Chapter Sea Enchantress: 18

Walang inaksayang panahon ni Parisse. Kinabukasan ay bumalik siya sa marine park. Gaya ng dati ay si Dr. Arsenio ang naging guide niya. “Ano pa bang part ng marine park ang hindi mo nakikita?” tanong nito.

Mula sa area para sa mga trained sea lions pati na rin ang paglangoy kasama ang mga whale at dolphin ay nagawa na niya. Nakausap niya ang mga ito. Narinig ang mga hinaing. Lahat ng mga ito ay gusto nang lumaya at bumalik sa tunay na tahanan ng mga ito. Ang dagat.

Nilingon niya ang saradong pinto na may nakasulat na restricted area. “Doctor, I am just curious. Anong mayroon sa kuwarto na iyan?”

Lumapit ito sa pinto. “This is the area where we take care of our new animals. Gusto mo ba silang makita?”

Tumango siya at malakas ang kaba sa dibdib nang bumukas ang pinto. Malaki kasi ang posibilidad na ang dalawang dolphin na nakita niya ay mga kaibigan niya.

Pagpasok niya ay bumungad sa kanya ang isang malaking water tank. Naroon ang dalawang dolphin na paikot-ikot sa paglangoy.

“Parisse! Parisse!” narinig niyang tawag ng dalawang dolphin sa kanya.

Mabilis siyang tumakbo papunta sa gilid ng tank. Sina Gonda at Gwanda nga ang mga ito! Muntik na siyang mapatalon sa tubig sa tuwa na makita ang mga kaibigan kung di lang niya naramdaman ang yabag ni Dr. Arsenio sa likuran niya.

“We rescued those two a couple of months ago,” kwento nito. “Nahuli sila ng mga mangingisda. Kaya inalagaan na lang sila dito sa center. Medyo mahirap nga silang I-train kumpara sa ibang mga dolphin. They are still wild.”

Ipinikit niya ang mata at in-scan ang phone book ng cellphone ni Dr. Arsenio. Ikinonekta niya ang isip sa cellphone ng boyfriend nito. At iyon ang ginamit niya para mag-ring ang cellphone ng doktor.

“Oh, my boyfriend!” wika ng doktor. “Matagal na kami ng hindi nagkakausap dahil nasa Korea siya. Excuse me.”

“No problem. Dito lang po muna ako.”

Nang makalabas ang doktor at isara ang pinto ay saka lang sila nagkasarilinan ng mga magkaibigan. “Gonda! Gwanda! Kumusta na kayo?” maluha-luha niyang tanong. “Akala ko hindi na tayo magkikita pa.”

“Kami rin, mahal na prinsesa. Akala namin mamamatay na kami nang mahuli kami ng mga mangingisda,” kwento ni Gonda. “Nakaligtas ba si Tico?”

“Oo. Ligtas ang kapatid ninyo. Matutuwa siya kapag nalaman niyang nandito lang kayo sa marine park.” Tama ang kutob niya na naroon ang mga kaibigan.

“Tulungan mo kaming makawala dito, Prinsesa Parisse,” pakiusap ni Gwanda. “Hirap na hirap kaming lumangoy dito. Paikot-ikot lang kami. Napakasikip. Hindi tulad sa dagat. Pwede kaming lumangoy kahit na saan.”

“At ayaw na rin naming kumain ng patay na isda. Gusto namin ng sariwa. Napipilitan na lang kaming kumain dahil kapag di kami kumain, magugutom kami. Kailangan din naming sundin ang mga itinuturo nila sa amin para makakain,” dagdag ni Gonda. “Masakit ang mata ko. Ayoko ng tubig dito. Parang mabubulag ako. Mas gusto ko ang tubig sa dagat.”

Chlorinated ang tubig sa water tank. At dahil sa kemikal na nakahalo sa tubig, maaapektuhan ang paningin ng mga dolphin.

“Hindi lang mata namin ang masakit. Pati ang ulo namin. Hingi kami nang hingi ng tulong pero walang makarinig sa amin,” anang si Gwanda.

“Nakahiwalay na kasi kayo sa dagat. Kaya hindi ninyo magamit ang sonar ninyo. Bumabalik din sa inyo ang mga tunog na ginagawa ninyo. Hindi bale, gagamutin ko naman kayo. Susubukan ko, ha?”

Di na niya mapigilang maiyak habang nakapikit at ginagamot ang mga ito. Hindi solusyon ang paggamot niya sa mga ito. Babalik din ang sakit ng mga ito kung mananatili sa lugar na iyon. “Salamat, mahal na prinsesa,” wika ni Gwanda. “Mas mabuti na ang pakiramdam ko!” Nagpatalon-talon ito sa tubig.

“Prinsesa Parisse, kailan nila kami ibabalik sa dagat?” tanong ni Gonda.

“Hindi nila kayo ibabalik sa dagat. Tuturuan nila kayo para magpasaya sa mga tao. Dolphin show ang tawag doon,” paliwanag niya.

“Ayaw na namin dito, Prinsesa Parisse. Ialis mo kami dito. Gusto na naming bumalik sa dagat,” wika ni Gonda.

“Gusto na naming bumalik sa pamilya namin,” sabi naman ni Gwanda.

“Gagawa ako ng paraan. Sa tamang panahon, ilalabas ko rin kayo dito. Pangako iyan. Sa ngayon, magtiis muna kayo.”

“LOOK at those kids. They are enjoying the show. Si Mommy mismo ang may gusto na maging children friendly ang marine park. We insert lectures about marine life at nagbibigay din kami ng mga insights sa mga kakayahan ng mga marine animals para lalong ma-appreciate ng mga audience,” sabi ni Lerome. Sinundo siya nito dahil ito rin ang naghatid sa kanya sa marine park nang umagang iyon.

Nakaupo sila sa tuktok ng amphitheater para dolphin at whale show. Punong-puno ang amphitheater at mukhang lahat ay nasisiyahan. Iyon na ang huling show para sa araw na iyon. Subalit nananatiling walang buhay ang mga mata ni Parisse. Iniisip niya ang mga kaibigan niya. Ang hinaing ng mga hayop na nakausap niya kanina. Walang sinuman ang masaya sa mga ito habang nagpe-perform.

“This is not the proper way to educate them about marine animals,” usal niya.

Biglang napalingon sa kanya si Lerome. “Pardon?”

“Para mapag-aralan ang pag-uugali nila, dapat napapanood sila sa natural habitat nila nang hindi pinakikialaman ng mga tao.”

“But we have first class facilities. And the place is designed to simulate their natural habitat. May mga marine biologist din kami na nangangalaga sa kanila.”

“Walang oceanarium o marine park na kayang tapatan ng dagat,” aniya at umalis ng amphitheater. Hindi na niya napigilan ang sarili na I-open ang topic. Ayaw niyang magkunwaring masaya siya habang naghihirap ang kalooban niya dahil sa nangyari sa mga kaibigan. At di niya iyon itatago kay Lerome.

Sinundan siya ni Lerome. “So you don’t like the idea of a marine park. What do you think is the right thing to do then?” tanong nito nang nasa carpark na sila. Akala niya ay di na ito magsasalita. That he would just ignore the topic.

Tumigil siya sa paglalakad. “May mga shows at documentaries na ipinapalabas sa TV. Sila ang nagpapakita ng totoong ugali ng mga hayop. They just take videos and pictures. Pero di sila nakikialam sa mga hayop. The best thing to do is set those animals free. Gusto nilang bumalik sa dagat, Lerome.”

Sana lang ay makumbinsi niya ito na pakawalan ang mga kaibigan niya. O kahit paano ay makita nito ang side niya. Ang tunay na nararamdaman ng mga kaibigan niyang hayop. Mahal siya nito kaya maiintindihan siya nito.

Humalukipkip ito at sumandal sa kotse nito. “Saan mo sila gustong bumalik? Sa dagat kung saan gusto silang patayin ng mga tao at polluted? Kung hindi dahil sa amin, baka patay na ang mga hayop na iyan. We just rescued them.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.