Chapter Sea Enchantress: 27

“Bakit? Anong problema?” tanong ni Lerome kay Parisse nang utusan niya si Mang Tobias na sundan ang mga dolphin.

“Mukhang nasa panganib ang mga kaibigan kong false killer whale.”

Maya maya pa ay tanaw na niya ang limang malalaking fishing vessel. Inaahon nito ang isang malaking lambat kung saan nakakulong ang mag-inang balyena. Ang mga ito ang nagtulong-tulong para maikulong at mahuli ang balyena.

Narinig niya ang pag-iyak ng inang balyena na si Shane. “Tulungan ninyo kami! Tulungan ninyo kami!” pakiusap nito.

“Bawal ang ginagawa nilang paghuli sa mga balyena, hindi ba?” anang si Mang Tobias. “At mukhang dayo pa ang mga mangingisda na iyan.” Minsan kasi ay may mga foreign fishing vessel na ilegal na nangingisda sa karagatan ng Pilipinas. At ang mga ito ang madalas na humuli sa mga malalaking hayop sa dagat. Ang iba ay para karnehin o kaya ay ipagbili nang buhay.

“Lerome, tulungan natin sila,” pakiusap niya dito.

“Mang Tobias, radyuhan natin ang Coast Guard,” wika ni Lerome. “Hindi pwedeng ang ginagawa nila.”

“Sandali na lang, Shane,” aniya habang kinakausap sa isip ang kaibigan. Kung may kapangyarihan lang siya, mapapalaya sana niya ang mga ito.

“Paparating na raw sila,” wika ni Lerome sa kanya. “Maghintay lang tayo.”

“Anong oras pa sila dadating? Paano kung mailayo na ang mga kaibigan ko? Paano kung hindi na sila makaligtas?”

“We have to wait patiently. Wala tayong magagawa laban sa kanila. We did our part. Nasabi na natin sa awtoridad ang sitwasyon. Let them handle this.”

Walang magagawa. Lagi na lang silang walang magagawa kundi ang maghintay. Parang mabibingi na siya sa pag-iyak at pakiusap ng mag-inang balyena. Parang sasabog ang dibdib niya dahil nasasaktan ang mga ito. Habang pumapalag ang mga ito ay lalo lamang nasasaktan ang mga ito.

“Kailangan na nating umalis, Parisse,” wika ni Lerome.

“Hindi!” sigaw niya at tumayo sa bangka. Itinaas niya ang kamay at lumitaw ang dambuhalang alon. Isinenyas niya ang kamay at itinulak ito papunta sa malaking bangka. “Pakawalan ninyo sila!”

Mabilis na naglakbay ang alon patungo sa bangka at nilaro-laro ito. Nang sumalpok ang higanteng alon ay tumaob ang bangka. Nakawala ang mag-inang balyena. At dahan-dahang lumangoy ang mga ito palayo sa bangka.

Inilahad niya ang dalawang palad at naglaho ang higanteng alon. Nakita niya ang pagkakagulo ng mga mangingisda. Naningkit ang mga mata niya. Wala na siyang nararamdaman ng mga oras na iyon kundi galit.

“Hindi ko kayo hahayaang makatakas.”

Ikinawkaw niya ang kamay paikot sa tubig at unti unti iyong bumuo ng ipo-ipo habang naglalakbay patungo sa bangka. Hinati niya sa apat ang buhawi at walang puknat na sinira ang bangka hanggang magkapira-piraso.

“Parisse, stop it!” narinig niyang sigaw ni Lerome.

“Hindi! Dapat sa kanila hindi na binubuhay. Para wala nang hayop na nasasaktan. Dapat sila ang mawala!”

Niyakap siya ni Lerome. “Tama na, Parisse! Tama na!”

Natigagal siya nang maramdaman ang init ng yakap nito. Saka siya tulalang napatitig sa nakabukang palad. Bumalik na ang kapangyarihan niya. Naalala na niya ang lahat. Kung sino siya, ang kakayahan niya at ang lahat ng nangyari sa kanya.

At ngayon ay alam na rin ni Lerome ang tunay niyang pagkatao.

YAKAP ni Parisse ang sarili habang nakatitig sa karagatan. Malamig ang simoy ng hangin pero mas malamig ang nararamdaman niya sa puso niya. Hindi siya makapaniwala na bumalik ang kapangyarihan niya sa mismong harap ni Lerome. At nakita nito kung paano siya maminsala.

Naisubsob niya ang mukha sa palad. “Siguro iniisip niya na halimaw ako.”

Kahit naman sino ay matatakot na nasaksihan kanina. Kung paano siya gumawa ng dambuhalang alon at bumawi. Kung paano siya pumuksa.

“Parisse, tulog na si Mang Tobias,” sabi ni Lerome paglapit sa kanya. “Sa palagay ko dapat ka na ring magpahinga.”

“Wala kang dapat ipag-alala sa akin. Ayos lang ako. Si Mang Tobias naman, wala nang maalala paggising niya. Binura ko ang bahaging iyon ng memorya niya.”

“Nailigtas ng Coast Guard ang lahat ng sakay ng fishing vessel. Ginagamot na sila ngayon sa ospital. Pero kakasuhan din sila ng illegal entry at paglabag sa international fishing code.”

Mga Chinese ang mga iyon na illegal na nangingisda sa area na iyon. Marami kasing yamang-dagat sa bahaging iyon ng Pilipinas.

“Dapat lang iyon sa kanila.” Huminga siya nang malalim. “Pero hindi ko naman intensiyon na saktan sila. Nadala lang ako ng galit ko. Hindi ko naman alam na bumalik na pala ang kapangyarihan ko. Gusto ko lang naman na protektahan ang mga kaibigan ko. Hindi naman ako masama.”

“So you really are a fairy,” mapait nitong wika. “Totoo ang sinabi mo at ng mga kaibigan mong dolphin. And I am the stupid one. Wala akong alam.”

“Sekreto iyon. Walang nakakaalam ng tunay na pagkatao namin. Tao ang nanay ko na pinakasalan ng prinsipe ng Tarragon. Noong bata kami, nabuhay kami sa mundo ng mga tao. Hanggang hirangin na hari ang ama ko. Ayokong maging prinsesa. Lagi akong tumatakas gamit ang lagusan na ako ang gumawa. Hanggang nakita kita. Medyo bata ka pa noon. Mula noon, lagi akong pumupunta sa isla. Pinapanood kita dahil alam kong imposibleng magkakilala tayo. Dahil sa iyo, ipinaglaban kong mamuhay sa mundo ng mga tao. Gusto kong maging simpleng tao para mahalin mo ako.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.