“Beinte siete pa lang iyan. Sabi ng iba, bata pa siya. Pero sa akin, dapat lang na mag-asawa na siya. At kung magiging nobya ka niya, hindi ko tututol.” Natigil ito sa pagkukwento. “Magbihis ka na. At naghihintay si Señorito sa may kubo. Ibinilin nga niya na ipagluto kita ng masarap na tanghalian.”
“Maraming salamat po,” usal niya at nagbihis.
Hinayaan niyang nakalugay ang mahaba niyang buhok. Di niya pinansin ang mga make up at pabangong nasa estante. Kampante na siyang maganda siya.
Papunta sa kubo sa tabing dagat ay naramdaman na niya ang mga mata ni Lerome na di maalis sa kanya. Sinalubong siya nito nang malapit na siya. “Mukhang maganda ang napiling damit sa iyo ni Aling Simang. Bagay sa iyo.”
“Hindi ba magagalit ang kuya mo kapag nalamang ginamit ko ito?”
“Huwag mo nang isipin iyon. Sa iyo na iyan. Kapag hinanap niya, babayaran ko sa kanya,” kaswal nitong sabi at ipinaghila siya ng rattan chair. “Have a seat.”
“Salamat,” aniya at umupo.
“Kain lang nang kain. Magaling magluto si Aling Simang ng seafood.”
Natulala siya nang makita ang nakahain sa mesa. Inihaw na tanigue, steamed lapu-lapu special, sugpo, lobster at kung anu-ano pang mga lamang-dagat.
“L-Lerome, I hope you won’t mind. Pwede bang salad na lang ang kainin ko?”
“Ha? Bakit? Ayaw mo ng seafood? Vegetarian ka ba?”
“Hindi naman kaso…” Nangilid ang luha sa mata niya. Kahapon lang kasama ko pa silang lumalangoy. Naglalaro pa kami. Ngayon luto na sila. “Sorry. Parang mga kaibigan ko na sila. Alam kong kinakain sila ng mga tao. Pero hindi ko kayang kainin ang mga kaibigan ko.”
Niyakap siya nito at pinunasan ng tissue ang luha niya. “I am sorry. Hindi ko naman alam na hindi ka kumakain ng seafood.”
Nang mahimasmasan ay saka niya na-realize ang implikasyon ng ginawa niya. Nagmukha siyang tanga sa harap ni Lerome.
Pinunasan niya ang pisngi niya. “Sorry. Hindi ko sinasadya na maging emotional. Ayoko rin namang balewalain ang luto ni Aling Simang. Mukha nga siyang masarap. Wala rin sa akin kung gusto mong kumain ng seafood. Basta huwag lang ako ang kakain. Kasi hindi ko talaga kaya.”
“Ako nga ang dapat mag-apologize. Gusto kong I-surprise ka. Hindi ko naman alam na ayaw mong kumain ng seafood.”
“I know it is so crazy but I have grown attached to them. Pero hindi ibig sabihin hindi ko naa-appreciate ang ginawa mo para sa akin. It’s sweet.”
For the first time, there was a man who wanted to make her happy. Hindi para basta lang magpasikat. Handa rin itong intindihin siya. Ibang-iba sa mga lalaking nakilala niya dati na mas gustong ang mga ito ang I-please niya.
“Sa susunod na yayayain kita, aalamin ko muna ang gusto mo. Para hindi na ako mapapahiya tulad ngayon.”
“Yayayain mo ulit ako sa susunod?” Isa pang date! Ibig sabihin ay masaya ito na kasama siya. “Sigurado ka?”
“Oo naman. Nag-enjoy nga ako na kasama ka,” anito at ipinaglagay siya ng vegetable salad sa plato.
DI komportable si Parisse sa pagkain dahil nakatitig sa kanya si Lerome. “Bakit? May problema ba?” tanong niya nang di makatiis. Lagi kasi siya nitong tinititigan. Isang linggo na silang laging magkasamang nagda-dive. At katatapos lang nilang mananghalian kaya nagku-kwentuhan na lang sila habang naglalakad sa beach.
“Your eyes are unusual. Green with speck of brown.”
“Ah! May lahi kasing Greek ang daddy ko. He is Leandros Rivas. May business siya sa ibang bansa.” Iyon ang pangalan ng ama niya sa mundo ng mga tao. At isang pintor ang kanyang ina bago pa man ito naging reyna ng Tarragon. “Artist naman ang mommy ko. And I also have an elder brother.”
Brown ang mata ng nanay niya dahil tao ito. Habang ang ama niya ay kulay violet. Iba naman ang kulay ng mata nila ng Kuya Cid niya sa mga magulang nila. Epekto na rin ng may magulang na engkanto at tao.
“I hope I can get the chance to meet them one day.”
“N-Nasa abroad ang parents ko. Dinadalaw ko lang sila. Nasa Manila naman ang kuya ko. Madalang kaming magkita-kita dahil nasa iba’t ibang lugar kami.”
“Kaya siguro independent ka. Ilang taon ka na?”
“Twenty-three. Noong una nga ayaw nila akong payagang mag-isa. But I told them that I have to do things on my own.” Sana lang ay masabi nga niya iyon nang harapan sa magulang niya. Tiyak na magagalit ang ama niya kapag sinabi niya iyon.
“You are really interesting. Parang may connection ka na sa mga sea creatures. Nakita ko kung paano ka makipag-interact sa mga dolphins na parang alam na alam mo na ang gagawin nila at mga ibig nilang sabihin.”
“Hindi na siguro mahirap iyon dahil mammals din sila tulad natin. And they are so intelligent. They have their own social system. May pamilya rin sila. At sa pag-aaral ko sa galaw nila, parang alam ko na ang susunod nilang gagawin.”
“First time kong nakita kung paano sila mag-hunt.” Napanood nila kung paanong maubos ng mangilan-ngilang dolphin ang isang shoal o grupo ng maliliit na isda. Naglalabas ang mga ito ng bubbles para ikulong ang grupo ng mga isda at maubos ang pinakahuling piraso ng isda. “Kasi sa marine park ko lang naranasang lumangoy at magpakain ng mga dolphins.Daig ko pa kanina ang nasa dolphin show.”
“Mas masarap panoorin ang mga dolphin sa natural habitat nila kaysa kapag nakakulong lang sila.” Sana nga ay wala nang marine park. Sana lahat ng mga hayop ay malayang nakakapamuhay sa natural na tahanan ng mga ito.
“Pwede ba tayong magkita ulit bukas?” tanong ni Lerome.
Oo na sana ang sagot niya nang maalala niyang bago ang buwan kinabukasan. Mawawalan siya ng kapangyarihan. “Hindi pwede.”
Huminga ito nang malalim. “Isang buwan ako sa Australia. Sa susunod na buwan na ako babalik sa Pilipinas. How about we meet in Manila?”
Di siya pwedeng pumunta sa Manila. “Nandito ulit ako next month.”
“Sige. Magkita ulit tayo next month.”
“Sa reef. Magkita ulit tayo sa reef. Dating oras.”