Chapter Sea Enchantress: 1

Sanay na si Parisse na mahalin si Lerome sa malayo. Bilang prinsesa ng Tarragon, kailangan niyang manatili sa mundo ng mga diwata. Tinalikuran niya iyon nang maramdaman niyang mahal na rin siya ni Lerome. Pinili niya ang mundo ng mga tao.

Pero bakit nang kasama na niya ito sa iisang mundo, parang lumalaki naman ang puwang sa pagitan nila at nagiging imposible na mahalin nila ang isa’t isa?

“Mag-iingat ka na sa dumadaang mga barko o bangka. Alam ko na gusto ninyong makipaghabulan sa kanila at natutuwa kayo sa propeller. Pero kapag nahagip kayo, pwede kayong mamatay o magkasugat. Sabihan mo rin ang ibang mga kaibigan mong dolphin na huwag didikit sa kanila,” bilin ni Parisse sa dolphin na si Gwanda. Katatapos lang niyang gamutin ang sugat nito na hinagip ng humahagibis na lantsa. Nakatira ang pamilya nito sa dagat na nakapaligid sa Palawan.

“Masusunod po, mahal na prinsesa,” sabi ni Gwanda sa salita ng mga dolphin. Pero naiintindihan niya ito at ang iba pang mga hayop dahil iyon ang pinaka-espesyal niyang kakayahan. Ang unawain ang sinasabi ng mga hayop.

“Sinabi kong huwag mo akong tatawaging prinsesa, hindi ba?”

“Pero prinsesa ka naman,” katwiran nito.

“Hindi sa mundong ito. Gusto kong isipin ninyo na ordinaryong tao lang ako.”

“Hindi ka pa rin ordinaryong tao,” giit pa rin nito.

Tama si Gwanda. Hindi nga siya karaniwang tao. Bagamat walang ipinagkaiba ang itsura niya sa mga tao, may kapangyarihan siya na wala sa mga normal na tao. Prinsesa siya ng Kaharian ng Tarragon. Isang kaharian na lingid sa kaalaman ng mga tao. Isang mundo kung saan namumuhay ang mga espesyal na nilalang.

Ang ama niyang si Haring Andros ang pinuno ng Tarragon. Habang ang ina niyang si Yelena ay isang tao na minahal ng kanyang ama. Pinili ang kanyang ina ng Luha ng Hari, isang kuwintas na nagtatalaga sa kung sino ang susunod na reyna ng Tarragon. Kaya naman sila ng kapatid niyang si Cid Mykiel sa dalawang mundo na di maaring mag-isa. Mga espesyal na tao dahil sa kanilang kapangyarihan.

“Magaling ka na ba, Gwanda?” tanong ng kapatid ni Gwanda na si Gonia at lumangoy papalapit sa kanila. “Makakasama ka na ba sa amin na manguha ng mga isda? May nakita kaming grupo ng sardinas sa di kalayuan.”

Ikinampay ni Gwanda ang flipper nito. “Magaling na ako. Ginamot ako ni Prinsesa Parisse. Malakas talaga ang kapangyarihan niya. Salamat, Prinsesa Parisse.”

“Walang anuman iyon. Makakahanap na kayo ng pagkain.”

Ang mga dolphin ay mga hayop na naghahanap ng pagkain sa pamamagitan ng grupo o pami-pamilya. At karaniwang target ng mga ito ay maliliit na isda. Tiyak na magpipista ang mga ito sa grupo ng mga isda sa di kalayuan.

Naging kaibigan niya ang mga dolphin at iba pang mga hayop sa dagat dahil malapit sa lihim na lagusan niya sa Tarragon ang tirahan ng mga ito. At kapag gusto niyang mamasyal sa ilalim ng dagat, kasama niya ang mga ito. Dahil din sa kapangyarihan niya, kaya niyang makahinga sa ilalim ng tubig at makalangoy tulad ng ibang mga hayop sa dagat.

“Prinsesa Parisse, nandiyan na siya! Nandiyan na siya!” sabi ng isa pang dolphin na si Tico. “Nandiyan na ang prinsipe mo!”

“Si Lerome!” excited niyang wika at lumangoy papunta sa pampang ng isla.

Bukod sa magandang mundo ng ilalim ng dagat, isa pa si Lerome sa binabalik-balikan niya sa lugar na iyon. May-ari ito ng isla na di kalayuan sa lagusan.

Mabilis siyang nagtago sa batuhan at doon ito tinanaw. Inaayos nito ang speedboat nito na ginagamit nito sa pagda-dive. Pag-aari ng pamilya nito ang isla. Halos buwan-buwan ay pabalik-balik ito sa isla.

Matangkad ito at moreno ang balat. Halatang mahilig na magbilad sa araw. Napakaamo ng mukha nito. Masarap titigan kahit na sa malayo. Parang masarap yakapin ang matipuno nitong katawan. Parang nagsasabi na handa siya Poprotektahan sa kahit na anong panganib.

Naramdaman niya ang paghila ni Tico sa damit niya. “Huwag kang magulo diyan, Tico! Kitang pinapanood ko pa si Lerome. Istorbo ka!”

Si Lerome na ang pinakamagandang tanawin na nakita niya. Lalo na nang dahan-dahan nitong hubarin ang suot na T-shirt. Shorts na lang ang suot nito saka lumusong sa tubig. “Lumapit ka pa dito. Konti pa!”

“Oras na para bumalik sa Tarragon!” wika ni Tico.

“Oo nga pala! Babalik na sila Avia sa dati nilang anyo!”

Para makapunta sa mundo ng tao nang di natutuklasan ng mga tao sa palasyo ng Tarragon, ginamit niya ang kapangyarihan niya para ang kaibigan niyang ibon na si Avia at ang mga paru-paru ang gumaya anyo niya. Limang oras lang ang bisa niyon. Kailangan niyang makabalik sa Tarragon bago pa may makatuklas ng kababalaghang ginawa niya.

Nagpalipad siya ng halik papunta sa direksiyon ni Lerome. “Babalik na ako! At humanda ka sa akin sa susunod. Magsasawa ako sa pagtitig sa iyo.”

“Kami ang magbabantay sa kanya, Prinsesa Parisse,” sabi ni Gonda nang makarating na siya sa lagusan na nasa isang bangin o trench. Sino ang mag-aakala na naroon ang lagusan papunta sa isang kakaibang mundo?

“Salamat, ha? Mag-iingat din kayo!” wika niya at ibinuka ang kamay. Animo’y isang pader ang nabuo at sa halip na makulay na coral reef ay ang parang bahaghari na kulay ng tubig ang nakikita at may mga isdang may pakpak na nagpaparoo’t parito sa tubig. Pumasok siya doon at nagpaalam sa mga kaibigang taga-dagat.

Pagpasok ng lagusan ay mabilis rin niya iyong isinara. “Maligayang pagbabalik, mahal na prinsesa,” bati ng pygmea na si Pacifico. Mukha itong isda.

“Salamat!” aniya at umahon sa lawa. Humiga siya sa damuhan sa pampang. Noon lang siya nakaramdam ng pagod. Mula sa lawa ay tanaw na niya ang matayog na palasyo ng Tarragon. Ibang-iba ng mundo ng mga tao sa Tarragon. Lahat ng mga nilalang doon ay may kapangyarihan. Pero gusto pa rin niya ang mundo ng tao.

Lima ang lagusan sa Tarragon na papunta sa mundo ng mga tao. Nakasara ang mga iyon at walang sinuman ang basta-bastang makakapasok mula sa magkabilang mundo. Paraan iyon para panatilihin ang balanse. Ang lagusan sa ilalim ng lawa ay parang dibisyon lamang ng dalawang mundo. Napilitan siyang gumawa ng lihim niyang lagusan sa pamamagitan ng dagat nang ipagbawal ng magulang niya na tumawid pa siya sa mundo ng mga tao. Dahil bawal ang ginagawa niya, katulong niya ang mga kaibigang hayop sa Tarragon para itago ang lihim na iyon.

“Kumusta naman ang pagpunta ninyo sa mundo ng mga tao?” tanong ni Artika na asawa ni Pacifico. Ang mga ito ang nakikipag-usap sa kanya dahil ang mga ito ang pinuno ng mga pygmea. Lahat ng hayop sa Tarragon ay kaibigan niya. Mas tapat ang mga ito sa kanya kaysa sinuman sa Tarragon.

“Siyempre, nakipaglaro ako kina Tico. At nakita ko ulit si Lerome!”

“Pero di siya bagay para sa prinsesa ng Tarragon,” paalala ni Artika.

Nawala ang ngiti niya. “Sino ang bagay sa akin? Si prinsipeng hambog?”

“Si Prinsipe Alipato ang gusto mga tagapayo ng hari para sa iyo.”

Napangiwi siya. Si Prinsipe Alipato ay mula sa Kaharian ng Mandala, ang kaharian ng kulog, kidlat at walang katapusang pag-ulan ng yelo. Bisita nila ito at isa sa mga napipisil na ipakasal sa kanya.

Kung ang prinsipe ng Tarragon ay may Luha ng Hari na maaring magtalaga ng susunod na magiging reyna nito, wala siyang ganoong prebelihiyo. Kaya ang hari at ang tagapayo ang pumipili ng lalaki para sa kanya. Hangga’t maari ay mula sa kahariang kaalyansa ng Tarragon at makakatulong sa pagpapalakas ng kanilang pwersa at kapangyarihan.

“Ayoko sa kanya. Saksakan siya ng yabang. Sige nga! Gusto ba ninyo ng prinsipe na galit sa mga hayop? Malamang ipalagay niya ang lahat ng hayop dito sa Tarragon sa yelo o kaya patamaan kayo sa kidlat kapag naging prinsipe siya dito.”

Nag-angalan ang mga pygmea. “Ayaw namin!”

“Kung ganoon, huwag ninyo siyang ipilit sa akin. Si Lerome lang ang gusto ko. Wala akong pakialam kung ano ang gusto nila. Ako ang masusunod dahil ako ang magpapakasal at makikisama habambuhay.”

Hangos na dumating ang kunehong si Usagi. “Mahal na prinsesa, magpalit na agad kayo ng damit. May malaking gulo!”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.