Chapter Sea Enchantress: 2

“ANONG ginawa mo kay Prinsipe Alipato?” bungad ng ama niyang si Haring Andros pagpasok pa lang ni Parisse sa bulwagan ng palasyo.

“Po? Ano pong ginawa ko?” inosenteng tanong niya. Nalaman na ba ng mga ito ang pagbabalat-kayo ng mga kaibigan niyang hayop?

“Nawalan ng malay si Prinsipe Alipato habang magkasama kayong dalawa. Ngayon ay inaapoy siya ng lagnat at parang nahihibang. Sinabi niya na hindi ka daw isang prinsesa kundi isang hayop. Nakapandidiring hayop. Namumula rin ang kanyang buong katawan,” paliwanag ng punong manggagamot ng palasyo.

“Anong mahika ang ginamit mo sa kanya, Parisse?” malumanay na tanong ni Reyna Yelena subalit naroon ang akusasyon.

“Wala po akong ginagawang masama,” mariin niyang kaila. Nananahimik siya sa paglangoy-langoy sa mundo ng mga tao at sa pagtitig kay Lerome. Inosente siya.

“Mahal na Hari, Mahal na Reyna, nangyayari lang ang ganyan kay Prinsipe Alipato kapag napapalapit siya sa mga ibon,” paliwanag ng Duke ng Mandala, ang kasa-kasama ni Prinsipe Alipato sa pagdalaw sa Tarragon.

Nakagat niya ang labi. Si Avia, ang kaibigan niyang ibon ang isa sa mga bumuo na balatkayo niya. Iyon marahil ang dahilan kung bakit may sakit si Alipato.

“Mahilig sa mga hayop si Prinsesa Parisse,” wika ni Haring Andros. “Maaring lumapit sa kanya ang mga kaibigan niyang ibon habang namamasyal sila. Humihingi kami ng paumanhin dahil di alam ng mahal na prinsesa na di pala nakakabuti kay Prinsipe Alipato ang paglapit sa mga hayop.”

“Hindi ko ito ipagbibigay-alam ngayon sa palasyo ng Mandala,” wika ng duke. “Huwag na sanang mauulit pa ang pangyayaring ito.”

“Paumanhin po,” nakayuko niyang sabi.

“Mahal na duke, dadalawin namin si Prinsipe Alipato kapag nagising na siya,” wika ni Haring Andros. “Maari nang lumabas ang lahat.”

“Yes!” nangingiti niyang usal sa sarili. Isa iyon sa mga ekspresyong nakuha niya mula sa mundo ng mga tao.

“Maiwan ka dito, Prinsesa Parisse,” maariing wika ni Haring Andros.

Nakagat niya ang labi at naiwang nakatayo sa harap nito. “Patay!” usal niya.

Tiyak na umaatikabong sermon na naman tungkol sa kagandahang asal, pakikipagkapwa, responsibilidad at iba pa ang matatanggap niya.

“Parisse, hindi ko nagustuhan ang nangyari kay Prinsipe Alipato. Alam mo ba kung ano ang maaring maging implikasyon ng ginawa mo? Iisipin ng mga taga-Mandala na gusto nating saktan ang prinsipe nila. Pwede silang magdeklara ng giyera sakaling tuluyang napahamak ang prinsipe nila.” Dumadagundong ang boses ni Haring Andros. Sanay siyang malunamay itong magsalita. Pero kapag silang anak nito ang nasasangkot sa gulo ay mas mariin itong magsalita.

“Ama, hindi ko naman alam na…”

“Sinabihan na kitang kapag kasama mo siya, huwag muna kayong lumapit sa mga kaibigan mong hayop dahil ayaw niya sa mga hayop,” galit pa ring wika ni Haring Andros. “Pero pinairal mo pa rin ang katigasan ng ulo mo.”

Hinawakan ito ni Reyna Yelena sa kamay at huminahon ang ama niya. Tao ang kanyang ina at walang kapangyarihan. Pero lumalabas na ito ang pinaka-makapangyarihan sa Tarragon dahil sa impluwensiya nito sa kanyang amang hari.

“Parisse, alam ko na ayaw mo sa prinsipe ng Mandala. Pero bisita natin sila kaya dapat tratuhin nang maayos. Bilang prinsesa, responsibilidad mo iyon. Isa ka sa mga sumisimbolo ng kaharian ng Tarragon,” paliwanag ni Reyna Yelena.

“Opo, Inang Reyna.” Sabi na nga ba’t iyon ang sasabihin nila. Kapag nanay na niya ang nagsalita, wala na siyang laban. Oo na lang ang dapat niyang isagot.

Tumayo si Haring Andros at lumapit sa kanya. “Parisse, bilang prinsesa ay kailangan mong mag-asawa ng isang lalaki na poprotekta sa Tarragon. Wala na ang kapatid mo na dapat ay susunod na hari ng Tarragon. Wala na tayong maaasahan sa kanya kaya ikaw na lang ang inaasahan namin.”

“Alam ko po iyon, Ama,” wika niya.

Umalis ng kaharian ang kapatid niyang si Prinsipe Cid. Ito sana ang magiging tagapagmana ng trono. Pero dahil ang babaeng mahal nito ang di pinili ng Luha ng Hari upang mapakasalan nito ay pinili na lang nitong mamuhay sa mundo ng mga tao. Dahil doon ay isinara na ang lahat ng lagusan. Di na siya nakatapak pa sa mundo ng mga tao gamit ang mga lagusang iyon. Ikinulong na siya nang tuluyan sa Tarragon at lahat ng responsibilidad sa kapatid niya ay naatang na sa balikat niya. Kung di na babalik pa ang kapatid niya, ang lalaking pakakasalan niya ang susunod na pinuno ng Tarragon.

“Si Prinsipe Alipato ang isa mga sa napipili ko para sa iyo.”

“Pero Ama…”

“Malakas ang kanilang sandatahan. Magaling makipaglaban ang mga hukbo nila. Kaya niyang protektahan ang Tarragon kapag wala na ako.”

“Ama, tatanggapin ko siya bilang bisita at kaalyado ng kaharian natin. Pero wala po akong balak na magpakasal sa kanya,” mariin niyang sabi.

“Binigyan ka namin ng karapatan na pumili ng lalaking gusto mo. Pero kailangan ay gusto rin namin. Hindi kung sino-sino lang ang maaring ipakasal sa iyo, Parisse,” wika ng ama niya.

“Paano kung tao ang mahal ko?” tanong niya.

Natawa ang ama niya. “Paano ka magmamahal ng tao kung di ka naman nakakapunta na sa mundo ng mga tao? Kaya dito mo lang matatagpuan ang lalaking pakakasalan mo. Tao ba ang gusto mong pakasalan? Alam mo na sa pagkakataong ito, imposibleng mangyari iyon.”

“Hindi na ba ninyo ako papupuntahin sa mundo ng tao, Ama?”

Natigilan ang ama niya at napatitig sa kanya. “Wala kang gagawin sa mundo ng mga tao. Nandito ang mundo mo. Isa kang prinsesa. Kaya kailangan mong harapin ang mga responsibilidad mo habang maaga pa.”

“Huwag mo siyang biglain, Andros,” wika ni Reyna Yelena.

“Ang sabihin mo, ayaw niyang harapin ang responsibilidad niya.”

“Ama, nagtatanong lang po ako. Paano kung walang sinuman sa mga gusto ninyong lalaki sa mundong ito ang magugustuhan ko? Ano pong gagawin ninyo?”

“Andros, sa palagay ko mabuti pang pagpahingahin mo na si Parisse.” Lumalalim na kasi ang pagtatalo nilang mag-ama at iniiwasan nito iyon.

“Sige. Makakaalis ka na.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.