Nanginginig ang labi niya nang hagkan ito. Malamig ang labi nito. Subalit unti-unting nag-iinit dahil na rin sa kanyang halik. Gusto niyang ibalik ang buhay nito at ang dating paghinga.
Nang lisanin niya ang labi nito ay nakapikit na ang mga mata nito at mahimbing na natutulog. Sinadya niya itong halikan para tuluyan itong mahimbing. “Magpahinga ka muna, Lerome. Kailangang bumalik ang lakas mo.”
Nanghihina siyang sumandal sa dingding ng speedboat at pinagmasdan ito habang natutulog. Maya maya pa ay narinig niya ang pagtawag sa kanya ng mga kaibigan niyang dolphin. Nakapaligid na ang mga ito sa bangka.
“Prinsesa Parisse, kahapon ka pa niya hinihintay pero hindi ka dumating,” sabi ni Tico. “Gusto sana naming sabihin sa kanya ang dahilan kung bakit hindi ka makakarating pero hindi naman niya kami maiintindihan.”
“Ayos lang. Kasalanan ko naman.” Sa sobrang excitement niya na makasama si Lerome ay nakalimutan niya kung kailan ang paglabas ng bagong buwan. “Sana hindi na lang ako nakipagkasundo sa kanya. Hindi na sana siya napahamak kung di ako nangako sa kanya. Kasalanan ko kung bakit muntik na siyang mamatay.”
“Mag-isa lang siya habang naghihintay sa iyo dito,” wika naman ni Gwanda. “Malungkot na malungkot nga siya nang hindi ka dumating.”
“Sa sobrang lungkot siguro kaya naisipan niyang sumisid mag-isa,” kwento naman ni Gonda. “Iyan tuloy ang nangyari.”
Tiningnan niya ang diving gear nito. Mukhang nagka-problema ito sa pressure adjustment sa tank kaya nagkaproblema ito sa paghinga. Kung hindi siya dumating, malamang ay tuluyan na itong namatay.
Binalikan niya ang nahihimbing na si Lerome at hinaplos ang buhok. “Akala ko ako lang ang matigas ang ulo. Ikaw mismo ang nagsabi sa akin na hindi ako pwedeng sumisid nang walang kasama. Napahamak ka tuloy.” Kinintalan niya ng halik ang labi nito. “Ayoko nang maulit ito.”
“Huwag kang mag-alala, Prinsesa Parisse,” wika ni Tico. “Magaling na siya. Sinagip mo ang buhay niya at pinagaling mo siya.”
Malungkot niyang pinagmasdan ang maamong mukha ni Lerome. “Sa palagay ba ninyo dapat pa akong makipagkita sa kanya?”
“Bakit mo naman nasabi iyan?” tanong ni Gwanda. “Hindi ba kaya nga pinipilit mong magpapalit-palit ng mundo para makita siya? Mahal mo siya at sa palagay namin mahal ka na rin niya. Tapos ngayon ka pa hindi magpapakita sa kanya?”
“Nagsisimula na siyang mahalin ako. At dahil doon, napahamak siya. Magkaiba ang mundo namin. At habang hindi kami nananatili sa iisang mundo lang, ganito nang ganito ang mangyayari. Lagi siyang mapapahamak. Hindi pa rin kami magiging malaya na mahalin ang isa’t isa. Kapag itinuloy ko pa ito, baka sa susunod tuluyan na siyang mawala sa akin.”
“Pero Prinsesa Parisse…”
Naputol ang pagtutol ng mga dolphin nang ngumiti siya. “Salamat sa suporta at tulong ninyo. Dadalhin ko na muna si Lerome sa isla nila.”
Gamit ang kapangyarihan niya ay binuhay niya ang makina ng speedboat at pinatakbo iyon patungo sa direksiyon ng isla. Walang tao sa dalampasigan nang mga oras na iyon. Ihininto niya ang speedboat malapit sa hilera ng mga puno ng niyog. Di iyon kalayuan sa villa kaya maya maya lang ay maari nang matagpuan si Lerome.
Mahabang sandali niyang pinagmasdan ang mukha ni Lerome. Gusto niyang kabisaduhin ang mukha nito. Yumuko siya at kinintalan ito ng halik sa labi.
“Paalam sa ngayon, Lerome. Hindi tayo maaring magkita hangga’t hindi ko napag-iisa ang mundo nating dalawa. Kaya sa ngayon kalimutan mo muna ako.”
“PARISSE!” sigaw ni Lerome at bumalikwas ng bangon. Nagulat siya nang makitang nasa sariling silid na siya sa villa at di sa speedboat niya na napaliligiran ng malawak na karagatan. “Nasaan si Parisse?” tanong niya.
“Salamat at nagising na kayo, Señorito Lerome,” anang si Aling Simang. “Akala namin bukas na kayo gigising. Nag-alala tuloy kami.”
“Nasaan si Parisse, Aling Simang? Nakita ba ninyo siya?” tanong niya.
Natigil sa pagbabasa ng magazine ang kapatid niyang si Jim at tumayo. “Aling Simang, ikuha muna ninyo ng hot soup si Lerome para mahimasmasan.”
Bumaba siya sa kama. “Umalis na siguro si Parisse dahil nandito ka, Kuya. Siguro pinaalis mo na naman siya.”
Itinulak siya nito pabalik sa kama. “Are you crazy? Sino bang Parisse ang hinahanap mo?” iritadong tanong nito.
“Señorito Jim, siya po ang babaeng galing sa kabilang resort na humingi ng tulong sa atin nang masiraan siya ng bangka. Naging malapit po sila ni Sir Lerome. Kaya po siguro hinahanap niya ngayon,” paliwanag ni Mang Tobias.
“Nakita ko siya, Mang Tobias. Sinagip niya ako kaninang nagka-problema ang pressure sa oxygen tank ko. Iniligtas niya ako kaya buhay pa rin ako. Nandito lang siya dahil kasama ko siya kanina,” giit niya.