Hindi alam ni Liatris kung ano ang pipiliing damit. Unang araw ng pag-aaral niya bilang bagong prinsesa ng Tarragon. Ayon kay Parisse, luho na ng isang babae ang damit. Nakikita daw ang pagkatao sa isinusuot na damit. Di tulad sa Tarragon. Pinipili nila kung ano ang komportable sa kanila.
Naiikot niya ang mata nang humarap siya sa salamin. Pinili niya ang madilim na asul. Di naman kasi niya alam kung ano ang pag-aaralan niya sa unang araw. Mabuti nang handa siya. Kaya komportable sa kanya ang damit na pinili niya.
Pagpasok niya ng aklatan ay si Cid ang naabutan niya. “Anong ginagawa mo dito? Hindi ba may importante kang pagsasanay ngayon.”
Nang nakaraang gabi lang ay di pa niya alam kung paano siya nito haharapin kinabukasan. Nang ipasabi nito kay Parisse na may importante itong pupuntahan, naisip niyang wala itong balak na makasama siya. Na bagamat tanggap nito na siya ang pakakasalan nito, labag pa rin iyon sa loob nito.
Tumayo ito. “Ako ang guro mo sa araw na ito.”
“Bakit ikaw?” tanong niya.
“Dahil karamihan ng mga guro mo ay lalaki. Alam ko na hindi ka pa sanay makisalamuha sa mga lalaki. Napapansin ko na naiilang kang makipag-usap kahit sa aking ama. Kaya ako muna ng makakasama mo.” Siya ang inaalala nito. Di siya nito basta iniwan. Hinawakan nito ang kamay niya. “Halika na!”
“Saan tayo pupunta?”
“Tuturuan kita ng maraming bagay tungkol sa Tarragon. Mas maganda ang paraan ko kaysa ikukulong ka dito sa aklatan at magbabasa ng libro.”
Hawak nito ang kamay niya hanggang makalabas sila ng palasyo. Ayaw yata siya nitong bitiwan. Hindi naman siya mawawala. Pero wala siyang tutol. Mas gusto nga niya na huwag silang maghiwalay.
Halo-halo ang mga tao sa pamilihan. Iniisa-isa sa kanya ni Cid ang mga produkto at kung saan-saang bayan ng Tarragon iyon nagmula. Pati ang sistema ng kalakalan at kung anu-anong karatig kaharian ang nakikipagpalitan ng produkto sa kanila. Bawat isa ay binabati sila ng paggalang. At pagkaminsan ay ipinakikilala sa kanya ang mga nakikilala nito. Hindi iba ang trato ni Cid sa mga naroon kahit karaniwang mamamayan lang. Naalala tuloy niya ang pakikisama niya sa mga Vinca. Parang isa silang malaking pamilya. Di mahalaga ang katayuan nila sa buhay.
“Inaanyayahan po namin kayo na maghapunan sa aming bahay,” paanyaya ng isang mangangalakal ng prutas. Nakatira ito sa bulubunduking bayan ng Luanda.
Ngumiti siya. “Tinatanggap ko po ang paanya ninyo.”
Tuwang-tuwa siyang kinamayan nito. “Maraming salamat po!”
“Magaling ang ginawa mo,” bulong ni Cid nang nagpatuloy sila sa paglalakad. “Natututo ka nang makisama sa iba.”
“Hindi naman pala ganoon kahirap pakitunguhan ang mga lalaki.” Di na siya masyadong naiilang ngayon kapag nakikipag-usap sa mga ito.
“Kaya nga dito kita isinama dahil gusto kong matutunan mong pag-aralan ang pakikisama sa lahat ng uri ng nilalang dito sa Tarragon. Lalo na sa mga lalaki.”
Nagulat siya nang may humila sa laylayan ng damit niya. Nang lumingon siya ay isang batang lalaki ang may hawak na mansanas at inaabot sa kanya.
“Kunin mo na,” utos ni Cid sa kanya.
Umuklo siya at kinuha ang mansanas. “Salamat,” nakangiti niyang sabi at niyakap ito. Tumakbo ang bata pabalik sa nanay nito nang pakawalan niya.
Unti-unti na niyang natututunan na mahalin ang mahahalaga para kay Cid. At hindi iyon mahirap gawin.
“Lahat dito ay pantay-pantay babae man o lalaki. Ang pinakamahalagang kayamanan ng kaharian ay ang mismong mga mamamayan. Tandaan mo iyan. Bawat isa ay may karapatan at kalayaan. Kahit mga alipin,” paliwanag ni Cid. “Ito na ang mundo mo, Liatris. Darating ang panahon na magiging reyna ka at nakasalalay sa iyo ang buhay nila. Huwag mo silang bibiguin.”
“Susubukan kong maging mabuting reyna mo at ng Tarragon,” sabi niya at humawak sa kamay ni Cid. At tiyak niyang magiging mabuting hari rin ito.
“WALA ka bang balak na lumabas dito?” Puno ng dismaya ang mukha ni Parisse nang iikot ang mata sa aklatan. “Mamasyal naman tayo, Ate Liatris!” yaya nito.
“Wala akong oras na mamasyal. Marami pa akong kailangang pag-aralan.” Bagamat wala ang guro niya sa araw na iyon ay nakahilera na ang mga libro na kailangan niyang basahin. Mabuti na lang at matiyaga siyang mag-aral. Kasama iyon sa kasanayang nakuha niya noong nasa poder pa siya ng mga Vinca.
“Ayaw mo bang mag-ensayo sa pakikipaglaban?” tanong nito.
Biglang bumigat ang loob niya nang maalala ang mga sandata niya na matagal na niyang di nagagamit. Di na rin siya halos lumalabas ng palasyo. Kung lalabas man siya ay para dumalaw at makipag-ugnayan sa iba’t ibang mamamayan.
“Di ko na raw kailangang humawak ng sandata sabi ni Cid. Iba na ang responsable sa pagprotekta sa Tarragon. Harapin ko na lang daw ang gawaing nakaatang sa akin bilang prinsesa.”
Humikab ito at inunat ang mga kamay. “Chauvinistic pig! Killjoy talaga si Kuya. Killjoy silang lahat. Sino naman ang nagsabi na ang susunod na reyna ay di na kailangang humawak ng sandata. Gusto mo bang kalawangin na lang ang mga sandata mo? Ang galing-galing mo tapos di mo magagamit ang kakayahan mo.”
“May magagawa ba ako?” Bilang susunod na reyna ng Tarragon, may bago na siyang responsibilidad na dapat harapin. At doon niya itinutuon ang pansin.
“Huwag mong pansinin si Kuya. Takot lang iyon dahil mas magaling ka sa kanya. Takot siyang ma-under. Iyong takot sa asawa.” Humagikgik ito. “Kaya mabuti pa mag-ensayo ka na lang. Tumakas tayo dito.”
“Marami pa akong pag-aaralan.”
Tiningnan nito ang librong binabasa niya. “Ako na lang ang magku-kwento niyan sa iyo. Turuan mo akong gumamit ng sandata.”