IGINALAW-GALAW ni Dara ang leeg sa paraang nagwa-warm up. Kanina pa siyang naghihintay kay Fonsi. Nasa isang expensive memorial garden sila at dinadalaw ng lalaki ang museum ng mga magulang nito. Nagpaiwan na siya sa may pathway at naupo sa bench. Siyempre, ano bang gagawin niya sa museum ng parents nito? Medyo naiinis na nga siya eh. Wala na sa job description niya ang samahan ito pero palagi siyang kinakaladkad sa kung saan-saan ito magpunta. Kumakain daw ito sa kahit saan magpunta. At bilang nutritionist, obligasyon niyang alamin kung tama ang pagkaing kakainin nito.
Ah, hinayaan na niya. Siguro ay mabuti na din iyon. Baka maging malapit na sila sa isa’t-isa. Baka may mahukay siyang kahinaan nito at maging daan para ma-persuade niyang isuko na ang mahabang buhay. Katulad ngayon, nalaman niyang matagal nang patay ang mga magulang ng lalaki. Alam niyang miss na miss na nito ang mga magulang. Siguro, ibe-brainwash nalang niya itong magpakamatay na para makasama na nito ang mga magulang.
Napailing-iling siya sa sarili. Anong klaseng plano ba ang naiisip niya? Walang kwenta!
Nag-unat ng mga braso si Dara. Naiinip na siya sa paghihintay sa pakikipag-reunion ng boss sa parents nitong sumakabilang-buhay na. Wala pa ba itong balak umuwi? Makikipagkita pa siya kay Larix. Ang isang iyon, may nasilip din siyang masakit na nakaraan. Baka pwede niya din itong bulungan na mag-suicide na…
May lumagpas na kung sino sa harapan niya. Marahan ang lakad at may baston na dala-dala. Gamit siguro para alamin kung may hadlang sa dadaanan. Bigla niyang na-realize na bulag ang dumadaan. Sa likod nito, may isang nurse na siguro ay alalay at sumusubaybay sa bulag na ginang.
Huminto ang ginang at sandaling parang tinapik ang dibdib. Agad sumaklolo ang nurse.
“Maupo muna tayo dito Ma’am, kung pagod na kayo.” Narinig niyang sabi ng nurse na mabilis lumapit para alalayan ang amo.
Tumango lang ang ginang. Naupo naman nga sa kasunod na bench.
“Iwan mo muna ako dito, Louise.” Sabi nito.
“Sige po.”
Medyo naiinis si Dara. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit hindi niya mapigilang panoodin ang bulag na ginang sa bawat kilos nito. Hindi niya din kayang ipaliwanag ang matinding kaba na nararamdaman habang nasa tapat niya lang ang kinaroroonan nito. Hinubad ng ginang ang shades na suot. Kung titingnan, parang normal naman ang mga mata nito. Hindi aakalaing wala itong nakikita. Nakita niya ding nagpahid ng luha ang ginang. Saka mahigpit na niyakap ang hawak na baby dress. Parang sinakal ang puso ni Dara sa nakikitang naghihirap na damdamin ng ginang. Bakit ba siya naaapektuhan sa nakikita sa estranghera? Ni hindi niya ito kilala para makaramdam ng ganoon.
“I’m sorry, anak. I’m really, really sorry.” Mahinang sambit nito na pakapa-kapang hinaplos ang hawak na baby dress.
Namalayan nalang ni Dara na may mga nalaglag na ding luha sa kandungan niya. Natampal niya ang dibdib. Sobrang sikip ng pakiramdam sa bahaging iyon. Parang sinusuntok ng sangkaterbang mga kamao. Ano ba ito? Bakit ganito ang pakiramdam niya?
“Are you okay?”
Napatingala si Dara sa nagsalita. Nasa harapan na pala niya si Fonsi. Bago pa niya mahulaan ang ibigsabihin ng pagkunot-kunot ng noo nito at ang pag-angat ng kamay ng lalaki, dumeretso na ang mga daliri nito sa kanyang pisngi at marahang pinapahid ang kanyang mga luha.
“I should be the one to mourn in here, Dara. Pamilya ko ang nakalibing dito.”
“Oo nga, Sir. Pasensiya na—”
“Fleure? F-Fleure?! Anak!”
Napalingon sila sa ginang na nagsalita. Hindi ito magkaintindihan sa pagsusuot ng shades at pagkapa sa baston. Nagmamadaling tumayo ito na tila gustong lapitan sila. Sa isang sandali ay nakalapit ang nurse nito.
“Ma’am, saan po kayo pupunta?”
“Narinig ko ang boses ng anak ko! Hindi ako pwedeng magkamali, anak ko ‘yon!” parang gustong maghisterikal ng boses ng ginang habang pinapakalma ito ng nurse.
“Ma’am… matagal na pong patay ang anak niyo, alam niyo po ‘yan. ‘Di ba po at nandito tayo para dalawin ang museum ng pamilya niyo? Nandoon ang abo ng anak niyo sa museum.”
“Pero narinig ko siya. Narinig ko ang boses niya. May kausap siyang lalaki. Nandito lang siya sa paligid. Hindi ako pwedeng magkamali. Hanapin mo ang anak ko, Louise, please!” At nagpilit humakbang ang ginang pero pinigilan ito ng nurse.
Nahihiyang lumingon ang nurse sa kanila at binigyan sila ng tinging tila humihingi ng paumanhin. Pero biglang nanlaki ang mga mata nito nang matitigan siya. Parang gulat na gulat. Siya naman ay hindi maintindihan kung ano ang dapat ikilos. Bakit ganoon nalang makatingin sa kanya ang nurse? Para itong nakakita ng patay na muling nabuhay.
Tumango si Fonsi sa nurse at nagyaya na. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod sa boss. Pero hindi niya mapigilan ang sarili na lingunin ang mga iyon. Ang nurse na parang nakabawi na at inaalo ang ginang na naghihisterikal na… ang bawat iyak nito, bakit parang kutsilyong humihiwa sa dibdib niya? Bakit gusto niyang tumakbo pabalik para yakapin ang ginang? Bakit?
“Siya nga ba ang Mommy mo?” Narinig niyang tanong ni Fonsi. Bumalik tuloy dito ang tingin niya. Pero halata namang nagbibiro lang ito base sa pagngiti at pagkinang ng mata.
“Hindi ko siya kilala.” Direkta ang tingin na sagot niya rito. “Pero hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko. Parang ang bigat-bigat na makita siyang ganoon.” Wala sa loob na nasabi niya.
“Naaawa ka lang siguro.” Anito. Nagbuntong-hininga.
Inilayo naman niya ang tingin dito at muling nilingon ang ginang. Nakaupo na ito ngayon sa bench at pinapakalma ng nurse.
“That woman… she’ll get by. Ganyan din ako noon habang isa-isang nakikitang namamatay ang mga mahal ko sa buhay. Sobrang lungkot. Sobrang sakit. Pero eventually, nakasanayan ko na din ang mga damdamin. Hanggang sa hindi ko na maramdaman.”
Tiningala niya si Fonsi. Wala na itong emosyon. At sigurado siyang itinatago lang nito ang nararamdaman.
“Long life ang hiniling mo ‘di ba?”
Tumitig lang ito sa kanya. Alam niyang alam nito ang sinasabi niya. Pareho silang may nakatanim na chip sa mga pulsuhan at alam nitong miyembro din siya ng organisasyong kinasasalihan nito. Hindi nga lang ito masyadong uma-attend ng get together ng mga miyembro. Nagpapakalunod ito sa trabaho.
“At hanggang kailan ang long life na iyon?”
Matiim itong tumitig sa kanya. “Hanggang maipasa ko na ang family legacy sa isang karapat-dapat na anak.”
Bumuntong-hininga siya. “Magtatagal pa nga ang buhay mo.”
Kumunot ang noo nito. “And what was that supposed to mean?”
“Well. Obvious naman na ‘di ba?” Binalewala niya ang pagkunot-noo nito. “Wala kang asawa, paano ka magkakaanak? Paano mo maipapasa ang kayamanan at legacy na sinasabi mo? Hindi ka ba napapagod sa buhay mo? Hindi ba sumagi sa isip mo na magpahinga na? Oo nga, hindi ka tumatanda. Pero hindi ka ba napapagod sa pointless na buhay mo?”
Nakita niyang nagtiim-bagang ang boss. Wala siyang pakialam. Bahala itong magalit. Basta nasabi niya ang gustong sabihin, tapos.
“Kaya nga sinisimulan ko nang magtanim. Wala nga akong asawa pero hindi mo alam kung ilan na ang anak ko. At wala pa akong nakikita ni isa sa kanila ang karapat-dapat na maging tagapagmana ko.”
Napasinghap si Fleure sa narinig. Nakita niyang ngumisi si Fonsi. Mukhang iyon talaga ang purpose nito sa pag-e-expose sa kanya ng sensitive information. Ang gulatin siya.
“Nangako ako sa parents ko na mananatiling nasa rurok ng tagumpay ang business na binuo at inalagaan nila. Hindi ko sila kayang biguin. Kaya nga ako nakipag-deal sa dark element, para siguraduhing matutupad ko ang pangako ko.”
Parang nanlambot siya sa narinig at kasabay noon, naawa siya kay Fonsi. Siguro, ang hirap mabuhay sa pamilyang business oriented. Kahit gusto na nitong magpahinga, hindi nito magawa. Hindi kasi pwede.
Pinakatitigan niya si Fonsi. He looks as if he was in his late twenties. Pero ayon sa data sa kanyang isip ay mahigit kwarenta na ito. Hindi ito tumatanda. Young looking at malakas pa din. Siguro dahil nga sa deal na ginawa nito.
“How about you? Ano ang hiniling mo nang pumasok ka sa organization?” Umigkas ang kilay ng boss.
Aminado siyang gwapo ito pero bakit walang dating sa kanya? Paulit-ulit na nagpa-flash sa isip niya ang lalaking madilim ang gwapong mukha na matapos ang isang gabing pagsulpot sa harapan niya ay hindi na muling nagpakita.
“I don’t think its wealth or fame. Hindi ka sikat at hindi ka din mayaman.” Narinig niyang dagdag nito.
Hindi malaman ni Fleure ang isasagot. Hindi siya na-inform or wala sa isip niya ang sagot sa tanong na iyon. Oo at hindi siya totoong Illuminati. Peke ang microchip na nakatanim sa pupulsuhan niya. Pero hindi iyon made-detect ng mga co-members. Of course because of Magi’s power. Hindi niya problema ang dark element na ka-deal ng mga iyon dahil kanya-kanya sila ng deal. Kung sino ang founder ng grupo na nilikom ang mga mortal na may deal sa kung sinong demon, wala din siyang ideya. Basta matic ang lahat. Once they’ve deal with the dark element, nagkakaroon na ng microchip.
Nginitian niya si Fonsi para maitago ang kaba. “I invoke my rights to remain silent.” Aniyang lumabi pa.
Matipid na napangiti ito sa kanya. “Woman, you’re so clever.”
“Hindi ko kasalanang umamin ka. Pwede mo din namang gamitin ang karapatan mong manahimik, ‘di ba?”
“Nah!”
Natawa na si Fleure. Actually, hindi niya maituring na masama ang boss. Mabait ito at kapag nasa labas sila, parang kaibigan ang turing nito sa kanya at hindi empleyada. Siguro dahil alam nitong co-member siya sa organisasyong kinabibilangan nito. O pwede ding nakuha niya ang loob nito dahil bakit ganoon lang kadali para dito na sabihin sa kanya ang mga saloobin nito? Medyo naaawa nga siya sa boss niya. Alam niyang malungkot ito at gusto nang magpahinga. Gustong-gusto na nga niya itong bulungan na magpakamatay na. Pero naiisip niyang hindi din nito iyon gagawin hanggang hindi naipapasa ang family legacy. ‘Di ba’t nakasangla na ang kaluluwa nito kapalit na matupad ang pangako sa magulang? Sana lang… sana hindi ito magkamali ng pagpili sa mga anak nito.
“I consider trusting my secrets on you. Hindi mo naman ako ibubuko, ‘di ba?” narinig niyang sabi ng boss.
Nginitian niya ito. “Let’s see.” Biro niya sa boss.
Tumawa na ng tuluyan si Fonsi. Siya naman ay hindi malaman kung ano ang mararamdaman. Wala nang nakakatuwa sa nangyayari. Paano pa niya magagawa ang misyon kung ganitong parang sumisibol na ang awa at pang-unawa niya sa sitwasyon ng mga taong dapat ay kinukuha na niya?
Hayst!
PARANG dejavu…
Iyon ang naiisip ni Dara habang nakapamaywang sa harap ng lumang sasakyan. Bigla nalang kasi iyong tumirik sa gitna ng daan habang tipsy na ang pakiramdam niya. At may pakiramdam din siya na nangyari na ang ganito. Hindi niya alam kung kailan at paano basta nararamdaman niyang nangyari na ang ganitong scenario.
Alas tres na ng madaling araw pero madilim pa din. Kung may nakikita man siya sa paligid, iyon ay dahil sa buwan na nagbibigay liwanag sa paligid. Galing siya sa bar at nagpaalam na kay Larix kahit na in-heat pa din ang lalaki sa kaka-party at kakainom ng alak. Para ngang hindi ito nalalasing. Masakit na ang ulo niya. Hindi lang dahil sa alak na nainom kundi sa kakaisip kung ano ba ang gagawin niya sa dalawang subject niya na sina Larix at Fonsi. At yamang hindi masagot ng alak ang mga tanong niya at problema, baka ang pagtulog, may maibigay na sagot sa kanya. Kaya lang, paano siya makakauwi at makakatulog kung ganitong pinagtrayduran siya ng sasakyan na ipinahiram ni Fonsi. Company car daw iyon pero ganito naman na parang perwisyo pa ang ibibigay sa kanya sa halip na tulong.
Nagpalinga-linga siya sa paligid. Ni hindi niya alam kung nasaan na bang bahagi ng lungsod siya naroroon. Walang kahit sinong napapadaan sa lugar, paano siya manghihingi ng tulong? Nang may marinig siyang ingay sa kung saan. Parang may mga kumakalampag. Nalalaglag o nawawasak. Hindi niya alam. Pero sigurado siyang sa lumang building nanggagaling ang ingay. Abandonado na yata o pwedeng inire-renovate kaya may mga ingay ng bumabagsak at kumakalampag. Hindi ba may ganoon naman? Twenty-four seven ang construction lalo na kung minamadali. Pero bakit walang ilaw? Kahit pa maliwanag ang buwan, dapat may ilaw pa din sa loob kung may ginagawa man ang kung sinu-sinong kontraktor.
Ewan.
Ang mahalaga, may tao at baka makahingi siya ng tulong sa mga iyon. Baka may marunong tumingin ng sasakyan. Medyo natatakot at kinakabahan siyang naglakad at pumasok sa abandonadong building habang nagta-tao po. Pero nasa bungad palang siya nang may dumaklot na sa kanyang likuran. Nagpumiglas si Dara at biglang nanlaki ang mga mata nang makilala ang kung sinong dumaklot sa likuran niya.
“Look who’s here.” Nakakalokong ngumisi ang lalaking may pulang mga mata at may mapanganib na aura.
“Zeke, halika na!” tawag dito ng babaeng parang nagmamadali pa. May nilingon ito mula sa kung saan.
“Mauna ka na. May nakahayin na pagkain sa harapan ko, hindi ko pwedeng tanggihan.” Anito na hindi inaalis ang matiim at nakakakilabot na titig sa kanya. Siya ba ang tinutukoy nitong pagkain?
Parang gusto niyang yakapin ang sarili. Hindi lang sexual desire ang nakikita niya sa nag-aapoy nitong mga mata kundi pati na din ang pagkatakam para sa isang literal na pagkain.
At akala ba niya ay nangako si Magi na hindi na siya malalapitan ng soul sucker? Bakit nakaharang na naman ito sa dadaanan niya?
“Fine! Basta bilisan mo na diyan. May mas dapat pa tayong gawin.” Bigla nalang nawala ang babae. Sa sobrang bilis ng kilos nito, ni hindi nasabayan ng mga mata niya ang pag-alis nito.
Naramdaman ni Dara ang kamay ng tinawag na Zeke na mahigpit na nakahawak sa kanyang braso. “That’s my elder sister. Ipinaubaya ka na sa akin. Solong-solo na kita.”
Nagpumiglas si Dara sa pagkakahawak nito pero hindi siya makakawala. “Ano ba? Bitiwan mo nga ako? Gusto mong isumbong kita sa soul reaper ko?” Pilit nagtatapang-tapangan na banta niya rito.
Ngising demonyo ang isinagot ng walanghiya. “Go ahead. Sa palagay mo ba, matutulungan ka pa ng soul reaper na ipinagmamalaki mo?”
Bago pa siya muling makasagot ay mahigpit nang hawak nito ang kanyang pisngi. Halos bumaon ang mga daliri nito doon sa tindi ng pagkakapisil. Naramdaman niya din ang isang braso nito na pumaikot sa baywang niya at sa isang iglap, para siyang inilipad sa hangin, tangay-tangay ng estranghero. Napakabilis na halos hindi makasabay ang mga mata at ang utak niya sa kung ano ba talaga ang nangyayari. Basta ang alam lang niya, ang sumunod na eksena na nakikita niya ay ang walang katapusang kaguluhan sa kanyang harapan. Nandoon ang matikas na lalaking tumangay sa kanya noon sa rooftop. Nakikipaglaban sa sandamakmak na nilalang na may mapupulang mga mata. Nakasampa sa likod at sa balikat nito. Bawat maalis na kalaban ay may muling papalit at pipigil ditong makakilos o makapanlaban. Nandoon din ang babaeng pumigil dito noon nang akmang tutulungan siya. Nakikipagpambuno din sa mga nilalang na may pulang mga mata. Kahit saang bahagi siya lumingon, may naglalaban. May nawawasak. May gumuguho. Anong nangyayari?
“Look who’s here, Monfort. May sorpresa akong dala para sa ‘yo.”
At humalakhak ng nakakaloko ang lalaking nasa likuran niya, pigil ang magkabila niyang braso habang ang isang kamay ay mahigpit na pumipisil sa kanyang pisngi. May pakiramdam siyang anumang sandali ay malalasog ang mga buto niya roon sa higpit ng pagkakahawak ng halimaw sa kanyang likuran.
Pero ang mas nakaagaw ng kanyang pansin ay nang parang matigilan ang matikas na lalaki. Yeah, the man from the rooftop. Agad nagningas ang asul na mga mata nito. Magkahalong galit at panic ang makikita niya sa gwapong mukha nito. At kung kanino ito nagagalit, hindi niya alam. Gusto niyang kabahan. Pero nakapagtatakang mas nakakalamang ang saya na biglang bumalot sa puso niya nang muling makita ang lalaking may asul na mga mata.
Who is this man, really?