“Bakit ka babalik? Hindi kita iniligtas mula sa kanila para lang patayin ka nila ulit. Dito ka na lang,” protesta nito.
“Hindi ito ang buhay para sa akin. Isa akong Vinca. Sila ang dapat kong makasama. Kahit kailan ay wala akong tinakasan. Naging traidor ako sa kanila kaya dapat kong harapin ang kaparusahan ko.”
Napag-isipan na niya iyong mabuti. Nang makita niyang niyakap nito si Iris, alam niyang wala na siyang puwang sa buhay nito. Wala nang dahilan para manatili pa siya sa Tarragon.
“Hindi kita papayagang umalis,” matigas nitong wika.
“Hayaan mo na lang ako. Hindi ako bagay dito. Ibang mundo ito sa kinalakihan ko. Doon ako sa mundo ko.”
Mas kaya niyang tanggapin ang parusa sa kanyang kahangalan kaysa madurog ang puso niya. Tama nga ang mga Vinca. Malaking kalokohan ang magmahal. Masasaktan lang siya. Masaya naman si Cid kahit na wala siya. Kasama nito ang babaeng mahal nito.
“Bakit ba mahirap kang paliwanagan?”
Naputol ang pag-uusap nila nang may kumatok. “Mahal na Prinsipe, nawawala po ang Luha ng Hari.”
“Ano? Paano nangyari iyon?” Bumaling ito sa kanya. “Huwag kang aalis. Mag-uusap pa tayong dalawa.”
“HI!” bati ni Parisse nang pumasok sa silid niya. “May dala ako na make-up para sa iyo. Gusto mo ayusan kita para lalo kang gumanda?”
“Nagkakagulo sila sa paghahanap ng Luha ng Hari. Bakit pagpapaganda ang iniisip mo? Di mo ba sila tutulungan sa paghahanap?”
Umingos ito. “Kaya na nila iyong hanapin. Sarili natin ang isipin natin.”
“Parisse, aalis na ako,” malungkot niyang sabi. Napalapit na rin kasi ito sa kanya kahit sa maikling panahon ng pagsasama. Gayundin ang Tarragon.
“Hindi ka papayagan ni Kuya sa bumalik sa inyo.”
“Pero kailangan kong umalis.” O doon siya mamamatay sa lungkot.
Nalambungan ang mukha nito. “Ganoon ba? Tutulungan na lang kita na ayusin ang gamit mo, ha?” Kinuha nito ang bag niya at ibinuhos ang laman.
Hinayaan na lang niya ito sa ginagawa at inayos ang mga damit na ibinigay sa kanya ni Cid. Di na niya magagamit pa ang mga iyon kaya ibabalik na lang niya. Di naman iyon kasya kay Iris dahil mas matangkad siya dito.
Napasinghap ito at may dinampot. “Ang luha ng hari. Anong ginagawa nito sa mga gamit mo, Liatris?”
Nagulat siya nang makita ang kuwintas. “H-Hindi ko alam.”
Biglang bumukas ang pinto at pumasok si Cid. “Nasa iyo ang luha ng hari?” Naningkit ang mata nito. “Kinuha mo?”
“MANIWALA kayo sa akin. Hindi ko kinuha ang kuwintas,” giit ni Liatris nang iharap siya sa hari at reyna ng Tarragon para sa paglilitis. Puno din ang bulwagan ng mamamayan ng Tarragon. Parang bumalik siya sa panahon nang litisin siya sa harap ng kalipunan ng mga Vinca.
“Ito ba ang unang pagkakataon na nakita mo ang kwintas?” tanong ng Punong Ministro.
“Hindi po. Pumasok kami ni Prinsesa Parisse sa sagradong silid.”
“Pero wala kaming ginalaw. Promise!” anang si Parisse at itinaas ang kamay. “Nasa sagradong silid pa ang kwintas nang umalis kami doon. Wala kaming masamang tangka. Gusto ko lang iyong ipakita sa kanya.”
“Malakas ang kapangyarihan niya,” anang Punong Ministro. “May masama siyang tangka sa kwintas. Maari niya iyong ipagbili sa mga kaaway.”
“Pero siya ang nagligtas sa prinsipe,” paalala ng punong kawal.
“Maaring isa lamang pagkukunwari.”
Mariing nagdikit ang labi niya. Hindi siya sinungaling. Kung may kasalanan siya, aaminin niya. Di siya kailangang gawan ng kwento ng mga ito. “Sa inyo na ang kwintas ninyo. Hindi ko iyan kailangan. NI hindi ko nga alam kung paano iyan napunta sa gamit ko. Ang gusto ko lang ay umalis dito.”
“Sinabi ko nang hindi ka pwedeng umalis,” mariing wika ni Cid.
“Bakit? Dahil magnanakaw din ang tingin mo sa akin?”
“Wala akong sinasabing ganyan. Nagtatanong lang ako dahil nakita sa iyo ang kuwintas. Pero di ibig sabihin iniisip kong magnanakaw ka!”
“Sa tingin ko ay di ka maaring umalis, Liatris. May gusto pa akong makita,” anang si Reyna Yelena. “Cid, utusan mo ang Luha ng Hari na ipakita kung sino ang babaeng itinadhana sa iyo.”
“Bakit pa po? Akala ko ba binigyan na ninyo ako ng kalayaan na pakasalan ang babaeng pipiliin ko?” angal ni Cid.
“Sundin mo ang iyong ina, Cid,” anang si Haring Andros.
Inilahad ni Cid ang palad at lumutang ang kuwintas sa babaw ng palad nito. Pumikit ito na animo’y may inuusal. Pagdilat nito ay may lumabas na liwanag sa kwintas. Kasunod niyon ay nakita ang imahe ng batang sa palagay niya ay nasa sampung taong gulang. Parang pamilyar sa kanya ang bata. “Ito ang imaheng nakita ko nang una kong hawakan ang kwintas,” wika ni Cid.