Chapter Flame Flower: 18

Unti-unting nagbago ang imahe. Isa iyong babae na nakatayo sa tuktok ng isang burol. Nakatalikod ito at nililipad ng hangin ang itim nitong buhok. Nakasuot ito ng pulang damit na may sinturon na napapalamutian ng makulay na bato.

Nahigit niya ang hininga. Ang damit na iyon ang suot niya nang unang gabi na angkinin siya ni Cid. Lumutang muli ang kuwintas at tumigil sa harap niya. Nakikita na sa imahe ang mukha niya. Nang ilahad niya ang palad ay bumagsak ang kuwintas sa kamay niya.

Tumayo si Haring Andros. “Ikaw ang pinili ng kuwintas, Liatris. Ikaw ang pinili niya upang maging prinsesa ng Tarragon at kabiyak ni Cid.”

NAPUNO ng tensiyon ang silid pulungan ng palasyo. Kanina pa nakikipagtalo si Cid sa mga magulang nito. “Hindi ninyo pwedeng pilitin si Liatris na maging asawa ko. Hindi madali para sa kanya ang sitwasyon na kinasusuungan niya.”

“Kwintas ang pumili kay Liatris,” anang si Haring Andros. “Kahit kami ay walang kontrol sa bagay na ito.”

“Nang piliin ako ng kuwintas at dalhin niya ako sa mundong ito, may nagawa ba ako?” dugtong ni Reyna Yelena. “Siya ang itinadhana ng kuwintas para sa iyo. Bakit tinatanggihan mo ang tadhana mo?”

Napayuko siya habang nakikinig sa argumento ng mga ito. Bawat sandali ay bumibigat ang loob niya. Siya ang nga pinili ng kuwintas pero hindi naman siya ang gusto ni Cid na makasama nito.

“Akala ko po ba sapat na sa inyo si Iris?” tanong ni Parisse. “Pumayag na nga kayong pakasalan siya ni Kuya.”

“Noon iyon. Nang di pa nakikita ng Luha ng Hari ang nagmamay-ari sa kanya. Nang wala pa si Liatris,” katwiran ni Haring Andros. “Di natin maaring baguhin ang nakatakda. O magkakagulo sa kahariang ito. Sa palagay ko naman ay naiintindihan ito ni Iris. Kailangan na niya itong tanggapin.”

Tumayo siya. “Ako na lang po ang aalis.”

“Hindi ka aalis!” tutol ni Haring Andros.

“Wala po akong alam sa pagiging Reyna ng Tarragon. Sa ibang mundo po ako lumaki. Marami po akong paniniwala na taliwas sa paniniwala dito. Baka po makakasama sa kaharian kung ako ang pakakasalan ni Cid.”

Ayaw niyang ipilit ang sarili kay Cid. Kung ayaw nitong maging reyna siya, igagalang niya ang desisyon nito. Kaya padadaliin niya ang lahat para dito. Siya na ang bibitiw sa nakatadhana para sa kanya.

“Ganoon din naman ako, Liatris,” wika ni Reyna Yelena. “Galing ako sa mundo ng mga tao. Hindi pa nga ako tanggap ng marami sa Tarragon dahil mababa ang tingin nila sa akin. Pero lahat ng bagay ay natututunan. Tutulungan ka namin.”

Si Cid naman ang tumayo. “Ako na lang ang aalis.”

“Sige, bumalik ka sa mundo ng mga tao,” walang takot na wika ni Haring Andros. Ni hindi natinag sa banta ni Cid. “Isama mo na rin si Iris at huwag na kayong babalik pa dito.”

“P-Pero si Kuya ang susunod na hari,” paalala ni Parisse.

“Nandito na si Liatris. Siya ang pinili ng kuwintas kaya maituturing na siyang Reyna ng Tarragon kahit di sila kasal ni Cid. At dahil wala si Cid, si Liatris na ang susunod na pinuno ng Tarragon.”

Napipilan ang lahat. Di niya inaasahan ang desisyon na iyon ng hari. Maging si Cid ay di nakahuma. Nagtagis ang bagang nito. “Hindi ako aalis!”

Ngumiti si Haring Andros. “Ibig sabihin ay payag kang magpakasal.”

SA BALKONAHE natagpuan ni Liatris si Cid. Tahimik itong nakatingin sa madilim na gabi. Marahil ay masamang-masama ang loob nito. Kahit kasi anong gawin nito ay di nasunod ang gusto nito. “Liatris, bakit nandito ka pa? Gabi na,” sabi nito kahit di tumitingin sa kanya. Alam agad nito na naroon siya.

Tinabihan niya ito sa balkonahe. “Gusto kitang makausap.”

“Gabi na. Bukas na lang tayo mag-usap,” sabi nito at naglakad paalis ng balkonahe. “Matulog ka na lang.”

“Wala na ako bukas.”

Tumigil ito sa paglalakad at hinarap siya. “Sinabihan na kita. Hindi ka pwedeng umalis dito. Saan ka man pumunta, makakasama mo ang kuwintas. Mahahanap at mahahanap pa rin kita. Kaya huwag na nating pahirapan ang mga sarili natin. Nakakapagod kung makikipaghabulan ka pa sa akin.”

“Pero ayaw mo sa akin.”

Kinabig nito ang batok niya at hinalikan siya. Noon lang siya nito hinalikan muli mula nang dumating sila sa Tarragon. Kakaiba ang halik na iyon. Mapusok. Parang inaangkin siya. Tinatatakan siya na pag-aari siya nito.

“Hindi ako umalis, hindi ba?”

Napatitig siya sa mata nito. Gusto na ba siya nito? O napipilitan lang ito na tanggapin siya? Takot marahil ito na iwan sa kanya ang pamamahala ng Tarragon.

“Paano na si Iris?”

“Hindi mo na siya problema.” Inakbayan siya nito. “Halika, matulog na tayo.”

Isinantabi muna niya ang bumabagabag sa kanya. Kailangan lang niya nang kaunting pasensiya. Ang importante ay bahagi na siya ng Tarragon ngayon. Di na siya basta-basta makakaalis sa piling ni Cid.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.