Nagmumukmok si Parisse sa silid niya. Gusto na sana niyang lumabas. Gusto niyang makita si Lerome pero hindi pwede.
“Sabi ng mga pygmea, natanaw nila ang bangka ni Lerome mula sa lagusan. Ilang oras ka daw niyang hinintay,” kwento ni Avia sa kanya na lalong nagpasama sa pakiramdam niya. “Nag-aalala na iyon sa iyo.”
“Paano nga ako makakaalis kahapon kung bago ang buwan. Wala akong kapangyarihan. Parang karaniwang tao lang ako.”
Iyon ang kahinaan ng mga kalahating tao at kalahating engkanto na tulad niya. Sa pagsapit ng bagong buwan ay nawawala ang kapangyarihan niya. Dahil walang kapangyarihan, di niya maaring buksan ang lagusan. Di niya kayang huminga sa ilalim ng tubig.
“Pero may kapangyarihan ka na ulit ngayon. Maari ka nang makipagkita kay Lerome. Pwede mo nang paglahuin ang sarili mo at pwede na rin kaming magbalat-kayo bilang ikaw. Malulungkot si Lerome kapag hind kayo nagkita.”
Nahawakan niya ang magkabilang sentido. “Anong gagawin ko? Nasa labas lang si Prinsipe Alegre.” Si Prinsipe Alegre ang bagong prinsipe na gustong hingin ang kamay niya. “Kapangyarihan niyang gumamit ng mga insekto at ibon. Kaya kahit ano pang pagbabalat-kayo ang gawin ninyo, malalaman niya na ang tunay ninyong pagkatao… o pagkahayop. Kaya nga dito na lang ako sa kuwarto ko at nagkukunwaring may sakit para hindi ko na siya makasama.”
“Anong gagawin mo ngayon? Paano na si Lerome?”
“Hindi ko na alam!” Nami-miss na rin niya ang binata. Isang buwan na niya itong hindi nakita. Kung mas makapangyarihan lang sana siya, di lang mga ibon at insekto ang kaya niyang gamitan ng balatkayo. Pero iyon lang ang kaya niya. Di niya alam kung kailan sila magkikita ulit ni Lerome.
“Mahal na prinsesa! Mahal na prinsesa!” wika ng paru-parong si Burita at nagmamadaling lumipad papasok sa kuwarto niya. “Si Lerome po!”
“Anong problema kay Lerome?” tanong niya.
“Tingnan ninyo sa lawa. Madali!”
Nakadama siya ng takot sa maaring nangyari sa binata. Sumampa siya sa bintana ng kuwarto niya at sumipol. Nagdatingan ang mga ibon. “Dalhin ninyo ako sa lawa. Ngayundin!” utos niya. Di na siya nag-aksaya ng panahon na gamitin ang kapangyarihan niya sa paglalaho. Wala siyang pakialam kung may sinuman sa palasyo na makakita sa pag-alis niya ng kuwarto. Ang importante ay si Lerome.
“Ihulog ninyo ako,” utos niya sa mga ibon nang tumapat sa lawa. Binitiwan siya ng tuka ng mga ito at lumangoy agad siya papunta sa pagitan ng mga mundo. Lahat ng pygmea ay nagkakagulo habang nakatingin doon. “Anong nangyari?”
“Prinsesa Parisse, si Lerome po ay nasa panganib.”
Hangos siyang sumilip sa nakasarang lagusan. Kitang kita niya kung paanong nahihirapan si Lerome sa paglangoy. Mukhang nagka-problema ang aparatong gamit nito sa pagsisid. At sa nakikita niya ay nanganganib ito. Maari itong mamatay.
“Kailangan ko siyang sagipin!” Ipinikit niya ang mga mata. Ibinuka niya ang palad at idinikit sa animo’y makapal na salamin na lagusan. Bahagya pa siyang nanghihina dahil di pa lubusang bumabalik ang kapangyarihan niya. Subalit inipon niya ang lahat ng lakas niya. Hanggang naramdaman niya na unti-unting lumambot ang kanina’y parang pader na lagusan.
Mabilis siyang pumasok at iwinasiwas ang kamay para muli iyong magsara. Nang muli niyang tingnan si Lerome ay tanggal na ang mouthpiece ng breathing apparatus nito. Wala na rin itong malay at unti-unting bumabagsak sa tubig.
“Lerome!” aniya at mabilis itong sinalo. Saka siya lumangoy paitaas.
“Mahal na prinsesa, patay na yata siya,” wika ni Tico na nakaantabay na lumalangoy sa tabi niya.
“Huwag ninyong sabihin iyan. Mabubuhay pa siya. Di ako papayag na mawala siya,” wika niya at lalo pang binilisan ang paglangoy.
Sa tulong ng pag-alalay ng mga dolphins ay nakaahon sila ni Lerome sa tubig at nakasampa sa speedboat. Sa pagwasiwas niya ng kamay ay natanggal ang oxygen tank na nasa likuran nito. Ihiniga niya ito sa sahig ng speedboat at pinakiramdaman ang paghinga. Nangyari na nga yata ang pinangangambahan niya. Wala siyang makapang pulso dito. Wala na ang tibok ng puso nito.
Gumapang ang kilabot sa katawan niya. “Hindi! Hindi ka pwedeng mamatay. Paano pa ako mabubuhay kapag nawala ka?”
At patuloy din niyang sisisihin ang sarili. Kasalanan niya kung bakit nalagay sa panganib ang buhay ng lalaking mahal niya.
Pumikit siya at inilapat ang kamay sa tiyan ni Lerome. Marunong siyang manggaling ng mga hayop pero di pa niya nasusubukan ang kapangyarihan niyang manggamot ng tao. “Walang silbi ang kapangyarihan ko kung di ko kayang sagipin ang nag-iisang lalaking mahal ko.”
Maya maya pa ay umubo si Lerome at inilabas nito ang tubig-dagat na nainom. “Salamat kay Bathala! Buhay na siya!” Niyakap niya ito nang mahigpit. Di niya mapigilang umiyak dahil akala niya ay mawawala na ito sa kanya. “Lerome!”
Idinilat nito ang mata. “Parisse, nandito ka? Kahapon pa kita hinihintay. Akala ko hindi ka na dadating. Ayaw mo na akong makita,” anito sa nanghihinang boses at hinaplos ang mukha niya.
“Hindi totoo iyan. Nandito na ako,” aniya at hinalikan ang labi nito.