Chapter Flame Flower: Wakas

“Pero dumating si Iris para ituloy ang pagmamahalan ninyo.”

“Sinabi ko nang di ko siya mahal. Pero mapilit siya. Iginigiit niya na pumayag na ang mga magulang ko na magpakasal kami. Kaya dapat ituloy ang kasal. Mabuti na lang at nakuha mo na ang Luha ng Hari.”

“Kung mahal mo ako, bakit galit ka nang pilitin nilang ipakasal ako sa iyo? Kung di ka pa tinakot na ako ang magiging pinuno ng Tarragon kapag nawala ka, di mo naman gugustuhing makasama ako.”

“Ayokong pakasalan mo ako dahil lang sa kagustuhan ng kuwintas. Gusto ko na mahalin mo ako. At mahal din kita kaya nagselos ako sa mga kaibigan mo. Naiintindihan mo na ba?”

Muntik na siyang tumakbo dito upang yakapin ito. Naniniwala na siyang mahal siya nito. Kung di sana siya umalis. Kung nagpakahinahon lang siya, sana ay nasa Tarragon pa rin sila at masayang magkasama.

“Pero ano pang silbi ng pagmamahal mo?” tanong ni Achillea. “Alipin ka na namin. At sa pagkakataong ito, di mo na malalapitan si Prinsesa Liatris.”

“Iyan ang kaparusahan dahil sa kapangahasan mo,” wika ni Reyna Salvia.

Humarap siya kay Reyna Salvia. “Ina, paalisin na lang po ninyo si Cid. Basta papangakuin ninyo siya na di na siya lalapit sa akin. Na di na siya babalik dito kahit kailan. Kailangan siya ng mga mamamayan ng kaharian niya.”

“At mahal mo siya kaya mo siya dinedepensahan?” anang si Achillea. “Bumalik ka nga sa amin pero hangal ka pa rin, Liatris.”

“Kung di ko makakasama si Liatris, mabuti pang patayin na lang ninyo ako,” suhestiyon ni Cid at itinaas ang tingin.

“Tumahimik ka, Cid,” saway niya. “Di ka pa ba masaya na ipinahamak mo ang sarili mo? Isipin mo naman ang mga nasa Tarragon na umaasa sa iyo.”

“Ano pang silbi ng kahariang iyon kung di kita makakasama? Ikaw lang ang dahilan kung bakit ako nandito,” wika nito at direkta siyang tiningnan.

Tuluyan na siyang napaluha. Bakit tuwing may pagkakataon na sila para maging masaya, saka pa biglang binabawi sa kanya? Ano pang magagawa niya ngayong si Cid mismo ang pumili ng kamatayan nito? Tumalikod siya nang makitang dala na ni Reyna Salvia ang espada na kikitil dito. Di niya ito kayang tingnan.

Sa halip na malakas na sigaw ni Cid ang narinig niya ay mahinang kalansing ng metal na bumagsak sa sahig ang naulinigan niya. Nang lumingon siya ay buhay pa si Cid. Tanggal na rin ang kuwintas ng alipin sa leeg nito. Lahat sila ay nagtaka.

“Malaya ka na. Makakaalis ka na.”

“Pero sinabi ko po na di ako aalis nang di kasama si Liatris.”

“Liatris!” tawag sa kanya ni Reyna Salvia. “Sumama ka na sa lalaking ito pabalik sa kaharian nila.”

“Pero Ina, bakit po?” naguguluhan niyang tanong.

“Naniniwala ako na mas magiging masaya ka sa piling ng lalaking ito. Mahal ka rin niya. Pinili niyang mamatay kaysa di ka makasama. At bilang iyong ina, hangad ko ang kaligayahan ninyo.”

“Salamat po!” tuwang-tuwa niyang sabi at niyakap ito.

Pagkatapos ay si Cid naman ang hinalikan niya. Parang napakatagal na panahon niya itong di nakita. Halos mapugto na ang hininga niya ay ayaw pa rin nilang pakawalan ang isa’t isa. Sa pagkakataong ito ay wala na silang pag-aalinlangan. Alam nilang mahal nila ang isa’t isa.

“Subalit may dalawa akong kondisyon bago mo mailabas ang anak ko.”

“Ano po iyon?” tanong ni Cid.

“Una, gusto kong buksan ang pakikipaglakalakan at pakikipag-ugnayan naming mga Vinca sa ibang kaharian. Kailangan namin ang tulong ng Tarragon.”

“Sasabihin ko po ito sa aking ama. Ano po ang pangalawa?”

“Huwag mong paiiyakin ang aking anak. Mahalin mo siya. At ipangako mo na ang aking apo ang susunod na Reyna ng mga Vinca.”

“Apo?” Nagtataka itong bumaling sa kanya. “Magkakaanak na tayo.”

“Oo.” Napasigaw siya nang buhatin siya nito at iikot-ikot.

Nang magsanib ang labi nila ay nagbunyi na ang lahat ng Vinca. Di lang iyon bagong simula para sa kanya kundi maging sa kaharian ng mga Vinca.

EPILOGUE

“Liatris, bilisan mo! Baka mahuli na tayo!” utos ni Cid na inip na inip habang naghihintay sa tabi ni Cereberus.

“Sandali na lang,” sabi niya. Maya maya pa ay inilapag na niya ang fiorre fiamma sa ibabaw ng puntod. “Salamat, Malva at Damacus. Kung di dahil sa inyo, di ako magkakaroon ng lakas ng loob na magmahal. Di ako magiging masaya.”

“Halika na. Oras na,” bulong sa kanya ni Cid.

Pagdating sa palasyo ay nasaksihan niya ang pag-iisang dibdib ni Reyna Salvia at kanyang ama na si Marton. Ang unang kasalang naganap sa kasaysayan ng mga Vinca. Sa wakas ay nakilala na niya ito. Anak ang kanyang ama ng dating punong hukbo ng mga Vinca.

Aktibo na ang mga Vinca sa pakikipagkalakan sa ibang kaharian. Dahil na rin sa tulong ng Tarragon. Sa pagbabago sa kaharian, kasama na ang pagpapalaya sa mga alipin. Bagamat mga babae pa rin ang nagpapatakbo sa kaharian, katulong na ng mga ito ang mga lalaki. Nagkakaroon na ng bagong gampanin ang mga ito sa lipunan. May kalayaan na ring magmahal ang mga Vinca.

“Mukhang masayang-masaya ang mga magulang mo,” bulong ni Cid.

“Dapat lang. Matagal nilang pinigil ang sarili niya. Mabuti na lang nagbago ang isip ni Ina. Ngayon masaya na siya.”

“Katulad natin,” wika nito at ginagap ang kamay niya. “May susunod nang Reyna ng mga Vinca. Kailan natin gagawin ang susunod na Hari ng Tarragon?”

“Cid, ni hindi pa nga halata na nagdadalang-tao ako. Matagal pa bago ako manganak. Hari na agad ng Tarragon ng pinaplano mo. Saka di pa tayo kasal.” Inuna kasi nila ang kasal ng mga magulang niya.

“Mabuti nang magplano habang maaga.” Saka siya nito ninakawan ng halik. “Nasabi ko na ba sa iyo na mahal kita?”

Tumango siya. “Mahal na mahal na mahal kita.” Kasabay ng pagsasanib ng labi ng bagong kasal ay hinagkan din siya nito. Ipinakita nito sa lahat kung gaano siya nito kamahal.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.