Chapter Sea Enchantress: 5

Mariin siyang napapikit nang padabog isinara ni Jim ang pinto pagpasok ng villa. Kung anong bait ni Lerome, nuknukan naman ng sungit ang kapatid nito. Akala kasi niya ay mag-isa lang si Lerome sa isla. Malay ba niyang kasama ang masungit na kapatid nito. Buti na lang di nagmana ng kasungitan si Lerome.

“Pasensiya ka na sa kuya ko. Kahihiwalay lang nila ng girlfriend niya. Huwag mo na lang pansinin iyon.”

“Nahihiya rin naman ako sa pang-aabala ko. Wala lang talaga akong ibang mahihingan ng tulong. Hindi ka ba naba-bother na may bigla na lang sumusulpot dito na hindi mo kakilala?” tanong niya.

“Ngayon lang may napunta dito para humingi ng tulong. Saka nakakasawa naman na kami-kami ang magkakausap dito. It is refreshing to see a new face.”

“Hindi ba nag-aalala ang girlfriend mo sa iyo?”

“Okay lang na girlfriend ko na nandito ako.”

Nadismaya siya. Akala pa mandin niya ay libre ito. Iyon pala ay may girlfriend na ito. Kawawa naman siya. Paano na siya ngayon kung may kaagaw siya?

“Bakit hindi mo siya isama dito?” tanong niya. Hindi niya napapansin na may kasama itong babae sa isla maliban kay Aling Simang na katiwala nito sa isla.

Tumawa lang ito at naglakad papunta sa dagat. “Ang dagat ang girlfriend ko. I guess nothing would come close to its beauty.”

Bumalik ang ngiti sa labi niya. Dagat lang naman pala ang girlfriend nito. Akala niya kung ano. “Well, I must agree with you. Kaya rin siguro wala akong balak na magka-boyfriend dahil mas nag-e-enjoy ako kasama ang dagat. Lalo na kapag nasa ilalim ng dagat. Parang ayoko nang umalis.”

Nagkatinginan sila at sabay na nagtawanan. “Huwag mo naman sanang I-ignore kaming mga lalaki. Guwapo rin naman kami, ah!”

“Kung kasing-guwapo mo siguro ang manliligaw sa akin, baka I-consider ko na magkaroon ng boyfriend,” pabiro niyang sabi.

Natigilan ito at napatitig lang sa kanya. Di siya makatingin nang diretso dito at bahagyang iniwas ang tingin. Akala niya ay matigas na ang dibdib niya. Di niya alam na matutunaw pa rin siya sa simpleng titig lang.

“Señorito, gawa na po ang bangka!” anang si Mang Tobias.

Inalis niya ang tingin dito. “Halika! I-check na natin.”

Tinesting ang speedboat at nabuhay na ang makina nito. “Maraming salamat po sa tulong ninyo. Magkano po ba ang babayaran ko?”

“Walang bayad, Ineng,” sabi ni Mang Tobias. “Masaya kaming makatulong.”

“Nakakahiya naman po. Gusto ko pong makabawi.”

Humalukipkip si Lerome. “Kung gusto mong makabawi, samahan mo na lang akong mag-dive bukas. Doon tayo sa kung saan ka madalas mag-dive.”

“S-Sige! Magkita na lang tayo bukas ng bandang alas nuwebe. Sa may area na mismo ng reef.”

“Susunduin na lang kita sa resort.”

Umiling siya. “Huwag na. Magkita na lang tayo bukas!” aniya at sumampa na sa speedboat. Iniligid niya ang speedboat sa kabilang bahagi ng isla para di makita ni Lerome kung kusa mang maglaho ang speedboat niya.

Maya maya pa ay kasama na niyang nagsasayaw sa ilalim ng tubig ang mga kaibigang dolphin. “Yehey! May date kami bukas ni Lerome.”

“Binabati namin kayo, Prinsesa Parisse,” wika ni Tico.“At dahil diyan, bibigyan namin kayo ng magandang sorpresa bukas.”

“Aasahan ko ang sorpresa ninyo, ha?”

“PRINSESA Parisse, nagkakilala na ba kayo ng prinsipe mo?” tanong ni Avia na naghintay sa pagbabalik niya mula sa mundo ng mga tao. Maging ang ibang kaibigan niyang mga hayop ay nag-aabang sa mga kwento niya.

“Oo. At magde-date kami bukas nang umaga,” sabi niya habang sinusuklayan ang sarili. “Kailangang maging maganda ako.”

“Ano ang date, mahal na prinsesa?” tanong ni Burika.

Tumayo siya. “Sa mundo ng mga tao, kadalasan iyong ginagawa ng babae at lalaki para magkakilalang mabuti. Iyon din ang ginagawa ng mag-asawa at magkasintahan para magkaroon ng oras sa isa’t isa. At iyon ang gagawin namin ni Lerome. Kaya dapat lang na magustuhan niya ako, di ba?”

“Parang kapag namamasyal kayo ng mga prinsipeng ipinakikilala sa inyo.”

“Parang ganoon na nga. Pero siyempre, mas espesyal ang date namin ni Lerome.” Ibinuka niya ang palad at bumukas ang aparador niya na puno ng mga gown. Lumipad ang mga iyon paikot sa kanya. Iyon ang paraan niya kapag gusto niyang mamili ng damit. “Ano kaya ang isusuot ko?”

“Saan ba kayo pupunta, mahal na prinsesa?” tanong ni Avia.

“Sisisid kami sa ilalim ng dagat.” Natigilan siya sa pagpili at bumagsak sa sahig ang mga damit. “Naku! Di ako pwedeng mag-gown sa ilalim ng tubig.” Hindi karaniwang date ang pupuntahan niya.

“Magugustuhan pa rin niya kayo, Prinsesa Parisse,” wika ni Burita.

“At gagalingan namin ang pagbabalat-kayo para sa inyo,” dagdag pa ni Avia.

“Maraming salamat sa inyo, ha?” aniya at pinadapo ang dalawa sa balikat niya. “Mga kaibigan ko talaga kayo. Di ninyo ako pinababayaan.”

“Hangad namin ang kaligayahan ninyo, Prinsesa Parisse,” sabi ni Burita. “Kaya kami na ang bahala dito habang wala kayo. Basta mag-iingat kayo.”

“Di ako natatakot. Di kasi ako pababayaan ni Lerome.” May ngiti sa labi niya nang ipikit niya ang mga mata. Magiging maganda ang araw bukas para sa kanya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.