GOSH! You are so great! Ikaw na ang idol ko. Dati si Kuya Cid. Pero ngayon ikaw na. Kasi mukhang mas magaling ka sa kanya,” walang prenong sabi ni Parisse habang nagku-kwentuhan sila sa kuwarto nito. Di na siya nito pinakawalan mula nang magkita sa garden kanina. Habang si Cid naman ay kasama si Iris. “Saka fashionable ka. Saan mo nakuha ang belt mo?”
“Ito?” tukoy niya sa sinturon na nakaikot sa baywang niya. “Ibinigay sa akin ang aking ina. Bawat isang Vinca ay binibigyan ng ganitong sinturon ng kanilang ina kapag nasa tamang edad na siya at handa na siyang maging ganap na babae.”
“Akala ko naman makakabili ako. It looks cool!”
Di niya maiwasang matawa habang kausap ito. “Kung magsalita ka, parang tao ka. Ganyan ang naririnig ko sa kanila noong nasa mundo ako ng mga tao.”
“Dahil mas gusto ko sa mundo ng mga tao,” sabi nito. “Mas simple ang buhay. Walang komplikasyon. At mas magaling manligaw ang mga boys. Ikaw ba nagka-boyfriend na? O may lalaki ka bang nagugustuhan?”
“Wala,” kaila niya at ibinaba ang tingin. Di niya pwedeng sabihin dito na si Cid ang itinitibok ng puso niya.
“Minsan sumama ka sa akin doon. Tiyak ko maraming magkakagusto sa iyo. Astig ka kasi! Lalo na iyang pulang highlights mo sa buhok. Saan mo ipinagawa?”
“Ito?” tanong niya at hinawakan ang ilang hibla ng pulang buhok. Lutang na lutang iyon sa itim na itim niyang buhok. “Ganito na ito nang ipanganak ako. Lahat kaming Vinca ay ganito ang buhok. Iyon daw ay dahil anak kami ng bulkan at may kakayahan kaming gumamit ng kapangyarihan ng apoy.”
“Mahilig akong makipag-usap sa mga hayop at magbasa ng pocketbooks.”
“Pocketbooks? Ano iyon?” tanong niya.
Kinuha nito ang maliit na aklat. “Mga istorya iyan tungkol sa pag-ibig. Gusto mo rin bang basahin?”
“S-Sige.” Gusto niyang maintindihan kung ano ang pag-ibig. Akala niya kapag nagmahal siya ay mamahalin rin siya. Pero hindi iyon ang nangyari. At ngayon ay nariyan pa si Iris. “Komplikado pala ang pag-ibig.”
“Nakakabaliw! Nakakasira ng ulo. At iyong sira na ang ulo, lalong nasisiraan. Mahirap intindihin.” Niyakap nito ang pocketbook. “Pero masarap magmahal.”
“Bakit nagkahiwalay sila Iris at Cid?”
“Dahil sa Luha ng mga Hari.”
Kumunot ang noo niya. “Ano iyon?”
“Isa iyong mahalagang kuwintas. Nabuo iyon mula sa luha ng kauna-unahang naming hari na nagdalamhati sa namatay niyang Reyna. Ang kuwintas ang pumipili sa susunod na reyna ng Tarragon. Pero hindi si Iris ang pinili nito. Nagalit si Kuya. Namuhay na lang siya sa mundo ng mga tao at tinalikuran ang pagiging prinsipe. Kung di daw susunod ang luha ng hari sa gusto ng puso niya, mabuti pang di na lang siya ang maging hari ng Tarragon.”
“At pumayag ang mga magulang mo na pakasalan niya si Iris kahit na di siya ang pinili ng Luha ng hari?”
Huminga nang malalim si Parisse. “Di nila kayang mawala si Kuya. Hanggang ngayon ay wala pa rin ang babaeng pinili ng Luha ng Hari. Si Kuya lang ang maaring kumontrol doon bilang susunod na hari.”
“Nasaan na ang kuwintas?”
“Nasa sagradong silid.” Kumislap ang mata nito. “Gusto mo tingnan natin?”
“Pero bawal iyon. Baka mahuli tayo.”
Pumalatak ito. “Wala ka bang tiwala sa akin?”
Nagtago sila nang tanaw na nila ang sagradong silid. Sumipol ito at nagdatingan ang mga alitaptap. “Gayahin ninyo ang kapalit ng bantay ng sagradong silid,” utos nito sa mga kulisap.
Nagsama-sama ang mga alitaptap at bumuo ng korte ng tao. Maya maya pa ay naging imahe na ito ng isang bantay. Naglakad ito patungo sa guwardiya ng sagradong silid. “Magpahinga ka muna. Ako ang magbabantay dito,” anang ilusyon na gawa ni Parisse.
“Sige, salamat! Ikaw na ang bahala.” At umalis ang totoong guwardiya.
“Halika na!” Hinila siya nito. “Ibuhos mo itong pulbos sa katawan mo bago tayo pumasok sa sagradong silid. Para di maramdaman ang kapangyarihan mo.”
Matapos ibuhos ang pulbos ay pumasok sila sa sagradong silid. Una niyang nakita ang kuwintas na mukhang perlas na hugis luha.
“Iyan ang luha ng hari,” anang si Parisse.
Napasinghap siya nang magmistulang bahaghari ang kulay ng kuwintas nang tapatan ng liwanag ng buwan. “Maganda!”
Hinila nito ang kamay niya. “Kailangan na nating umalis. Malapit nang mawala ang epekto ng pulbos. Baka may makahuli sa atin.”
Atubili man ay sumunod siya dito. Sinulyapan niya ang kuwintas sa huling pagkakataon. Marahil ay di sa kanya ang kuwintas. Di rin sa kanya si Cid.
“HINDI ka ba sasabay maghapunan sa amin, Liatris? Di na kita nakasama kanina,” anang si Cid nang puntahan siya sa kuwarto niya. Lagi kasi nitong kasama si Iris.
“Cid, gusto ko nang bumalik sa kaharian namin.”