Chapter Sea Enchantress: 3

“Anong ginawa mo, Avia? Bakit biglang nagkasakit si Prinsipe Alipato? Hindi ba ginamitan na kita ng mahika para di siya magkasakit habang nagbabalat-kayo ka bilang ako?” tanong ni Parisse sa kaibigang ibon na siyang matalik niyang kaibigan. “Napagalitan tuloy ako ng Amang Hari dahil doon. At si Alipato, nasa kuwarto niya at malubha daw ang sakit. Baka digmain tayo ng kaharian nila.”

Sa kuwarto niya naghihintay ang mga kaibigan niya. Ito at ang mga paru-paro ang naatasan niyang bumuo sa kanyang balatkayo. Dahil ayaw sa mga hayop ang prinsipe ng Mandala, gumawa siya ng mahika para protektahan ito sa sakit.

“Hinalikan niya ako, mahal na prinsesa kaya iyon ang nangyari sa kanya,” kwento ni Avia. “Nawalan ng bisa ang mahika ninyo para protektsiyunan siya.”

Nanlaki ang mata niya at namaywang. “Ano? Hinalikan niya ako?” Nakagat niya ang dulo ng daliri. “Ang ibig kong sabihin ikaw!”

“Opo, Prinsesa Parisse. At dahil si Avia ang nagsasalita bilang kayo at siyang kumakatawan sa ulo ninyo, siya ang hinalikan ni Prinsipe Alipato,” wika ni Burita, ang pinuno ng mga paru-paro. “Tapos niyang halikan si Avia, bigla na lang siyang nahirapang huminga at tumumba.”

“Gagawa daw siya ng paraan para pakasalan mo siya. Tumutol ako, mahal na prinsesa. Pero mahina lang ako,” wika ni Avia.

Nakuyom niya ang palad. “Ang kapal ng mukha ng Alipato na iyon. At may balak pa pala siyang gawan ako ng masama. Maniac!”

“Mabuti nga sa kanya ang nangyari! At mabuti na lang hindi kayo ang naroon, mahal na prinsesa,” sabi ni Burita.

“Kulang pa ang nangyari sa kanya! Dapat sa kanya iginigisa nang buhay. Ihulog sa sumasabog na bulkan! Isusumbong ko siya sa Amang Hari! Tingnan ko lang kung hindi maparusahan ang bastos na prinsipe na iyon.”

“Pabayaan na ninyo siya, Prinsesa Parisse. Sa palagay ko naman ay matatakot na siyang pagtangkaan kayo ng masama mula ngayon.”

Ibinagsak niya ang sarili sa kama. “Sa palagay ko, walang kwenta ang kahit na sinong prinsipe sa mundong ito. Ayoko sa kanila.”

Ilan na ang dumalaw sa kanya at sinubukang hingin ang kamay niya. Pawang mga guwapo din at may kapangyarihan. Pero si Lerome pa rin ang gusto niya. Bakit ba hindi na lang ito ang naging prinsipe sa mundo niya?

“At gusto pa rin ninyo ang taong iyon, mahal na prinsesa?” tanong ni Avia. “Tiyak na magagalit ang mahal na hari kapag nalaman ang tungkol sa kanya. At higit siyang magagalit kapag nalaman niyang gumawa ka ng sarili mong lagusan. Tiyak na ipapatapon ka niya sa mundo ng walang hanggang apoy.”

Nasapo niya ang pisngi. “Hindi matutusta ang ganda ko. Nakakainis! This is so unfair! Unfair! Unfair!” Dahil nabuhay sa mundo ng tao noong bata pa, gustong-gusto pa rin niyang gamitin ang salita ng mga ito kapag nag-iisa.

“Anong unfair, Prinsesa Parisse?” sabay-sabay na tanong ng mga ito.

“Hindi patas! Bakit kailangang ang mga prinsipe at susunod lang na hari ng Tarragon ang nalalaman ang tadhana sa pamamagitan ng luha ng mga hari? At wala akong karapatan na malaman ang lalaking para sa akin. Mali iyon! Dapat sana may iniwan ding kwintas para sa mga prinsesa na tulad ko!”

Kung may kwintas din siya na nagsasabi ng nakatadhana sa kanya, sana ay di na siya maghihirap na alamin kung sino para sa kanya. At di na rin niya kailangang gumawa ng lihim na lagusan para makita si Lerome. Sa pamamagitan ng kuwintas na iyon, kusang mabubuksan ang lagusan ng Tarragon.

“Hanggang kailan mo balak na magpabalik-balik sa mundo ng mga tao at sa ating mundo, Prinsesa Parisse?” tanong ni Avia. “Wala rin namang mangyayari kahit na mahalin mo pa ang taong iyon. Di ka maaring magtagal sa mundo nila. Di rin kami pwedeng laging magbalatkayo para sa iyo.”

“Saka na. Kapag mahal na niya ako.”

“Paano ka niya mamahalin kung hindi ka pa niya nakikita at di mo pa siya nakakausap?” tanong ni Avia.

“Eh, di magpapakita at makikipag-usap ako sa kanya. Tutulungan ninyo ako. Saka wala kayong sasabihan na kahit sino tungkol sa lihim ko, ha?”

“Alam ninyo na nasa inyo ang aming katapatan, mahal na prinsesa,” wika nina Avia at Burita. “Makakaasa kayo na magiging lihim ang lahat.”

Oras na para gumawa siya ng paraan para mapalapit kay Lerome. Kailangan niya iyong magawa sa lalong madaling panahon. Bago pa makahanap ang ama niya ng panibagong ipapakasal sa kanya.

“SIGURADO ka ba sa gagawin mo, Prinsesa Parisse?” tanong ni Gonda habang pinagmamasdan ang speedboat niya na nasa dalampasigan. Gawa lang iyon sa pinagsama-samang buhangin at ginamitan niya ng mahika para maging totoong speedboat. Nasa bahagi sila ng isla na di kalayuan sa villa nila Lerome. Dahil pribadong isla, sila Lerome lang ang naroon at ang mga katiwala nito.

“Oo naman. Wala ka bang tiwala sa akin?” tanong niya. Nakasuot din siya ng wetsuit bilang bahagi ng kanyang plano.

“Hindi naman, mahal na prinsesa.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.