Chapter Sea Enchantress: 26

Lumangoy siya patungo sa bangin. Gusto niyang subukan kung bumalik na ang kapangyarihan niya. Mapapatunayan niyang totoo ang sinasabi niya kay Lerome. Na isa nga siyang diwata at may kakayahan siyang makipag-usap sa mga hayop. Gusto niyang patunayan na hindi siya nababaliw.

Malapit na siya sa bangin nang hilahin ni Lerome ang kamay niya. Sumenyas ito na lalangoy na sila paitaas. Di na niya nagawang tumutol. Malungkot na lang niyang tinanaw ang bangin.

“Babalik pa ba ang alaala ko? Babalik pa ba ako sa Tarragon?”

Nang makasampa na sa speedboat ay tinanggal agad ni Lerome ang diving gear. “Mang Tobias, bumalik na po tayo sa isla,” utos nito.

“Bakit babalik agad tayo?” tanong niya. “Sasaglit pa lang tayo sa ilalim.”

“Sa isla na lang tayo mag-usap.”

Kinabahan siya. He used a grave tone. Parang may ginawa siyang hindi maganda na ikinagalit nito. “Lerome, galit ka ba sa akin? May ginawa akong mali?” tanong niya nang makapagbihis na sila at di pa rin siya nito kinakausap.

“Bumitiw ka sa kamay mo. And you were practically swimming over the trench. Malakas ang current doon. Paano kung tangayin ka? Paano kung hindi kita masagip? Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip mo. Samantalang sinabihan na kita kanina na mag-iingat ka.”

“Kasi parang may naalala ako sa trench na iyon. Hindi siya basta-basta trench. Kapag ginamit ko ang kapangyarihan ko, nagiging lagusan siya papunta sa Tarragon. Iyon siguro ang sinasabi ng mga dolphin sa akin…”

“Stop it, Parisse!” sigaw nito at tumumba ang rattan chair pagtayo nito. “Ayoko nang marinig ang mga kwento mo. Hindi mo ba naisip na posibleng namatay ka kanina. Tapos ang kwento ng mga dolphins pa rin ang iniisip mo.”

Nangilid ang luha sa mata niya. “Anong magagawa ko kung iyon ang pumapasok sa utak ko? Akala mo ba madali ito para sa akin? Wala akong maalala. At tuwing may naalala ako, sinasabi mo naman na hindi iyon totoo.”

Natigilan ito at sinubukan siyang hawakan. “Parisse…”

Tinabig niya ito. “Wala akong pakialam kung iniisip mong baliw ako. Basta paniniwalaan ko ang alam kong totoo,” aniya at nagtatakbo sa dalampasingan.

ANO ba ang mundo para sa kanya? Saan ba siya nabibilang? Sa mundo ng Tarragon at sa mundo ng mga kaibigan niyang hayop? O sa piling ng lalaking mahal niya na iba ang kilalang Parisse sa nararamdaman niyang totoong siya?

Paulit-ulit ang tanong ni Parisse habang nakatitig sa mabituing langit. Kanina pa siya nakahiga sa buhanginan. Nilubugan na siya ng araw at sinikatan ng buwan at mga bituin pero di pa rin siya natitinag. Pero kahit yata ang langit ay walang maisagot sa mga tanong niya.

Narinig niya ang mga yabag ni Lerome palapit sa kanya. Tumigil ito sa tapat niya at umuklo sa ulunan niya. “Parisse, I am sorry. Kung pwede kumain ka na. Saka tumayo ka na rin diyan. Baka magkasakit ka. Malamig na dito.”

“Tumabi ka diyan. Nag-I-stargazing ako,” sabi niya.

Nang mukhang wala siyang balak na tumayo ay humiga rin si Lerome. Pero ulo lang nila ang magkatabi at ang katawan nito ay nasa kabilang direksiyon.

“Maganda ngang tingnan, no?” anito at nakitingin na rin sa bituin. “Mas maliwanag sila dito. Saka parang napakalawak ng langit.”

“Sorry kung bumitiw ako sa iyo kanina,” nasabi na lang niya.

“No. I am the one who should apologize. Sa ating dalawa, ako ang walang problema. Dapat bantayan kita at intindihin.”

“Kung nahihirapan ka nang alagaan ako, ibalik mo ako sa pamilya ko.”

“Kahit kailan, hindi iyan sumagi sa isip ko. I want to take care of you. Ang totoo, natatakot ako tuwing sinasabi mo na may powers ka. Na isa kang fairy. Na hindi ka galing sa mundong ito.”

“Iniisip mo ba na halimaw ako o kaya kinulam lang kita?”

“No. Iniisip ko na baka iwan mo ako kapag bumalik na ang alaala mo. There is nothing special about me, Parisse. Tao lang ako. Nagkakamali. Paano kung bumalik ka sa mundo mo at may prinsipe na makapangyarihan saka mas guwapo sa akin? Tapos siya ang pipiliin mo at makakalimutan mo na ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko para ipaglaban ka.”

Natawa siya at dumapa. Nagkatapat na ang mga mukha nila. “Lerome, kung prinsesa ako ng mga diwata, bakit ikaw pa rin ang pinili kong maging boyfriend?”

“Nagkataon lang na walang guwapo sa mundo ninyo kaya wala kang mapili.”

Pinisil niya ang ilong nito. “Hindi kita ipagpapalit sa iba. Kasi mahal kita. Kahit na makapangyarihan pa sila, wala akong pakialam.”

Yumuko siya at nagsugpong ang labi nila. At ipinangako niya sa lahat ng bituin sa langit na hindi siya mawawala kay Lerome kahit bumalik ang memorya niya. Ito lang ang lalaking mamahalin niya.

“PARISSE, huwag ka nang magtampo sa akin. Hindi ko naman sinasadya,” anang si Mang Tobias sa kanya habang bumibiyahe sila papunta sa reef.

Umingos siya at tumawa lang si Lerome. “Kasi naman Mang Tobias, alam naman ninyo na kaibigan ni Parisse ang lahat ng hayop. Sukat ipagmalaki ninyo iyong malaking pusit na bigay ng kaibigan ninyo. Magagalit nga siya.”

Nangilid ulit ang luha niya at hinampas sa dibdib si Lerome. “Nakakainis! Ipinaalala mo pa kasi sa akin.”

“Sabi ni Mang Tobias hindi na mauulit, di ba? Nag-sorry na siya,” pang-aayo ni Lerome. “Pati tuloy si Aling Simang hindi na siya pinapansin.”

“Basta po hindi na mauulit.” Nagku-kwentuhan sila nang mapansin niyang sumusunod sa kanya ang mga kaibigang dolphin. “Itigil po ninyo saglit.”

Nang tumigil ang motorboat ay umuklo siya. “Prinsesa Parisse, tulungan ninyo kami. Si Shane at ang anak niya kinukuha ng mga mangingisda.”

“Saan? Susundan namin kayo.” Lumingon siya kay Mang Tobias. “Mang Tobias, sundan po ninyo ang mga dolphin.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.