“Pasensiya na po,” aniya at yumuko. “Babawi na lang po ako bukas.”
Ngumiti ito. “Naiintindihan ko. Mukhang may importante kayong pupuntahan ni Prinsipe Cid. Maghanda ka na.”
Tumayo siya. “Maraming salamat po.”
Dali-dali niyang tinungo ang silid niya at pinili ang pinakabago niyang damit. Natuto na rin siyang mag-ayos dahil sa tulong ni Parisse. Ang isang babae daw ay dapat marunong magpaganda. Para daw matiyak na di ipagpalit ng lalaki sa iba.
Nang masiyahan sa ayos niya ay hinanap niya si Cid. “Inang Reyna, nakita po ba ninyo si Cid?” tanong niya kay Reyna Yelena nang makasalubong ito.
“Napansin ko siya sa hardin. May lakad ba kayo?”
Tumango siya. “Opo.”
“Bagay sa iyo ang damit mo.” Hinalikan siya nito sa pisngi. “Mag-iingat kayo.”
Nagtungo siya sa hardin. Marahil ay naiinip na ito sa paghihintay. Nagmadali siya sa paglalakad nang matanawan si Cid. Tatawagin sana niya ito nang matigilan siya. Di ito nag-iisa. Kayakap nito si Iris.
Mabilis siyang tumalikod at mariing pumikit. Di niya matagalan na makitang magkasama ang dalawa. Nagmamadali siyang bumalik sa kuwarto niya.
“Liatris, nagkita na ba kayo ni Cid?” tanong ni Reyna Yelena.
“Opo. May nakalimutan lang po ako sa silid ko,” aniya at nagpatuloy sa pagtakbo. Nang makarating sa silid niya ay napasandal siya sa pinto pagpasok.
Bakit magkayakap ang dalawa? Ni hindi man lang nito naisip kung ano ang sasabihin ng iba kapag may nakakitang iba. Hindi ba naisip ni Cid kung ano ang nararamdaman niya.
Nakagat niya ang labi. Paano ba niya ipagtatanggol ang sarili bilang susunod na reyna ng Tarragon. Paano kung may mas karapatan si Iris na yakapin ito kaysa sa kanya dahil ito ang mahal ni Cid? Ano ba ang kailangan niyang gawin para mapalitan si Iris sa puso nito?
Lumayo siya sa pinto nang may kumatok. “Liatris, nandiyan ka ba?”
Huminga muna siya nang malalim bago pinagbuksan si Cid. Ihinanda agad niya ang ngiti sa pagharap dito. “Aalis na ba tayo?”
“Oo. Halika na,” sabi nito.
Di niya maalis ang tingin masaya nitong mukha. Di pa niya ito nakitang ganoon kasaya kapag magkasama sila. Dahil ba nakasama nito si Iris kanina?
“O, bakit?” tanong nito nang mapansing nakatingin siya.
“Kapag may importanteng nangyari sa iyo, sasabihin mo sa akin.”
“Bakit? May inilihim na ba ako sa iyo?”
“Wala nga ba?” Bakit hindi nito sabihin sa kanya ang tungkol kay Iris.
Tumigil ito sa paglalakad at hinawakan ang balikat niya. “Wala akong inililihim sa iyo na maaring makasira sa ating dalawa. Pwede na ba ang sagot ko?”
Napilitan siyang tumango subalit nananatili pa rin sa isip ang nakita kanina. Sana nga ay di importante dito si Iris kaya di nito sinasabi sa kanya. Sana.
MAY dalawampung kababaihan ang kasalukuyang nagsasanay sa ilalim ni Liatris. Balita niya ay dadami pa ang lalahok dahil na rin sa panghihikayat ni Parisse na isa sa mga estudyante niya. Pumalakpak siya. “Magaling!” Pangunahing galaw sa paghawak ng espada ang leksiyon nila sa araw na iyon. “Iyan muna ang pag-aaralan natin sa araw na ito. Sa isang araw na ulit tayo magkita-kita.”
“Mauna na ako, Ate Liatris,” sabi ni Parisse. “Babalik ako sa mundo ng tao ngayon. May birthday party ang kaibigan ko. Sa isang araw na ako babalik.”
“Mag-iingat ka,” sabi niya at hinalikan siya nito sa pisngi.
Nagpaalam na rin ang iba sa kanya. Sa tabi ng lawa sila ng nag-ensayo. Ngunit dala naman niya ang kabayo niya kaya makakabalik siya bago lumubog ang araw. Tinatanggal niya ang tali ng kabayo sa puno nang mapansin niya si Iris na nakatayo sa di kalayuan at nakatingin sa kanya.
“Nandito ka rin ba para mag-aral na lumaban?” tanong niya nang lapitan siya nito. “Tapos na ang pagsasanay para sa araw na ito. Bukas ka na lang bumalik.”
“Abala ka pala sa pagiging prinsesa mo.”
“Ginagawa ko lang ang tungkulin ko,” aniya sa pormal na tono. Di binanggit sa kanya ni Cid na kasama nito si Iris. Kinalimutan na rin niya. Kung di pa nagpakita si Iris ay di na niya maalala.
“Alam ko na ngayon kung bakit ikaw ang pinili ng Luha ng Hari. Dahil isa kang magaling na pinuno. Maganda ang magagawa mo para sa Tarragon. Iyon ang sinabi ko kay Cid nang magkausap kami.” Ngumiti ito. “Nakita mo kami, hindi ba? Hindi mo ba itatanong kung ano ang pinag-usapan namin?”
“Hindi ako interesado. Kailangan ko nang umalis,” aniya at hinila ang kabayo palayo dito. Magsisilbing lason lang sa puso niya ang anumang sasabihin nito.
“Wala akong pakialam kung pakakasalan ka niya, Prinsesa Liatris. Kami ni Cid ang nagmamahalan. At wala kang magagawa doon.”
Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. “At ano ang gusto mong gawin ko?”
“Gawin mo ang tungkulin mo bilang prinsesa at magiging Reyna ni Cid. Pero hinding-hindi mo makukuha ang puso ni Cid. Di ko hahadlangan ang kasal ninyo. Irerespeto ko ang tungkulin ni Cid sa Tarragon. Ang hihilingin ko lang ay hayaan mo siyang mahalin ako. Sa iyo ang trono pero sa akin ang puso niya.”