“Buy them out, you mean,” pagtatama niya. “Kinukunsinti lang ninyo ang mga abusadong mangingisda sa gawain nila. Babalik sila sa dagat. Huhuli na naman sila ng mga dolphin para ipagbili sa inyo. Di sila matututo ng tama.”
“At least we know that those animals are safer here. May pagkain na agad sila at may mga doktor na mag-aalaga sa kanila. At sa tulong nila, nakakatulong sila na mag-entertain sa mga tao.”
Mapait siyang ngumiti. “Sa palagay mo ba masaya sila sa ginagawa nila? For example those dolphins. Sanay silang lumangoy sa malawak na dagat. Ngayon nasa maliit lang silang water tank. Sa dagat, hindi rin patay na isda ang kinakain nila. Ask your marine biologist. Nabubulag sila dahil chlorinated ang tubig na nilalanguyan nila. And they are not born to perform tricks. They are born to swim freely in the ocean. Gamitin ang mga natural na kakayahan nila. Tama ka. Iniligtas nga sila sa pagkamatay mula sa mga mangingisda na iyon. But you are slowly killing them in an aquatic prison. Kung naging dolphin ka ba, sa palagay mo magiging masaya ka?”
Hinawakan nito ang balikat niya at magaang niyugyog. “Nagiging emotional ka na, Parisse. Calm down.”
Lalo siyang napaiyak. “Lerome, tulungan mo ang mga kaibigan ko. Please set them free. Ayoko nang makita silang nahihirapan. Please!” pakiusap niya.
“Idi-discuss ko ito kina Mommy,” nausal nito.
Inangat niya ang tingin. “Totoo? Tutulungan mo ako?” Napayakap siya dito sa tuwa. “Thank you! Thank you!” Sabi na nga ba niya, maiintindihan siya nito. He was indeed an angel. Mas iniisip nito ang kabutihan ng mga hayop kaysa kumita ng pera.
“As expected, Lerome. Your girlfriend can easily wrap you around her finger,” wika ng kapatid ni Lerome na si Jim. “Lumabas na rin ang totoo niyang kulay.”
Inakbayan siya ni Lerome na parang pinoprotektahan siya sa kapatid. “Ano bang sinasabi mo, Kuya? She is into marine biology. Natural na maging concern siya sa mga hayop. And she may be right. Akala siguro natin nakakatulong tayo sa mga hayop pero mukhang nae-exploit din natin sila.”
“Natural na iyon ang sasabihin niya. Dahil part siya ng Philippine Nature Conservation Organization, ang grupo na gustong magpasara sa marine park.”
Gulat na napalingon sa kanya si Lerome. “Is this true, Parisse?”
Tumango siya. “Oo. Member nga nila ako.”
“She spied on us,” bintang ni Jim. “And now, she is using her feminine charms to shut us down. Ginamit niya ang pagmamahal mo para sirain tayo. Mabuti na lang at nalaman ko agad ang tungkol sa kanya. Kung hindi, tuluyan ka na niyang napaikot. At masisira ang pinaghirapan natin.”
“Walang kinalaman ang pagiging member ko ng grupo sa relasyon namin ni Lerome,” matigas niyang tanggi. “They are entirely different things.”
“Ang ibig mong sabihin, kaya mong ipa-shut down ang marine park nang walang kakurap-kurap pero mamahalin mo pa rin ang kapatid ko? You think you can have it all, Miss Rivas?” mapangutyang tanong nito. “Please leave my brother alone. Dahil sa ginawa mo, imposibleng tanggapin ka pa ng pamilya namin.”
Binuksan ni Lerome ang pinto sa passenger’s seat ng kotse nito. “Sumakay ka na, Parisse. Ihahatid na kita,” pormal na wika ni Lerome.
Wala itong kibo habang nagmamaneho. Mukhang nagalit nga ito sa kanya. “Alam ko ang iniisip mo, Lerome. Akala mo tinraidor kita. I didn’t. Hindi ko alam na pag-aari ng pamilya ninyo ang marine park hanggang sabihin mo sa akin. I thought you simply know someone who works there or you have connections.”
“Pero hindi mo pa rin itinigil ang pagkuha ng impormasyon tungkol sa marine park kahit na alam mo na. Do you think it is not betrayal?”
Bumuntong-hininga siya. “Kahit na mahal kita, may responsibilidad din ako sa mga hayop sa loob ng marine park. I empathize with them. I simply don’t know how to separate those two emotions. Hindi ako tumigil kahit na alam ko na pwedeng may masaktan. Umaasa kasi ako na iintindihin mo ako.”
“Naiintindihan kita, Parisse. But what you did before you discuss your beliefs with me was underhanded. Pakiramdam ko ginamit mo lang ako.”
Mariin siyang pumikit. Di kasi niya alam kung paano ipagtatanggol ang sarili sa pagkakataong iyon. “Inalis na sa akin ng organization ang project sa marine park. Nalaman nila ang relasyon natin at iniisip nila na hindi na ako credible.”
“Kung wala na sa iyo ang project, bakit gusto mo pa rin na alisin ang mga hayop sa marine park?”
Nilingon niya ito. “May responsibilidad din ako sa mga hayop doon. Bata pa lang ako, nangako na ako na poprotektahan ko sila. I love you, Lerome. Pero hindi mo pwedeng alisin sa akin ang mga bagay na pinaniniwalaan ko.”
Hindi na siya umaasa na maiintindihan siya nito mula ngayon. Hindi na rin siya umaasa na mamahalin pa siya nito. Isa na lang ang nasa isip niya. Kailangan niyang sagipin ang mga kaibigan niya. Ang mga ito na lang ang natitira sa kanya.
MATIYAGANG hinintay ni Parisse ang pagdating ng kabilugan ng buwan. Sa mga panahong iyon higit siyang makapangyarihan. Nakatuntong ang paa niya sa ibabaw ng tubig. Nasa gitna siya ng dagat at nakatuon ang atensiyon niya sa direksiyon ng marine park. Sa gabing iyon, palalayain niya ang mga kaibigan niya.
Ipinikit niya ang mga mata at umawit ng isang malamyos na kanta. Lumakas ang hangin sa paligid niya. Hinahangin ang mahaba niyang buhok. Ibinuka niya ang palad at naipon ang hangin sa kamay niya. Nagmistula iyong maliit na ipo-ipo.
Umuklo siya at dahan-dahan iyong nabuo sa tubig. Humigop ang ipo-ipong likha niya ng tubig at nagmistulang buhawi iyon.
Itinuro niya ang direksiyon ng marine park. “Sirain mo lang ang kulungan ng mga kaibigan nating hayop. Wala kang ibang sisirain maliban doon. Palayain mo sila. Ibalik mo sila sa karagatan kung saan sila nagmula.”
Ibinuka niya ang palad at itinuon sa buhawi. Itinulak niya ang buhawi at mabilis ang paglalakbay nito sa dagat upang sundin ang utos niya. Bawat daanan nito ay handa nitong sirain. Subalit dahil kontrolado niya ang lakas nito, tanging sisirain lang nito ay ang kulungan ng mga kaibigan niyang hayop.