Chapter Flame Flower: 21

Sumisigaw namang sumugod si Tarkus. Tumalon siya at napunta siya sa likuran nito. Nagulat ito nang makitang wala siya sa dati niyang lugar. Bago pa nito nalaman kung nasaan siya ay natadyakan na niya ang likod nito at umurangod din ito sa lupa. Tinapakan niya ang likod nito at idinikit ang dulo ng espada sa leeg nito. Habang ang isang espada naman niya ay inuumang siya sa direksiyon ni Tarkus.

Napapalakpak si Parisse. “Ang galing mo, Ate!”

Tulala pa rin sina Lomberto at Tarkus. Di makapaniwalang natalo niya ang mga ito nang di man lang siya nasayaran ng espada ng mga ito. “Mabilis siya,” anang si Tarkus. “Halos kasing bilis niya si Cid.”

“Mukhang mas dapat kaming matakot sa inyo kaysa kay Cid, Prinsesa Liatris.”

Nagtawanan sila sa birong iyon. “Mukhang nagkakatuwaan kayo,” anang si Cid na dumating sakay ng kabayo nito.

Nagkatinginan sila ni Parisse. Nakagat nito ang labi. Nahuli sila ni Cid. Tiyak na magagalit ito dahil sinuway niya ang utos nito. Tumakas na nga siya sa pag-aaral ay nag-ensayo pa siyang gumamit ng sandata.

“Nakita namin sila na nag-eensayo sa paggamit ng espada,” wika ni Tarkus.

“Magaling si Liatris, Cid. Napatumba niya kami ni Tarkus nang walang kahirap-hirap,” kwento ni Lomberto. “Hindi ko sukat akalain na may ganyan kagandang babae na napakagaling lumaban.”

Dumilim ang mukha ni Cid. Parang di pa nito nagustuhan ang narinig. “Kung ganoon ay mag-ensayo pa kayong dalawa.” Inilahad ni Cid ang kamay sa kanya. “Umangkas ka na sa akin. Babalik na tayo sa palasyo.”

Atubili siyang humawak sa kamay nito at sumampa sa kabayo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay natakot siya. Anong kaparusahan ang makukuha niya sa kanyang pagsuway?

“Paano ako, Kuya?” tanong ni Parisse. “Saan ako sasakay?”

“Lumipad ka.”

“ANG akala ko nasa aklatan ka lang at nag-aaral. Nagulat na lang ako nang sabihin sa akin na wala ka sa aklatan. Pagkatapos ay makikita kita sa kakahuyan na nagsasanay humawak ng sandata. At tinuruan mo pa si Parisse. Ano ba sa palagay mo ang ginagawa mo, Liatris?” sermon ni Cid nang dalhin siya nito sa kuwarto nito. Di siya nito kinausap habang naglalakbay sila. Iyon pala ay ihinahanda nito ang lahat ng sasabihin kapag naroon na sila.

“Pinuntahan ako ni Parisse. Gusto niyang magpaturo. Di ko naman alam na dala na niya pati ang mga gamit ko. Hindi ko gustong suwayin ka. Pero wala naman sigurong masama kung turuan ko si Parisse.”

Nasapo ni Cid ang noo. “Mas marunong pa ba siya sa iyo? Tapos maaabutan pa kitang nakikipagtawanan sa mga lalaking iyon.”

“Ano bang problema? Mga kaibigan mo naman sila.”

Hinapit siya nito sa baywang at nagdikit ang mga katawan nila. “Gusto ko lang ipaalam sa iyo na magiging asawa na kita. Hindi na pwede katulad noong isa ka pang Vinca na kahit sinong lalaki na magustuhan mo ay pwede mong makuha.”

Napatigagal siya. “Nagtatawanan lang kami. Wala akong nakikitang masama.”

Naningkit ang mata nito. “Masama. Dahil pwede silang mamatay.”

“Papatayin mo sila?” Dahil lang nginitian niya ang mga kaibigan nito ay papatayin na nito. Wala naman yata iyon sa patakaran ng kaharian.

Hinawakan nito ang baba niya. “Ikaw ang papatay sa kanila at sa kahit sinong lalaki na hahalikan mo. Mula nang piliin ka ng Luha ng Hari at halikan kita, magkadugtong na tayong dalawa. Magkabigkis na tayo. Alam ko kung nasaan ka. At sinumang hahalik sa iyo maliban sa akin ay mamamatay.”

Maalab siyang hinagkan nito. May galit sa bawat pagdama nito sa balat niya. Itinulak siya nito sa dingding at naglakbay ang mapangahas nitong labi sa leeg niya.

“Sabihin mo sa akin na ako lang ang gusto mo,” utos nito.

“Ikaw lang ang gusto ko,” aniya.

“Totoo?” Subalit di na niya nagawa pang sumagot dahil naramdaman niya ang paglalakbay ng kamay nito sa binti niya.

Napakapit siya sa balikat nito nang iangat nito ang isa niyang binti at ipulupot sa baywang nito. Napasinghap siya nang maramdaman niya ang kanilang pag-iisa. Halos di siya makahinga sa bilis ng pangyayari. Ni hindi pa nila natatanggal ang mga damit nila. Subalit di na niya magawang magtanong.

Tinanggap niya ang bawat pag-ulos nito. Nararamdaman niya ang galit nito subalit niyakap lang niya ito ng mahigpit. Noon niya higit na naramdaman ang pagmamahal niya dito. Buong-buo niyang ibibigay ang sarili dito.

Mahigpit pa rin ang yakap niya dito nang pakiramdam niya ay sabay silang sumabog sa milyon-milyong piraso. Walang sinuman sa kanila ang gumalaw.

Naramdaman niya ang hininga nito sa kanyang leeg. “Kung iyan ang kailangan mo, sa akin ka na lang pumunta. Kaya kong ibigay kung anuman ang hinahanap mo sa ibang lalaki.”

Parang binuhusan siya ng nagyeyelong tubig. Habang ibinibigay niya ang sarili niya dito dahil sa pagmamahal niya, inaapula lang nito ang init sa katawan. Hindi pagmamahal ang nararamdaman nito sa kanya.

Nagmistulang yelo ang mga mata niya sa sobrang sakit na nararamdaman niya. “Ganyan ba ang iniisip mo sa akin? Na kaligayahan ng katawan ang hinahanap ko kaya ako nakikipag-usap sa ibang lalaki?” Kumalas siya sa pagkakayakap nito at inayos ang damit. “Para malaman mo, wala akong planong halikan sila o kahit sinong lalaki maliban sa iyo. Dahil ikaw ang magiging asawa ko. Di ko iyon nakakalimutan.”

“Hindi mo gusto ang kahit sino sa kanila?” di makapaniwala nitong tanong.

“Wala kang tiwala sa akin. Lahat na lang ng gawin ko para sa iyo ay mali. Kung ganoon, nakikita mo pa rin ako bilang Prinsesa ng mga Vinca. Hindi bilang magiging asawa mo,” aniya at lumabas sa silid nito.

Namasa ang mata niya sa luha. Subalit mabilis niya iyong pinalis. Isa pa rin siyang Vinca. Hindi siya dapat umiyak. Di siya dapat magpakita ng kahinaan. Kung makikita ng iba na mahina siya, lalo lang siyang sasaktan.

Iyan ang leksiyon na di niya kakalimutan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.