Chapter Sea Enchantress: 6

“Maganda na ba ako?” tanong ni Parisse sa mga kaibigang dolphin. Nakatitig siya sa tubig na siyang ginawa niyang salamin.

“Lagi ka namang maganda, Prinsesa Parisse,” wika ni Gwanda.

“Sa palagay ba ninyo magugustuhan ako ni Lerome,” tanong pa niya.

“Siyempre,” sabi naman ni Gonda. “At kapag hindi niya kayo nagustuhan, uutusan namin ang mga talangka na ipitin ang mga daliri niya sa paa.”

Nagtatawanan sila nang maya maya pa ay narinig na niya si Tico. “Prinsesa Parisse, paparating na sila.” Kasunod niyon ay natanaw na niya ang speedboat ni Lerome. Kinawayan niya ito nang mapalapit sa kanya. “Hi!”

“Kanina ka pa ba naghihintay?” tanong nito.

“Halos kadarating ko lang,” wika niya. Pero ang totoo ay isang oras na siya doon sa sobrang excitement niya. “Magandang umaga po, Mang Tobias.” Ang katiwala ni Lerome ang siyang nagmamaneho ng speedboat. Tinanguan siya nito.

“Bakit wala ka na namang kasama?” nakakunot-noong tanong nito.

Nagi-guilty siyang ngumiti. “May sakit pa rin ang tauhan ng resort na humahawak nitong speedboat. Pero gumagana na ang radyo ko ngayon.”

“Dapat pala sinundo na lang kita sa resort,” anito at inayos ang diving gear. Seryosong-seryoso ito at hindi siya sanay. Mas gusto kasi niya itong nakangiti.

“Galit ka ba sa akin dahil hindi ako nakinig sa advise mo?”

Pilit itong ngumiti. “I am just worried.”

“Kung hindi ka galit sa akin, ngumiti ka. Sayang ang dimples mo kung hindi ko makikita,” panunukso niya.

Tuluyan na itong ngumiti. “Silly girl. Tutulungan na kitang I-check ang mga diving equipment mo,” sabi nito at sumampa sa speedboat niya.

Maya maya pa ay pareho na silang handang mag-dive. Iiwan nila si Mang Tobias para bantayan ang speedboat nila. Matapos mag-okay sign ay pareho na silang nagpatihulog sa tubig. Naninibago pa rin siya sa oxygen mask sa bibig niya at sa iba-ibang apparatus na suot niya. They were real even if they were created by magic. Mas sanay kasi siya na lumangoy nang walang gamit na ibang aparato.

Bagamat ilang beses na siyang nag-dive ay mas marami ang mga isda sa araw na iyon. Iba’t ibang kulay. Iba’t ibang laki. Lahat ay pabalik-balik sa makukulay na corals. Nagpapaligsahan sa pagkuha ng atensiyon nila ni Lerome. Kitang-kita niya ang pagkamangha sa mga mata ni Lerome.

Maya maya pa ay narinig niya ang ingit ng mga kaibigan niyang dolphin. Lumapit sa kanya si Tico at ibinundol ang ulo sa braso niya. Naalarma si Lerome sa pag-aakalang gusto siyang saktan ng dolphin. Nag-okay sign siya.

Sa pamamagitan ng isip ay kinausap niya si Tico. “Bakit?” tanong niya.

“Nakahanda na ang sorpresa namin sa inyo. Sumunod kayo sa akin.”

Nagpatiuna nang lumangoy si Tico. Hinawakan niya ang kamay ni Lerome upang hatakin ito papunta sa direksiyong pinuntahan ni Tico. Nakita ang pagtatanong sa mga mata nito mula sa mask pero nag-okay sign lang siya. Hindi na ito nagpakita pa ng pagtutol at nagpatianod na lang sa kanya.

Bahagya silang lumayo sa coral reef at napunta sa bahaging mabuhangin. Pinanood nila ang paglangoy ng mga dolphin na parang nagpapasikatan. Ang ilan sa mga ito ay tumatalon sa ibabaw ng tubig na parang isa iyong dolphin show.

Kahit na nasa ilalim ng tubig ay di napigilan ni Lerome na pumalakpak. Nag-okay sign naman ito sa kanya. Mukhang pinaghandaan nga nga mga kaibigan niyang dolphin ang sorpresa para sa date nila ni Lerome.

Nang pumaikot sa kanila ang mga dolphin at nakipaglaro ay si Lerome naman ang humawak sa kamay niya. Kahit na di ito magsalita ay nakikita niya ang saya sa mga mata nito. Kung makakapagsalita lang siya nang mga oras na iyon, gusto sana niyang sabihin dito na iyon ang pinakamasayang sandali para sa kanya.

“WOW! Hindi ako makapaniwala na kanina lang nasa ilalim tayo,” sabi ni Lerome habang nakatanghod sa tubig at pinagmamasdan ang coral reef sa baba. Ubos na ang oxygen sa tank nila at nagpapahinga na lang sila sa speedboat.

“Makulay talaga ang mundo sa baba. Tapos parang napaka-espesyal mo dahil ikaw lang ang tao na nasa baba,” nakangiting wika ni Parisse. “Pero kung iisipin mo, libo-libong taon ang itinagal bago mabubuo ang isang coral reef. Lumalaki lang ang corals ng fifteen centimeters sa isang taon.”

“Anong klaseng halaman ba sila?” tanong nito.

Di niya maiwasang matawa. “That is a common misconception. Hindi halaman ang mga corals kundi mga hayop.”

Napanganga ito. “Ha? Mga hayop ang corals? But they look like plants.”

Tumango siya. “Tama ka. Nabubuhay lang ang mga corals sa tropical seas tulad dito sa atin. Kailangan kasi nila ng sikat ng araw para mabuhay. Hindi sila halaman pero sa loob ng katawan nila, may mga organisms na tinatawag na algae. Sila ang halaman at kailangan nila ng araw para makagawa ng pagkain. Sa algae nanggagaling ang ninety-nine percent ng kinakain ng corals.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.