Chapter Flame Flower: 15

“ISA kang prinsipe? Hindi ako makapaniwala! Ano pa bang sekreto ang hindi ko nalalaman tungkol sa iyo?” tanong ni Liatris kay Cid kinabukasan habang namamasyal sila sa hardin. Katatapos lang nilang mangabayo at inilibot siya nito sa komunidad sa paligid ng palasyo.

“Maraming-marami.” Pumitas ito ng mansanas sa puno at inabot sa kanya. “Matagal akong nawala sa Tarragon. Nanirahan ako sa mundo ng mga tao. Kung di dahil sa pakiusap ng kapatid ko na bumalik ako para iligtas ang kaibigan ko na si Edrial, hindi ako babalik.”

“Bakit kailangang ikaw ang pakiusapan ng kapatid mo? Hindi ba marami namang tauhan ang kaharian ninyo?”

“Kalaban namin ang Kahariang Asturia. Pero nobya ni Edrial ang mortal na kalaban ng aking ama. Binawalan na siyang pumunta sa Asturia pero nagpumilit siya. Walang nakakaalam ng pagtungo niya sa Asturia maliban sa kapatid kong si Parisse. Di na siya bumalik. Ipinaalam ng nobya ni Edrial kay Parisse na nawawala ito. Di dumating si Edrial sa tipanan nila. Huli daw siyang nakita na papasok sa gubat na sakop ng kaharian ninyo sa kabila ng pagbabawal ng mga nakatira malapit doon.”

“At dahil sa pagsuway niya, walang sinuman ang tumulong sa kanya?”

“Walang sinuman ang may lakas ng loob na pumasok sa teritoryo ninyo. Sinuman na pumasok doon ay di na nakakalabas.”

“Pero hindi ka natakot sa maaring mangyari sa iyo.”

“Kaibigan ko si Edrial. Parang magkapatid na kami. Isa pa, naghihintay sa kanya ang babaeng mahal niya. Ayoko silang biguin.”

“Bakit ka nagpahuli, Cid?” Malakas ito at kaya nitong makatakas. Di sana ito magiging alipin kung nagawa nito makatakas agad.

Sumandal ito sa puno. “Tao ang aking ina, Liatris. Sa tulad kong may dugong tao, nawawala ang kapangyarihan ko tuwing bagong buwan. Halos wala akong ipinagkaiba sa isang tao nang sugurin ko ang kaharian ninyo. Dahil di ko kayang lumaban, nagpahuli na lang ako para mas madaling hanapin si Edrial.”

“At sinira ko ang mga plano mo.” Kaya pala ayaw siya nitong makasama noon. Mas gusto pa nito na makasama ang ibang alipin. “Bakit hindi ka pa noon tumakas? Madali namang bumalik ang kapangyarihan mo.”

Tumingala ito. “Hinintay ko ang muling pagbilog ng buwan. Doon pinaka-malakas ang kapangyarihan ko at mahina naman ang ibang mga engkanto. Nagawa kong matanggal ang kuwintas at maitakas si Edrial.”

“Magaling ka. Ikaw lang ang alipin na nagawang makatakas sa amin,” aniyang di maitago ang pait sa boses. Parang isang malaking sampal iyon sa kanya. Habang magkasama sila at iniisip niyang mahal niya ito, iniisip pala nito kung ano ang kahinaan niya at kung paano siya tatakasan. Malaki nga siyang hangal!

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Liatris, humihingi ako ng patawad. Dahil sa amin napahamak ka. Muntik ka nang mamatay dahil sa pagtatanggol mo sa amin. Alam ko na iniisip mong traidor ako at ginamit kita…”

“Hindi kita masisisi kung gusto mo mang tumakas,” putol niya sa sasabihin nito. “Hindi iyon ang mundo para sa iyo. Di ka bagay maging alipin. Nakatakda kang maging hari.” Habang iniwan niya ang pagkapinuno para dito. Tinalikdan niya ang mga Vinca na umaasa sa kanya para sa lalaking di siya mahal.

“Iyong nangyari sa atin…”

“Wala iyon,” aniya sa malamig na boses. “Ginawa mo lang kung ano ang itinakda sa iyo bilang alipin, hindi ba? Kalimutan mo na.”

“Pero Liatris!”

“Kuya Cid!” anang isang dalaga na niyakap si Cid. Itim na itim ang kulot nitong buhok. Mukha itong tao. Ang magsasabi lang na engkanto ito ay ang lila nitong mata. Sa tingin niya ay di sila nagkakalayo ng edad.

“Parisse!” tuwang-tuwang sabi ni Cid at binuhat ang kapatid.

“Akala ko hindi ka na babalik,” mangiyak-ngiyak nitong sabi.

“Nagkikita naman tayo sa mundo ng mga tao, hindi ba?”

Napatingin si Parisse sa kanya. “Sino siya?”

“Siya si Liatris. Siya ang nagligtas sa akin,” pagpapakilala ni Cid sa kanya.

Nanlaki ang mata ni Parisse. “Iniligtas mo ang kuya ko? Magaling ka siguro.” Itinuro nito ang espada na nakasukbit sa baywang niya. “Kaya mo itong gamitin?”

“Prinsesa siya ng mga Vinca, Parisse,” paliwanag ni Cid. “Kahit anong sandata kaya niyang gamitin.”

Bahagyang yumukod si Parisse bilang pagbibigay-galang. “Ako si Parisse. Kung magaling ka sa sandata, pwede mo ba akong turuan? Ayaw kasi ng mga lalaki dito na turuan ang mga babae na lumaban. Takot siguro silang maging under. Siguro under din sa kaharian ninyo ang mga lalaki.”

“Parisse!” saway ni Cid dito. “Saan ka nanggaling? Ilang araw na akong nandito pero di kita nakita. Nagpaamo ka ba ng dragon?”

Lumapad ang ngiti ni Parisse. “May sorpresa ako na tiyak na magugustuhan mo. Sandali lang.” Pumasok ito sa palasyo. Pagbalik nito ay kasama na nito ang isang magandang babae. Kulay mais ang kulay ng buhok at asul ang mata. Animo’y isa itong magandang diyosa sa suot na asul na gown.

“Iris?” narinig niyang usal ni Cid.

“Cid!” sigaw ni Iris at niyakap si Cid. “Sa wakas magkakasama na tayong dalawa. Hindi na tayo mapaghihiwalay pa.”

“Pero paano sila ama?”

“Di na kami tututol pa sa pagmamahalan ninyo,” anang si Haring Andros na katabi si Reyna Yelena. Kanina pa pala nanonood ang mga ito. “Mapapakasalan mo na ang babaeng mapipili mo, Cid.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.