Chapter Flame Flower: 22

Huminga nang malalim si Liatris habang pinagmamasdan ang asul na lawa. Paggising pa lang niya ay naghanap na siya ng lugar kung saan pwede siyang mapag-isa para mag-isip. Matapos ng pagtatalo nila ni Cid nang nagdaang gabi, maraming gumulo sa isip niya. Ni hindi niya alam kung paano ito haharapin kung sakaling magkikita sila. Sa pagkakataong ito, mas malinaw na ang isip niya dahil naalis na niya ang galit sa dibdib. Kailangan nilang mag-usap.

Marami itong hindi alam sa kung ano ang nararamdaman at iniisip niya. At lalong di niya alam kung ano ang iniisip nito sa kanya.

Naramdaman na lang niya ang presensiya ni Cid sa likuran niya. Mukhang tinitingnan na naman nito kung may ginawa siyang labag sa gusto nito.

“Alam ko nandiyan ka lang, Cid.” Nanatili siyang nakatitig sa lawa at di lumingon. “Nakikita mo naman siguro na hindi ako nagsasanay. Wala ako kahit isang armas dahil kinuha mo na. Gusto ko lang mag-isip at mapag-isa. Hindi naman siguro bawal. Saka wala akong lalaking maakit dito.”

Naulinigan niya ang paglapit nito sa kanya. May inilapag ito sa tabi niya. “Gamit mo. Pwede ka na ulit magsanay.”

Napatingin siya sa bag niya. Pagkatapos ay tiningala niya ito. “Anong nangyari? Hindi ba labag sa loob mo na lumaban ako?”

“Hindi ako tutol sa paghawak mo ng sandata. Gusto ko lang ituon mo ang atensiyon mo sa mga bagay na hindi mo pa alam. Pero napag-isip-isip ko na di ko dapat alisin sa iyo ang mga bagay na nakasanayan mo na. Tulad nang di inalis ni ama ang kagustuhan ni ina na magpinta sa kabila ng pagtutol ng iba. At kinausap ko si ama. Ipinagpaalam ko na turuan mo si Parisse at ang ibang kababaihan ng Tarragon na gustong mag-aral lumaban. Pwede ka nang magsimula bukas.” Tumalikod ito. “Iyon lang. Maiwan na kita.”

Tumayo siya at tinawag ito. “Cid, gusto ko lang na sabihin sa iyo na wala akong masamang intensiyon nang gusto kong magsanay ulit. Karapatan ng bawat babae na ipagtanggol ang kanyang sarili at ang mahahalaga sa kanya.” Lumapit siya dito at sinalubong ang mata nito. “Di ko gagamitin ang sandata at kakayahan ko para sikilin ka o kahit sinong lalaki. Ito ang paraan ko bilang babae. Ito ang paraan ko bilang magiging reyna mo.”

“Alam ko na iyan ngayon.” Inilahad nito ang palad at lumitaw ang sinturon niya. “Naiwan mo ito sa silid mo kagabi. Alam ko na importante ito sa iyo.”

“Salamat.” Itinali niya ang sinturon sa baywang. Pakiramdam niya ay buo ulit siya. Mahalaga sa kanya ang sinturon na iyon dahil iyon ang pagkakakilanlan niya bilang isang Vinca at bilang babae.

Yumuko ito. “Gusto kong ihingi ng tawad ang ginawa ko kagabi. Dapat nagtiwala ako sa iyo dahil magiging asawa na kita.”

“Alam ko ang batas ng Tarragon. May mga gawain kaming mga Vinca na di naaayon doon. Di ko maalis sa akin ang pagiging Vinca ko. Pero kahit kailan, di ko naisip na tumingin sa ibang lalaki bukod sa iyo.”

Ginagap nito ang kamay niya at hinalikan ang likod niyon. Kitang-kita ang pagsisisi sa mga mata nito. “Ayoko lang may ibang lalaki na tumitingin sa iyo. Nakita ko na gandang-ganda sila sa iyo. Kung pwede lang dukutin ko ang mga mata nila para di ka na nila tingnan.”

Mahina siyang tumawa. “Kasalanan ko ba kung tinitingnan nila ako?”

“Oo. Dahil masyado kang maganda.”

Lalong di nawala ang ngiti sa labi niya. Gustong-gusto niya kapag sinasabihan siya nitong maganda. Nawawala lahat ng tampo niya dito.

Yumakap siya sa leeg nito. “Wala akong magagawa kung maganda ako. At hindi mo rin pwedeng dukutin ang mata ng bawat lalaki na titingin sa akin. Ang importante ikaw lang ang gusto ko.”

Saka lang ito ngumiti. “Tama. Dahil sa akin ka lang.”

Maalab nitong inangkin ang labi niya. Hanggang tuluyan na silang nag-isa. Isa na lang ang hinihintay niya. Ang matutunan siya nitong mahalin.

ITINAPIK ni Liatris ang kamay sa mesa habang nakapangalumbaba at nakikinig sa itinuturo ng guro niya. Tango na lang siya nang tango dahil wala na sa isip niya ang sinasabi nito. May usapan sila ni Cid na mangangabayo. Di niya alam kung saan sila pupunta. Lagi naman siya nitong idinadala sa iba’t ibang lugar sa Tarragon.

Nang nakaraang araw ay inilipad siya nito sakay Cerberus, ang kabayo nito na may pakpak. Idinala siya nito sa malalayong bayan upang manghikayat ng mga babae na nais matutong lumaban. Napapalapit na siya sa mga mamamayan ng Tarragon dahil na rin sa tulong ni Cid. Pakiramdam niya ay isa na siya sa mga ito.

Madalang na rin silang magtalo. Ginagawa rin nila ngayon ang mga bagay na madalas nilang pagkasunduan. Kapag pareho silang walang ginagawa ay silang dalawa ang nag-eensayo na lumaban. Kahit na anong galing niya, mas magaling at mabilis pa rin ito sa kanya. At ang kapalit, kailangan niyang matulog sa silid nito.

“Prinsesa Liatris, may problema ba?” tanong ng guro niya. “Kung gusto mo bukas na lang natin ipagpatuloy ang pag-aaral.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.