“SINCE half of the allowed time to solve your unfinished business had been consumed… in a wrong way… the other half will fall into lesser time.” Narinig ni Fleure ang malaking boses mula sa kawalan.
Hindi niya alam kung sino ang nagsasalita o kung saan ba iyon nanggagaling. Matapos siyang papasukin sa pathway na may kadiliman din, sandali lang at nagflash sa buong paligid ang naging buhay niya. Maging ang ginawa niyang pakikipagkasundo kay Magi. Na actually ay ipinagbabawal. Ang dapat daw na hatol sa kanya ay tatlong daang taong paglalakad sa kadiliman hanggang makita niya ang liwanag. Pero nawala ang boses. Nagbago yata ang timbang niya sa timbangan ng mga kasalanan at kabutihang nagawa. Ngayon, binago ang sintensya sa kanya. Bigla siyang sinabuyan ng sandamakmak na pag-asa.
“Thirty-minutes.” Muli ay ang malaking boses. “Dahil naging mabuti kang tao habang nabubuhay. At nabahidan lang ng dilim ang puso dahil sa sitwasyon at paniniwala, bibigyan ka pa din ng gantimpala. Trenta-minutos na pagbabalik sa mortal world para matapos ang kailangan mong tapusin sa mundo ng mga buhay. Maaari kang gumamit ng medium na sasaniban kung may gusto kang mahawakan at maramdaman bago matapos ang oras mo.”
Hindi pa man lang nakakapagsalita si Fleure. Ni hindi pa siya nakakapagpasalamat ay bigla nalang bumuka ang kinatutuntungan niya. Para siyang nahulog sa walang hanggang balon. Pero nang dumating siya sa dulo, silid na iyon ng kanyang ina. Nasa veranda ito at nagpapahangin. Naka-upo sa tumba-tumba habang hawak ang baby dress.
Marahang naglakad si Fleure palapit sa ina. Pero hindi pa siya nakakarating, narinig na niyang nagbukas ang pinto ng silid. Pumasok ang nurse, may bitbit na tray ng mga gamot.
“Louise? Ikaw na ba iyan?” narinig niyang tanong ng kanyang Mommy mula sa veranda.
“Opo, ako na po ito, Ma’am.” Sagot nito, patuloy sa paglapit sa kanyang ina. “Kailangan niyo nang uminom ng gamot.”
“Iwan mo muna ang tray sa bedside table at lumapit ka dito.”
Nakita ni Fleure na nagbuntong-hininga si Louise pero ibinaba nga ang tray ng mga gamot sa bedside table saka lumabas ng veranda.
“Maupo ka.” Utos ng Ginang.
Sumunod si Louise. Kahit bulag na ang kanyang ina, alam pa din nito kung nasa tabi na nito ang isang tao. Siguro dahil sa pagkawala ng paningin, tumalas naman ang iba pang mga senses.
“Gusto kong magkwento.” Sabi ng kanyang Mommy.
“Sige po, Ma’am.”
Halata sa mukha ng nurse na nababagot ito pero nagpipilit na pakitunguhan ng maayos ang kanyang amo. Siyempre, siguro ay malaki ang sweldo. Matanda na ang kanyang Mommy, saan nalang nito gagamitin ang kayamanang naiwan ng kanyang ama?
Hinubad ng kanyang Mommy ang shades nito na nagtatago sa bulag na mga mata. Agad na tumulo ang mga luha.
“Bata palang ako, napakasuwail ko na. Ayaw na ayaw ng mga magulang ko kay Ken.”
Si Ken. Si Kenneth Alicante. Ang kalaguyo ng kanyang ina. Magpahanggang ngayon ba naman, hindi pa din iyon nakakalimutan ng kanyang ina?
“Pero siya talaga ang mahal ko. Siya dapat ang ama ng anak ko. Siya dapat ang kasama ko sa buhay… Siya dapat ang—”
“Tama na po Ma’am. Hindi po makakabuti sa inyo na palaging balikan ang masasakit na alaala. Mas manghihina ang katawan ninyo.” Masuyo na ang pagsaway ng nurse. Siguro kahit nababagot ito dahil malamang ay paulit-ulit nang nagkukwento ang matanda, nakakaramdam pa din ito ng simpatya sa pasyente.
“Gusto kong magkwento pa. Gusto kong balik-balikan kahit masakit. Baka masanay nalang ako sa sakit at makalimutan ko na ang pakiramdam na iyon. Gusto ko nang kalimutan ang pakiramdam na iyon.” Para namang nakikiusap ang kanyang Mommy sa nurse nito na pakinggan ito. Isang tagapakinig lang ang kailangan nito.
“Ma’am, kung talaga pong masasanay kayo sa sakit, sana noon pa. Ilang dekada na po ba ang dumaan magmula nang gahasain kayo ng asawa niyo? Ilang dekada na ding sa bawat araw na dumadaan at nakikita niyo ang anak niyo noong nabubuhay pa ito, palagi niyong naaalala ang ginawang kawalanghiyaan sa inyo ng inyong asawa?”
Napasinghap si Fleure. Nanlalaki ang mga mata sa narinig. Tama ba iyon? Tama ba ang narinig niya? Ni-rape ng Daddy niya ang Mommy niya? At… at siya ang bunga?
Parang nawalan ng lakas ang mga tuhod ni Fleure. Napasalampak siya sa malamig na sahig. Habang inabot naman ni Louise ang kamay ng kanyang Mommy at hinawakan ng mahigpit. Iyak ng iyak ang kanyang Mommy.
“Gusto kong mahalin ang anak ko. Gustong-gusto ko. Pero hindi ko magawang makalaya sa multo ng kahapon. Alam ko namang wala siyang kasalanan. Pero ang hirap-hirap. Ang hirap-hirap niyang mahalin lalo at lumalaki siyang kamukha ang kanyang ama. Isa siyang female version ni Gilbert.”
“M-Mommy…” Napahagulhol na naman si Fleure habang nagbabalik-tanaw ang kanyang ina sa lahat ng mga alaala. Ang sakit-sakit pakinggan ng mga kwento nito. Ang sakit-sakit ng version nito. Bakit hindi niya iyon alam? Bakit hindi niya nalaman? Bakit hindi inamin ng kanyang Daddy ang bagay na iyon? O nagsisinungaling lang ito para pagtakpan ang kawalanghiyaan?
“Ang sakit din no’n para sa akin. Kahit gusto ko siyang mahalin, palagi akong nauunahan ng galit ko at nadadamay si Fleure sa galit na iyon. Pinagsisisihan ko iyon nang sobra. Lalo na no’ng gabing kitang-kita ko ang hinanakit ni Fleure sa akin. Na maski siya, sumpa na ang tingin sa sarili. Ako ang nagtanim noon sa kanyang isip, Louise. Ako ang may kasalanan ng lahat. Ako ang pumatay sa anak ko!”
Muling humagulhol ang kanyang Mommy. Agad itong niyakap ng nurse. Mahigpit na mahigpit. Sa bawat hagulhol ng kanyang ina, parang minamaso ang kanyang puso. Pasakit ng pasakit, pabigat ng pabigat. Bakit ganoon? Bakit ramdam niya ang katotohanan sa mga salita ng ina? Bakit kahit ayaw niyang maniwala, ipinaparamdam ng salita nito ang katotohanan?
Buong buhay niya, akala niya ang kanyang ama ang biktima. Na ang kanyang ina ang masama. Buong buhay niya akala niya, siya itong pinagdamutan ng kaligayahan at pagmamahal. Pero hindi pala. Mas masakit at mas mahirap ang dinanas ng kanyang ina. Ang sama-sama ng tingin niya dito. Pero kung tutuusin, ito talaga ang ginawan ng masama ng kanyang Daddy. Inilagay niya sa pedestral ang ama sa buong panahon na nabuhay siya. At ngayon, sa isang iglap, agad iyong gumuho at nawasak.
Isa siya sa mga nagpahirap sa loob ng kanyang ina noon. Ni hindi niya ito pinapansin at binibigyan pa ng mga nanunumbat na tingin. Pero hindi naman kasi niya alam. Wala siyang alam.
“Mom…” Mabuway na tumayo si Fleure habang umaagos ang mga luha. Marahan din siyang lumapit sa inang yakap yakap ng nurse.
Hindi na siya nagdalawang-isip. Sinubukan niyang pasukin ang katawan ni Louise para mahawakan at mayakap ang ina. Pero hindi naman niya magawa. Itinataboy siya ng katawan nito. Bakit ganoon? Akala ba niya ay pwede siyang sumanib sa katawan ng mortal?
Ah… oo, pero hindi ibigsabihin ay kahit sino nalang ang pwede niyang saniban.
“Twenty minutes, Fleure. Twenty minutes left.”
Narinig ni Fleure ang malaking boses na naririnig niya sa judgement hall. Gusto niyang mataranta. Ayaw niyang ubusin ang natitirang sandali na pwede niyang makasama ang ina. Gusto niya itong mahawakan at maramdaman kahit sa huling sandali pero mukhang hindi na niya magagawa.
“Lalabas po muna ako, Ma’am. Maiwan ko muna kayo rito.” Sabi ni Louise na hindi na hinintay ang sagot ng pasyente nito. Dali-dali na itong naglakad palayo habang nagpapahid ng luha. Pero sandali itong lumingon sa kanyang Mommy. Kitang-kita niya ang awa sa mga mata nito.
Mabuti pa ang nurse, agad na naintindihan ang kanyang ina. Samantalang siya na anak, siya na dapat unang-unang umunawa sa ina, ang siya pang unang-unang nagagalit dito.
“I’m sorry, Mom…” Bulong niya sa hangin. Sana makaabot iyon sa kanyang ina. Sana naririnig siya nito. Sana… sana pwede pa niyang pagaanin ang loob nito.
Kahit alam niyang hindi naman niya mahahawakan ang ina, lumapit at nagsikap pa din siyang yakapin ang matandang ginang. Tumatagos siya sa katawan nito. Pero ginawan niya ng paraan na masukat ang distansya para maski paano ay para na din siyang nakayapak sa ina. Pumikit ito ng mariin na tila ini-enjoy lang ang malamig na hangin. Siya, na nagkatawan nalang na hangin para sa ina.
“Fleure… kung nasaan ka man… sana napatawad mo na ako. Sana dalhin ng hangin ang pagmamahal ko sa ‘yo. Hindi ko man iyon naipakita, ang hirap mang ipakita...” Humikbi muli ang ginang. “…pero may malaking lugar ka sa puso ko, anak. Hindi totoong mahirap kang mahalin. Ako lang itong nahirapang lumimot. I’m sorry. I’m so sorry.”
Inubos ni Fleure ang mga sandali sa pagyakap sa ina hanggang tuluyan na itong makatulog. Marahan niya itong dinampian ng magaang halik sa tuktok at sintido, maingat at tama lamang para hindi tumagos. Marahan niya ding hinaplos ang nangungulubot nang mukha ng ina. Muli na naman siyang napaiyak. Ang hirap-hirap na hindi niya maramdaman ang init nito. Ang hirap hirap na hindi niya maiparamdam na mahal niya ito. Minahal niya ito maski hindi man niya naipakita kung gaano.
“Palagi kang mag-iingat, Mom. Magkikita pa tayo. Siguro, sa susunod na buhay.” Bulong niya rito maski alam naman niyang imposible na nitong marinig.
“It’s time. Kailangan mo nang umalis. Marami ka pang gagawin. Malayo pa ang iyong lalakbayin.”
Nagpalinga-linga si Fleure. Hinahanap ang boses. “Five minutes pa, please? Dadalawin ko lang ang Dad ko.”
Wala siyang narinig na sagot. Pero sa isang iglap, nasa harapan na siya ng puntod ng kanyang ama. Ang bilis-bilis namang sumagot ng nasa Itaas. Ni hindi siya nakabwelo kung paano haharapin ang ama.
“Two minutes.” Narinig niyang sabi ng malaking boses.
Agad sumalampak sa lupa si Fleure. Hinaplos ang lapida ng ama pero agad ding kumuyom ang mga kamay.
“Bakit, Dad? Bakit ganyan ka? Bakit hinayaan mo akong magalit kay Mom? Bakit sa dinami-dami ng pagkakataon na pwede mo namang aminin sa akin ang kasalanan mo, hindi mo ginawa?”
Puno ng panunumbat na tanong niya sa puntod ng ama. Wala naman kasi siyang alam na paraan para hanapin ang ama. Siguro ay malayo na ang nalakbay noon. O may sarili na itong misyon na tinatapos ngayon. Hindi na din niya mahahanapan ng sagot ang mga tanong.
“Dahil takot ka ‘di ba? Takot kang harapin ang kahihiyan, sumbat at galit? Kaya hinayaan mong si Mommy ang sumalo ng lahat ng iyon. Ang sama mo. Ang sama-sama mo…”
She inhaled and exhaled her anger. Kahit naman kasi magalit siya, ano pang silbi? The damaged had been done. All that had left to her was to face the consequences. At ang consequences na iyon, ang nanakaw na pagkakataon na nagawa pa sana niyang mahalin at alagaan ang ina.
“Pero ano pa bang silbi na i-condemn kita? Wala na, ‘di ba?”
Marahang tumayo si Fleure. “Sa pag-alis ko, iiwan ko na ang forgiveness. Kasi hindi din naman ako natatahimik kung hindi ko iyon maibibigay sa ‘yo. Sa inyo ni Denise.” Nang maalala niya ang dating kaibigan, nawala na ang galit at inggit niya sa naging magandang destiny ng doktora. Surely, God had his own plan for doing everything. “Let’s all forgive and move on, Dad.”
Nagpalis ng mga luha si Fleure. Sandali pa niyang tinitigan ang lapida ng ama. Saka ngumiti ng may kapayapaan sa dibdib. Hindi niya akalaing magiging ganoon kagaan ang pakiramdam niya matapos ang lahat. Pagpapatawad… iyon lang pala ang kailangan niya para makalaya sa lahat ng masasakit at pahirap na damdaming matagal niyang inalagaan sa dibdib.
Tumalikod si Fleure at naglakad papunta sa walang destinasyon. Sandali pa at nasa judgement hall na naman siya.
“I’m done, Sir. Thank you so much.”
Nalaglag na naman ang mga luha niya. Pero this time, hindi na iyon luha na dala ng masasakit na damdamin. Luha iyon ng gratefulness and fulfilment. Nakuha na niya ang kailangan niya. Napalaya na din niya ang sarili.
“You’re all set to step on your new journey, Fleure. Good luck.”
Nang bumukas ang tila pinto ng liwanag, may malawak na ngiti sa mga labi ni Fleure na humakbang papasok doon. Kung anuman ang plano ng nasa Itaas para sa kanya, buong puso niya iyong yayakapin. Walang pag-aalinlangan at walang mga tanong. She believe, God had a perfect plan for her.
“Bakit may mga kaluluwa na katulad niya? Mabilis ang proseso sa pagbabalik sa world of the living?”
“Dahil mabilis siyang natuto. Mabilis niyang naintindihan ang leksyon na gustong ipaintindi sa kanya.”
Bago tuluyang lamunin ng liwanag, naririnig ni Fleure ang usapan ng mga soul reapers. And she smiled to herself. She was proud she learned to value the gift of life. To treasure every moment, even how painful it is. Even how hard it is to understand. Besides, life wouldn’t be perfect if it was always joy and happiness. Pain was always the special ingredients to learn.
Just enjoy every single moment you have in your life. Learn to forgive and forget. And never waste a single moment of it by keeping yourself angry and lonely. Life is a gift we should treasure, enjoy and be thankful of.