“The siren who captured my son’s heart,” anang si Rodolfo. “Noong una nagagalit ako dahil ayaw nang umalis ng anak ko sa island. Nasobrahan na siya ng bakasyon. Iyon pala mas gusto ka niyang kasama.”
“Na-depress pa nga siya nang hindi ka makarating sa date ninyo,” pabulong na sabi ni Buenaflor. “Hindi makatulog sa pag-aalala sa iyo.”
She gave Lerome an apologetic glance. “Kasalanan ko po. Hindi po kasi ako nakarating. May family emergency po noon.”
“It’s okay, hija.” Tinapik ni Buenaflor ang kamay niya. “Sana lang huwag mo nang masyadong pahirapan ang anak ko. Ngayon lang siya nagkagusto nang todo sa isang babae. I tried to matchmake him with other women. Pero ayaw niya. Pati ako pinahihirapan niya sa paghahanap ng babaeng babagay sa kanya.”
Ginagap ni Lerome ang kamay niya. “Hindi ka na mahihirapan ngayon, Mommy. I found her and I don’t intend to let her go.”
“Nai-kwento sa akin ni Lerome na marine biology student ka,” wika ni Rodolfo. “Kung ikakasal na kayo ni Lerome, kayo na ang mamamahala sa marine park. I think the two of you would be a nice team.”
“That’s a lovely idea, Rod. What do you think, hija?”
“I-I am not sure.” Hindi siya komportable sa ideya. Kasama niya sa grupo ang mga tao na gustong ipasara ang marine park. At ang simpatya niya ay nasa mga hayop na nakakulong doon. Nalilito tuloy siya dahil inaalala niya si Lerome.
“Don’t pressure Parisse. Hindi ko siya minamadaling magpakasal. Saka na natin pag-usapan ang tungkol sa marine park kapag kasal na kami.”
“Importante sa aming mag-asawa ang marine park,” wika ni Buena. “Sa sobrang pagmamahal niya sa akin kaya ipinatayo niya ang marine park.”
“She was suffering from depression that time. Namatay ang pamilya ng bestfriend niya sa isang yacht accident,” kwento ni Rodolfo. “Sabi ng psychologist niya, magandang therapy ang pakikipaglaro sa mga dolphin. So I built a marine park for her. Para lagi niyang maalala na mahal ko siya.”
“That’s romantic,” komento niya.
Sa tingin niya ay nasa sisenta anyos na ang mag-asawang Cervantes pero mahal na mahal pa rin ng mga ito ang isa’t isa. Pero di niya maiwasang malungkot para sa mga hayop na nakakulong at umaaliw sa mga tao.
“Bakit natahimik ka kanina?” tanong ni Lerome nang nasa marine park na ulit sila at nakaupo sa gazebo kung saan natatanaw ang mga dolphin and whale show. “Gusto mo ba na ipagpatayo rin kita ng marine park?”
Humilig siya sa balikat nito. “I don’t need a marine park. Gusto ko lang maging katulad ng parents mo na kahit matanda na, nagmamahalan pa rin.”
Natatakot siyang mawala si Lerome sa kanya. Sana ay mahalin pa rin siya nito kahit na malaman nito ang katotohanan tungkol sa kanya.
“I AM sorry, Parisse. Pero hindi na sa iyo mapupunta ang project tungkol sa Ocean Wave Marine Park,” anang si Anemone, ang director ng nature conservation organization nang ibalik sa kanya ang initial report niya na kapapasa pa lang.
“Bakit, Ma’am? I am halfway at the project. Isang linggo na lang matatapos ko na ang report.” Sa tulong ni Lerome ay nakakuha siya ng impormasyon tungkol sa pangangalaga sa marine park. Ang kailangan na lang niyang gawin ay masuportahan ng iba pang research ang mga nauna na niyang ginawa.
Matiim siya nitong tinitigan. “You are dating with Lerome Cervantes. Pamilya nila ang may-ari ng park. Wala nang credibility ang report mo.”
“Wala iyong kinalaman sa concern ko sa mga hayop na nasa park na iyon. Kung may unang-una na gusto silang mailabas sa park, ako iyon. I want them to swim freely to the sea again,” matigas niyang wika. “Bakit po hindi muna ninyo basahin ang report na ginawa ko?”
Walang ibang makakapag-present nang maayos ng report maliban sa kanya. Dahil naiintindihan niya kung ano ang nararamdaman ng mga hayop. Kaibigan niya ang mga ito. Kahit na mahirap, pinilit niyang maging propesyunal. Ihiniwalay niya ang emosyon niya para maging patas sa pagharap sa project.
“I am sorry, Parisse. We will give you another project instead.”
Maluha-luha siyang sumakay ng kotse niya at isinubsob ang mukha sa manibela. “You made quite a controversy back there, Parisse.”
Muntik na siyang mapasigaw nang biglang sumulpot at nagsalita ang kapatid niya habang nagmamaneho siya pauwi. “Kuya, gusto mo ba akong mamatay?”
“You won’t die in a car crash. You are a fairy, remember?”
Hinampas niya ito sa balikat. “Hindi na ako sanay nang basta ka na lang sumusulpot.” Sanay na siya sa gawi ng mga tao. Di gumagamit ng kapangyarihan. “Anong ginagawa mo dito? Iniwan mo si Liatris sa Tarragon?”
Malapit nang ikasal ang kapatid niya sa babaeng pinili ng Luha ng mga Hari. Habang masaya ito sa pagbalik sa Tarragon, nagiging bangungot naman unti-unti ang buhay na inaakala niyang perpekto nang mamuhay siya sa mundo ng tao.
“Nagpaalam ako sa kanya. Sabi niya tulungan daw kita sa problema mo. Bakit hindi mo na gamitin ang powers mo para ibalik sa iyo ang project?”
Matalim niya itong tiningnan. “Alam mo ang utos sa atin. Huwag abusuhin ang kapangyarihan. Huwag gamitin kung hindi kinakailangan.”
“Pero hindi mo makukumbinsi ang organization na malinis ang motibo mo. Baka nga isipin pa nila na spy ka. At di mo rin makukumbinsi si Lerome na mahal mo nga siya oras na malaman niya ang tungkol dito. Iisipin niya na ginamit mo lang siya para makakuha ng impormasyon laban sa kanila.”
“Wala akong ginagawang masama. Gusto ko lang protektahan ang mga kaibigan kong hayop. At gusto ko lang mahalin si Lerome. Hindi ko ba pwedeng gawin ang dalawang bagay na iyon nang walang masasaktan?”
“Ipapasara mo ang marine park pero mahal ka pa rin ni Lerome?” Nagkibit-balikat ito. “Hindi ka prinsesa dito na ikokonsidera lahat ng gusto mo masusunod. Kailangan mong mamili. Si Lerome o ang mga kaibigan na gusto kong iligtas.”
Mahigpit niyang hinawakan ang manibela ng sasakyan. “Itutuloy ko ang project pero hindi ko bibitawan si Lerome.”
“Kapag nagkamali ka ng desisyon, pareho silang mawawala sa iyo,” anang kapatid niya at naglaho sa tabi niya.