanila. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang magkahalong pag-aalala at nagbabagang galit. Nababasa niya sa gwapong mukha nito ang pagtatalo ng isip kung tutulungan siya o pababayaan nalang. Pero may isa pang katulad nito na nakalutang din ang lumapit dito.

Babae. Pinipilit itong hilahin palayo sa lugar pero hindi natinag ang lalaki. Lalong nagtiim-bagang at umakmang lalapitan na siya. Naramdaman naman niyang patindi ng patindi ang pagkakasakal ng estranghero sa kanyang leeg. Nagkakawag siya para makakawala.

Ano bang klaseng buhay mayroon siya dati at may mga ganitong nilalang na nakapaligid sa kanya? Posible nga bang siya si Fleure katulad ng ipinipilit ng mga ito?

“You wanted this. You wanted to play with me. Then I’ll give you an exciting game. Try hard to get away with me and I’ll set you free for awhile. Try more. Try harder, Fleure.

Napapikit ng mariin si Dara at pinilit makasagap ng hangin.

“You son of a bastard thief!”

Sa isang sandali ay nawala ang lalaking sumasakal sa kanya. Ang sumunod na niyang nakita ay ang pakikipag-one on one combat ni Magi sa estranghero. Sa isang pitik ni Magi, namimilipit na sa sakit ang lalaki. Kung may ilang beses itong sumalya sa kung saan-saang haligi at concrete wall. Hindi malaman ni Dara kung saan babaling ang tingin. At ang mas lalo niyang ikinagulantang ay ang kaalaman na naka-freeze ang oras. Dahil sa isang bahagi ay nakikita niya ang guard na may hawak na flashlight pero ni hindi kumikilos at nakatulala lamang sa isang bahagi ng parking area. Parang may sinisilip pero hindi na kumikilos.

Muling bumalik ang atensyon ni Dara sa nagpapambunong si Magi at ang estranghero. Nagpipilit lumaban ang lalaki. Kung anu-anong mura ang pinapakawalan nito pero mas lalong pinapatindi ni Magi ang pain inflict na ibinibigay nito sa lalaki.

“Kung gusto mo pang patuloy na mabuhay, piliin mo kung sinong pagnanakawan mo, naiintindihan mo?” banta ni Magi at isinalya ang lalaki. “This soul is mine, don’t you dare try to steal her again!”

“You bitch! May araw ka din sa akin!” singhal nito at sa isang kisap-mata ay nawala na sa paligid.

Tulala si Dara nang lapitan ng naka-hood na soul reaper. Si Magi. Nakasuot ito ng superfit black spandex overall. Kurbang-kurba ang katawan na kahit sinong babae ay kaiinggitan ang perfection na taglay ng katawan nito. Sa pampaa ay ang pares ng black boots na kung ilang inches din ang heels. Maindayog ang paglalakad nito na parang rumarampa lang bilang modelo ng sexy-ng kasuotan. At katulad ng dati, tanging mga labi lang nito ang nasisilip niya. Pero sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, alam niyang si Magi ang nasa harapan niya, ang tumulong sa kanya. Boses siguro nito ang nagsilbing recognition. Pumitik ulit ito at sa isang iglap ay tumakbo ang oras. Kinabahan siya dahil may guard na nagroronda sa parking area. Narinig yata ang ingay ng kaguluhan. Pero nang bumaling doon ang mga mata niya ay papaalis na din ang guard at parang hindi sila nakita. Maybe that was the work of Magi’s magic.

Nang bumaling ulit siya sa isang bahagi kung saan nakita ang isa pang lalaki at babae na kumikinang ang mga katawan, papaalis na ang mga ito pero magkahalong pagtataka at pagkalito ang makikita sa mga mata ng lalaki. Parang ang dami nitong gustong sabihin at itanong sa kanya pero sa huli ay nagtiim-bagang at madilim ang mukha na tumalikod saka mabilis na nawala sa kadiliman. Ganoon din ang babae na nag-iwan sa kanya ng nakakapanindig balahibo at matatalim na titig. Nanghilakbot siya sa galit na nakita sa mga mata ng babae.

At siguro, nakita ni Magi ang matinding takot na iyon sa kanyang mukha, agad itong nakalapit sa kanya. Hinawakan lang din siya nito at ilang sandali pa ay bumuti na ang pakiramdam niya. Parang nawala ang lahat ng masasakit sa kanya maski ang binti niyang napuruhan kanina ng demonyong lalaki.

“Don’t worry. Hindi ka na guguluhin ng soul sucker na iyon. We, soul reapers were like soul police to those thieves. Matatakot na iyong pakialaman ka pa lalo at alam niyang nakabantay ako sa kaluluwang balak niyang nakawin.” Anito at tinulungan siyang makatayo.

“Huh?” Parang mas lalo siyang nalito maski nagpapaliwanag na ito.

“Those soul suckers were soul thieves. Ninanakaw nila ang mga kaluluwa na sinusundo namin. Isa pang trabaho din namin ang hulihin sila at patayin pero karamihan sa mga soul reapers na katulad ko, wala nang pakialam sa kanila as long as hindi naman ang mga kaluluwang sinusundo namin ang ninanakaw nila. And I am sure, hindi ka na niya guguluhin matapos ang gabing ito. Unless, he wanted to messed up with me.”

Hindi na nagsalita si Dara. Gusto niya sanang sabihin na may hinala siyang hindi lang basta kaluluwa niya ang pakay ng lalaki. Base na din sa sinabi noon sa kanya. That soul sucker wanted her all. At mas lalo siyang natatakot. Mas lalo siyang nag-aalala. Mas magiging mahirap ang misyon niya kung ganitong maraming banta sa hiram na buhay niya. Kakaunti na nga lang ang oras niya, may mga humahadlang pa.

“Bakit nila ako tinatawag na Fleure? Ako ba si Fleure? Bakit gustong makuha ng soul sucker na iyon si Fleure?” Hindi napigilan ni Dara na magtanong.

Sandaling natigilan ang soul reaper. Para bang pinag-iisipan nito ang isasagot sa kanya. Pakiramdam naman niya ay para bang isang taon ang katumbas ng bawat segundong dumadaan na nananatiling tahimik ang soul reaper.

“Why do you messed with their businesses? Hindi ba at may misyon ka na dapat inuuna?” Sa halip ay paninita nito sa kanya.

“Pero ginugulo kasi nila ako. Paanong hindi ako magtatanong sa ‘yo kung—”

“Hindi ka na nila guguluhin. Just focus on your mission, okay?”

Walang nagawa si Dara kundi ang tumango. Kahit naguguluhan at naku-curious siya, pinili niyang isalya ang bahaging iyon ng kanyang pagkatao. Mas na dapat nga siyang magpokus sa misyon kaysa sa mga nilalang na iyon. Baka nga mistaken identity lang. Baka kamukha niya ang tinutukoy ng mga ito.

“I CAN’T believe this! I can’t believe you!”

Hindi iniintindi ni Helios ang galit na paninita ni Lori sa kanya matapos nilang makabalik sa bahay. Mas pokus siya sa nakita at nangyari kanina. Iniligtas si Fleure ng isang soul reaper at inike-claim na pagmamay-ari nito ang kaluluwa ng babae. Was that mean, isang corrupt na reaper ang tumulong kay Fleure kanina? At malamang na may deal ang mga ito? Pero bakit kailangang magpanggap ni Fleure na walang naaalala?

Sandali… pwedeng… pwedeng wala nga siyang naaalala. Pwedeng nasa reaper ang alaala ni Fleure. Pero hanggang kailan ang deal? Siguradong may time limitation si Fleure. And what she was up with? Anong klaseng deal ang ginawa nito sa soul reaper? At bakit? O para saan?

What is your plan, Fleure? Why did you come back to life?

“Hindi na kita maintindihan! Akala ko ba nagkakaintindihan na tayo!” Muli niyang narinig ang galit na sita ni Lori sa kanya.

“What’s happening here?” Si Theron na mukhang nagising sa pagsigaw-sigaw ni Lori sa kanya. Sa bahay pala nila natulog si Theron. Ewan ba naman sa couple na ito at hindi pa bumukod.

But then, mabuti na din na nandoon si Theron, malaking tulong ang mga spells nito kapag may paparating na mga kaaway.

“‘Yan kasing si Helios, hindi nag-iisip!” galit pa din si Lori.

“Nah! Pakalmahin mo na nga ‘yang asawa mo. Palibhasa, umaga na, hindi mo na naman siguro napagbigyan kagabi.” Sa halip ay pang-aasar niya sa kapatid para naman kumalma ito maski paano. Hindi siya makapag-isip ng mabuti kapag ganitong may maingay sa paligid.

Sa isang sandali ay nasa harapan na niya si Lori at naisalya na siya palayo. Tinawanan niya lang ang kapatid. Mukhang mas lalo itong nagalit umakmang susugudin na naman siya. Agad namang umawat si Theron nang magtangka muli si Lori na lumapit.

“Halika na, love. Uwi na tayo. Marami pa tayong dapat gawin. Magkukulong tayo buong araw sa bahay ko.” Paglalambing ni Theron.

“Isa ka pa!” asik naman ni Lori.

“Ayaw mo?” panunubok ni Theron.

Parang natigilan si Lori. Pero sa isang sandali ay nasunggaban din si Theron ng isang nag-aalab na halik. Nawala na ding bigla ang dalawa sa harapan niya.

Nah! Lovers…

Napailing-iling si Helios. Mukhang iyon lang ang magpapakalma kay Lori. Kung minsan talaga, nadadaig ito ng dugong succubus nito. Pero mas mabuti iyon para tantanan na siya ng kapatid.

Sumalampak si Helios sa single couch, medyo bukas ang panel curtain sa tapat niya pero hindi na siya nag-abala pang hawiin iyon pasara. Sinilip niya ang kanang kamay at tinitigan sa hinliliit ang anulum commode. Dahil sa kapangyarihan ng singsing, hindi na siya natatakot mabilad sa ilalim ng liwanag ng araw. Kung sa dating buhay, baka katulad ng mga kapatid at mga magulang, nasa silid niya siya at natutulog, o di kaya ay nag-a-astral travel para kumain. But having the power of anulum commode, he can do anything under the sun. Hindi problema ang pagpapalakas, marami siyang oras para doon.

Isang buntong-hininga nang sumagi na naman sa isip niya ang kaganapan kaninang madaling araw sa parking space ng tinutuluyan ni Fleure. Minsan ay hindi niya din gets ang sarili. Sinabi niyang wala na siyang dapat na pakialam sa dalaga. Tama naman kasi si Lori. Huwag na niyang ipilit dahil hindi naman pwede.

Nag-astral travel na nga siya nang masiguradong clear naman ang designated place niya na binabantayan. Balak niya ay kakain na sa astral plane. Pero nang makita niyang papauwi na si Fleure, hindi niya napigilang sundan ito.

Kung nalalaman lang ng kapatid kung gaano katindi ang galit at pagpipigil niyang sugudin si Zeke kanina. Gusto niyang baliin ang mga buto ng soul sucker. Pigtasin ang ulo nito. Gustong-gusto niya lalo na nang makitang sinasaktan nito si Fleure. Pero patuloy ang pagpigil ni Lori sa kanya. Nararamdaman pa nga niya na ginamitan siya ni Lori ng mind controller para hindi makakilos. Pero nang malagpasan na niya ang ginagawa ng kapatid sa kanya at handa nang sugudin si Zeke, saka naman dumating ang soul reaper. O ang itinuturing na soul society police ng mgasoul suckers.

Ramdam niyang sobrang lakas ni Zeke. Siguro dahil sa mahabang panahon na pagpapalakas nito sa kampo. Pero kung malakas si Zeke, di hamak na mas malakas ang soul reaper. Walang sinabi si Zeke sa kapangyarihan ng soul reaper. Kaya medyo napanatag siya. Pero ang bumabagabag naman sa kanya ngayon ay ang malamang na deal ni Fleure sa soul reaper. Kung mapanganib si Zeke, mas higit ang soul reaper.

Kailangan niyang malaman kung anong klaseng deal ang pinasok ni Fleure… Kailangan talaga!

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.