“Ligtas ba ang anak ko, Prinsesa Parisse?” tanong ng balyena na si Shane. Buntis ito nang umalis sa marine park. At ipinanganak nito ang anak sa isang marine sanctuary kung saan mapoprotektahan ito. Tinulungan niya ito sa panganganak.
“Siyempre naman,” wika niya. “Hindi rin siya bulag. Huwag kang mag-alala dahil malusog ang anak mo. At nandito ako para tulungan kayo.”
Ilan sa mga dolphin at balyena ay nabulag dahil sa kemikal sa tubig na nilalanguyan ng mga ito nang nasa marine park. Kaya pati ang mga anak ng mga ito ay bulag din. At ang iba ay di na nga nabubuhay.
Sa tulong niya, naibalik niya ang paningin ng mga ito. At natitiyak din niya na wala nang mabubulag o mamamatay pa sa magiging anak ng mga ito. Sa lugar na iyon, malayang makakapamuhay ang mga hayop na parang isang pamilya.
“Gusto mo rin ba na magkaanak, Prinsesa Parisse?” tanong ni Tico.
“Siyempre naman. Kaso hindi ko alam kung kailan.” Naisip niya si Lerome. Pangarap na bumuo ng pamilya kasama ito. Hindi niya tiyak kung matutupad pa.
“Hindi ka na ba babalik kay Lerome? Hindi ba mahal mo siya?”
“Gwanda, di nawawala ang pagmamahal ko sa kanya. Pero may mga paniniwala rin kami na kailangan naming protektahan. Dahil doon, hindi kami pwedeng magkasama dahil pareho lang kaming masasaktan.”
Tumutulong pa rin siya sa pagsagip ng kalikasan. Balita niya ay ire-renovate at muling bubuksan ang marine park. Di pa sila nagkikitang muli ni Lerome. Hangga’t maari ay umiiwas siya. Hindi niya ito kayang kalimutan.
“Palubog na ang araw, Prinsesa Parisse,” wika ni Gonda. “Wala na kayong oras. Kailangan na ninyong bumalik sa lagusan.”
Nagpaalam siya sa mga kaibigan at mabilis na nilangoy ang tubig. Dapat sana ay makapaglaho siya at sa normal na lagusan patungong Tarragon siya dumaan. Subalit kulang na ang kapangyarihan niya. Dapat ay nang nagdaang araw pa siya bumalik ng Tarragon. Pero kailangan niyang alalayan sa panganganak si Shane. At sa tubig siya dumaan dahil magagawa niyang tipirin ang lakas niya.
“N-Nanghihina na ako,” wika niya sa mga dolphin at balyenang nakaalalay sa kanya. Kasabay ng paglatag ng dilim at paglalaho ng araw ay hudyat ng paglalaho ng kapangyarihan niya. “Parang di na ako makakaabot sa lagusan.”
“Kaunting tiis, mahal na prinsesa,” wika ni Tico. “Malapit na tayo.”
Ilang sandali pa ay nasa lagusan na sila sa ilalim ng dagat. Inilapat niya ang kamay sa lagusan at inipon ang natitirang lakas. Unti-unti iyong bumukas. Subalit bago pa iyon tuluyang mabuksan para makapasok siya ay unti-unti rin iyong nagsara. Nakaramdam siya ng panghihina.
Nawala na ang harang ng lagusan at napalitan ng tubig. Tuluyan nang naglaho ang kapangyarihan niya. Nahihirapan na siyang huminga. Itinaas niya ang kamay at pilit na lumangoy paitaaas. Subalit kinapos na siya ng paghinga. Pumikit ang mata niya at unti-unti siyang bumagsak patungo sa kailaliman.
“PARISSE, mabuti at gising ka na! Alalang-alala ako sa iyo. Akala ko mawawala ka na.” Bumungad agad sa kanya ang guwapong mukha ng isang lalaki. Nag-aalala ito sa kanya at mukhang wala itong tulog. Pero guwapo pa rin. Magaan agad ang pakiramdam niya dito at di niya maalis ang tingin dito.
“Bakit ako mawawala? Ano bang nangyari sa akin?” tanong niya habang nakatitig sa guwapong lalaki.
“Natagpuan ka namin na nasa dalampasigan kaninang umaga. Basang-basa ka. Nasira siguro ang bangkang sinasakyan mo.” Ginagap nito ang kamay niya at kinintalan ng halik. “How are you feeling?”
Hinawakan niya ang sariling ulo. “Medyo masakit ang ulo.” Inikot niya ang tingin. “Nasaan ako? Saka sino ka?”
“Nandito ka sa resthouse namin sa isla at…” Natigilan ito sa pagpapaliwanag. “Wala kang natatandaan? Hindi mo ba ako kilala?”
Umiling siya. “Parang pamilyar ka sa akin. Pero hindi kita matandaan. Saka ano nga pala ang pangalan ko?”
“Oh, God!” namumutla nitong usal at dali-daling tumakbo sa pinto. “Aling Simang! Mang Tobias! Sunduin po ninyo ang doktor! May amnesia si Parisse.”
“KUMAIN ka nang mabuti. Siguro nag-aalala ka dahil wala kang maalala. Pero lilipas din iyan. Unti-unti ring babalik ang memorya mo sabi ng doktor. Maalala mo rin ang lahat. Siguro dala lang iyan ng aksidente mo,” wika ni Lerome habang sinusubuan siya ng sopas. Ito si Lerome, ang nobyo niya. Ito ang may-ari ng isla na iyon. At Parisse ang pangalan niya. Isa daw siyang marine biology student. Nasa ibang bansa daw ang mga magulang niya.
“Lerome, bakit ako nadisgrasya? Ano bang ginagawa ko?” tanong niya.
“Marine biology student ka. Madalas kang mag-dive sa mga diving sites dito para sa research mo. Nagbabakasyon naman ako dito. Naghiwalay tayo dahil hindi tayo nagkasundo. Siguro papunta ka dito para makipag-ayos sa akin nang madisgrasya ka. Tumaob siguro ang motorboat mo sa lakas nang alon. Mahilig ka kasing magpatakbo ng motorboat nang mag-isa. Mabuti na lang dito ka inanod. Kung hindi, hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nawala ka.”