“Basta kaya mo iyan, Prinsesa Parisse. Babantayan ka lang namin dito hanggang tuluyan ka nang makabalik sa lagusan,” wika ni Tico.
Naglakad siya papunta sa villa. “Tao po! Tao po!” wika niya. Ipinagdasal niya na sana ay si Lerome ang magbukas ng pinto.
Naghihikab pa si Lerome nang pagbuksan siya ng pinto. Naka-shorts lang ito at walang suot na pang-itaas. “Yes, Miss?” tanong nito at biglang nagulat. “A-Anong ginagawa mo dito, Miss? Sino ka?” Hapon na noon at kagigising lang nito mula sa pagkakaiidlip marahil.
Nakatulala lang siya dito habang nakangiti. Mas guwapo sila sa malapitan. Saka may dimples pala siya sa pisngi. At maganda nga ang katawan niya. Alaga siguro niya sa exercise at dahil na rin madalas siyang lumangoy at mag-dive.
“Miss, are you okay?” untag nito sa kanya.
“No… I mean… Yes…” Naalala niya na may problema siya. “I am not really…”
“May problema po ba, Señorito?” tanong ng babaeng katiwala ni Lerome sa isla. “Ay! Bakit may babae dito?”
Saka lang siya natauhan. “P-Pasensiya na po kayo. Ako po si Parisse. Nag-dive po ako sa reef malapit dito. Naubusan ng gasoline ang speedboat ko. Sa halip na sa resort ko dalhin, dito ko idinala sa isla ninyo. Hihingi po sana ako ng tulong.”
“Aling Simang, pakitawag po si Mang Tobias. Sabihin po ninyo tulungan niya akong tingnan ang pangalan ni Miss…”
“Parisse,” sagot niya. “Parisse Rivas.”
Kinamayan siya nito. Nanginig ang tuhod niya. Ganoon ba katindi ang epekto nito sa kanya. Samantalang sa kanila ay ito ang walang kapangyarihan. Pero daig pa siya nito sa tindi ng hipnotismo at epekto nito sa kanya.
“I am Lerome Cervantes,” pakilala nito. “I own the place.”
“Señorito, ano pong problema?” tanong ni Mang Tobias.
“Nagka-problema daw ang speedboat niya kaya dito na niya idinala para makahingi ng tulong,” paliwanag ni Lerome. “Puntahan na natin.”
“Señorito, naubusan nga siya ng gaas. Lalagyan ko na lang. Titingnan ko rin kung may iba pang sira. Maghintay lang po kayo, Miss,” sabi ni Mang Tobias.
“Salamat po,” sabi niya. Effective nga ang strategy niya.
“Doon muna tayo sa verandah. Nagluto ng miryenda si Aling Simang,” yaya sa kanya ni Lerome. “Baka mamaya pa matapos si Mang Tobias.”
“I am sorry for the bother. Nasira ang radyo ng speedboat ko kaya wala akong ibang mahihingan ng tulong kundi dito,” sabi niya.
“Mag-isa ka lang bang nag-dive? Wala ka bang kasamang iba?” tanong nito matapos I-serve ang miryenda sa kanila. “Nagbabakasyon ka ba dito?”
“Wala. Mag-isa lang din ako na nagpunta sa resort. Marine biology student ako. Pinag-aaralan ko ang iba’t ibang behavior ng mga marine animals sa reef. And most of the time, mas gusto ko na mag-isang mag-dive.”
“Do you know that it is dangerous? Paano kung may disgrasyang mangyari sa iyo tulad ngayon at wala kang ibang mahihingan ng tulong?”
Kung hindi ako mag-isa, paano pa ako makakalapit sa iyo. Di mo ako makikilala. “I am used to diving alone. Saka ngayon lang nagkaroon ng aberya ang speedboat na gamit ko at ang radyo ko,” giit pa rin niya.
“Basta sa susunod, huwag kang aalis nang mag-isa,” wika nito.
“I will keep that in mind,” nakangiti niyang sabi at sumimsim ng mango juice. It was comforting to know that he cared for her.
“Ayokong isipin mo na nakikialam ako. Concern lang ako sa iyo.”
Ito ang lalaking hinahanap ko. Marunong mag-alala sa ibang tao kahit kakikilala pa lang. Di tulad ng ibang hambog na lalaking nakilala ko na naturingang mga prinsipe pero sarili lang ang iniisip.
“I don’t really mind. And thanks for the concern.”
“You should be careful. Sayang naman kung lalamunin ka ng dagat. Hindi ba nag-aalala sa iyo ang boyfriend mo?”
“Walang boyfriend na mag-aalala sa akin,” direkta niyang sagot. “I am still a student but I will graduate soon.”
“Ibig sabihin magkaka-boyfriend ka na pagka-graduate mo?”
“Kung maiintindihan siguro niya ang trabaho ko. I love nature and I love the sea. Iyong ibang lalaki, wala namang pakialam doon. How about you?”
“Anong tungkol sa akin?” tanong nito at natigilan sa pag-inom ng juice.
Itatanong sana niya kung may girlfriend ito nang biglang bumukas ang pinto at sumilip ang isang lalaki. “Lerome, anong…” Natigilan ang lalaki nang makita siya. “Sino siya? Bakit may babae dito?”
Bigla siyang tumayo sa sobrang gulat. “G-Good afternoon, Sir. I am Parisse Rivas. Galing po ako sa kabilang resort. Nagkaproblema po ang speedboat ko. Mas malapit ang island ninyo kaysa sa resort kaya dito na ako humingi ng tulong.”
“Oo nga, Kuya Jim. Inaayos ni Mang Tobias ang speedboat,” sabi ni Lerome. “Kaya nga dito muna kami habang hinihintay na maayos ang speedboat niya.”
“Miss, docking on our island without permission is trespassing. Private property ito,” mariing wika ni Jim. “Lerome, send her away as soon as her speedboat is fixed. Ayokong makakakita ng hindi ko kakilala sa isla na ito. You know how much I treasure my privacy. I don’t like unwelcome visitors.”