“Ngayon ko lang nalaman na hayop ang corals. Akala ko kapag nagda-dive ako sa ilalim, naiintindihan ko na ang lahat. Hindi pa rin pala,” natatawa nitong sabi.
“It’s okay. Hindi ko rin naman alam noong una.” Nagulat pa nga siya nang akala niya ay kaya rin niyang makipag-usap sa mga halaman dahil kaya niyang makipag-usap sa mga corals. Iyon pala ay hayop din ang mga ito.
“Señorito, gutom na po ba kayo?” tanong ni Mang Tobias na nasa kabilang speedboat. “Baka gusto po muna ninyong bumalik sa isla.”
Nagulat pa sila ni Lerome nang makita sa diver’s watch nito na pasado alas onse na nang umaga. “Nalibang tayo sa pagda-dive at pagku-kwentuhan.”
“Babalik na ako sa resort,” sabi niya. Nanghihinayang lang siya dahil mabilis na matapos ang date nila. Gusto pa sana niya itong makasama nang matagal.
“Sino ang may sabing babalik ka na sa resort. Sasama ka sa akin. Doon na tayo sa isla namin magla-lunch,” wika ni Lerome. “Doon ka na mag-shower. May damit na binili si Kuya Jim para sa girlfriend niya. Akala kasi niya makakasama niyang magbabakasyon. Kaso nag-break sila. Kaya ikaw na lang ang gumamit.”
Lalo siyang kinabahan nang maisip ang kuya nitong masungit.
“Baka magalit na naman sa iyo ang kuya mo kapag nakita ako.”
“Wala na si Kuya. Sinundo na siya ng seaplane kaninang umaga. Kailangan kasi siya ni Papa sa Manila. Kaya wala ka nang katatakutan. At kahit na nandiyan pa si Kuya, hindi ka niya pwedeng pagsalitaan nang hindi maganda. Ako ang makakalaban niya dahil bisita na kita.”
Di niya maiwasang kiligin. Ipagtatanggol siya nito kahit sa kapatid pa nitong ubod nang sungit. Lalo tuloy akong nai-in love sa iyo!
“Kung ganoon, mag-lunch na tayo. Baka gutom ka na at ako pa ang sisihin mo,” sabi niya at hinawakan ang kambyo ng speedboat.
Hinawakan nito ang kamay niyang nakahawak sa gearshift. “I am driving.”
Nahigit niya ang hininga nang maramdaman ang mainit nitong kamay. Habang nagwawala naman ang puso niya sa dibdib niya at gustong kumawala. Mukhang matatagalan pa bago bumalik ang puso niya sa normal na pagtibok dahil magkakakasama pa sila nang matagal ni Lerome.
“WE are here!” wika ni Lerome pagdaong ng speedboat niya sa isla. Nakasunod naman sa likuran nila ang minamanehong speedboat ni Mang Tobias. Nagpaunang tumalon pababa ng speeboat si Lerome. “Huwag ka munang bababa,” wika nito.
“Ha? Bakit naman?” tanong ni Parisse.
Inilahad nito ang kamay para alalayan siya. “Di naman kita pwedeng pababain na lang na mag-isa.” Isa iyon sa traits na gusto niya dito. Napaka-gentleman nito. Ginagap niya ang kamay nito.
“Thank you.” Pagsayad ng paa niya sa buhangin ay nanginig ang tuhod niya. Nawalan siya ng balanse at napasandal sa katawan nito. “S-Sorry!”
“Anong nangyari?” nag-aalalang tanong nito at maagap siyang inakbayan. Nanatili pa rin siyang nakahilig sa matipuno nitong katawan.
Tumingala siya dito at ngumiti. Iyon pala ang epekto kapag nagkakadikit sila. Parang natutunaw ang tuhod niya at wala siyang lakas. “G-Ganito lang ako kapag galing sa dagat. Parang hindi na ako sanay maglakad sa lupa.”
“Gusto mong buhatin kita?” tanong nito.
Mabilis siyang umiling. “Huwag na. Kaya ko na ito.” Kahit na gusto niyang magpabuhat dito, ayaw niyang madismaya ito sa kanya. Kakikilala pa lang nila nakaraang araw. Siyempre magpapakipot pa siya nang kaunti.
Sa halip na bitiwan ay nanatili pa rin itong nakaakbay at nakaalalay sa kanya. Parang ayaw na nga niyang mag-shower dahil ayaw niyang matanggal ang marka ng kamay nito sa balat niya. “Mukha na akong tanga,” usal niya sa sarili habang naliligo siya. “Hay! Kung pwede lang masabi ko ito sa Inang Reyna.”
Malapit silang mag-ina sa isa’t isa. Dito siya laging nagsasabi ng mga sekreto niya. Pero si Lerome yata ang isang sekreto na di niya pwedeng ibahagi dito. Tiyak na hindi nito kukunsintihin ang ginagawa niya. Bilang reyna ng Tarragon, mahigpit ito sa pagpapatupad sa mga patakaran.
Paglabas niya ng bathroom ay naroon na si Aling Simang. “Sabi ni Señorito Lerome, ipili kita ng damit. Inilatag ko na po sa kama.” Yellow na sundress ang nasa kama. “Saka kunin ko na rin daw po ang damit ninyong basa para malabhan.”
“Salamat po,” aniya at ibinigay ang wetsuit dito. Nagtaka siya nang mapansing nakatitig pa rin si Aling Simang sa kanya. “Bakit po?”
“Ang ganda-ganda mo kasi. Sana ikaw na lang ang maging girlfriend ni Señorito. Hindi pa kasi siya nagkaka-girlfriend.”
“Bakit naman po?” tanong niya.
“Wala iyong ginawa kundi ang mag-aral at magtrabaho. Pihikan pa sa babae. Sayang nga dahil sobrang bait. Maswerte ang magiging nobya niya.”
Huwag kayong mag-alala, Aling Simang. Darating din tayo diyan. Suswertehin din ako. “Ilang taon na po ba si Lerome?”