Chapter Sea Enchantress: 23

NAGLALAKAD-LAKAD si Parisse sa dalampasigan. Natutuwa siyang paglaruan ang puting buhangin sa paa. Pero parang nag-aanyaya ang dagat. Tinatawag siya. Pakiramdam niya ay mas sanay siyang lumangoy sa dagat kaysa maglakad sa lupa. Subalit bilin sa kanya ni Lerome ay huwag siyang lulusong sa tubig.

Pabalik na sana siya sa villa nang marinig niyang may tumawag sa pangalan niya. “Prinsesa Parisse! Prinsesa Parisse!”

Luminga-linga sa paligid. Wala namang tao. Saka sino naman ang tatawag sa kanya nang prinsesa? Di naman siya prinsesa.

“Prinsesa Parisse! Nandito kami!”

Nang muli siyang lumingon ay nakita niya ang tatlong dolphin na nasa di kalalimang bahagi ng dagat. “Wow! Dolphins!” Patakbo siyang lumapit sa mga ito. “Kayo ba ang tumatawag sa akin? Nakakapagsalita kayo at kilala ninyo ako.”

“Siyempre kilala namin kayo, mahal na prinsesa,” anang pinakamalaki sa mga dolphin. “Wala ba kayong naalala?”

Umiling siya. “Naaksidente daw ako sabi ni Lerome. Natagpuan nila ako sa dalampasigan. At wala na akong matandaan na kahit ano.”

“Mga kaibigan mo kami! Ako si Tico. At sila naman ang mga kapatid kong sina Gonda at Gwanda. Lagi tayong namamasyal sa dagat kapag tumatakas ka sa mundo mo para makita kami at panoorin si Lerome.”

“Mundo ko? Anong mundo ko?” naguguluhan niyang tanong.

“Isa kang prinsesa ng Tarragon. Isa iyong mundo na nasa ibang dimensiyon. Ang ina mo naman ay isang tao. May kapangyarihan ka na kumausap ng mga hayop at manggamot. Kaya mong utusan kahit ang hangin at ang alon ng dagat. Ikaw ang tumutulong sa mga hayop na tulad namin kapag nagkakasakit kami o kaya sinasaktan ng mga tao,” kwento ni Gwanda.

“Talaga? May kapangyarihan ako?” namamangha niyang usal. “Kaya kong kontrolin ang hangin at ang tubig?” Itinaas niya ang kamay. Hindi mahangin nang mga sandaling iyon. “Gusto kong lumakas ang hangin! Lumakas ka!” Ibinaba niya ang kamay. “Wala namang epekto. Wala naman akong kapangyarihan.”

“Ano?” bulalas ni Gwanda. “Dala siguro iyon ng aksidente sa iyo. Nawala ang memorya mo at ang ilang kapangyarihan mo.”

“Hindi ba may kapangyarihan ako? Bakit ako naaksidente?” tanong niya. “Hindi ba dapat kaya kong protektahan ang sarili ko?”

“Patungo ka na sa lagusan pabalik ng Tarragon. Pasikat na ang bagong buwan noon at nawawala ang kapangyarihan mo. Nagiging ordinaryong tao ka lang. Subalit bago mo pa nabuksan ang lagusan sa ilalim ng dagat ay nawalan ka na ng kapangyarihan. Hindi mo na nagawang makatawid sa kabilang mundo. At dahil doon, muntik ka nang malunod. Pinagtulung-tulungan ka naming maidala dito sa dalampasigan. Natutuwa kami dahil ligtas ka at buhay,” kwento ni Gonda.

Tinitigan ulit niya ang palad. “Ibig sabihin dati akong may kapangyarihan. At natira na lang sa akin ang kakayahan kong makipag-usap sa mga hayop. Ano ang gagawin ko para bumalik ang alaala at kapangyarihan ko?”

“Naku! Parating na si Lerome!” wika ni Tico.

“Sandali! Ipapakilala ko sa kayo!” aniya at tumakbo paahon sa dagat.

“Parisse, may kausap ka ba?” tanong ni Lerome paglapit niya.

“Oo. Ang mga kaibigan kong dolphins!” Hinila niya ito. “Ito si Tico, Gwanda at Gonda! Ito naman si Lerome, ang boyfriend ko.”

Umingit ang mga dolphin. Natuwa si Lerome pero may halong pagtataka. “Ngayon lang may naligaw na dolphin dito. Ikaw ang nagpangalan sa kanila?”

“Hindi. Iyon talaga ang mga pangalan nila.”

“Ha?” bulalas nito. “Paano iyon ang pangalan nila?”

“Iyon ang sabi nila sa akin.” Hinaplos niya ang ulo ni Gwanda. “May kanya-kanya silang pangalan na nakikilala sa whistle nila. Katulad sila ng mga balyena at mga tao. Nakikilala natin ang mga boses natin. Ganoon din ang mga dolphins.”

“Okay. I believe the last one. Maaring nakuha mo ang paliwanag sa mga signature whistles ng dolphins sa research mo. Pero hindi ako naniniwala na sinabi nila sa iyo ang pangalan nila. You can’t possibly understand them.”

“Pero naiintindihan ko sila, Lerome. Naiintindihan ko ang salita ng mga hayop. Kung gusto mo kausapin ko ang starfish o ang sea urchin na…”

Hinila siya ni Lerome pabalik sa dalampasigan. “That is crazy! Tao ka lang. Hindi mo kayang intindihin ang salita ng mga hayop.”

“Sabi ng mga kaibigan kong dolphin, prinsesa ako ng Tarragon. May pagka-diwata ako at may kapangyarihan. Kaya kong makipag-usap sa mga hayop, manggamot at kaya ko ring utusan ang hangin at tubig.”

Humalukipkip ito. “Sige nga. Ipakita mo sa akin ang kapangyarihan mo.”

Pinagdikit niya ang dulo ng mga hintuturo. “Sabi ni Gonda, nawala ang kapangyarihan ko kasabay ng pagkawala ng memorya ko. Nawawala daw ang kapangyarihan ko kapag new moon. Pabalik na daw ako sa Tarragon at…”

Itinaas nito ang kamay. “It’s enough! I am not going to hear this!”

“Pero Lerome, sabi ng mga kaibigan kong dolphin…”

“And you believe those dolphin friends of yours…” Natigilan ito sa pagsasalita at nahawakan ang sariling ulo. “Oh, God! Tama na, Parisse! Magpahinga ka na. Dahil bukas luluwas tayo sa Manila.”

Pinigilan niya ito sa braso. “Akala ko ba mas gusto mo dito?”

“I think you need proper medical attention this time.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.