Nakapangalumbaba si Parisse sa verandah habang pinagmamasdan si Lerome sa dalampasigan. Hinihintay nito ang pagdating ng sea plane. Kahapon pa ito balisang-balisa mula nang sabihin niya ang pagiging diwata niya.
Naglakad siya palapit dito at kumapit sa braso nito. “Lerome, iniisip mo ba na baliw ako dahil sa mga sinabi ko sa iyo? Kaya ba dadalhin mo ako sa Manila?”
Umiling ito at ikinulong ang mukha niya sa palad nito. “Of course not. You are not insane. I just want you to see a specialist. Mas alam nila kung paano ka matutulungan.” Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “At gagawin ko ito dahil mahal kita. I just want to make sure that you are okay.”
Huminga siya nang malalim. Parang may mali. Naniniwala siya na isa siyang diwata at normal lang sa kanya na makausap ang mga hayop. “Boyfriend kita. At dahil mahal kita, naisip ko na wala akong itatagong sekreto sa iyo. Akala ko nasabi ko sa iyo ang tungkol sa Tarragon at ang kakayahan ko na makipag-usap sa mga hayop. Imposible kasi na ilihim ko iyon sa iyo.”
“Forget about what the dolphins told you. You are not a fairy, Parisse. Kapag nakausap natin ang psychiatrist mo, maiintindihan din natin ang lahat. But for now, keep those thoughts out of your head. Wala kang sinabi sa akin na fairy ka dati dahil hindi ka naman fairy. Tao ka lang. Wala kang kapangyarihan.”
Tumahimik siya subalit nagtatalo pa rin ang isip niya. Parang mas natural sa kanya na isipin na isa siyang diwata. Na hindi siya ordinaryong tao. At walang kakaiba sa kanya pagdating sa pakikipag-usap sa mga hayop. Hindi ba talaga kapani-paniwala ang mga kwento niya?
“Nandito na yata ang sea plane natin,” sabi ni Lerome at pumasok sa villa para kunin ang mga gamit nila.
Nanatili lang siya sa may dalampasigan nang tumigil ang sea plane. Lumakas ang kaba sa dibdib niya nang makita ang lalaki na bumaba mula doon. Parang kilalang-kilala niya ito pero hindi lang niya matandaan kung sino.
Ginulo nito ang buhok niya paglapit. “Totoo ba na may amnesia ka?”
Ikinurap niya ang mata habang pilit na iniisip kung sino ito. “Sino ka?”
“Ako ang Kuya Cid mo.”
“Kuya?” Yumakap siya dito at napaiyak. “Hindi kita matandaan. Wala akong matandaan,” sumbong niya dito. Pero parang natural lang sa kanya na yumakap dito at sabihin ang nararamdaman niya. Parang nakatagpo siya ng kakampi dahil dito.
“Things will be okay, Parisse. Nandito na ako.”
“GUSTO ko sanang dalhin sa Manila si Parisse,” wika ni Lerome kay Cid nang makaharap niya ito. Hinayaan muna niya si Parisse na mamasyal sa dagat para makipaglaro sa mga kaibigan nitong dolphin at mga sea gulls. “She’s acting weird. Baka dala iyon ng pagkawala ng memorya niya. Sinasabi niya na fairy siya at kaya niyang makipag-usap sa mga hayop.”
“I don’t think my sister is crazy,” wika ni Cid.
Noong una ay naguguluhan din siya. Wala kasing report na may motorboat wreckage sa dagat o report mula sa Coast Guard na may nawawalang guest sa kahit anong resort. Saka lang sinabi ni Cid na kaibigan nito ang may-ari ng motorboat na nirentahan ni Parisse ng ilang araw. Kadalasan ay hinihiram ni Parisse ang motorboat at ilang araw na hindi bumabalik.
“Hindi ko sinasabing baliw siya. Gusto ko lang matiyak na magiging normal siya. At mas kailangan niya ng doktor.”
“Gusto mo ba na iuwi ko na siya sa Manila? Ayaw mo na siyang alagaan?”
“I want to take care of her!” Kung pwede nga lang ay hindi na mawala si Parisse sa paningin niya. She was woman he dreamt of all his life. Ito lang ang babaeng minahal niya. She captured his heart the first time he saw her. “Kahit na ano pa ang mangyari sa kanya, hindi ko siya iiwan.”
“Nawala ang memorya ni Parisse. Kinuha iyon ng dagat mula sa kanya. At naniniwala ako na dagat din ang magbabalik niyon sa kanya. Sa palagay ko mas makakabuti sa kanya kung dito muna siya sa isla ninyo.”
“Ano ang gagawin ko para makatulong sa kanya?”
“Bata pa lang kami, gustong-gusto na ni Parisse ang dagat. Kung hahayaan mo siyang gawin ang mga dati niyang ginagawa, babalik din ang alaala niya. May tiwala naman ako sa iyong aalagaan mo ang kapatid ko. At magiging malinaw din sa iyo ang lahat kapag bumalik na ang alaala niya.”
“PARISSE, gusto mo bang sumisid sa dagat?” tanong ni Lerome sa kanya.
Kumislap agad ang mata niya. “Oo naman! Gustong-gusto ko.” Niyakap niya si Lerome at kinintalan ng halik sa labi. “Teka, hindi ba bawal sa akin?”
“Kumonsulta daw sa experts ang kuya mo. Sinabi daw sa kanya na mas mabuting gawin mo ang mga bagay na dati mong ginagawa. May go signal din naman ang doktor na tumingin sa iyo. Pwede ka nang mag-dive.”