Matagal na siyang niyayayang lumangoy ulit ng mga kaibigan niyang dolphin. Ayaw lang ni Lerome dahil baka daw may trauma pa siya mula sa aksidente niya.
Ibinilin din sa kanya ng kapatid niya na huwag na lang niyang babanggitin pa kay Lerome ang tungkol sa pagiging prinsesa niya ng Tarragon at ang kapangyarihan niya. Nang tanungin niya ito kung totoo iyon ay di siya nito sinagot.
“O sige. Ipapahanda ko lang ang motorboat at ang diving gear natin,” anito at naglakad papunta sa villa.
“Mauna na ako sa gitna ng dagat. Sundan mo na lang ako!” sigaw niya at patakbong pumunta sa tubigan. Gustong-gusto niyang yakapin siya ng dagat at makita ang pusod nito. Gusto niyang makalaro ang mga kaibigan niya.
“Parisse, no!” sigaw ni Lerome at hinabol siya. Niyakap siya nito sa baywang at pinigilan na lumangoy sa mas malalim.
“Ha? Bakit?” tanong niya.
“Hindi ka pwedeng sumisid na walang diving gear.”
“Diving gear?” Saka nag-flash sa isip niya ang mga sumisisid na nakaitim na wetsuit at may oxygen tank at mask. Parang hindi naman niya iyon kailangan kapag lumalangoy. “Hinid ko na kailangan iyon. Sanay naman akong sumisid kasama ang mga dolphins nang wala iyon. Tingnan mo, ha!”
Akmang sisisid siya para ipakita na kaya niyang lumangoy at sumisid tulad ng mga isda nang buhatin siya nito at dalhin sa pampang. “Hindi mo pwedeng gawin iyon, Parisse. Ordinaryong tao ka lang. Hindi ka isda.”
“Pero…” Gusto sana niyang sabihin dito na iyon ang naaalala niya. Nakasuot lang siya ng manipis na gown at nagagawa niyang lumangoy at sumisid nang walang ibang gamit. Subalit pinigilan niya ng sarili dahil sa bilin ng kapatid niya.
“Parisse, kung gagawin mo ulit ang ginawa mo kanina at ipipilit mo na lalangoy ka nang walang diving gear, di na kita palalapitin sa dagat.”
Niyakap niya ito mula sa likuran at inilapat ang pisngi niya sa likuran nito. “Sorry, Lerome. Hindi ko naman gusto na magalit ka.” Di niya mapigilang lumuha. “Kung naalala ko lang ang lahat, hindi ka na sana mahihirapan sa akin.”
Humarap ito sa kanya at pinahid ang luha niya. “Hindi ako galit. Napu-frustrate lang ako. At naiinis sa sarili ko dahil wala akong magawa para ibalik ang alaala mo. Hindi ko alam kung paano kita tutulungan.”
Niyakap niya ito. Idinikit niya pisngi sa dibdib nito at pinakinggan lang ang tibok ng puso nito. “Hindi mo naman kailangang mainis sa sarili mo. Hindi mo nga basta-basta maibabalik ang memorya ko pero hindi ibig sabihin wala kang ginagawa. Nandito ka sa tabi ko. Mahal mo ako at inaalagaan. Ano ngayon kung wala akong maalala? Hindi ko naman kinakalimutan ang pagmamahal na ibinibigay mo sa akin.”
Inangat niya ang tingin at maalab nitong hinagkan ang labi niya. Yumakap siya sa leeg nito at ayaw itong pakawalan. Wala na siyang pakialam kung ano ang dadalhin sa kanya ng bukas. Ang mahalaga sa kanya ay mahal siya nito at di siya iiwan. Wala siyang ibang kinakapitan kundi si Lerome lang.
“Simula ngayon, hindi na ako gagawa ng mga bagay na pwede mong ikagalit. At bago ako gumawa ng kahit ano, sasabihin ko muna sa iyo.”
“Dito ka lang. Sasabihan ko si Mang Tobias na ihanda ang sasakyan. Tapos ihahanda ko naman ang diving gear natin.”
“Lerome, kahit na marami akong bagay na naalala, pamilyar sa akin ang halik mo. Saka kahit kailan, hindi ko nakalimutang mahal kita.”
Ngiti lang ang isinagot nito sa kanya. Kung hindi man bumalik ang alaala niya, hindi na siya natatakot. Basta kasama niya si Lerome.
SA isla pa lang ay ipinapaalala na sa kanya ni Lerome ang lahat ng dapat niyang malaman tungkol sa diving. Hindi sila agad umalis ng isla at pumunta sa diving reef hangga’t di niya nakakabisa ang lahat. Mula sa paggamit ng diving gear hanggang sa mga hand signal. At sa gulat nito ay natatandaan niya lahat.
“Mukhang ilang parte lang ng memorya mo ang nawala. But your acquired knowledge is still there,” paliwanag sa kanya ni Lerome.
“May maaalala kaya ako kapag nag-dive na ako?” tanong niya.
“Oo naman.” Ginagap nito ang kamay niya. “Basta huwag kang hihiwalay sa akin. Hahawakan mo lang ang kamay ko.”
Nang bumagsak na sila sa tubig ay hinawakan agad nito ang kamay niya. Pumaikot agad sa kanila ang mga dolphin at iba pang mga isda.
“Maligayang pagbabalik, Prinsesa Parisse!” bati ng mga ito sa pagdaan nila ni Lerome. Lahat ng mga ito ay natutuwa na makita siya. Di man niya natatandaan ang lahat ng pangalan ng mga ito, alam niyang kaibigan niya ang mga ito. Sa pamamagitan ng isip niya ay nagagawa niyang kausapin ang mga ito.
Sa paglangoy-langoy niya sa gilid ng reef ay napansin niya ang isang malalim na bangin o trench. Nakita niya ang sarili na lumapit sa trench. Sa isang iglap ay di isang bangin ang nasa harap niya kundi isang makapal na salaming pader o salaming bintana. Inilapat niya ang kamay sa harang at dahan-dahan iyong bumukas.
Naalala niya ang makukulay na mga isda, ang bughaw na langit na laging may bahaghari, ang matayog na palasyo at ang mga diwata.
“Tarragon,” maisip-isip niya. “Iyon na ba ang sinasabi nila Tico na lagusan ko patungong Tarragon? Kapag ba binuksan ko ito ay magagawa ko nang pumunta sa mundo ng mga diwata kung saan ako nagmula? Makikita ko ba dito ang aking ama’t ina? Mapapatunayan ko kayang isa akong prinsesa?”