Chapter Sea Enchantress: 20

Maya maya pa ay nakarating sa pader na nagkukulong sa bahagi ng dagat at nagsisilbing kulungan ng mga balyena at dolphin na nagpe-perform. Fence lamang ang nakalitaw na bahagi ng harang sa dagat. Habang ang matitibay na pader ay nasa ilalim ng tubig. “Butasin mo ang pader na iyan,” utos niya.

Ikinuyom niya ang palad at bumaluktot ang buhawi. Pumailalim ito sa tubig. Parang isang dambuhalang drill iyon na bumubutas sa kahit ano. Kahit gaano pa katibay ang pader ay bibigay sa malakas na pwersa ng buhawi.

Nagmamadaling nagsilangoy palabas ng bumigay na pader ang mga balyena at ang dolphin. Umawit siya para tawagin ang mga ito patungo sa direksiyon niya.

“May iba pa tayong dapat sagipin,” aniya sa buhawi.

Pinagdikit niya ang mga palad na animo’y nagdadasal at pagkatapos ay pinaghiwalay iyon. Nahati rin sa dalawa ang buhawi. At sa utos niya ay sabay nitong binutas ang pader kung saan nakakulong ang mga sea lion at ang mga kaibigan niyang dolphin na sina Gonda at Gwanda.

Masaya ring nagsilanguyan ang mga ito papunta sa direksiyon niya kasunod ang mga balyena at dolphin na unang nakalaya.

“Kayo ba ang nagligtas sa amin?” tanong ng false killer whale na si Shane. Ito ang pinakamalaki at pinakamatandang hayop sa marine park.

“Tama. Ako nga. Hindi ba nangako ako sa inyo?”

“Siya si Prinsesa Parisse,” wika ni Gonda. “Siya ang kaibigan namin.”

“Maraming salamat sa pagliligtas mo sa amin,” wika ni Oreo, ang sea lion.

“Ginawa ko iyon dahil kaibigan ko kayo,” wika niya.

Naluha siya sa tuwa habang paikot na tumatalon sa tubig sina Gonda at Gwanda. Nakigaya na rin ang ibang mga dolphin at balyena. Sa pagkakataong ito, tumatalon ang mga ito di bilang pagpapasaya sa mga tao. Masaya ang mga ito dahil nakamit ng mga ito ang tunay na kalayaan.

“Kailangan na nating maglakbay. Doon kayo sa lugar kung saan di kayo sasaktan. Umalis na tayo. Kailangan ko pang gamutin ang mga sugat ninyo.”

Lumingon siya sa direksiyon ng marine park. Dinig na dinig niya ang malakas na alarma. Sinubukang humabol ng mga tauhan ng park ang mga ito ngunit nakabantay ang buhawi. Hindi sila basta-basta masusundan ng mga ito.

“Pasensiya ka na, Lerome. Kailangan ko itong gawin para sa mga kaibigan ko. At para na rin sa iyo. Ayoko nang magkasakitan pa tayong dalawa.”

“THIS is sabotage!” Umagang-umaga ay histerikal na sumugod si Jim sa opisina ng organization nila Parisse. “Kayo ang may kagagawan kung bakit nasira ang park.”

“Are you crazy, Mr. Cervantes?” usal ni Anemone. “The park was ruined because of a tornado. Di namin kayang utusan ang buhawi.”

“May ganoon bang tornado? Pailalim kung sumira? Kumakalap na ng ebidensiya ang mga expert. Kapag napatunayang bomba iyon, ipapakulong ko kayo. Wala namang ibang may gustong sirain ang park maliban sa inyo.”

“You had your piece. Makakaalis ka na,” mariing utos ni Anemone.

Paalis na sana si Jim nang mapansin siya. “Nandito pala ang espiya ninyo. My brother’s seducer and backstabber. Masaya ka na ba, Miss Rivas? Natupad na ang pangarap mong makalaya ang kaibigan mong hayop at nasaktan mo si Lerome.”

“Hindi ko niloko ang kapatid mo,” mariin niyang tutol.

“Kung may unang dapat makulong sa kanila, ikaw iyon. Once I gather evidence against your group, you will rot in jail.”

“You want the truth?” tanong niya at ngumisi. “Aamin na ako. Kagagawan ko nga kung bakit nasira ang marine park.”

“Parisse, huwag mong sabihin iyan,” protesta ni Anemone.

“Umamin ka rin!” wika ni Jim.

“I am some powerful fairy, Mr. Cervantes. Galing ako sa ibang dimension. At para palayain ang mga hayop sa park, gumawa ako ng isang buhawi na kaya kong kontrolin. Hindi ka ba nagtataka? Mga lugar lang na pinagkukulungan ng mga hayop ang sinira ko? Wala namang nadamay na tao.” Inilahad niya ang palad. “We can test my powers if you want.”

“Parisse, that is enough!” saway ni Lerome sa kanya. “Kuya, huwag mo na silang guluhin. Nakakahiya. Wala silang kasalanan sa nangyari.”

“You are a lunatic! All of you!” anang si Jim at nagmamadaling umalis.

“I apologize for what my brother did,” wika ni Lerome nang magkasarilinan sila sa coffee shop. Humingi rin ito ng tawad sa mga kasamahan niya. “Apektado lang siya dahil importante sa magulang namin ang marine park.”

“It is nothing to me,” wika niya. “At sana huwag na rin tayong magkita.”

Nagulat ito. “Parisse, wala sa akin ang nangyari. I don’t care if you are a part of that organization. I love you. At tatanggapin ko lahat ng tungkol sa iyo. I will take you for what you really are.”

“That’s why we have to end it here. Magkakasakitan lang tayo. Magkaiba tayo ng tinatayuan. Kung pipiliin mo ako, masasaktan mo ang pamilya mo. And I already made my choice. Di ko iiwan ang mga kaibigan ko. I pledged to protect them.”

Akala niya magiging posible nang mahalin si Lerome kapag nagkasama sila sa isang mundo. Pero habang lumiliit ang mundo sa pagitan nila, lalo lang silang nagkakalayo. Lalo lang niya itong nasasaktan.

Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya at kinintalan ng halik. “I don’t want to lose you, Parisse. I really, really love you. I am willing to defy anything just to be with you. Please stay.”

Kinurot ang puso niya habang pinagmamasdan ito. Nasasaktan ito dahil sa kanya. At parang sinasaksak din ang puso niya. “Lerome, forget about me. Mas madali ito para hindi na tayo magkasakitan.” Binawi niya ang kamay dito at nagmamadaling umalis. Lumiko siya sa eskinita at pinaglaho ang sarili para di siya nito mahabol. Sana mapaglaho din niya ng mahika ang sakit na nadarama niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.