“Ano iyon?” tanong nito ngunit di lumingon.
“Masaya ako dahil nabuo ako dahil sa pagmamamahal. Pero di ako malungkot na lumaking walang ama. Dahil maganda ang pagpapalaki ninyo sa akin. Hindi ako magiging ganito katatag kung hindi dahil sa inyo.”
“Salamat,” wika nito at lumabas ng silid.
Maaring lumaki ka rin katulad ko, anak. Di mo rin masisilayan ang iyong ama. Pero mamahalin kita. Magiging masaya rin tayong dalawa.
NAPAUNGOL si Liatris. Maganda ang panaginip niya. Hinahagkan daw siya ni Cid. Parang totoong-totoo ang panaginip niya. Kahit sa panaginip man lang ay makasama niya ito. “Oh, Cid!” usal niya sa pangalan nito.
“Mabuti naman at kilala mo pa pala ako,” sabi nito.
“Cid?” Tuluyan siyang napadilat nang marinig ang boses nito. Di nga siya nananaginip. May kasama siya sa silid. Ibinuka niya ang palad at hinipan iyon. Nasindihan ang mga kandila sa paligid ng kama niya. Nang tuluyang magliwanag ay natagpuan niya si Cid na nakahiga sa tabi niya. “Anong ginagawa mo dito?”
“Gusto kong makita ka. Ibabalik na kita sa Tarragon.”
“Hindi na ako babalik doon. Si Iris na ang pakasalan mo.”
“Hindi si Iris ang prinsesa ko. Ikaw.” Inilabas nito ang kuwintas ng Luha ng Hari at isinuot sa leeg niya. “At ikaw ang pakakasalan ko.”
Nakadama siya ng lungkot. Nagbalik ito dahil siya ang pinili ng kuwintas. Hindi dahil mahal siya nito. “Umalis ka na, Cid. Hindi ako sasama sa iyo.”
Humalukipkip ito at umupo sa ibabaw ng kama niya. “Kung di ka sasama sa akin, hindi ako aalis dito.”
Itinulak niya ito. “Kapag nahuli ka ng mga kawal, gagawin ka nilang alipin.”
“Mabuti iyon. Para di na ako aalis sa silid mo. Alipin mo ulit ako.”
Nagpapadyak siya sa inis. Parang wala itong pakialam sa buhay nito. “Huwag ka ngang baliw, Cid. Kailangan ka ng Tarragon.”
“Sabihin mo ulit sa akin iyan kapag ibinalik na ako ng mga kawal bilang alipin mo. Pero nasaan na nga ba ang mga kawal mo? Ang tagal naman.” Bumaba ito sa kama. “Mabuti pa ako na lang ang hahanap sa kanila.”
“Cid!” tawag niya dito nang lumabas ito sa silid niya.
“Bakit walang bantay dito?” tanong nito at nagpalinga-linga pa. “Ah, baka banda dito mayroon.”
Pinigilan niya ang kamay nito. “Huwag diyan! Silid iyan ng Inang Reyna.”
“Mabuti. Magpiprisinta na agad ako sa kanya bilang alipin mo.”
Hinila niya ito. “Bumalik ka na sabi ng Tarragon? Ano ba?”
“Liatris, anong ingay ito?” tanong ni Reyna Salvia.
Walang takot na humarap si Cid dito. “Magandang gabi po, Mahal na Reyna,” bati nito at magakang yumukod.
Nanlaki ang mata ni Reyna Salvia. “Pangahas! Mga kawal, hulihin siya!”
GUSTONG-GUSTONG sakalin ni Liatris si Cid nang iharap ito sa bulwagan ng palasyo para litisin. Parang balewala dito na suot na naman nito ang kuwintas na para sa alipin. Nakangiti pa ito na parang masaya dahil nahuli ito.
“Bakit ka pa nagbalik sa kahariang ito at pilit na ibinabalik si Prinsesa Liatris sa kaharian ninyo? Hindi ka pa ba masaya na nasaktan mo siya?” pang-uusig ni Reyna Salvia. Maging ang ibang mga Vinca ay nanggagalaiti dito. Gusto na itong tirisin na parang kuto. Galit ang mga ito sa lalaking nanakit ng babae.
“Hindi ko po intensiyon na saktan si Liatris.”
“Bakit ka pa bumalik? Di ba si Iris na ang prinsesa mo?” tanong niya. “Sinabi niya na siya pa rin ang mahal mo kahit na pakakasalan mo na ako.”
“Siya lang ang nag-isip no’n. Di ko na siya mahal. Nilinaw ko sa kanya na di ko na siya babalikan dahil ikaw na lang ang babae para sa akin.”
Umugong ang bulung-bulungan sa bulwagan. Karamihan ay di naniniwala kay Cid. “Ako ang pinili mo kahit di mo ako mahal?” tanong niya.
“May sinabi ba ako na di kita mahal?”
“Pero wala ka ring sinabi na mahal mo ako!”
“Paano ko pa masasabi kung iniwan mo agad ako noong nakaraang araw?” Humarap ito sa direksiyon ni Reyna Salvia. “Mahal na Reyna, bigla na lang siyang naglaho at iniwan ako. Ipinagpagawa ko pa nga siya ng malawak na bukid na puro bulaklak ng fiorre fiamma. Para di siya mangulila sa paborito niyang lugar dito sa kaharian ninyo. Doon ko sana sasabihin sa kanya na mahal ko siya.”
“Isang bukirin ng fiorre fiamma?” tanong ng isang Vinca. “Parang napaka-gandang regalo naman noon.” Mukhang kinilig pa ito na nagpairita sa kanya.
“Mahal mo ako?” sigaw niya. “Nasabi mo lang iyan dahil ako ang pinili ng Luha ng Hari. At sinasabi mo iyan para maibalik mo ako sa Tarragon.”
“Mahal kita kahit na di ko pa alam na ikaw ang pinili ng Luha ng Hari. Sa mundo pa lang ng tao, ginulo mo na ang isip ko. Hinanap kita pero di ko naman alam kung nasaan ka. Plano kong bumalik sa Tarragon matapos iligtas si Edrial. Gusto kong magpatulong na hanapin ka. Pero nahuli mo ako at ginawang alipin.”
“At galit ka sa akin dahil doon?”
Lumapad ang ngiti nito. “Galit? Paano ako magagalit kung ginawa mo akong pinakamasayang alipin sa lahat?” Umugong ang halakhakan sa bulwagan. Maging si Reyna Salvia ay di maitago ang ngiti.
“Cid, di ako nakikipagbiruan. Saka tumakas ka dahil ayaw mo sa akin!”
“Si Edrial ang itinakas ko. Idinala ko lang siya sa Asturia para maibalik sa babaeng mahal niya. Pero binalikan kita. Akala mo ba dahil sa utang na loob kaya kita iniligtas? Kahit di mo ako iniligtas ay babalikan pa rin kita. Dahil gusto kong iuwi ka sa Tarragon para gawing prinsesa. Hindi ko lang masabi agad ang nararamdaman ko dahil ayokong biglain ka. Di ka sanay sa ideya ng pag-ibig.”