Ngumiti siya sa sinabi nito. “Mahal mo nga ako. Kahit hindi kita maalala, nararamdaman ko iyon.” Hinaplos niya ang mukha nito. Hindi ito maalala ng isip niya pero parang kabisadong-kabisado ng kamay niya ang mukha nito. “Anong klaseng tao ba ako, Lerome? Bakit mo ako minahal?”
“Well, you are the one I’ve been waiting for. Mabait ka at saka concern ka sa environment. Matalino ka pa. And we share the same passion. Diving. Ang totoo, na-in love agad ako sa iyo unang beses pa lang kitang nakita.”
“Talaga?” excited niyang tanong at bumilis ang tibok ng puso niya. “Siguro na-in love din agad ako sa iyo, no? Ang guwapo mo kasi. Parang ang sarap-sarap mong titigan. Saka mukha kang mabait.”
Iniwas niya ang tingin dito at bahagyang ngumiti. “Alam mo ba na hindi mo nasabi sa akin iyan dati? Kahit noong boyfriend mo na ako, hindi mo ako nasabihan na guwapo ako. Minsan lang. Sinabihan mo akong guwapong siyokoy.”
“Talaga? Simula ngayon lagi ko nang sasabihin na guwapo ka at hindi na kita tatawaging siyokoy. Hindi kasi bagay sa iyo na maging siyokoy.”
“Hindi ka pa masyadong magaling pero inuuto mo na ako.”
“Ha? Masama bang magsabi ng totoo?” Natigilan siya at napaisip. “Sabi mo nagkaaway tayo kaya kita sinundan dito. Anong pinag-awayan natin?”
Nawala ang ngiti nito sa labi. “Huwag na nating pag-usapan iyon. Hindi naman importante. Basta nandito ka na. Magkasama na tayo. Masaya na ako.” Kinintalan niya ito ng halik sa labi na ikinagulat nito. “Bakit?”
“Gusto kong mag-sorry. Hindi ko maalala kung anong pinag-awayan natin pero sa tingin ko nasaktan kita. Kaya sorry.”
Ngumiti ito at hinaplos ang buhok niya. “Forget about it. Basta magpagaling ka lang. Mula ngayon hindi na tayo mag-aaway. Okay?”
Napapikit siya nang kintalan siya nito ng halik sa labi. It was sweet. Pero parang kulang. Parang hinalikan na siya nito nang mas malalim pa doon. Saka na niya hihilingin iyon kapag magaling na siya.
“ALING Simang, pwede po ba ninyo akong kwentuhan tungkol kay Lerome?” tanong ni Parisse habang pinapanood ito sa paghahanda ng agahan sa kusina. Mas mabuti na ang pakiramdam niya kaya pwede na siyang lumabas ng kuwarto. Ilang araw din siyang nagpahinga sa kuwarto dahil bilin ng doktor.
“Bunso siya sa dalawang magkapatid. Mas malapit kami sa kanya dahil may pagka-suplado si Señorito Jim. Ang alam ko may shoe factory sila Sir Lerome. Iyon ang hinahawakan niya. Habang si Señorito Jim ang namamahala sa ibang negosyo ng pamilya nila. Madalas nga silang magkaaway. Pati ikaw pinag-aawayan nila.”
“Po? Bakit naman po pati ako?”
“Hindi ka kasi gusto ni Señorito Jim. Pakiramdam kasi niya lahat ng babae, manloloko. Ilang girlfriend na kasi niya ang nang-iwan sa kanya. Nitong huli, nagka-problema sa negosyo ng pamilya nila. Nag-away na naman ang magkapatid. Pinili na lang ni Señorito Lerome na dito muna sa isla magbakasyon.”
“Lerome, manloloko ba akong girlfriend kaya ayaw sa akin ng girlfriend mo?” tanong niya dito habang nag-aagahan sila sa may verandah.
“Ha? Bakit mo naman nasabi iyan?”
Nagkibit-balikat siya at sumubo ng soup. “Kasi sabi ni Aling Simang, galit daw sa manlolokong babae ang kapatid mo. Kaya rin siguro tayo nag-break.”
Hinaplos nito ang buhok niya. “Sabi ko sa iyo huwag mo nang isipin iyon.”
Mahabang sandali niya itong tinitigan. At bigla niyang naalala ang mukha nito noong bata pa. Habang namumulot ito ng kabibe sa may dalampasigan. “Guwapo ka noong bata ka, di ba? Siguro teenager ka pa noong una tayong nagkita.”
Bigla itong natigilan. “Imposible iyon, Parisse.”
Hinawakan niya ang sariling ulo at tumanaw sa buhanginan. “Hindi. Naalala ko na nandiyan ka sa beach. Bata ka pa noon. Tapos pinapanood kita.”
“Saan mo naman ako pinapanood?” tanong nito.
“Doon sa may batuhan. Nagtatago ako para di mo ako makita.”
“Malalim ang batuhan doon. At makikita ko kung may sasakyan na dumadaong sa malapit.” Hinawakan nito ang baba niya at pilit na ibinaling pabalik ang tingin niya dito. “Baka mali ka lang ng naalala. Kasi ilang buwan pa lang tayong magkakilala. Naubusan ng gasolina ang motorboat mo. Nagkataon na mas malapit ang isla namin kaysa sa resort na tinutuluyan mo. Dito ka humingi ng tulong.”
“Talaga?” Ibinalik muli niya ang atensiyon sa pagkain pero di pa rin mawala sa isip niya ang batang Lerome na tinatanaw niya niya mula sa batuhan. “Pero parang ikaw talaga ang bata na iyon. Hindi ako pwedeng magkamali.”
Ginagap nito ang kamay niya. “Siguro nalilito lang ang isip mo. Kapag bumalik ang memorya mo, magiging malinaw din sa iyo ang lahat. Saka nagpadala naman ako ng message sa kapatid mo. Sinabi ko ang nangyari sa iyo. Nasa abroad pala siya. Your family will inform me if they want to visit you.”
“Nasa Manila ang pamilya mo, di ba? Di mo ba sila dadalawin?”
“Gusto mo bang umalis na tayo dito?”
Umiling siya. “Parang mas gusto ko dito. Kasi tahimik.”
Pakiramdam din niya ay may ayaw na siyang balikan sa Manila. Nakaramdam siya ng takot. Parang mawawala sa kanya si Lerome pag umalis siya ng isla.
“Kung ganoon, dito muna tayo. Magulo pa doon ngayon. Saka walang mag-aalaga sa iyo. Di tulad dito. Mas maalagaan kita.”
“Kahit na huwag na tayong umalis dito, okay lang sa akin.”