“Naiintindihan ko,” taas-noo niyang sabi at di ipinakita dito na sasaktan siya. Sumampa siya sa kabayo at mabilis iyong pinasibad palayo.
Ngayon ay maliwanag na sa kanya ang lugar niya sa buhay ni Cid. Siya nga ang prinsesa nito ngunit di siya nito matututunang mahalin. Kaya ba niyang manatili sa tabi nito habang alam niyang nasasaktan ito kapag magkasama sila?
At kaya bang tiisin ng nasasaktan niyang puso na hayaan itong magmahal ng iba habang ginagawa niya ang tungkulin bilang prinsesa nito? Kaya ba niyang maging palamuti lang sa buhay nito?
SAKAY si Liatris ni Cerberus, ang kabayo ni Cid na may pakpak. Di niya alam kung saan siya nito dadalhin. Basta isang mensahe na ipinadala nito mula kay Parisse ang nagsasabi na may importante daw itong sasabihin sa kanya.
Ilang araw silang di nagkita dahil may mahalaga daw itong inasikaso. Di niya maiwasang isipin na si Iris ang kasama nito. Baka tungkol sa relasyon ng dalawa ang pag-uusapan nila. Na kahit siya pa ang pakasalan nito ay patuloy pa rin nitong pakikisamahan si Iris.
Inilapag siya nito sa malayong bahagi ng lawa na nasa paanan ng bundok. Sinalubong siya nito pagbaba niya kay Cereberus. Pumaswit ito at lumipad na si Cereberus palayo. Silang dalawa na lang ang naiwan doon.
“May importante kang sasabihin sa akin?” tanong niya.
Hinila nito ang kamay niya. “Halika! Dito tayo.”
Napasinghap siya nang makita ang bukid na puro pulang bulaklak. Nakilala niya ang fiorre fiamma. “Hindi ko alam na may ganitong mga bulaklak dito. Akala ko ay nabubuhay lang sila sa tabi ng bulkan.”
“Nagpatulong ako sa diwata ng mga bulaklak para maitanim sila dito. Alam ko na hinahanap-hanap mo ang mga bulaklak sa kaharian ninyo. Ayokong malungkot ka kaya ipinagawa mo sila.” Pinitas nito ang isang bulaklak at inipit sa tainga niya. “Parang ikaw ang bulaklak na iyan, Liatris. Matapang. Lalong namumukadkad ang ganda sa mahihirap na pagsubok. Kahit pa ang init ng nagngangalit na bulkan.”
Nakadama siya ng lungkot nang ihambing siya nito sa bulaklak. “Pero mamamatay ang mga bulaklak na ito kung wala ang init ng bulkan. Parang ang puso, namamatay kapag walang init ng pagmamahal.”
Mahina itong tumawa. “Ano na ba ang alam mo sa pagmamahal, Liatris?” tanong nito sa nanunuksong boses.
“Wala akong alam.” Nakuyom niya ang palad. “Kaya hindi ko maintindihan kung ano ang gusto mong mangyari. Itutuloy ninyo ang relasyon ninyo ni Iris kahit na kasal na tayo. Pero hindi naman ako pwedeng tumingin o makipagngitian sa ibang lalaki. Ganyan ba ang tinatawag ninyong pagkakapantay sa Tarragon?”
Napaawang ang labi nito. “Sandali. Ano ba ang sinasabi mo?”
“Nakita ko kayo na magkayakap sa hardin. Na parang ipinagmamalaki pa ninyo sa lahat na nagmamahalan nga kayo at nagmumukha akong tanga. At sinabi sa akin ni Iris ang plano ninyo. Na di mahahadlangan ng pagpapakasal natin ang pagmamahalan ninyong dalawa.”
“Sinabi sa iyo ni Iris iyan?”
“Nagpapasalamat nga ako sa kanya dahil sinabi niya sa akin. Ngayon ay alam ko na kung ano ang lugar ko sa buhay mo,” sabi niya at naglakad palayo.
Hinila nito ang braso nito kaya natigilan siya sa paglakad. “Bakit? Ano ba ang inaasahan mong magiging lugar mo sa buhay ko?”
“Akala ko simple lang ang pagmamahal. Kapag nagmahal ka, mamahalin ka rin ng taong mahal mo at magiging masaya kayo. At mahal kita, Cid. Di mo siguro alam pero mahal kita. Itinaya ko ang buhay ko para sa iyo. Pinagtaksilan ko ang mga Vinca na nagmahal at rumerespeto sa akin dahil sa pagmamahal ko sa iyo. Tinawag nila akong hangal pero tinanggap ko. Masaya ako dahil alam kong ligtas ka.
Pinangarap kong maging prinsesa mo. Nakuha ko ang kagustuhan ko. Akala ko kapag naging prinsesa mo na ako, mamahalin mo rin ako. Pero wala. Kahit nga respeto sa akin di mo maibigay, hindi ba?”
“Hindi totoo iyan!” tutol nito. “Isa ka sa mga babaeng tinitingala ko. At di kita tatanggapin bilang prinsesa ko kung di kita nirerespeto.”
“Tinanggap mo ako bilang prinsesa mo dahil natatakot ka sa banta ng ama mo na ako ang gagawin niyang pinuno kapag wala ka. Simula pa lang ayaw mo na sa akin. Ayaw mo sa pagkatao ko. Lahat na lang ng gawin ko mali. Pinipilit ko naman na magbago. Pati pagiging Vinca ko kinalimutan ko na pero di mo pa rin ako magawang mahalin.”
“Liatris…” Tinangka siya nitong hawakan pero lumayo siya dito.
Naramdaman niya ang pagpatak ng luha niya pero di siya nag-abalang palisin iyon. Di na mahalaga kung makita man ni Cid ang kahinaan niya. Wala na itong magagawa pa para saktan siya dahil manhid na siya.
Tinanggal niya ang Luha ng Hari na nakasabit sa leeg niya at inilagay sa palad nito. “Ibinabalik ko na ang kwintas. Pwede mo nang makasama si Iris.”
Umiling ito. “Hindi mo pwedeng ibalik sa akin ang kwintas. Sa iyo ito. At di kami pwedeng magkasama pa ni Iris dahil ikaw ang pakakasalan ko.”
“Hindi na ako masusundan pa ng kuwintas kung patay na ako. Sa pagkakataong iyon, tiyak na pipili na siya ng bagong prinsesa para sa iyo.” Mapait siyang ngumiti. “Mas mabuti nang mamatay ako kaysa magkasama nga tayo pero naghihirap ka naman kasama ang babaeng di mo mahal. Tanggap ko na. Kaya lang ng Luha ng Hari na magtakda ng magiging reyna. Pero di nito kayang baguhin ang laman ng puso ng sinuman o magdikta ng dapat na mahalin.”
Tinangka siya nitong hawakan subalit nilamon na siya ng apoy at pumaimbulog sa kalawakan. “Liatris!” umalingawngaw ang sigaw nito.
Subalit wala na itong magawa para habulin siya. Bago ang buwan noon at wala itong kapangyarihan. Di na siya nito masusundan. At kung malalaman man nito kung nasaan siya, wala na itong maaabutan dahil pag-apak pa lang niya sa kaharian ng mga Vinca ay patay na siya.