Chapter Flame Flower: 25

Tumunog ang tambuli sa pagpasok ni Liatris sa palasyo. “Nagbalik na si Prinsesa Liatris!” anunsiyo ng mensahero ng mga Vinca.

Pagpasok pa lang niya ng teritoryo ng mga Vinca ay binantayan agad siya ng kawal habang patungo siya sa palasyo upang iharap sa kanyang ina. Alam niya na galit ang mga ito dahil sa pagtataksil niya.

Yumukod siya nang iharap siya kay Reyna Salvia. Walang emosyon sa mata ng kanyang ina habang nakatingin sa kanya. “Bakit ka pa nagbalik? Hindi ba nailigtas ka na ng lalaking iyon?”

“Hindi ko kinakalimutan na isa pa rin akong Vinca. Nagkasala ako sa inyong lahat. Kailangan kong pagbayaran ang kaparusahan na para sa akin.” Matagal na siyang dapat na namatay kung di siya iniligtas ni Cid. Magka-gayunpaman, dapat pa rin niyang alisin ang kamatayan. “Ang isang marangal na Vinca ay di tumatakas sa nakatakdang kaparusahan kahit na kamatayan pa.”

Lumuhod siya at yumuko. Muli niyang hinintay ang pagsayad ng espada sa leeg niya. Sa pagkakataong ito, wala nang bulkan na sasabog para patigilin ang pagpaparusa. Wala nang Cid na magliligtas sa kanya. Bakit pa siya nito babalikan kung magiging malaya na ito kasama si Iris?

Nagulat siya nang itayo siya at yakapin ni Reyna Salvia. “Hindi. Nagbalik ka sa amin. Iyon ang mahalaga.”

“Pero malaki po ang kasalanan ko sa inyong lahat. Nagmahal po ako sa isang lalaki at tinalikuran ko kayong lahat.”

“Nabawi mo na ang kasalanan mo dahil nasa sinapupunan mo na ang susunod na prinsesa ng mga Vinca.”

Natigagal siya. Nagdadalang-tao siya sa anak nila ni Cid? Iniwan niya ito nang di iyon nalalaman at muntik na niyang patayin pati ang sarili niyang anak?

“Alam ko na malakas ang ama ng iyong anak. Siya lang ang bihag na nakatakas sa atin. At ang iyong anak ay ang magiging pinakamalakas na reyna ng mga Vinca.” Hinarap nito ang mga Vinca. “Ipagdiriwang natin ang pagbabalik ni Prinsesa Liatris at ang pagdating ng susunod na tagapagmana. Magmadali ang lahat. Gusto ko na magsaya tayo sa espesyal na araw na ito.”

WALA sa sariling nilalaro ni Liatris ang pulseras na bigay sa kanya ni Cid. Di pa rin siya makapaniwala sa mga bagong pagbabago sa buhay niya. Nagbalik na siya bilang prinsesa ng mga Vinca at kasalukuyang nagsasaya ang mga Vinca sa hardin ng palasyo. Inaasahan na rin niya ang anak nila ni Cid. Pero parang kulang pa rin. Parang mas masaya siya kung nasa tabi niya si Cid para sabihin dito ang balita.

“Iniisip mo pa rin ang lalaking iyon?” tanong ni Reyna Salvia nang pumasok sa silid niya.

Nilingon niya ito. “Hindi po siya madaling kalimutan, Ina. Kakaiba siyang lalaki. Marami siyang katangian na minahal ko.”

“Pero sinaktan ka niya. At di mo magawang magalit sa kanya?”

Bahagya siyang ngumiti. Ngayon lang kasi sila nag-usap ng ina sa tunay niyang nararamdaman. Dati ay abala ito sa pagiging reyna na at nabuhay siya para matuto kasama ang ibang mga Vinca.

“Ganoon ang pagmamahal. Di basta-basta nawawala kahit masaktan ka pa.”

Dumungaw ito sa bintana. “Binuo natin ang kahariang ito para di na tayo saktan ng mga lalaki. Pinalakas natin ang ating mga sarili. Ginawang manhid mula sa mapanirang emosyon tulad ng pag-ibig at institusyon gaya ng kasal. Sa mahabang panahon, namuhay tayo nang maayos. Pero ngayong nakikita kitang nasasaktan, parang binigo kita bilang ina. Ni hindi kita naprotektahan.”

Ginagap niya ang kamay nito. “Hindi po ninyo dapat sisihin ang sarili ninyo. Sa pag-alis ko, marami akong natutunan. Nalaman ko na di lahat ng lalaki ay masama. Na maaring mamuhay nang pantay ang lalaki at babae habang iginagalang ang kanya-kanyang karapatan at kakayahan. Marami akong naging kaibigan. At marami rin silang natutunan sa akin bilang isang Vinca na maipagmamalaki ko tulad ng kakayahan natin na ipagtanggol ang ating sarili. At kalayaan bilang babae.”

“Pero sinaktan ka pa rin ng lalaking iyon.”

“Tanggap ko po iyon, Ina. May ibang babae na siyang mahal mula sa simula pa lang. Di niya iyon kasalanan kung di niya ako kayang mahalin. At di ako bumalik dahil nasaktan ako. Bumalik ako dahil kaligayahan niya ang iniisip ko.”

“Bumalik ka kahit na alam mong maari kang mamatay?”

“Kailangan kong ibuwis ang buhay ko. Ako ang pinili para maging prinsesa nila. Dahil doon di niya makakasama ang babaeng mahal niya. Ngayong malayo na ako sa kanila, maari na silang magkasama.” Wala siyang nararamdamang pagsisisi. Maliban sa di niya maipapaalam kay Cid na magkakaroon na sila ng anak.

“Liatris, nakalimutan mo na ba na sa ating mga Vinca, walang sinusukuan? Bakit di mo ipinaglaban ang nararamdaman mo?”

“Hindi napipilit ang pag-ibig, Ina. Di dahil lumayo ako sa kanya, duwag na ako. Sa palagay ko mas naging matapang ako dahil natanggap ko ang katotohanan na di niya ako mahal. Masakit pero mas naging malakas ako dahil doon. Sa tingin ko kakayanin ko na ang lahat.”

Mas kakayanin niya ang lahat para sa magiging anak nila ni Cid. Ngunit di tulad niya, malalaman nito kung anong klaseng ama mayroon ito. Isang ama na maipagmamalaki nito kahit na kanino.

“Mas matapang at matalino ka na, Liatris,” papuri nito. Ang kauna-unahang papuri na nakuha niya mula sa ina.

“Dahil natuklasan ko na mas malawak ang mundong ito. Maraming bagay na maaring matutunan ang bawat Vinca na maaring magpaunlad sa atin. Di ko kayo masisisi kung nais ninyong protektahan ang kaharian. Pero kung tatanggalin ang mga harang at hahayaan ninyo kaming harapin ang mga pagsubok sa labas ng kaharian, masaktan man kami ay magiging mas matatag kami. Dahil doon, mahihigitan namin ang aming sarili at mas mapapabuti ang kaharian,” paliwanag niya. Natutunan niya na kapag nasaktan ay nagiging mamatag ang isang nilalang.

Niyakap siya nito. “Natutuwa ako dahil naging anak kita. At may dapat kang malaman, Liatris. Minahal ko ang ama mo at mahal din niya ako. Pero tinalikuran ko siya dahil pinili ko na mas maging mabuting reyna ng mga Vinca. Ayokong maging mahina dahil sa pagmamahal ko sa kanya. Naging duwag ako sa nararamdaman ko. Hindi ko siya ipinaglaban. Di tulad mo. Mas matapang ka sa akin.”

Nagmamadali itong tumakbo sa pinto upang itago ang luha. Tinawag niya ito bago pa ito makalabas sa pinto. “Ina!”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.