Chapter Flame Flower: 20

“Paano kita tuturuan kung wala akong gamit?” Itinago ni Cid ang gamit niya dahil di naman daw niya magagamit ang mga iyon. Maging ang damit niya na suot noong Vinca pa siya ay naroon din. Sinturon lang niya ang naiwan sa kanya dahil na rin sa pakiusap niya. Iyon na lang ang natitira sa kanya bilang Vinca.

Nakangiti nitong ipinakita sa kanya ang bag niya. “Nakuha ko sa sagradong silid! Ano? Tatakas na ba tayo?”

“Saan tayo dadaan?”

Isinenyas ng hinlalaki nito ang balkonahe na nakaharap sa likuran ng palasyo. Tanaw na nila doon ang kakahuyan. “Doon!” Bago pa niya ito mapigilan ay sumampa na ito sa balkonahe at tumalon.

“Parisse!” tawag niya dito.

Mataas ang balkonahe na iyon. Ang alam niya ay wala naman itong kakayahang lumipad. Nang makita niya ay nakalutang ito dahil nakatuntong ito sa mga kaibigan nitong bubuyog. “Ikaw naman. Ipapasalo kita sa mga kaibigan ko.”

“Hindi na. Kaya ko na ito.” Tumuntong siya sa balkonahe at tumalon. Tatlong beses siyang umikot sa ere bago bumagsak nang nakabaluktot ang tuhod at isa ay bahagyang nakasayad sa lupa.

“Wow! Para kang ninja!” Pumalakpak ito. “Ang galing!”

Tumayo siya. “Sabihin mo sa mga bubuyog mo na ibaba ka. Kailangan na nating umalis bago pa may makakita sa atin. Baka di na kita maturuan.”

“Oo nga pala.” Maya maya pa ay mabilis na silang lumusot sa kakahuyan.

“Parisse, bakit mo ako ginagawan ng pabor?” tanong niya.

“Kasi gusto kita. Gusto ko kasi iyong mga babaeng palaban. Karamihan ng mga babae dito sa Tarragon, laging nakasunod sa mga lalaki.”

“Hindi ba iyon naman ang dapat?” Ayon iyon sa batas ng Tarragon.

“Sa kaharian ninyo ano ba ang paniniwala?”

“Walang karapatan na kahit ano ang mga lalaki. Puro babae ang masusunod.”

“Kakaiba pala sa inyo. Kaya siguro takot si Kuya sa iyo.”

“Hindi ba mas gusto mo si Iris para kay Cid?” Naalala pa niya kung paano nitong ipagtanggol ang pagmamahalan nina Cid at Iris.

“Gusto ko kung sinuman ang magustuhan ni Kuya. Pero nang ikaw ang piliin ng kuwintas at nalaman ko ang buong istorya kung paano mo dinepensahan si Kuya Cid kahit na ikaw ang mamatay, nagustuhan na kita para sa kanya. Alam ko kasi na mahal na mahal mo ang kuya ko.”

“Paano mo nalaman?”

“Mahilig akong magbasa ng romance novel, di ba? At kahit pa di ako magbasa, tingin mo lang sa kuya ko parang siya na ang nag-iisang lalaki sa mundo. Ganoon ang nagmamahal. Parang siya lang ang tao sa mundo. Wala kang pakialam sa iba. At mas gugustuhin mong masaktan kaysa ang taong mahal mo. Sa palagay ko tama na ikaw ang pinili ng Luha ng Hari.”

“Bakit si Cid hindi iyon nakikita?” Kung di pa ito pinagbantaan ng mga magulang nito, pipiliin nitong lisanin na lang ang Tarragon kaysa makasama siya.

“Bigyan mo lang siya nang kaunting panahon. Ayaw niya sa lahat ay pinipilit siya. Gusto niya malaya siyang makakapili at magpapasya. Tingnan mo, bandang huli mababagok din ang ulo no’n. Malalaman din niya na ikaw ang para sa kanya.”

HINDI maipinta ang mukha ni Parisse nang makita ang sandatang gagamitin nito sa ensayo. “Patpat ang gagamitin ko? Ang alam ko, mga aso lang gumagamit ng patpat kapag nagpa-practice.” Umupo ito sa ilalim ng puno. “Gusto ko totoong espada.”

“Baguhan ka pa lang kaya iyan muna ang gamitin mo. Masyadong mabigat ang espada at di ka pa handa. Pagsanayan mo muna ang galaw na ituturo ko sa iyo. Kapag kabisado mo na, saka mo gagamitin ang espada.”

“Ang boring naman nito!” maktol nito.

“Parisse, ang magaling na mandirigma, kayang magpatumba ng kalaban kahit na patpat lang ang hawak. O kahit pa walang sandata. Ang importante, matalas ang isip mo at alam mo ang ginagawa mo.”

“Talaga?” Saka lang ito sumigla at tumayo. “Sige, turuan mo na ako. Para wala nang lalaki na mang-aapi sa akin.”

Itinuro niya dito ang tamang pagwasiwas ng espada, galaw ng paa pati na rin ang pagdepensa. Di mahirap turuan si Parisse. Nakuha agad nito ang lahat ng itinuro niya. “Sus! Sisiw lang pala ito!” mayabang nitong wika. “Ni di ako pinagpawisan.”

“Parisse, nagbubugaw ka ba ng langaw?” tanong ng dalawang lalaking nakakabayo na dumaan sa kakahuyan. Nakilala niya ang mga ito bilang sina Tarkus at Lomberto na mga kaibigan ni Cid. Mukhang nagpunta ang mga ito sa bahaging iyon ng kakahuyan upang mag-ensayo rin.

“Mukha mo kaya ang bugawin ko!” sabi ni Parisse. “Nag-eensayo ako na humawak ng espada.”

Napatingin si Tarkus sa hawak niyang espada. “Hindi na po ninyo kailangan pang humawak ng espada, mahal na prinsesa. Kami na ang magtatanggol sa inyo.”

Umismid si Parisse. “Baka nga mas magaling pa siyang gumamit ng espada sa inyo. Baka nakakalimutan ninyong siya ang nagtanggol kay Kuya Cid.”

Nagtawanan ang dalawang lalaki. “Kinakalawang na kasi ang Kuya mo,” anang si Lomberto. “Kami laging nag-eensayo. Laging handa sa labanan.”

Tumaas ang kilay niya. Magaling lumaban si Cid. Ito ang pinakamagaling na nakaharap niya. Ibig sabihin ay may mas magaling pa dito?

“Bakit hindi si Ate Liatris ang labanan ninyo?” hamon ni Parisse. “Kahit na magsama pa kayong dalawa.” Mukhang malaki ang tiwala nito sa kakayahan niya.

“Ayaw namin kayong saktan, Prinsesa Liatris.”

Ngumiti siya. “Hindi naman ninyo ako masasaktan. Sige na, sumugod na kayong dalawa,” aniya at humalukipkip.

Unang lumaban sa kanya si Lomberto. Sinalag niya ang bawat pawasiwas nito ng espada. Nagpakawala siya ng sipa at tumalsik paitaas ang espada nito. Nasalo niya ang espada nito saka niya ito sinipa. Bumagsak ito sa lupa.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.